The Blood

3205 Words
Ilang araw na ang lumipas at naging kaibigan na rin ni Bart at Teman si Sandy. Palagi silang nagsasabay-sabay kumain ng meryenda, palagi rin silang magkaka-kwentuhan sa tuwing wala silang klase, minsan din silang namasyal ng magkakasama. Naging maganda ang pagkakaibigan nila matapos ang engkwentro ni Teman at matapos ang pag sagip sa kanila ng lalaking may pakpak. Matapos ang insidenteng ‘yon ay hindi pa rin matandaan ni Bart kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa. Ang tanging natatandaan niya lamang ay ang lalaking nakita nila sa labas ng lumang bahay na pinuntahan nila at wala ng iba pa. “Sigurado ka ba ‘tol? Hinatid mo ‘ko pauwi?” nagtatakang tanong ni Bart kay Teman habang sila ay naka upo sa ilalim ng puno ng nara sa loob ng kanilang paaralan. Kasama rin nila si Sandy na abala sa pagbabasa ng libro. “Oo ano ka ba, nagulat nga ako sa’yo bigla ka na lang tumumba” paliwanag naman ni Teman habang kumakain ng sitsirya na nabili niya sa kantina. “Siguro sobrang ninerbyos ka ro’n sa bahay” dagdag nito sabay tumawa ng malakas. Nairita si Sandy sa tawa na ‘yon ni Teman kaya hinampas siya nito ng libro. Napapagitnaan kasi ni Bart at Sandy si Teman. “Ang ingay niyo! Nagbabasa ako rito eh!” Sabat ni Sandy. “Ito kasing si Bart, ang laki-laking tao matatakutin” sabi naman ni Teman habang tuloy pa rin sa pagtawa. “Teka, ano ba ‘yang binabasa mo? Kanina ka pa nakasubsob diyan” “Oo nga. Kaya lumalabo ‘yang mata mo eh” saad ni Bart. “Tungkol ‘to sa Philippine Mythology. Bigay sa’kin ng kuya ko” sagot ni Sandy sabay inangat ang libro. Hindi maiwasang isipin ni Teman si Amar nang marinig niya ang sagot na ‘yon ni Sandy. Naglalaro pa rin kasi sa ala-ala niya ang nagliliwanag na pakpak nito. Dalawang araw na lamang ay magkikita na silang muli, kagaya ng sinabi ni Amar no’ng araw na inatake sila ng halimaw. Nananabik siyang makita ito, ngunit mas nananabik siyang malaman ang tunay niyang pagkatao at kung paano niya nakilala ang kaniyang inang si Susie. “Naniniwala ka ba sa mga ganiyan?” seryosong tanong ni Teman kay Sandy. “Uhm. . . .oo. Sabi kasi ng kuya ko, totoo raw na may mga nabubuhay na Diyos dati na hanggang ngayon daw ay nabubuhay pa rin. Hindi lang natin sila nakikita kasi parang nasa mundo raw sila ng mga spirits.” Halata sa mukha ni Teman ang pagkamangha habang nakikinig sa kwento ni Sandy. “Suuus! ‘Wag kayong magpapaniwala riyan. Alamat lang ‘yan para sa mga bata” pagtutol naman ni Bart, sabay bukas ng sitsirya at parang baso ng tubig na nilagay ang laman ng sitsirya sa sa kaniyang bunganga habang nakaangat ang ulo. “Kaya ka palaging zero sa history eh.” Asar ni Sandy kay Bart. “Aba loko ‘to ah” tatayo sana si Bart ngunit hinawakan siya ni Teman sa magkabilang balikat para pigilan. Simula kasi nang maging kaibigan nila si Sandy ay palaging parang aso’t pusa ang dalawa. Palagi silang nagtatalo sa mga bagay-bagay. Kapag may mga suhestyon si Bart sa kanilang usapan ay palagi itong binabara ni Sandy. Gano’n din si Bart sa kaniya. Minsan na ring napikon si Sandy kay Bart dahil sa pagtatalo tungkol sa kung ano ang bibilihin nilang meryenda. Umiyak si Sandy at halos isang linggo ring hindi nagpakita sa dalawa dahil sa sobrang pikon kay Bart. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay si Teman at Bart na mismo ang kusang lumapit kay Sandy para humingi ng pasensya. Tumunog ang bell ng kanilang paaralan kaya sabay-sabay silang tumayo at nag tungo sa kani-kanilang mga klase. Si Bart at Teman ay sabay na naglakad habang si Sandy naman ay sa ibang direksyon pumunta dahil nasa ibang seksyon ito. Natapos ang klase sa loob ng ilang oras at si Sandy, Teman at Bart ay muling nagsama-sama sa ilalim ng puno ng nara. Dito sila madalas magkita kapag may pasok. Si Bart ay nakahawak sa kaniyang tiyan dahil sa gutom, si Teman naman ay panay ang hikab dahil naman sa antok. “Nakarating na ba kayo sa bahay?” tanong ni Sandy sa dalawa. “Siyempre hindi pa,” sabat naman agad ni Bart. Muling nanlisik ang mga singkit na mata ni Sandy kay Bart at akmang hahampasin na naman ito ng dala niyang bag kaya pinigilan agad siya ni Teman. “Oh oh! ‘yan na naman kayo” sabi ni Teman habang nakaharang ang kamay kay Sandy. “Napaka highblood talaga nito!” bulalas ni Bart. “Sinong hindi maha-highblood sa’yo! Siraulo ka!” pasigaw na sagot ni Sandy. “Yayayain ko lang namam kayo kumain sa’min eh,” Nabuhayan ng dugo si Bart sa narinig niya na parang isang napaka gandang musika ang lumabas sa bibig ni Sandy. Napangisi ito kaya napangisi rin si Teman sa kaniya. “Mukhang pagkain talaga ‘to!” saad ni Teman. Nagmamadaling umalis ang tatlo patungo sa parking area kung saan naroon ang motorsiklo ni Bart. Sumakay ang tatlo, si Teman ang nasa gitna habang si Sandy naman ay nasa hulihan at nakatagilid na upo dahil ito ay naka unipormeng palda. Habang nagmamaneho si Bart ay hindi maiwasan ng dalawa na asarin ito sa pamamagitan ng pangingiliti kay Bart. Halos walang tigil silang nagtatawanan at makalipas ang tatlumpung minuto ay nakarating na sila sa mansyon nila Sandy, ang mansyon ng mga Montenegro na kilala sa kanilang bayan na pinaka mayamang negosyante. Modernong disenyo, may kulay puting pintura ang labas at may malawak na bakuran. Ang kanilang bakod naman ay gawa sa bakal na may pinturang itim. Bawat sulok ng mansyon ay mayroong poste ng ilaw. Ang lahat ng mga binatana ay pawang gawa sa bubog na kapag nasa labas ka ay puwede kang manalamin. Punong-puno rin ng halaman at iba’t-ibang mga bulaklak ang paligid ng kanilang bakuran. Sa pinakataas naman ng mansyon ay matatanaw ang isang basketball ring na paboritong libangan ng kuyang pulis ni Sandy kapag wala itong trabaho. Nang makarating ang tatlo sa harap ng gate nila Sandy ay hindi maiwasan ni Teman at Bart ang matulala dahil sa kagandahan ng mansyon na nasa kanilang harapan. “Teka, niloloko mo ba kami?” nagtatakang tanong ni Bart kay Sandy. “Sa mga Montenegro ‘to eh. Dito ba nagtatrabaho nanay mo?” dagdag nito sabay tingin sa kaniyang likuran kung saan nakaupo si Sandy. “Siraulo! Bahay namin ‘to” bumaba si Sandy sa motor at lumapit sa kanilang gate. “Tara na!” “Dito ka nakatira?” hindi makapaniwalang tanong ni Teman. “Anak ka ni Don Silvio?” “Bakit? May problema ba tayo?” nakapamewang na sagot ni Sandy na may pagtaas pa ng kilay. “Seryoso ka? Bakit ‘di mo sinasabi sa’min?” ani Teman. “Nagtanong ba kayo? Tara na kasi” Kahit nag aalangan ay bumaba ang dalawa sa motorsiklo at sumunod kay Sandy. Pag pasok nila ng gate, naroon ang dalawang katulong na abala sa pagdidilig ng halaman na agad bumati kay Sandy. Hindi maiwasang mamangha ng dalawa. Hindi nila akalain na isa palang Montenegro ang kanilang kaibigan. Sabagay, tama si Sandy, ni minsan ay hindi nila ito tinanong kung ano’ng apelyido nito. Basta masaya silang magkakaibigan. Nang makapasok sila sa loob ay lalong napanganga ang dalawa sa laki ng bahay. Unang-una nilang nakita ang isang malaking litrato na halos kasing taas ni Sandy na nakasabit sa gilid ng pintuan ng mansyon. Ang larawang ito ay larawan ni Don Silvio na ama ni Sandy, ang pinaka mayamang negosyante sa bayan ng San Isidro. Sa pinaka gitna ng mansyon ay makikita ang malaking hagdan patungo sa pangalawang palapag. Gawa ito sa kahoy ngunit nangingintab ito dahil sa barnis. Makikita ang mga mamahaling muwebles ang makikita sa paligid ng mansyon, kagaya ng mga malalaking paso at malalaking banga. Ngunit ang higit na umagaw sa atensyon ni Teman ay ang nakasabit na bolo sa itaas ng malaking larawan ni Don Silvio. Halatang luma na ito base sa hawakan at lagayan ng bolo na nangingitim na at may kaunting bakas pa ng dugo. “Sandy, kanino ‘yong espada na ‘yon?” hindi naiwasang itanong ni Teman habang nakatingala sa bolo. “Tongkes! ‘di yan espada. Bolo ‘yan. Sabi ni Daddy, minana niya pa raw ‘yan sa lolo niya.” Sagot naman agad ni Sandy. Tumango lamang si Teman at hindi na muli pang nagtanong at sumunod na lamang kay Sandy. Nang makarating sila sa kusina ay nadatnan nilang kumakain ang kuya ni Sandy na si Aaron, siya ang pulis na nag ligtas kay Teman. Naka puting t-shirt na naka tucked-in sa kaniyang asul na pantalon. Matinpuno ang pangangatawan nito. Maputi, pangahan at may parisukat na hugis ng mukha at may mga matang tila inaantok. “Oh, nariyan ka na pala. Kain na” yaya nito habang sumusubo ng kanin na may ulam na menudo. “Nga pala kuya, ito nga pala si Bart at Teman, mga kaibigan ko sa school” saad ni Sandy habang nakaturo sa dalawa. “Si Teman ‘yong niligtas mo no’ng nakaraan” “Oo natatandaan ko ‘yang batang ‘yan” tugon ni Aaron. “Gusto kong magpasalamat ulit sa inyo sir, sa pag-ligtas mo sa’min” malumanay na sabi ni Teman. Muling sumubo ng kanin at ulam ang pulis saka nagsalita, “Hayaan mo na ‘yon. Tungkulin namin ‘yon. Halika na, sumabay na kayo sa’kin” yaya nito. Mabilis namang lumapit si Bart sa lamesa at umupo saka sumandok ng kanin at ulam na menudo. Napatigil sa pag nguya si Aaron habang nakatingin sa kay Bart na parang hinahayaang magutom ng kaniyang mga magulang. “Pasensya na po kayo sa kaibigan ko sir. Makapal po talaga mukha niyan” napangisi si Aaron sa sinabing iyon ni Teman saka tinuloy ang pag subo. Sumunod na ring umupo si Teman at Sandy at sabay-sabay silang kumain. Matapos ang masayang kainan ay nagtungo sila sa sala ng mansyon at naupo sa malambot na itim na sofa, na halatang mamahalin dahil sa kakaibang balot nito na parang gawa sa hayop. Doon ay itinuloy nila ang kanilang kuwentuhan. Habang abala sa kuwentuhan sina Aaron, Sandy at Teman ay pahikab-hikab naman si Bart dahil sa sobrang dami niyang nakain at sa sobra niyang pagka busog ay nakaramdama naman ito ngayon ng antok. Ngunit nawala ang antok niyang iyon dahil sa malakas na sigaw ni Don Silvio na animo’y umalingawngaw sa buong bayan. “Sandy!” malaki, garalgal at malakas na boses ang nagpaiktad sa kanilang lahat sa pagkakaupo. Mababakas ang galit sa mukha ni Don Silvio dahil sa nanlilisik nitong mga mata habang nakatayo sa bungad ng pintuan at masamang nakatitig sa kanila. “Bakit kayo nagpapasok ng ibang tao rito sa pamamahay ko!” muling sigaw ni Silvio habang naglalakad papalapit sa kanila. Takot ang naramdaman ni Teman habang tinitingnan ang papalapit na si Silvio. Hindi niya alam kung tatakbo ba siya o mananatili sa kinauupuan. Para bang may isang delubyong paparating patungo sa kaniyang pwesto. Naalala niyang, gano’n din ang pakiramdam niya noong atakihin sila ng isang balimaw sa lumang bahay. Tumayo naman agad si Aaron para pigilan ang ama. “Dad, mga ka-schoolmate sila ni Sandy” sabi nito. “I don’t care! Get out of my house both of you!” Napatulala at hindi kaagad naka-imik si Bart at Teman nang makalapit sa kanilang harapan si Don Silvio. Matanda na ito, ngunit mababakas pa rin ang kakisigan sa edad na singkwenta. Halos siyamnapung porsyento ng kaniyang buhok na makapal ay kulay abo na. Ngunit sa kaniyang mukha, ay wala kang makikitang kulubot na balat. Makikita ang mapa-mapang bakas ng pawis sa asul na polo nito. Napansin din ni Teman na wala itong sapatos o medyas nang napayuko siya dahil sa masamang pagtitig sa kaniya ni Silvio. “Dad!, mga kaibigan ko sila! Ano ba?!” napalingon ang tatlo sa pagmamakawang iyon ni Sandy sa kaniyang ama. Ngunit pinandilatan lamang siya nito. “Go to your room. . . NOW!” parang isang kulog na sigaw ni Don Silvio na hindi inalintana ang mga bisita ng kaniyang anak. Walang nagawa si Sandy kundi ang sumunod sa kaniyang nanggagalaiting ama. May isang butil ng luha mula sa mga mata ni Sandy ang bumagsak sa sahig bago ito umalis. Mabilis na tumakbo si Bart patungo sa pintuan. Bahag ang buntot at napayuko na lamang si Teman dahil sa takot. Mag uumpisa na sana siyang maglakad ng makita niya ang kaliwang paa ni Don Silvio na nababalot ng makapal at mapulang likido. “Uhm. . . .sir, may dugo po ‘ata kayo sa paa” hindi napigilang sabihin ni Teman. Maging si Aaron ay nagtatakang napatingin sa paa ng kaniyang ama. Nang tumama ang tingin ni Teman sa mga mata ni Silvio ay bigla siyang kinilabutan. Nanlilisik ang mga mata nito sa kaniya na parang isang tigre na handang lapain ang kaniyang pagkain sa ano mang oras. Hindi gano’n ang tingin ng normal na tao. Yumuko na lamang ulit si Teman at nag umpisang humakbang papalayo at lumapit sa nangingig na si Bart na panay ang sitsit sa kaniya. Nakauwi ng maayos sina Bart at Teman sa kani-kanilang bahay. Si Teman ay tulala pa rin dahil sa pangyayari kanina. Ngayon lang siya nakakita ng taong tila nag aapoy sa galit nang dahil lamang sa kanilang pag pasok sa mansyon ng mga Montenegro kahit na may pahintulot ni Sandy. Nakaupo si Teman sa lamesa kaharap ang kaniyang inang si Susie at nasa gilid naman si Alice. Napansin ni Susie ang kaniyang anak na parang walang ganang kumain dahil mabagal itong sumubo ng kanin at ng ulam nilang pakbet. Hindi kasi ito normal kay Teman. “Anak! Ayos ka lang ba? Kanina ka pa tulala” bulyaw ni Susie kaya napaiktad si Teman na sinabayan ng tawa ni Alice dahil sa reaksyon nito na parang ginulat ng multo. “Opo ‘nay” tugon ni Teman saka sumubo ng kanin at ulam ngunit napansin ni Susie na parang tinatamad itong ngumuya. “Hindi ba masarap ang ulam? Ang tita Alice mo kasi ang nagluto eh” ani Susie sabay irap sa kapatid na si Alice. “Hoy grabe ka ate! Ang sarap nga ng pagkakaluto ko” pagtatanggol ni Alice sa sarili. “Yung gulay kasi na dala mo, lanta na” “Sinisi mo pa mga gulay ko. Hindi ka lang kamo talaga marunong mag luto” sabi ni Alice sabay abot sa pakbet na nasa lamesa saka bumaling ulit kay Teman. “Siya nga pala anak, nabalitaan mo ba yung nakidnap daw doon sa kanto? Naku anak pala ni mareng Tessa, si Aira. Kaya ikaw, ‘wag kang magtitiwala kung kani-kanino atsaka ‘wag kang lalapit sa mga hindi mo kakilala” Habang ngumunguya ay pinapakinggan ni Teman ang mga sinasabi ni Susie. Hindi niya kilala kung sino ang mga tinutukoy niya. Ang tanging naisip niya ay nahawa na ng pagka tsismosa ang kaniyang ina dahil sa mga kapit-bahay. Naalalang bigla ni Teman si Amar. Nawala sa kaniyang isip ang nangyari kanina at bumalik ang pagkasabik niya sa pagkikita nilang muli ng taong may pakpak. Pagkatapos kumain ng hapunan ay nagpaalam si Teman na lalabas at pupuntang computer shop dahil maaga pa naman. Naka suot siya ng t-shirt na itim at kulay kahoy na short. Magulo ang buhok niya kaya nagsuot siya ng sumbrero. Pagpasok niya sa shop ay halos mapuno na ito sa dami ng mga naglalaro. Meron ding iba nakiki nood sa mga naglalaro. Maaamoy ang usok ng mga sigarilyo na bumabalot sa buong shop kaya nagtakip siya ng ilong. Nakakita siya ng puwesto sa pinaka dulo kung saan may malapit na wallfan. “Kuya, open time ako” sigaw niya sa bantay ng shop. Pagbukas niya ng computer ay nagpunta kaagad ito sa google at nag-search ‘Philippine Mythology’ ito ang unang pumasok sa isip niya dahil naaalala niya ang librong binabasa ni Sandy na tungkol sa mitolohiya ng Pilipinas. Lumipas ang kalahting oras na pag re-research ay may isang artikulo sa internet ang kumuha sa atensyon ni Teman kumpara sa mga una niyang nakita “Galang kaluluwa” binasa niya ng mahina ang nasa artikulo. “A winged God who loves to travel and a friend of Bathala, the God of all the Gods in Philippine Mythology” napaatras ng bahagya si Teman sa kaniyang kinauupuan na lumikha ng ingay dahil sa pag sadsad ng paa ng upuan sa sahig kaya napatingin sa kaniya ang ibang tao sa shop. Isa lang ang pumasok sa isip niya, si Amar, at ang mga sinabi nito na siya ay isang Diyos. Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman. Hindi niya alam kung matutuwa o matatakot ba siya sa kaniyang natuklasan. Hindi siya makapniwalang totoo ang lahat ng nababasa niya. Hindi siya makapaniwalang, totoo ang mga sinabi ni Sandy. “Alam din kaya ‘to ni Sandy?” tanong ni Teman sa kaniyang isip. Sa kaniyang pagbabasa sa internet ay hindi niya na namalayan ang oras. Tumingin siya sa orasan na nakasabit sa pader ng shop at nakitang pasado alas dyis na kaya nagmamadali niyang pinatay ang computer at nag bayad sa bantay ng shop. Habang naglalakad pauwi ay iniisip niya pa rin ang kaniyang mga nabasa. Totoo nga kaya ang lahat ng ito? Totoo nga kayang si Amar ang Galang Kaluluwa na kaibigan daw ‘di umano ni Bathala? Maraming tanong sa isip ni Teman na hindi niya alam kung anong sagot. Ngayon pa lamang ay gusto niya nang makita si Amar at itanong ang lahat ng gumugulo sa kaniyang isipan. Nasasabik siya sa mga isasagot ni Amar sa kaniya kapag tinanong niya ang lahat ng ‘to. Ngunit mas lalo siyang nasasabik sa kaniyang pagsasanay. Malapit na siya sa kanilang bahay ng makarinig siya ng kaluskos sa mga puno. Nilingon niya ito ngunit wala siyang nakita kaya nagpatuloy siya sa paghakbang. Ngunit sa tuwing siya ay hahakbang ay siya rin namang pagkaluskos muli ng mga puno sa kaniyang likuran at kada lilingunin niya ito ay tumitigil ito. Hanggang sa makarating si Teman sa pintuan ng kanilang bahay, inikot niya muna ang paningin niya sa labas ng kanilang bahay ngunit wala talaga siyang ibang nakita kundi ang mga asong naka istambay sa kalsada. Hindi niya na ito pinansin pa at pumasok na sa loob. Samantala, isang nilalang ang nagkukubli sa madilim na sulok sa itaas ng puno. Naninilaw ang mga mata nito na parang buwan. Mayroon itong dalawang sungay na naka paikot at ang buong katawan nito ay kulay abo. Mahaba ang buhok na abot hanggang sa kaniyang puwetan. Ang mga kuko nito ay ‘sing tulis ng mga pangil ng isang lobo at ang kaniyang pangil naman ay kasing tulis ng pangil ng mga paniki. Pinagmamasdan niya ang binatang si Teman sa pintuan ng kanilang bahay habang ito ay papasok. Nilabas niya ang kaniyang matatalim na pangil ng makita ang mukha ni Teman na nasinagan ng liwanag ng puting ilaw sa daan. “Te. . . .man” garalgal at manipis na tinig ng halimaw na nagkukubli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD