The Winged God

3405 Words
Isang umaga sa mataong palengke ng bayan ng San Isidro, maingay at magulo, iba’t-ibang mukha ang makikita, maraming nag uusap at namimili. Maaamoy din ang mga malalansang isda at mga karne. Mainit ang pakiramdam dito dahil sa dami ng taong pumupunta. Kaya kahit anong paypay ang gawin ni Susie ay hindi parin matigil ang pag tagaktak ng kaniyang pawis. Bukod kasi sa init ng araw na tumatagos sa bubong ng palengke ay wala itong electric fan. Nasira ito kamakailan lang dahil na rin sa kalumaan. Pamana pa kasi ito ng kaniyang yumaong ina kasama ang gulayan. Abala sa pag paypay habang nakaupong nag aabang ng mamimili si Susie nang mapansin niya ang isang lalakeng nakatayo at nakatitig sa kaniya, limang metro mula sa kaniyang harapan. Sa una ay hindi niya ito pinansin dahil inakala niyang minu-mukhaan lamang siya nito, ngunit tatlumpung minuto na ang nakalilipas ay nakatitig padin ito sa kaniya. Kaya nag umpisa siyang mailang, at hindi mapakali sa kinauupuan. Kada titingin kasi ito sa lalake ay palagi itong nakatitig sa kaniya. Hindi naman ito mukhang galit, sa katunayan ay parang nakangiti ito sa kaniya, kaya lalong nailang si Susie na sinamahan pa ng kaba nang makita ang nakangiting lalake ng hindi niya alam ang ibig sabihin. Sa gitna ng pag iwas ng tingin ni Susie sa lalake ay may humarang na mamimili sa kaniyang harapan, dahilan para mawala din ang lalake sa kaniyang paningin. Pinag bentahan niya ang mamimili at nang makaalis ito sa kaniyang harapan ay wala na din ang lalake. Inisip niya na tama siya ng hinala, na baka minu-mukhaan lamang siya nito kaya hindi niya nalang ulit ito inisip. Ngunit ilang saglit lang kasabay ng pag kurap ni Susie ay sumulpot sa kaniyang harapan ang kaninang lalake na nakatitig at nakangiti sa kaniya. “Ay kabayo!” gulat na sigaw ni Susie at sandaling napahinto, dahil ngayon ay kitang-kita niya na ng malapitan ang lalake. Kulot at medyo pangahan ito, may bigote at balbas na abot hanggang sa leeg na parang bagong ahit. May makapal na kilay at katamtamang laki ng mga mata. Ang mga labi nito ay ‘sing kapal ng mga daliri. Nakasuot ng puting damit na hapit sa kaniya kaya kitang-kita ang hubog ng katawan nito na animo’y inukit ng pinaka magaling na iskultor sa mundo. “M-may kailangan ba kayo sir?” nauutal na tanong nito habang ang lalake ay nakatingin pa rin sa kaniya ng diretso. “Kamusta ka na Susie?” tanong ng lalake. “Oh? Kilala mo ‘ko?” tugon naman ni Susie na tila napaatras pa ang mukha na parang nag dududa. Masaya namang tumango ang lalake. “Sino ka?” nagtatakang tanong nito. “Ako ito si Amar!” masayang sagot ng lalake na humawak pa sa kaniyang dibdib. Muling natigilan si Susie nang malaman niya ang pagkatao ng lalake. Ang kaninang nagtatakang mukha, ay napalitan ng matamlay at walang ganang ekspresyon. Si Amar ay naging matalik niyang kaibigan bago ito magka anak at matalik din itong kaibigan ng ama ni Teman. Si Amar ay isang taong imortal kaya hindi ito tumatanda. Alam din ni Susie ang pagkataong ito ni Amar kaya hindi ito nabigla nang makitang walang pagbabago sa itsura ng dating kaibigan. Hindi siya nakilala kaagad ni Susie dahil ang huling pagkikita pa nila ay noong gabing bago niya ipanganak si Teman. “Anong kailangan mo?” walang ekspresyong tanong ni Susie. Huminga muna ng malalim si Amar bago ito nag salita, “Gusto ko lang kamustahin ang kaibigan ko” malamunay na sabi nito. “Sana ginawa mo ‘yan ‘nong gabing kailangan ko kayo ng kaibagan mo sa panganganak ko” pigil sigaw na sinabi ni Susie saka padabog na tumalikod at pumunta sa dulo ng kaniyang tindahan at nag kunwaring may inaayos. “’Wag na tayo mag lokohan Amar, alam ko kung ano ang pakay mo at hindi ko ‘yon ibibigay sa’yo o sa inyo” “Alam kong hindi mo kami mapapatawad dahil sa bigla naming pagkawala Susie, pero ang propesiya ay propesiya! Kahit anong gawin mong pag-iwas ay mangyayari pa rin ito” paliwanag ni Amar habang nakatalikod padin sa kaniya si Susie na nagkukunwari pa ring may inaayos. “Wala akong pakialam sa propesiya niyo! Hindi ko ibibigay ang anak ko!” napalakas ang pagka sigaw niya kaya nag tinginan sa kaniya ang ilang mamimili at tinderang malamit sa pwesto niya. “Umalis ka na rito!” mahina niyang sabi matapos mapansing pinagtinginan siya ng mga tao. Natulala si Amar ng marinig iyon mula sa kaibigan. Hindi niya rin ito masisi dahil totoong nagkulang sila, at naiintindihan niya kung bakit naging gano’n ang pakikitungo ni Susie sa kaniya. Pero ang propesiya ay propesiya, mangyayari ang dapat na mangyari. Hindi na lamang umimik pa si Amar at dahan-dahang tinalikuran ang dating kaibigan habang ito ay nagpapanggap pa ring may inaayos. Pero bago ito umalis ay nag iwan ito ng salita, “Hindi natin kayang baguhin ang tadhana ng isang tao Susie, sana alam mo ‘yan” at tuluyan na ngang naglakad papalayo si Amar. Nang makaalis si Amar ay hindi na napigilan ni Susie ang kaniyang mga luha na kanina niya pa pinipigilang bumagsak. Magkahalong galit at saya ang kaniyang nararamdaman. Masaya siya dahil muli niyang nakita ang matalik niyang kaibigan, at galit naman dahil sa biglaan nitong pag alis kasama ang ama ni Teman bago pa man siya mailuwal. Samantala sa di kalayuan sa pwesto ni Susie ay hindi niya namalayan na kanina pa pala nakatingin sa kaniya ang dalagang si Sandy. “Nanay ‘yon ni Teman ah” saad nito. Nagulat kasi ito nang marinig ang sigaw ng nanay ni Teman habang siya ay namimili. Nakita niya rin ang paglabas ng isang lalake mula sa kanilang tindahan. “Siguro tatay ‘yon ni Teman. Pero bakit parang ang bata pa” nasabi na lamang nito sa kaniyang sarili at saka nagpatuloy sa pamimili. Sa tahanan nila Teman, ay nagmamadali itong umalis ng kanilang bahay. Pagka bangon na pagka bangon nito sa higaan ay kumain kaagad ito ng almusal, naligo at nag sipilyo. Sabado kasi ngayon at balak niyang mag pasama at mag patulong kay Bart na hanapin ang misteryosong babae o matanda. Inayos niya muna ang kaniyang buhok sa harap ng salamin bago umalis. Palabas na sana ito ng pintuan ng pigilan siya ng kaniyang tiya Alice. “Teman sandali!” malakas na sigaw nito habang tumatakbo galing kusina kaya agad na napalingon si Teman. “Bakit ho?” tanong ni Teman. “Yung kine-kuwento mong babae na may kulay gintong buhok kamo, yung maganda, galing dito kahapon. May pinapaabot siya sa’yo bilang pasasalamat daw” hingal na sabi ni Alice saka kinuha ang maliit na supot na itim sa ibabaw ng maliit na lamesa. Biglang bumilis ang t***k ng puso ni Teman sa sinabing iyon ng kaniyang tiya. Hindi siya nagkakamali ng pandinig. Magandang babae na may kulay gintong buhok ang narinig niya. “Oh eto, ang ganda ng tela niyan ah” sabi ni Alice sabay abot ng maliit na supot kay Teman na agad naman nitong kinuha. “Osya sige, lumakad ka na kung saan ka pupunta” paalis na sana si Alice nang pigilan siya ni Teman. “Tita!” napalingon naman si Alice “Sigurado ba kayong magandang babae ‘yong nagpunta dito kahapon? May kulay gintong buhok?” nauutal na tanong nito. “Oo ano ka ba, hindi pa naman malabo mata ko ‘noh” kampanteng sagot naman ni Alice. “Sige na, may gagawin pa ‘ko” “Sige tita salamat” saad ni Teman. Bago lumabas ng bahay ay binuksan muna nito ang inabot na supot ng kaniyang tiya at nakita niya ang isang isang porselas na yari sa maliliit na kahoy. Bawat piraso nito ay may nakaukit na alibata. Napangiti siya ng bahagya nang makita ito at agad na sinuot sa kaniyang kanang kamay. Walang mapag lagyan ang kaligayahan ni Teman sa kaniyang puso nang marinig ang sinabi ng kaniyang tiya. Habang naglalakad ay nakangiti ito. Sa kaniyang palagay ay pinagkakaisahan lamang siya ni Sandy at ng ibang estudyante. Pero bakit ang sinabi ng tindero kahapon ay matanda raw ang kasama niya? Medyo naguguluhan padin si Teman pero malakas ang kutob niya na hindi totoo ang mga sinabi ni Sandy. Tila nahuhulog na si Teman sa babaeng may kulay gintong buhok sa kaka isip dito kung taga saan ito at kung ano ang tunay nitong pagkatao. Nakarating si Teman sa tahanan nila Bart ng wala pang isang minuto, at nadatnan niya itong nakaupo sa mahabang upuan habang nagkakape sa terrace ng kanilang bahay. Walang sabi sabing nilapitan ito ni Teman at saka tinabihan. “Oh, anong atin?” tanong ni Bart sabay higop ng kape. “Samahan mo naman ako” pakisuyo ni Teman na parang nagmamakaawang bata. “Hanapin natin yung babae” “Diyos ko Teman, hanggang ngayon hindi ka parin nakakatulog diyan? San naman natin ‘yon hahanapin? Baka mamaya hindi ‘yon taga dito nag pagod lang tayo. Tsaka ‘di ba sabi no’ng tomboy nong isang araw, matanda raw ‘yon. Baka namamaligno ka na” Nagtaka at biglang napakunot ang noo ni Teman kung sinong tomboy ang tinutukoy ni Bart at naalalang bigla si Sandy. Mukha nga pala itong tomboy, pero alam niya sa kaniyang sarili na hindi. “Basta, malakas ang kutob ko na taga rito siya. Atsaka hindi siya matanda, sinungaling yang Sandy na yan. Pumunta pa nga daw siya sa bahay kahapon at nakita ni tita kung gano siya kaganda. Binigyan pa nga ako ng regalo” salaysay ni Teman sabay angat ng kanang kamay at ipinakita ang porselas “Puntahan natin ‘yong eskinita kung saan ko siya nakita, tapos mag tanong tanong tayo kung saang direksyon siya dumaan. Sige na Bart” pagmamakaawa ni Teman. Napa buntong hininga na lamang si Bart saka madaliang nilagok ang kaniyang kape. “Kung hindi lang kita kaibigan sinampal na kita. Sandali lang, mag papalit ako ng damit” Biglang lumiwanag naman ang mukha ni Teman pag tayo ng kaniyang kaibigan. Malakas ang kutob niyang magkikita sila ngayon ng misteryosong babae. Nasasabik na kaagad siyang makausap at matanong ang pangalan nito. Nawala sa isip niya ang mga kwento ni Sandy dahil mas nanaig sa kaniya ang sinabi ng kaniyang tiya, na maganda at hindi matanda ang babaeng tinulungan niya. Maya maya ay lumabas na si Bart ng nakabihis at pinaandar ang kaniyang motorsiklo. Una nilang pinuntahan ang eskinita kung saan sinagip ni Teman ang babae. Doon ikinuwento niya ang buong detalye ng pangyayari at pagkatapos ay nag tanong tanong sila sa mga taong madalas nilang makita na naka istambay malapit doon, kung napansin nila ang babae nung araw na iyon. Lahat ng kanilang pinag tanungan ay pawang matanda ang sinasabi at hindi maganda. Hindi iyon pinaniwalaan ni Teman dahil mas naniniwala siya sa kaniyang tiya Alice. Marami ang hindi alam at hindi nakakita sa babae o matanda, ngunit may ilan namang nag sabi na nakita raw nila itong naglalakad matapos ang insidente. Hanggang sa makarating sila sa isang lumang bahay na tinuro sa kanila ng isang binatilyong nag bibisikleta. Sa bahay daw na iyon nakatia ang tinutukoy nilang babae o matanda dahil nakita daw nito na lumabas mula rito ang babae o matanda. Mapuno ang paligid nito at matataas na din ang mga d**o. Wala itong mga kapit bahay kaya napaka tahimik sa lugar na iyon at tanging mga sumasayaw na puno lamang ang lumilikha ng ingay. Gawa sa purong kahoy ang buong bahay at ang bintana naman ay gawa sa capiz. Malaki ito kumpara sa ordinaryong bahay at mahahalatang luma dahil sa mga nakadikit na lumot sa dingding nito at nagkalat din ang mga tuyong dahon sa lupa. Hindi alam ng dalawa kung aalis ba sila o papasukin nila ang bahay dahil ika nga ni Teman, malakas ang kutob niya na magkikita sila ng babae. “Nakakatakot naman diyan. Tara na kaya?” yaya ni Bart kay Teman habang nakasakay padin sa motorsiklo. “Ikaw ang laki laki mong tao matatakutin ka” saad naman ni Teman saka bumaba sa motorsiklo at naglakad papalapit sa lumang bahay. “Hoy! ‘San ka pupunta? Tara na!” sigaw ni Bart sa kaibigan pero hindi ito pinansin ni Teman at nagpatuloy pa rin sa paglalakad. Walang nagawa si Bart kundi ang sundan si Teman kahit na parang gusto na niya itong iwan. “Tao po” sigaw ni Teman nang makalapit siya sa pintuan. Si Bart naman ay sumunod din kaagad sa kaniya. Ngunti kahit anong sigaw ni Teman ay walang taong sumasagot. Napansin niyang kalahating nakabukas ang pintuan kaya hindi siya nag dalawang isip na buksan ito at tuluyang pumasok sa lumang bahay habang ang kaibigan niyang si Bart ay tuloy pa rin ang pag pigil sa kaniya. Pag pasok nila sa pintuan ay bumungad sa kanila ang sala. Maaamoy ang tila nabubulok na kahoy sa paligid kaya pareho silang nag takip ng ilong. Makikita ang mga lumang mwebles na nabalutan na ng agiw at sapot. May mga nakasabit na lumang litratong naka kwadra sa palibot ng pader at mga upuang tila pinag pyestahan na ng mga anay. May mga gamit na lampara din sa bawat lamesa at kapansin pansin din ang isang malaking salamin na halos mas malaki pa kay Teman ang naka tayo sa pagitan ng salas at kusina. “Tao po!” sigaw ulit ni Teman ngunit wala pa ring taong sumasagot. Sa ilang minuto ng kanilang pag iikot sa lumang bahay ay wala parin silang nakikitang tao. Kaya kahit dismayado si Teman ay napagpasyahan nilang umalis na sa lugar na iyon. Sa kanilang pag labas sa bahay ay may nakita silang isang lalaking nakatayo at nakatingin sa motorsiklo ni Bart. Naka salakot ito at may suot na itim na kamiseta. Nakasuot ng itim na pantalon ngunit wala itong stinelas o sapatos. Sabay na napahinto ang dalawa nang makita ang nakatayong lalake. “Ah. . . Magandang araw ho, dito po ba kayo nakatira?” lakas loob na tanong ni Teman kahit na medyo kinakabahan. Si Bart naman ay nagtago sa kaniyang likuran. “May hinahanap po kasi kami” dagdag ni Teman habang dahan-dahang lumalapit sa lalake. Pero hindi sila nito iniimikan at patuloy pa ring nakatingin ni Bart. Ngunit laking gulat ng dalawa nang humarap ang lalake. Isang kakila-kilabot na mukha ang tumambad sa kanila. May malalaki at mapupulang mga mata at mga pangil na kasing tulis ng kutsilyo. Wala itong ilong ngunit may napakalaking bunganga. Lumitaw din ang mahahaba at matatalim na kuko ng lalaki nang iangat nito ang dalawa niyang kamay, at isa lang ang napagtanto nila, isa itong halimaw. Sa sobrang takot ay napasigaw ang dalawa ng sobrang lakas na akala mo’y maririnig ng buong barangay. Nakahanda ng tumakbo ang dalawa nang biglang nawalan ng malay si Bart at saka bumagsak sa lupa na lalong ikinatakot ni Teman. Pilit na niyang binabangon ang kaibigan kahit na wala itong malay hanggang sa napansin niya na may isang malaking puting balahibo ng ibon ang nakatusok sa leeg nito. Tiningnan niyang muli ang halimaw at nakitang papasugod ito sa kanilang dalawa. Walang nagawa si Teman kundi ang pumikit at mag dasal sa kaniyang isip nang makita ang galit na galit na mukha ng halimaw na papasugod sa kaniya. At sa pag pikit niyang ‘yon ay naramdaman niya na may malakas na hangin ang humampas mula sa itaas niya na parang isang higanteng agila. At sa kaniyang pag dilat, laking gulat niya nang makita ang isang matipunong lalake ang nakatalikod at nakaharang sa kaniya mula sa halimaw. Mayroon itong puti at malalaking pakpak na kagaya ng sa agila. Wala itong saplot pang itaas at tila nagliliwanag ang buong katawan nito. Nakasuot ito ng tradisyunal na bahag na kulay puti rin. Naganap ang isang labanan sa pagitan ng halimaw at ng lalakeng may pakpak ng agila. Walang kahirap hirap na iniwasan ng lalake ang bawat pag atake ng halimaw hanggang sa may lumitaw na bolo sa kanang kamay nito. At sa isang isang hampas lamang ay tinamaan ang halimaw sa balikat at unti-unting naging abo. Kasabay no’n ay ang paglaho rin ng hawak nitong nagliliwanag na bolo sa kaniyang kamay. Si Teman naman ay tulala, at manghang mangha sa nasaksihan habang naka upo at hawak sa ulo ang kaibigan. Naglakad ito palapit sa kaniya at ang mga pakapak nito ay unti-unti ring naglaho. “Ayos lang ba kayo?” tanong ng lalake. “Huwag kang mag-alala sa kaibigan mo, natutulog lang ‘yan” Napalingon si Teman kay Bart at napansin ang malakas nitong pag hilik. “S….sino ka?” nauutal na tanong nito habang nakatingala sa lalake na tuluyan nang nakalapit sa kaniya. “Ako nga pala ang Galang Kaluluwa, Diyos na manlalakbay. Puwede mo rin ako tawaging Amar” nakangiting sabi nito. “Kinagagalak kitang makilala Emmanuel” dagdag nito habang inilalahad ang kamay kay Teman. Hindi maintindihan at magkahalu-halong emosyon ang nararamdaman ngayon ni Teman. Hindi niya alam kung totoo ang nasaksihan niya o isa lamang panaginip. “Panaginip lang ‘to” mahinang sabi niya saka sinampal ng malakas ang sarili. “Hindi ka nananaginip. Totoo ako, at totoo ang nasaksihan mo” natatawang sabi ni Amar. Ilang saglit pa ay tinulungan siyang makatayo ni Amar, habang si Bart naman ay nakahiga at mahimbing parin ang tulog sa mga tuyong dahon. Nakuha pa nitong bumaluktot ng posisyon. “Anong klaseng tao ka?” namamanghang tanong ni Teman dahil hindi pa rin ito makapaniwala sa nangyari. “Hindi ako tao. Isa akong Diyos. Hindi mo ba narinig ang sinabi ko kanina?” sagot ni Amar. “Kailangan ko nang magpaalam sa’yo” dagdag nito saka bahagyang umatras, at muling lumitaw sa kaniyang likod ang nagliliwanag niyang mga pakpak. “Teka sandali!” sigaw ni Teman. “Kung gusto mong makilala ako ng lubusan at malaman ang buong pagkatao mo, huwag mong sasabihin kay Susie ang nangyaring ito. Makipag kita ka sa’kin dito sa lugar na ito, isang buwan mula ngayon at sasabihin ko sa’yo ang lahat” at pinagas-pas na nga nito ang malalaki niyang pakpak at tuluyan nang lumipad at nag laho sa ulap. Walang ibang naramdaman si Teman kundi ang mamangha kay Amar. Noong una ay natakot siya at kinabahan dahil sa halimaw. Dahil sa buong buhay niya ay ngayon pa lamang siya nakakita at nakaranas ng ganito. Ngunit nawala ang takot na iyon nang simulan siyang kausapin ng lalakeng may pakpak ng isang agila. Walang ibang nasa isip ni Teman kundi ang mga sinabi sa kaniya ni Amar, “Kung gusto mong makilala ako ng lubusan at malaman ang buong pagkatao mo, huwag mong sasabihin kay Susie ang nangyaring ito. Makipag kita ka sa’kin dito sa lugar na ito, isang buwan mula ngayon at sasabihin ko sa’yo ang lahat” at hindi niya na namalayang nawala na sa isip niya ang dahilan kung bakit sila nasa lugar na ‘yon. Nakauwi ng ligtas ang dalawang magkaibigan. Si Bart ay hindi na matandaan ang nangyari at ang tanging natatandaan niya lamang ay ang pag pasok nila sa lumang bahay. Epekto ito ng tinusok na balahibo ni Amar sa kaniyang leeg upang walang ibang makaalam at tanging si Teman lamang. Samantalang si Teman naman ay hindi mapalagay sa kaka isip. Hanggang sa kaniyang higaan ay manghang mangha pa rin ito. Hindi niya akalain na totoo ang mga ganoong bagay na sa mga palabas lamang sa telebisyon nakikita. Sa ngayon ay isasantabi na ni Teman ang babaeng may kulay gintong buhok. Hindi dahil sa ayaw niya na itong hanapin at makilala, isasantabi niya ito dahil gusto niyang malaman ang tunay niyang pagkatao at makilala ng lubusan si Amar. Hanggang ngayon kasi ay naglalaro pa rin sa isipan ni Teman ang lahat ng mga sinabi sa kaniya ni Amar. Hindi maiwasang isipin ni Teman kung totoo nga bang alam ni Amar ang tunay niyang pagkatao. Isa rin sa pinagtataka niya ay kung bakit kilala nito ang kaniyang ina, at alam niyang pagbabawalan siya ng kaniyang ina na makipag kita kay Amar kung ikekwento niya ang nangyari, kaya minabuti niyang sundin si Amar na isikreto ito at maghintay ng isang buwan sa muli nilang pagkikita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD