Kinabukasan sa kantina ng kanilang paaralan ay mag kasamang kumakain ng kanilang mga meryenda ang magkaibigang sina Teman at Bart. Habang si Bart ay abala sa pag nguya sa kaniyang kinakaing sandwhich ay napansin niya ang mga estudyanteng nag bubulungan at patingin-tingin kay Teman. Inakala ni Bart na may mga nagkakagusto sa kaniyang kaibigan kaya medyo napangiti ito. Pero nang makita niya ang mga estudyanteng kalalakihan na nagkukumpulan at nagbubulangan ay agad nitong binawi ang kaniyang ngiti. Hindi niya rin napigilang kausapin si Teman tungkol dito.
“Pst, tol! Bakit parang sikat ka ngayon? Ang daming nagtitinginan sa’yo. Pati mga lalaki yata rito nababakla na sa’yo” pabulong na wika ni Bart sa kaibigan sabay subo ulit ng sandwhich.
Nagtaka si Teman sa sinabing iyon ni Bart kaya inikot niya ang kaniyang paningin sa buong paligid ng kantina at nagtaka siya nang makitang, halos lahat ng estudyante na nasa loob ng silid na iyon ay nakatingin sa kaniya habang nagbubulungan. Maging ang mga nagtitinda ay napansin niya rin na abala sa pakikipg tsismisan habang nakatingin sa kaniya na tila ba hindi napapansin ang mga bumibiling estudyante. Napakunot noo lamang si Teman nang makita niya ang lahat na nakatingin sa kaniya. Sa mga oras na iyon ay parang gusto niyang lumubog sa lupa at magpalamon sa kumunoy dahil sa labis na kahihiyan na kaniyang nararamdaman.
“Bakit ganiyan sila tumitig sa’kin?” nagtatakang tanong ni Teman sa kaibigan. “May dumi ba ako sa mukha?”
Nagkibit balikat lamang si Bart “Hindi ko alam. Kaya nga ikaw ang tinatanong ko” sabay sumubong muli sa kinakaing sandwhich kahit na punong puno pa ng pagkain ang kaniyang bibig. Hindi nga rin naman alam ni Bart kung bakit lahat ng estudyante roon ay nag titinginan sa kaniya, dahil sa tagal nilang magkaibigan ay ngayon lang ito nangyari kay Teman. Hindi kasi ito masyadong pansinin sa kanilang paaralan kahit na noong nasa elementarya pa lamang sila.
Sa gita ng kahihiyang nararamdaman ngayon ni Teman ay hindi na nito natiis ang lahat, kaya nagpasya siyang itigil ang kanilang meryenda at padabog na tumayo sa kaniyang kinauupuan. Inikot niyang muli ang kaniyang paningin sa mga taong nakatingin at nakapaligid sa kanila, at ng makita niya ang tatlong lalaking nag kukumpulan habang nakatingin sa kaniya ay hindi ito nag dalawang isip na lapitan ito. Nagmamadali siyang naglakad papalapit sa tatlong lalaki upang komprontahin ito ng walang pag aalinlangan. Sinubukan siyang pigilan ni Bart sa gagawin niya pero huli na ang lahat dahil sa bilis nitong mag lakad. Ang tatlong lalake naman ay tila nataranta ng makita nilang nagmamadaling naglalakad si Teman papalapit sa kanila. Ngunit hindi pa man siya nakakalapit sa tatlo ay napatigil ito sa paglalakad nang biglang humarang sa kaniya ang isang babaeng pamilyar sa kaniya. May kayumangging kulay at may singkit na mga mata, ang buhok nito ay maiksi na parang sa lalake. Sa pagkakataong ‘yon ay nakasuot ito ng salamin na bumagay naman sa kaniyang mukha. Ang tangkad ng babae ay hanggang baba ni Teman kaya medyo napayuko siya nang humarang ito sa kaniya.
“Hep hep! Masama ‘yang gagawin mo” wika ng babae habang nakataas ang dalawang kamay at naka bukang palad.
Nabigla si Teman sa pag harang ng babae kaya hindi ito nakapag salita agad. Sandali niyang tiningnan ang babaeng humarang at pag baling niya ng tingin sa tatlong lalake ay naka alis na ito, maging ang ibang estudyante na kanina’y panay ang tingin sa kaniya ay naka alis na rin.
“Anong masama sinasabi mo?!” pabalang na tanong ni Teman habang naka salubong ang mga kilay. “Kakausapin ko lang sila kung bakit kanina pa nila ako pinag titinginan, hindi ako komportable sa gano’n”
“Grabe naman to ang sungit!” wika ng babae habang naka nguso. “Bakit ako ang ‘di mo tanungin? Eh tinitingnan din naman kita”
Natigilang muli si Teman sa sinabing iyon ng babae at may narinig siyang tila may napahagalpak ng tawa sa kaniyang likuran at sa kaniyang pag lingon ay nakita niya ang kaibigan niyang si Bart na nag pipigil ng tawa kaya pinandilatan niya ito ng tingin at muling humarap sa babae. “Teka sino ka ba? Bakit niyo ako pinag titinginan?” tanong ni Teman.
“Hindi mo na kaagad ako matandaan? Ako to si Cardo! Ang itay mo! Joke joke joke!” biro ng babae na siya namang kinainis ni Teman. “Wag ka naman masyadong highblood. Ako nga pala si Sandy, ako yung naka rinig sa inyo kahapon ‘don sa may eskenita malapit sa palengke. Buti nalang nga kasama ko ang kuya ko, kundi baka may gripo ka na sa katawan” dagdag nito na tila nang aasar.
Naalala kaagad ni Teman ang mga pangyayari kahapon sa eskenita. Siya pala ang kapatid na babae ng pulis na sumagip ng buhay nila. Siya si Sandra Montenegro o mas kilala sa tawag na Sandy. Nasa ikaapat na taon na rin ito sa kolehiyo sa kursong Edukasyon. Pangalawa sa tatlong magkakapatid at may edad na labing siyam na taon. Palagi siyang napag hahalataan ng marami na isang tomboy dahil sa kaniyang pananamit at istilo ng buhok. Hindi lang kasi talaga siya sanay sa mga pang babaeng kasuotan dahil noong maliit pa lamang siya ay sinanay na siya ng kaniyang mga magulang na manamit ng pang lalake. Inakala kasi nilang tomboy ang kanilang anak dahil mahilig ito sa mga laruang pang lalake. Pero ang totoo ay malambot ang puso nito lalo na sa mga hayop.
Ngunit mas nanaig ang alaala ni Teman sa babaeng may kulay gintong buhok. Hanggang ngayon kasi ay hindi parin niya ito makalimutan, ang maganda, at maamong mukha ng misteryosang babae ay patuloy paring tumatahan sa kaniyang isip.
“Ganon ba? Kung ganon maraming salamat sa pag sagip mo sa’min” nahihiyang saad ni Teman at saka humingi ng paumanhin dahil sa ipinakita niyang kasungitan. “Ako nga pala si Teman, siya naman ang kaibigan kong si Bart” sabay turo kay Bart sa likod na abot tenga ang ngiti sa kanilang dalawa habang kumakain. “Hi!” galak na galak na wika ni Bart.
“Siya nga pala, bakit ba ako pinag titinginan ng mga estudyante ngayon? Tanong ni Teman.
“Hindi mo man lang ba ako aayaing umupo?” tanong ni Sandy na may pag taas pa ng kilay.
Hindi agad naka imik si Teman at napalingon itong muli sa kaniyang likuran at nakita nanaman ang kaniyang kaibigan na tumatawa sa kaniya. “Gusto ko na talaga lumubog sa lupa” sa isip-isip niya. Inilahad niya ang kaniyang mga kamay na nakaturo sa kinauupuan ni Bart bilang pag aya, na siya namang nginitian lamang ni Sandy at saka naunang naglakad paalis at umupo sa harapan ni Bart, ng nakangiti. Sinundan naman ito kaagad ni Teman at saka umupo sa tabi ni Bart.
“Happy ka na?” tanong ni Teman na parang nang aasar. “Ngayon mag kwento ka na”
“Ganito kasi ‘yan” saad ni Sandy, sabay ayos ng kaniyang maiksing buhok at saka tumuwid ng upo. “Naging tsismisan kasi sa buong school ngayon yung nangyari sayo kahapon. Kahit ‘yong mga taga faculty alam nila, yung head natin alam din. Bukod kasi samin ni kuya, may iba ring nakakita sa inyo kaso mga siraulo sila. Ni hindi ka man lang tinulungan”
Gulong-gulong nakikinig si Bart sa kwento ni Sandy. Hindi niya kasi alam kung ano ang nangyari sa kaniyang kaibigan at kung ano ang pinag uusapan nila kaya humarap ito sa katabing si Teman. “Teka, ano ba pinag uusapan niyo? Ano ba nangyari sa’yo kahapon?” tanong nito ngunit tiningnan lamang siya ni Teman ng masama.
“Mamaya ko ike-kuwento sa’yo, patapusin mo muna siya” masungit na sagot ni Teman sa kaniyang kaibigan.
“Ang pinag tataka kasi ng lahat, sabi ‘nong nakakita sa inyo kahapon, bakit daw parang gusto mong lapain sa tingin yung matandang sinagip mo, tapos miss pa raw ang tawag mo” patuloy ni Sandy.
Gulat na gulat si Teman sa kwentong iyon ni Sandy. Hindi niya maiwasang pangilabutan sa sinabi nitong matanda ang kaniyang sinagip kahapon. Alam niya sa sarili niya na magandang babae ang niligtas niya. May kulay gintong buhok, may maamong mukha at magagandang mga mata, makinis at maputing kutis ng balat. Kitang-kita ng dalawa niyang mata kung gaano kaganda ang babaeng tinulungan niya kahapon.
“Teka! Anong matanda ang sinasabi mo? Eh magandang babae ‘yon, hindi ‘yon matanda” pabulyaw na nagsalita si Teman kaya pinag tinginan sila ng mga tao sa kantina.
“Shhh, ‘wag kang sisigaw” sabi ni Sandy habang bahagyang inilapit ang sarili sa dalawa. “Anong maganda ka diyan, eh ang tanda tanda na ‘non noh! Pati nga kuya ko nawirdohan sa’yo nong tinawag mo siyang miss, yuck!”
Gusto pa sanang umimik ni Teman ngunit napatingin ito sa kaniyang orasan at napansin na isang minuto na lamang ang natitira sa oras ng kanilang meryenda. Kailangan na nilang bumalik sa kani-kanilang mga silid para sa huling subject kaya kahit napipilitan ay inaya niya na si Bart na umalis sa kantina kahit na gustong gusto niya pang makipag usap. Sinundan naman agad sila ni Sandy.
Habang nasa loob ng silid aralan ay hindi parin maiwasang isipin ni Teman ang kanilang pinag usapan kanina sa kantina. Gulong gulo ito sa mga kwento ni Sandy, totoo nga bang matanda na ang babaeng may kulay gintong buhok? Kung ganoon ay bakit iba ang paningin niya dito. Iyan ang bumabagabag sa kaniyang isipan. Alam niyang malinaw pa ang mga mata niya kaya hindi siya pwedeng mag kamali. Pero bakit siya pinag titinginan ng mga estudyante, kung talagang totoong bata pa ang kaniyang tinulungan kahapon. Gulong gulo ang kaniyang isip kaya hindi niya maiwasang matulala nanaman sa klase. Hindi niya namamlayan na pinag titinginan nanaman siya ng kaniyang mga kaklase, maging ang kanilang guro sa Kasaysayan na si Mr. Bertulfo ay hindi niya namalayang papalapit sa kaniya kaya nagulat ito ng may humarang na lalaki sa harapan niya at ng itaas niya ang kaniyang paningin ay nakita niya ang kaniyang guro na naka tingin sa kaniya. Kumislap pa ang suot nitong salamin nang masinagan ng sikat ng araw galing sa bintana. Pinagtawanan siyang muli ng kaniyang mga kaklase dahil tila nagulat ito at napabalikwas nang makita ang kanilang guro sa kaniyang harapan. Agad din naman itong sinita ng guro dahilan para magsi-tahimik ang lahat.
“Are you daydreaming again Mr. Francisco?” malumanay na tanong ni Mr. Bertulfo sa kaniya. “May bumabagabag ba sa’yo? Parang kanina ka pa balisa eh” dagdag nito.
“N-no sir, pagod lang ho” nauutal na sagot naman ni Teman.
“Kung may probelam ka, wag kang mahiya na mag sabi sa’kin. Baka makatulong ako. Wag lang sa pera ha?” pabirong sabi nito na pangiti-ngiti pa.
“Opo sir, maraming salamat po” napayuko na lamang si Teman matapos niyang sabihin iyon. Hindi siya nahiya o nagalit dahil sa pag tawa sa kaniya ng kaniyang mga kaklase, dahil nananaig padin sa kaniya ang labis na pagtataka tungkol sa mga sinabi ni Sandy sa kaniya kanina. Parang gusto niyang puntahan ang lugar na pinangyarihan ng engkwentro kahapon, gusto niyang mag tanong-tanong at mag saliksik sa mga nakakita sa kanila, gusto niyang hanapin ang babaeng may kulay gintong buhok, at lalong gusto niyang malaman ang totoo nitong pagkatao.
Samantala, sa kanilang tahanan ay abala si Alice sa pagpapakain sa kaniyang ama na si Manuel. Dahan-dahan niya itong sinusubuan ng lugaw na siya mismo ang nag luto habang ang kaniyang ama ay nakaratay sa ‘folding bed’. Habang sinusubuan niya ito ay napansin niyang kanina pa ito nakatingin sa kaniya na para bang naluluha. Hindi naman kasi ganoon ang kaniyang ama sa tuwing pinapakain kaya hindi naiwasan ni Alice ang mag tanong. “Ayos lang ho ba kayo tay?” nanatiling naka titig sa kaniya ang kaniyang ama at napansin niyang dahan-dahan nitong inaangat ang kaniyang kanang kamay habang mahinang umuungol. Nakaramdam ng kaba si Alice habang hinihintay niya kung ano ang gustong sabihin ng kaniyang ama hanggang sa maiangat na nito ng tuluyan ang kaniyang kanang kamay at tumuro sa pinto. At nang maituro nito ang pinto ay lumakas ang kaniyang pag ungol. Lalo namang kinabahan si Alice dahil sa lakas ng pag ungol ng kaniyang ama. Dahan-dahan niyang ibinaba ang hawak niyang mangkok ng lugaw at saka dinampot ang suot niyang tsinelas pang bahay, at unti-unting pinihit ang kaniyang ulo paharap sa pinto at laking gulat niya nang tumambad sa kaniya ang isang babaeng naka tayo at nakangiti sa pintuan nila mismo. Maganda ito, halos kasing tangkad niya lang na limang talampakan at apat na pulgada, may kulay dilaw na buhok na maganda ang pagkaka puyod, naka suot ito ng pulang bestida na parang sa matanda at may dala itong isang maliit na itim na supot. Nang makita niya ang babae ay naalala niya agad ang kwento sa kanila ng kaniyang pamangkin, ganitong ganito ang itsurang inilarawan sa kanila ni Teman.
“Sino ka?! Bakit hindi ka man lang kumatok?” gulat na gulat na tanong ni Alice sa babae habang hawak ang pambahay niyang tsinelas.
“Pasensya na ho” paumanhin ng babae “Kayo po ba ang tiyahin ni Emmanuel?” tanong nito kay Alice na gulat na gulat pa rin sa kaniya.
“Oo ako nga. Anong kailangan mo sa kaniya?” sagot naman ni Alice saka nilapag ang hawak na tsinelas at muling isinuot. “Ikaw ba yung kinekwento niya sa’min kagabi na kasama niya?”
“Opo, ako po yun. Sinagip niya po kasi ang buhay ko mula sa mga gustong manakit sa’kin kahapon” kwento ng babae sa kaniya habang pangiti-ngiti pa na tila kinikilig. “May gusto lang po kasi akong ibigay sa kaniya bilang pasasalamat” inabot ng babae ang hawak nitong maliit na supot na kulay itim na agad namang kinuha ni Alice.
Sa gitna ng kanilang usapan ay nagulat si Alice, nang maibaling niya ang kaniyang tingin sa kaniyang ama na nag pupumilit bumangon at umuungol ng malakas habang nakatingin sa bisitang babae. Napansin niya ring nakatikom ang parehong kamay nito na parang manununtok. Tarantang nilapitan agad ito ni Alice upang pakalmahin pero mas lalong lumakas ang ungol nito.
“Pasensya ka na ha? Hindi naman ganito tatay ko. Baka sinumpong lang” paumanhin ni Alice sa babae. Alam niyang hindi talaga ganoon ang kaniyang ama at ngayon lamang ito nangyari. Sa sobrang pagpupumilit ng kaniyang ama na bumangon ay natabig ng paa nito ang mangkok ng lugaw sa sahig, dahilan para ito ay matapon at kumalat. Dali-dali namang tumayo si Alice at nag hanap ng basahan.
Nang makaalis si Alice ay dahan-dahang humakbang ang babae papalapit sa nakaratay na matanda at nang makalapit ito ay unti-unti itong nag bago ng itsura, kumulubot ang kaniyang balat na parang sa matanda. Nangitim ang paligid ng mga mata at ang kaniyang labi ay nangitim din na tila patay na rosas. Ang kaniyang kulay gintong buhok ay unti-unting naging kulay abo. Siya ay naging isang matandang babae. “Kamusta ka na Manuel? Masarap ba ang buhay baldado?” naka ngising tugon nito sa matanda na may ngiting pang demonyo.
Lalong lumakas ang ungol ni Manuel habang pinipilit paring tumayo kahit ito ay paralisado na, “Huk. . . . L. L.baan!” hirap na binanggit ito ni Manuel na agad na narinig ng kaniyang anak na si Alice kaya nagmadali itong bumalik na may dalang basahan. Mabilis ding nakapag palit ng anyo ang matandang babae sa pagiging bata at magandang dalaga.
“Anong sabi niyo tay?” namamanghang tanong nito sa kaniyang ama. Dahil ngayon lamang ito nakapag salitang muli, matapos ang labing walong taon mula noong siya ay maparalisa. Kaya kahit na naiinis si Alice dahil sa inaasal ngayon ng kaniyang ama ay hindi nito mapigilan ang maluha. “Pasensya ka na kay itay ha? At sa pagdadrama ko. Ngayon lang ulit kasi siya nakapag bigkas ng salita.” Paumanhing muli nito sa babae habang hawak ang mga kamay ng kaniyang ama na pilit niya paring pinapakalma.
“Ayos lang ho, mauuna na rin ho ako. Paki-sabi nalang kay Teman na napadaan ako” paalam nito saka tumalikod. Sandali itong napatigil at sinulyapang muli ang matandang nakaratay at saka ngumiti, isang ngiting nakapangingilabot, isang ngiting literal na abot tenga ang magkabilang dulo ng bibig at may mga itim na mata.
Sa gitna ng pag pigil ni Alice sa kaniyang ama ay natigilan ito nang biglang mapatigil din ang matanda at natulala na tila nag hahabol pa ng hininga at nanginging sa takot. Tumingin si Alice sa pinto at nakitang wala na ang babae at medyo kumalma na rin ang kaniyang ama. Hindi niya alam kung bakit bigla itong nagka ganon, mayroon bang nakikita ang kaniyang ama na hindi niya nakikita? Mayroon bang kakaiba sa babaeng dumalaw? Isang malaking katanungan ngayon ang naglalaro sa isip ni Alice na tanging ang kaniyang ama lamang ang makakasagot.
Kalmado nang muli ang kaniyang ama at naka alis na rin ang babaeng may dilaw na buhok. Nalinis niya na rin ang natapong lugaw sa sahig. Unti-unti ng nakakatulog ang kaniyang nakaratay na ama nang maalala niya ang ipinabibigay ng babae kanina sa kaniyang pamangkin. Naipatong niya ito sa maliit na lamesa na pinaglalagyan ng litrato ng kaniyang yumaong ina. Nagdadalawang isip pa itong kunin ang maliit na itim na supot na bigay ng babae kanina dahil baka magalit si Teman kapag nalaman nitong pinakialaman niya ang supot. “Hindi naman niya siguro malalaman” sa loob-loob ni Alice habang nakatingin sa supot. Dala ng pagka bagot at kuryosidad ay hindi napigilan ni Alice na damputin ang supot na nakapatong sa maliit na lamesa. Kinilatis niya itong maigi at napansing gawa ito sa mamahaling tela. Sa unang tingin niya kasi ay inakala niyang plastic ito. Kumkuti-kutitap ang tila maliliit na diyamanteng nakadikit sa tela at may kakaiba itong panali na gawa sa manipis na ugat ng punong kahoy. Bubuksan niya na sana ang supot nang biglang dumungaw sa bintana ng kanilang bahay si Alem, ang makulit at masugid niyang manliligaw. Sa sobrang gulat ni Alice ay nahampas niya nang kamay ang mukha nito ng hindi sinasadya.
“Aray ko!” inda ni nito habang nakahawak ang dalawang kamay sa kaniyang mukha.
“Hayop ka bakit ka kas bigla-biglang sumusulpot!” pasigaw na sabi ni Alice.
“Kakamustahin lang naman kita eh” wika naman nito na parang nangingiyak ngunit inirapan lamang siya ni Alice at saka muling bumaling sa supot. “Ang sungit mo talaga, nga pala, sino yung matanda dito sa bahay niyo kanina?” tanong ni Alem.
Natigilan si Alice sa tanong nito at muli itong hinarap na may halong pagtataka sa kaniyang mukha. “Matanda? Sinong matanda? Nagda-drugs ka ba?!” wika ni Alice. “Walang matanda dito!”
“Ano ba naman yan Alice nakaka kilabot ka!” tugon naman ni Alem sabay kuskos sa magkabilang braso na tila giniginaw. “Yumg kaninang pumasok dito! Yung naka pulang bestida! Sino yun?”
“Anong matanda ba sinasabi mo eh hindi naman ‘yon matanda! Ang ganda ganda non tapos tatawagin mong matanda?! Alam mo kung mang gu-good time ka lang umalis ka na bago pa kita masakal diyan!” mataray na sagot ni Alice kaya hindi na naka imik pa si Alem at umalis na lamang.
Ang pag alis ni Alem ay siya naman niyang ikinatulala. Sa tinagal tagal kasi ng pangungulit at panliligaw ni Alem sa kaniya ay nakilala niya na ito. Alam niya kapag nakikipag biruan ito o hindi, alam niya kung nakikipag pilosopohan lamang ito o hindi. Sa pagkakataong ‘yon ay may kaunti siyang kutob na nagsasabi ng totoo si Alem sa kaniya, na matanda ang nakita niyang babae kanina. Ngunit napaka imposible nito para sa kaniya dahil kitang-kita niya kung gaano kaganda at kung gaano kabata ang sinasabing matanda ni Alem. “Baka gutom lang yung hayop na ‘yon” sa loob loob niya.
Muli niyang binaling ang kaniyang atensyon sa itim na supot na kaniyang hawak. Dahan-dahang niyang tinanggal ang tali nito na gawa sa ugat at saka binuksan. Sa kaniyang pag bukas ay nakita niya ang isang simpleng porselas na gawa sa mga maliliit na kahoy na may mga nakasulat na letra ng alibata sa bawat piraso nito. Nadisamaya si Alice sa kaniyang nakita dahil inakala nitong may magandang bagay ang nakapaloob sa supot na itim, ngunit ang kaniyang nakita ay isang simpleng proselas na gawa pa sa kahoy. Ibinalik niya ang porselas sa supot at pinatong muli sa ibabaw ng maliit na lamesa.
Malapit ng kumagat ang dilim at sa halip na umuwi kaagad, ay mas pinili ni Teman ang pumunta sa eskenita kung saan nangyari ang engkwentro kahapon. Doon ay napansin niya ang lalaking nag titinda ng palamig malapit sa lagusan ng esekenita na abala sa kaniyang negosyo. Nilapitan niya ito at kinausap, “Kuya, pwede ba mag tanong?” tumango naman ang lalake. “Meron ba kayong nabalitaan kahapon na nangyari dito?” sabay turo sa eskenita.
“Ah diyan, oo meron. Yung estudyante na tinulumgan yung matandang hinoldap” mabilis na sagot ng lalaki sa kaniya habang nag sasalin ng palamig.
“Sigurado ho ba kayo na matanda yung kasama nung estudyante?” tanong muli ni Teman sabay punas ng pawis sa noo.
Hindi siya kaagad sinagot ng lalake. Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at napansing naka suot pa ito ng uniporme. Pamilyar sa lalake ang itsurang ito.
“Di ba ikaw ‘yon?” maangas na tanong nito. “Ikaw yung estudyanteng may gusto sa matanda”
Hindi alam ni Teman kung ano ang kaniyang mararamdaman sa sinabing iyon ng lalake. Parang gusto niya itong saktan at itaob ang paninda sa mga oras na iyon. Napansin din ng lalake na tumikom ang mga kamay ni Teman kaya hindi nalang din ito nag salita. Kaya sa halip na magkagulo ay tumalikod na lamang si Teman at naglakad papalayo ng sama ng loob.
Kung ganon ay totoo ang sinabi sa kaniya ni Sandy, matanda ang kasama niya. Pero paano iyon nangyari? Papaano naging maganda ang paningin niya sa babaeng iyon? Parang sasabog ang utak niya sa sobrang pag iisip. May kapangyarihan ba ito? Walang nakakaalam. At dahil ‘don, mas lalong naging determinado si Teman na alamin at kilalanin kung sino ang misteryosong babae.