The First Exercise

2723 Words
Hindi pa pumuputok ang araw ay nakamulat na ang mga mata ni Teman. Gumising siya ng maaga dahil ito ang araw na pinakahihintay niya, ang pagkikita nila ni Amar at ito na rin siguro ang unang araw ng kaniyang ensayo. Bakas man ang pananabik sa kaniyang mukha ay hindi niya pa rin maiwasang isipin ang mga natuklasan niya kagabi. Ang tungkol sa Diyos na may pakpak at bukod dito, naalala niya rin ang naramdaman niya kagabi. Ang pagkaluskos ng mga puno na animo’y may isang nilalang na nagkukubli. Pero gano’n pa man ay mas nangibabaw sa kaniyang puso ang pananabik na makita ang kaniyang bagong kaibigan. Matapos maligo at makapag bihis ng itim na roundneck t-shirt at asul na ripped jeans ay dali-dali itong lumabas ng kaniyang kuwarto at sa sala, naabutan niya ang kaniyang inang si Susie na nagwawalis sa sahig. Sa tabi ng kanilang pintuan ay mayroong maliit na upuang gawa sa kahoy, lumapit siya rito at saka umupo. Kinuha niya ang kaniyang sapatos na Converse na nasa sahig. Habang sinusuot niya ang kaniyang sapatos ay hindi umaalis ang tingin sa kaniya ni Susie mula sa paglabas nito sa kuwarto hanggang ito ay makaupo. “Saan ka na naman pupuntang bata ka?” pasungit na tanong ni Susie habang tuloy pa rin sa pagwawalis. Napaangat ng ulo si Teman at nakitang salubong ang mga kilay ng kaniyang ina. “May pupuntahan lang ako ma, uuwi rin ako kaagad” sagot ni Teman habang sinusuot ang kaniyang sapatos. “Hindi ka man lang ba muna magpapahinga rito sa bahay?” sa pagkakataong ito ay naka-pamewang na si Susie habang hawak ang walis sa kaliwang kamay. Hindi kaagad sumagot si Teman. Inayos niya muna ang sintas ng kaniyang sapatos at pagkatapos ay tumayo at nilapitan ang kaniyang ina na halos ‘sing tangkad niya lamang. Dinampi niya ang kaniyang mga palad sa magkabilang pisngi ni Susie at sinabing, “ma, ayos lang po ako. Matanda na ‘ko ma, kaya ‘wag ka na masiyadong mag-iisip ng kung ano-ano” “Natural lang mag isip ako ‘no! Nany mo ‘ko eh” nag aalalang sabi ni Susie” “Huwag po kayong mag-alala, pag balik ko rito para na akong si Jackie Chan” nangingiting tinanggal ni Teman ang kaniyang mga kamay sa mga pisngi ng kaniyang ina, “alis na muna ako ma. Ingat kayo rito” at tuluyan na ngang tumalikod si Teman sa kaniyang ina at saka nagmamadaling naglakad papalabas ng bahay. Sa sala ay naiwang mag-isa ang nag-aalalang si Susie habang nakatingin sa anak na papalabas sa pintuan. “Gabayan ka nawa ni Bathala” sambit niya sa kaniyang isip. Nag-aalala siya para sa kaniyang anak dahil bukod sa mga krimen na nababalitaan niya ay mas labis niyang kinatatakot ang magkita sila ni Amar. Natatakot siyang mawalay sa kaniya si Teman at natatakot siyang malaman nito ang tunay niyang pagkatao na ilang taon niyang inilihim sa binata. Sa bakuran ng lumang bahay na pinuntanan noon nila Teman at Bart ay matiyagang nakatayo at naghihintay si Teman sa pagdating ni Amar. Nakaramdam siya ng kaunting takot at kaba dahil baka may biglang sumulpot na namang nilalang sa bakurang iyon. Marahan niyang inililibot ang kaniyang paningin sa paligid. Walang katao-tao, hindi mo makikita ang lupa dahil sa kapal ng mga tuyong dahon. Mas marami ito kumpara noong una siyang makapunta rito. Ang lumang bahay din ay walang pinagbago, walang bakas ng tao o ng ano mang nilalang ang pumasok dito. Hindi niya na ito tinangkang pasukin dahil sa takot na mangyaring muli ang nangyari sa kanila noon ni Bart. Ang mga punong naka paligid sa lumang bahay ay mas lalo ring sumukal kumpara noon. Sa puwesto niyang iyon ay maririnig ang mga huni ng ibon na tila umaawit at ang mahinang tunog ng mga sasakyang dumaraan sa ‘di kalayuan. Makalipas ang ilang oras na paghihintay ay hindi pa rin dumarating si Amar. Walang anino, o malaking balahibo ng pakpak ni Amar ang makikita sa buong bakuran ng lumang bahay. Si Teman ay naka upo na sa sahig sa gitna ng bakuran. Nilingon niya ang kaniyang suot na relo na regalo sa kaniya ng kaniyang tita Alice, at nakitang limang oras na ang nakalilipas simula nang siya ay dumating. Pagkainis at dismaya ang kaniyang nararamdaman ngayon. “Sinungaling pala ‘yong mokong na ‘yon” mahinang sambit niya sa kaniyang sarili habang nakatikom ang mga kamao. Naisip niyang sa limang oras na kaniyang paghihintay ay tumigil na lamang sana siya sa kanilang bahay at tumulong sa mga gawain. Pero nandito siya, naghihintay sa walang kasiguraduhang tao kung darating ba o hindi. Sana ay pumunta na lamang siya sa bahay nila Bart o di kaya’y ayaing gumala si Sandy at Bart. Sa sobrang inis at inip ay nag langotngutan ang mga tuyong dahon dahil sa padabog niyang pagtayo. Nag umpisa siyang maglakad papalabas ng bakuran at sa kaniyang pagtalikod sa lumang bahay ay naramdaman niyang nagliparan ang mga tuyong dahon sa kaniyang likuran at nakarinig siya ng isang malakas na pagaspas ng hangin. Nilingon niya ito kaagad at nakita ang isang nilalang na nakatayo sa mismong pinag puwestuhan niya bago siya tumayo. Nakasuot ito ng puting damit na walang manggas at puting pantalon na gawa sa makintab at malambot na tela. Abot langit ang saya ni Teman ng makita kung sino ang nilalang na nakatayo sa kaniyang harapan. “Amar!” sigaw niya rito sabay lumakad papalapit sa kaniya. “Kamusta ka na Teman?” nakangiting tanong ni Amar nang sila ay magharap. “Ba’t ang tagal mo?” “Pasensiya ka na, mayro’n lang akong inayos sa unang daigdig” “Anong unang daigdig?” “Malalaman mo ang lahat sa oras na mahusay ka na sa pakikipaglaban” “Puwes, umpisahan na natin ngayon. Kanina pa ‘ko naghihintay dito, ‘kala ko ‘di ka na dadating” Tumalikod si Amar sa kay Teman at humakbang ng tatlong beses papalayo. “Mag uumpisa tayo sa pakikipaglaban gamit ang ating mga kamao” sabi niya habang nakalagay ang dalawang kamay sa kaniyang likuran. “Nasa’n ang pakpak mo?” nagtatakang tanong ni Teman nang makitang walang bakas ng pakpak ang likod nito. Kahit sa damit ay walang bahid o butas. “Hindi na importante ‘yan, ang mahalaga ay makapag sanay ka” “Bakit ba kailangan ko pang mag sanay? Ba’t ‘di mo nalang sabihin ang tungkol sa’kin? Tsaka sabihin mo sa’kin kung ba’t kilala mo ang nanay ko” “Hindi pa ngayon ang oras. Ngayon… subukan mo akong suntukin” mahinang sabi ni Amar habang nananatiling nakatalikod kay Teman. “Sigurado ka ba?” nag-aalalang tanong naman nito ngunit wala siyang narinig na sagot. Inatras niya ang kaniyang kanang paa at tinikom ang mga kamao, muling naglangotngutan ang mga tuyong dahon sa kaniyang paanan habang dahan-dahang tinitiklop ang mga tuhod at pumorma na parang isang boksingero. Mabilis siyang tumakbo sa kinaroroonan ni Amar habang ang kaniyang kanang kamao ay nakaangat pantay ng kaniyang balikat. Alam niya na isang malakas na suntok ang pinakawalan niya na dapat ay tatama sa batok ni Amar ngunit mabilis itong nakailag at sa isang iglap ay naramdaman niyang nasa likod niya na ito hawak ang kaniyang kaliwang kamay at batok. “Unang-una sa lahat, dapat mabilis ka” mahinang bulong ni Amar. Nagpumiglas si Teman at mabilis na nakawala at muling pinakawalan ang isa pang malakas na suntok mula sa kaniyang kanang kamao ngunit agad naman itong nasalag ni Amar gamit ang kanang kamay. “Pangalawa dapat malakas ka” sabi nito. Hinila niya ang kamay ni Teman kaya napaabante ito at napatakbo ngunit iniwasan ito ni Amar at hinarang ang isang paa sa daraanan ni Teman, dahilan para matumba ito sa malambot na mga tuyong dahon na kumukumot sa lupa. “Pangatlo dapat mas matalino ka kaysa sa kalaban mo” muling sabi nito habang nakangiti at nakatingin kay Teman na halatang naiinis na dahil sa pag salubong ng kaniyang mga kilay. Galit na tumayo si Teman at muling tinikom ang mga kamao at pumorma na parang boksingero. Isang malakas na sigaw habang papasugod ang umalingawngaw sa paligid mula kay Teman na siyang nagpaalis sa mga ibong nakadapo sa mga puno. Paulit-ulit na binabato ni Teman ng suntok si Amar ngunit paulit-ulit din itong nasasalag. Kaliwa’t kanang bitaw ng suntok at kaliwa’t kanan ding salag. Ang likidong lumalabas sa katawan ni Teman ay sumasabay din sa pag talsik sa bawat pag unday niya ng suntok. Ang langutngot ng mga tuyong dahon ay mas umingay sa bawat pag bagsak ng kanilang mga paa sa lupa. Walang ibang nasa isip ni Teman kun’di ang mapabagsak si Amar, ngunit mukhang napaka imposible nito dahil sa bilis, lakas at husay ng taong kaniyang kaduwelo. Wala kang makikitang bakas ng likido sa mukha at katawan nito kumpara kay Teman na halos maligo na sa sariling pawis. Makalipas ang ilang oras na halos walang tigil na pagsuntok ay aksidenteng tinamaan ni Teman ang maamong mukha ni Amar. Pagkatapos nito ay natigilan at nagkatinginan ang dalawa at si Teman ay biglang napasalamlak sa lupa dahil sa pagod. Inangat niya ang kaniyang ulo at tumingin kay Amar. “Tinamaan kita” nakangiti, ngunit habol hiningang sabi niya. “Magaling” mahinang sabi ni Amar habang nakangiti. Napalingon siya sa itaas ng puno nang may mapansing kaluskos, “dahil diyan, magpahinga ka na muna. Tapos na ang una mong ensayo” dagdag niya habang nakaangat ang ulo at nakatingin sa puno. “Teka!” napabalikwas si Teman at mabilis na tumayo, “gano’n lang ‘yon? Tapos na kaagad? Hindi pa ‘ko natututo” “Nagawa mo akong matamaan kaya palagay ko ay may natutunan ka. Huwag ka mag-alala, hindi pa ito ang huli. May kailangan din akong asikasuhin sa unang daigdig” Hindi na nakapag salita si Teman at sumunod na lamang sa sinabi ni Amar. Mag uumpisa na sana siyang maglakad nang maramdaman niya ang kamay ni Amar sa kaniyang balikat. “Sandali” pigil nito na agad nilingon ni Teman. “Ihahatid na kita” “Pa’no? May sasakyan ka?” “Sa tingin mo ba kailangan ko pa ng sasakyan? Halika…” hinila ni Amar si Teman at pinatalikod sa kaniyang harapan at saka hinawakan ang kaniyang baywang. Agad na nagpumiglas si Teman nang maramdaman niya ang matitigas na kamay nito na dumampi sa kaniyang baywang. “Teka teka teka! Ano ‘to?” ani Teman. At sa isang iglap ay lumitaw ang nagliliwanag at naglalakihang mga pakpak ni Amar sa kaniyang likuran na nag sanhi ng isang malakas na hangin. Ang mga tuyong dahon sa lupa ay nag mistulang mga papel na lumilipad sa paligid dahil sa lakas ng hangin at doon ay pinagaspas ni Amar ang kaniyang mga pakpak na siyang nagpalutang sa kanila sa ere kaya napasigaw ng malakas si Teman. “Mama kooo!” aniya. Takot ang naramdaman ni Teman dahil sa totoo lang, ay hindi niya alam kung ano ang iniisip ng taong may hawak sa kaniya lalo na nang maramdaman niyang lumalakas na ang dampi ng hangin sa kaniyang mukha dahilan para siya ay mapapikit. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya, hindi siya puwedeng mag pumiglas dahil alam niyang mahuhulog siya. Unti-unti na ring lumalamig ang hangin na humahampas sa buo niyang katawan kaya nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay laking gulat niya ng makita kung ano ang nasa ibaba nila. Ang mga tao ay nag mistulang mga langgam kung titingnan, ang mga bahay ay animo’y mga laruang pang bata, ang kanilang paaralan ay natanaw niya mula sa itaas. Halos buong bayan ay natatanaw niya. Ang simbahan, ospital, munisipyo, istasyon ng pulis, ang dagat at ang mga bundok na kasing ganda ng isang diwata. Wala siyang ibang naramdaman kung ‘di ang mamangha sa ganda ng tanawin. Pakiramdam niya’y siya mismo ang lumilipad kasama ng mga malayang ibon na sumasabay sa kanila. Labis-labis ang tuwa sa kaniyang puso. Gusto niyang maiyak dahil sa sobrang ganda ng mga tanawin. Ilang saglit pa ay natanaw niya na isang bakanteng lupa malapit sa kanilang bahay at dito, siya ay ibinaba ni Amar ng dahan-dahan. Nang makalapag na ay agad na nagpasalamat si Teman, “maraming salamat! Ngayon ko lang naranasan lumipad. Next time, hatid mo ulit ako ah” sabi nito. “Walang problema. Pero sa ngayon, kailangan ko na munang umalis. Mauna na ako sayo” sagot naman ni Amar. Hindi na nagtagal sa bakanteng lote si Amar at tuluyan na ngang nagpaalam kay Teman. Sa tatlong pagaspas ng kaniyang malalaking pakpak ay nakalipad na siya kaagad. Nagmamadali siyang lumipad at agad na nakaalis sa lugar, ngunit hindi patungo sa unang daigdig. Bumalik siya sa bakuran ng lumang bahay kung sa’n niya sinanay si Teman. Paglapag niya ay masusi niyang nilibot ng tingin ang paligid. Bawat sulok ng lugar ay mainam niyang tinitingnan. Ang mga puno, bintana ng bahay, ang pintuan ngunit, isang puno ang nagpabilis ng t***k ng kaniyang puso. Nakita niya ang isang anino na nagkukubli sa isang malaking puno na halos nasa pinaka gilid ng bakuran at nang makita niya ito ay agad niyang binaling ang kaniyang tingin sa ibang direksyon. Mula sa kaniyang kamay ay lumabas ang isang makinang na punyal na gawa sa pilak at buong lakas na ibinato sa direksyon ng anino kaya agad na napabalikwas ang isang halimaw sa pagkakatago. Tama ang kaniyang hinala, nag uumpisa ng kumilos ang kasamaan. Lumabas sa kaniyang likuran ang kaniyang mga pakpak at ang mga tuyong dahon ay nag umpisang magsi-wasiwas nang siya ay lumipad patungo sa direksyon ng anino ngunit huli na ang lahat dahil mabilis din itong nakatakas. Sa mga oras na ‘yon ay walang ibang inisip si Amar kung ‘di si Teman na siyang pupuksa sa kasamaan. Samantala, sa ilalim ng kalupaan ng unang daigig nakaupo si Sitan sa kaniyang trono na gawa sa bato suot ang kaniyang kumikinang na korona at makintab na sedang pula na abot hanggang sa kaniyang talampakan. Kumukutitap ang mga palamuti sa kaniyang kasuotan sa tuwing nasisinagan ng liwanag ng sulo sa kaniyang silid trono. Habang taimtim na nakaupo ay pumasok ang isa niyang kawal at nanikluhod sa kaniyang harapan. “Panginoon, mayro’n pong balita galing kay Yal” magalang na sabi nito habang nakaluhod at nakayuko sa kaniyang panginoon. “Nasaan siya?” malaki at malalim na tinig ni Sitan. Mula sa entrada ng kaniyang silid trono ay lumabas si Yal, ang halimaw na nakita ni Amar sa lumang bahay. Sinamahan siya ng dalawa pang kawal ni Sitan na makarating sa harapan nito hawak ang mahahaba at matutulis na sibat at sabay-sabay na nanikluhod. “Panginoon” sabi ni Yal, “mayro’n po akong balita sa inyo” “Tumayo ka” utos ni Sitan na agad sinunod ng halimaw na si Yal. “Si Amar panginoon, sinunod ko ang inyong utos na manmanan ang galang kaluluwa” halatang naging interesado si Sitan ng marinig ang pangalan ni Amar dahil bahagyang tumaas ang mga kilay nito at umayos ng upo. “Nakita ko siyang nag eensayo kasama ang isang mortal sa ikalawang daigdig panginoon” “At sino ang mortal na ito?” “Teman ang narinig kong pangalan niya panginoon. Ngunit may kakaiba sa kaniya” “Anong ibig mong sabihin?” “Nararamdaman ko sa kaniya na hindi siya basta isang mortal. Para siyang isang mortal na may halong dugong bughaw panginoon” nagulantang si Yal nang biglang napatayo si Sitan at nanlisik ang mga mata sa kaniya. “Yal, ano pa ang nakita’t narinig mo?” “Wala na po panginoon ko, ‘yon lamang po ang aking nasaksihan. Pero ‘wag po kayong mag-alala, dahil hindi po ako titigil sa pagmanman sa kanila” “Magaling Yal, ipagpatuloy mo lang ‘yan” Yumukong muli si Yal bago umalis sa harapan ni Sitan kasama ang tatlong kawal. Hindi alam ni Sitan ang mararamdaman niya, matatakot ba siya o ipagsa-sawalang bahala niya lamang ang balitang ito? Nanumbalik sa kaniyang isipan ang mga sinabi ng itim na babaylan na isang bolo ang tatapos sa kaniyang buhay. Kailangan niya na mag handa, kailangan mapabilis na ang pagsalakay ng Bakunawa sa lalong madaling panahon dahil kumikilos na ang mga kampon ni Bathala. Kailangan sa pagkakataong ito ay magtagumpay sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD