Chapter 4

2301 Words
“CORAZON, nakita mo na ba ang mga alahas sa bagong tindahan sa bayan?” untag sa kanya ni Graciela sa pananahimik niya sa lilim ng punong Santol. Naupo ito sa tabi niya. “Napakaganda nila, Corazon. Ang sabi ni Itang ibibili niya ako ng isang pares ng hikaw pagkatapos ng koprahan. Nasasabik na ako. Alam mo bang galing pa sa malayong bayan ang pamilyang mag-aalahas na gumagawa sa bagong tindahan? Napakagaganda talaga ng mga gawa nila! At ito pa, napakakisig ng anak ng mag-asawang may-ari. Kung makikita mo siya, siguradong mabibighani ka rin. Ang sabi-sabi pa’y dito na raw mag-aaral sa kolehiyo natin ang binatang iyon. Naku, usap-usapan siya ng halos lahat ng kadalagahan dito sa atin,” mahabang litanya ng kaibigan niya. “Wala akong interes sa mga alahas, Graciela. At mas lalong wala akong interes sa lalaking sinasabi mo,” sagot niya at inimis ang mga librong pinag-aaralan. “Bumalik na tayo sa klase at baka mahuli pa tayo. Alam mo namang napaka-istrikto ni Profesor Buenaventura.” Tumayo na siya at naglakad palayo. “Saglit lang , Corazon. Puro ka naman pag-aaral. Wala ka bang panahon para magsaya man lang saglit?” habol sa kanya ni Graciela, nagkukumahog ito sa paghabol sa mabilis na lakad niya. “Wala, Graciela,” maikling tugon niya. Bumusangot lang ang kaibigan niya at nanahimik na. Nang makapasok sila sa silid -aralan ay wala siyang ibang narinig na paksa ng mga kababaihan sa klase kundi ang bagong tayong tindahan ng mga alahas sa bayan. May iba ring kalalakihan siyang naringgan na nagbabalak bumili roon para sa mga kasintahan ng mga ito. Natigil lamang ang lahat nang pumasok sa klase si Profesor Buenaventura, guro nila sa masining na komunikasyon. Mabilis na nagsimula ito ng mga aralin at sinabihan sila na sumulat ng sanaysay tungkol sa pag-ibig. Ang may pinakamahusay na pagkakasulat ay isasama ang sanaysay sa pahayagan ng kolehiyo para sa isyu ng Pebrero. Nang matapos ito ng maaga sa pagtuturo ay iniwan na rin sila. Huling asignatura na iyon ni Corazon para sa araw na iyon. Magkasabay silang umuwi ni Graciela. Wala pa ring tigil ang bibig ng kaibigan sa pagkukuwento tungkol sa mga alahas at kung gaano ito kasabik na makabili niyon. “Dito na ako, Corazon. Mag-iingat ka sa pag-uwi,” paalam sa kanya ng kaibigan at lumiko sa kalyeng patungo sa kubo ng mga ito. Siya naman ay nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa kanila. Hindi siya natatakot. Sadyang malakas ang loob niya. Iyon ang laging ipinapaalala sa kanya ng kanyang Nanang. Kailangan daw niya laging maging matapang at matatag. Huwag na huwag daw siyang paaapi. Nawala siya sa pag-iisip ng mga bilin sa kanya ng ina nang may tumamang kung ano sa ulo niya. Hindi naman masakit iyon pero bahagya pa ring naalog ang utak niya. Nang lumingon siya ay nakita niya ang bolang tumama sa ulo niya. Ang bola ay hawak na ngayon ng isang binatang nakahubad baro sa isang kamay nito. Mabilis itong lumapit sa kanya. “Paumanhin, binibini. Hindi ko sinasadyang tamaan ka. Dumulas sa kamay ko ang bola at napalakas ang talbog,” anito, nakakamot sa ulo ang isang kamay at isa ay dangkal-dangkal ang bola. Hindi siya nakahuma nang mapatitig sa kalamnan nitong tila may hinulmang tinapay. Umakyat ang tingin niya sa matitipunong dibdib nito. Pawisan ang katawan ng lalaki subalit hindi naman ito umaalingasaw na parang sukang tuba. Sa katunayan, pakiwari niya ay nakadagdag sa kaguwapuhan nito ang bawat butil ng pawis na nasa katawan nito. Mukhang galing ito sa paliga ng basketbol sa plasa. Nauuso ang pagsali sa mga ganoong palaro sa mga kabinataan ng lugar nila. Tumikhim ito. Tikhim na nagdulot upang mabaling ang atensyon niya sa mukha nito. Naaliw siya sa buhok nitong kawangis ng Sto. Nino sa bahay nila. At ang mga mata nito ay malalim kung tumingin na mala-tsokolate ang kulay. Matangos din ang ilong nito at mapupula ang mga labi. Ang baba nito ay may guhit na nagdulot upang mag-anyo iyon na pabaliktad na puso. Tumikhim itong muli. “Binibini, ayos ka lang ba?” untag nito sa kanya. Wala siyang maapuhap na salita. Ang tanging nagawa niya ay tumango. Iyon lang. Ni hindi niya nagawang magalit o pagsabihan man lang ito. “Paumanhin talaga sa nagawa ko, binibini. Ako nga pala si Cariño. Bago lang ako rito. Sana maging magkaibigan tayo,” inilahad nito ang palad sa harap niya na wala sa loob na inabot naman niya. “Ikaw, ano’ng pangalan mo? Pwede ko bang malaman?” “Cora...zon... Corazon... ang pangalan ko,” nauutal na sabi niya. May kung anong kuryente na nagsisirkulo sa sistema niya. “Corazon, Corazon, Corazon,” paulit-ulit na sambit ng binata sa kanyang pangalan. Parang inaawit nito iyon. “Napakaganda ng iyong pangalan. Sa pakiwari ko ay nabighani mo na ang aking puso.” Napangiti siya sa mga salita nito. Dama niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. “Mas lalo kang rumirikit sa iyong pag-ngiti, Corazon. Siyang tunay ngang nabighani mo na ang aking puso.” “Ako? Marikit? Nabighani ang iyong puso? Puro boladas ang mga salita mo, Cariño,” nahihiyang sabi niya. Wala siyang ibang maisip na itugon dito para makumpirma kung tama ba ang narinig niya. “Hindi ako nagsisinungaling, Corazon. Totoong maganda ka. Hindi ka pa ba nakakakita ng salamin?” “Siyempre, nakakita na ako ng salamin. Pero hindi naman sinasabi ng salamin kung maganda ba ako o hindi.” Natawa ito sa sinabi niya. Mas lalo yatang namula ang kanyang mukha sa kung ano-anong pinagsasasabi niya sa harap ng binata. “Sinasabi ko na sa iyo ang totoo.” Umingos lamang siya. Malamang ay binobola lamang siya nito dahil nagkasala ito sa kanya. Siya naman ay masyadong nagpapadala sa mga salita nito. “Mauuna na ako sa ’yo, Cariño. Mag-iingat ka sa susunod para wala kang nasasaktan,” sabi na lamang niya. “Mauuna na rin ako, Corazon. Hanggang sa susunod nating pagkikita,” paalam nito pero hindi pa rin umaalis sa harap niya. Nakatitig lamang ito sa mga mata niya na nagdulot upang bahagya siyang maasiwa. “Mauuna na ako, Corazon,” muli ay sambit nito. “Sige, Cariño. Paalam...” sagot naman niya ngunit hindi pa rin umaalis ang lalaki. Nagtaka na siya sa inaasal nito. “Kaya ko na ang aking sarili. Hindi mo na ako kailangang ihatid pa ng iyong mga tingin.” “Ang totoo niyan, hinihintay ko lang na isauli mo ang aking palad.” Nakaramdam siya ng pagkapahiya nang mapansing hawak pa rin niya ang palad nito. Agad niya itong pinakawalan. “Paalam muli, Corazon. Ikinagagalak kong makilala ka,” anito at tumakbo na palayo habang dinidribol ang bola. Naiwan siyang mag-isa na kumakaway rito. “BILISAN mo, Corazon. Baka may iba nang makakuha ng napupusuhan kong parehas ng hikaw,” hindi magkandatuto sa paglalakad si Graciela habang karay-karay siya patungo sa tindahan ng mga alahas. Isinama siya nito sa bayan dahil hindi naman ito papayagan ng mga magulang na umalis ng mag-isa. Kapalit niyon ay ililibre siya nito ng merienda sa Pansitan. Sisiguraduhin niyang masusulit ang pagod niya pagkatapos nitong bumili. Pagkapasok na pagkapasok nila sa tindahan ng mga alahas ay agad na hinagilap ng kaibigan ang gusto nitong disenyo na hikaw. Hinayaan niya itong pumili at tumayo lamang sa isang sulok upang hindi na siya makasiksik pa sa dami ng mga mamimili sa loob ng tindahan. “Mukhang nag-iisa ka yata at hindi nalilibang sa pamimili ng mga alahas?” agaw sa atensyon niya ng isang tinig. Ang pamilyar na boses na iyon ay naghatid sa kanya ng kung anong damdaming nagpagulo sa sistema niya. Paglingon niya ay natagpuan ng mga mata niya ang binatang napanaginipan niya kagabi. “Cariño...” “Ako nga Corazon. Kumusta ka?” “Mabuti. Ikaw? Anong ginagawa mo rito?” “Nagtatrabaho pero oras ng pahinga ko ngayon. Gusto mo bang kumain sa labas?” Napalingon siya sa direksyon ni Graciela na nakapila na sa kahera upang magbayad saka muling binalingan ang binata. “Salamat sa paanyaya pero kasama ko ang aking kaibigan. Sinamahan ko siyang bumili ng hikaw.” Nakaramdam ng panghihinayang si Corazon na kailangan niyang tumanggi. “Ganoon ba?” mukhang nalungkot naman ito. “Pero kung gusto mo, pwede kang sumama sa amin sa Pansitan mamaya kung may oras ka pa at hindi pagagalitan ng amo mo rito,” mabilis na sabi niya. Ngumiti ito. “Syempre, gusto ko. Makapaghihintay naman ang trabaho ko.” “Corazon, dali tingan mo itong nabili---” Napatda si Graciela, tila napipi. Naiwan sa ere ang pag-abot nito ng kaha ng hikaw sa kanya. “Ayos ka lang ba?” aniya sa kaibigan. Hindi natinag si Graciela. Kulang na lang ay tumulo ang laway nito sa pagtungayaw sa pigura ni Cariño. Siya na ang nakaramdam ng hiya sa inasta ng kaibigan. Nang ‘di siya makapgpigil ay mahinang tinampal niya ito sa pisngi. Tila natauhan naman ito sa ginawa niya. Bahagya siyang hinila palayo ng kaibigan at tila sabik na sabik na bumulong sa kanya. “Siya iyon, Corazon. Siya ang sinasabi ko sa ‘yo?” “Ha? Sino?” naguguluminahang tanong niya. Nanggigigil na pinisil nito ang braso niya. Mahinang napahiyaw siya. “Siya ang binatang anak ng may-ari alahasan na ‘to,” esplika nito saka bumungisngis. Natutop niya ang bibig sa pagkakaunawa ng sinabi ni Graciela. Napatingin siya sa direksyon ni Cariño. Tumingin din ito sa kanya at ngumiti. Lumapit ito sa kanila. “Ano, tara na? Gutom na rin ako. Nakakapagod ang araw na ‘to sa dami ng mga namimili.” “Sige, halika na at sumabay sa aming mag-merienda sa Pansitan,” mabilis na sagot ni Graciela. Wala naman siyang nagawa kundi ang sumunod. Nilakad lamang nila ang kainan dahil hindi naman iyon kalayuan sa tindahan nila Cariño. Nang makarating doon ay mabilis naman silang nakahanap ng puwesto. Umorder na rin sila agad para ma-i-serve rin iyon agad sa kanila. “Sa kolehiyo ka na rin dito sa amin mag-aaral ‘di ba?” si Graciela na nanguna na sa pagtatanong sa lalaki pagkatapos maibigay ang order nila. “Sa Polytechnic? Oo, doon na nga ako mag-aaral sa susunod sa semestre. Doon din ba kayo nag-aaral?” ani Cariño. “Oo, magkaklase kami doon nitong si Corazon. Parehong MassComm ang kinukuha namin,” si Graciela pa rin. “Mabuti kung ganoon magkikita-kita tayo roon kaya maaari pa nating ulitin ‘tong mag-merienda ng sabay,” nakangiting tugon ng binata at sumulyap sa kanya. Palihim na nginitian niya rin ito. “Eh, ano bang kurso mo roon?” dagdag na tanong ng kaibigan. “Komersyo ang kinukuha kong kurso.” “Wow naman! Ang talino mo siguro!” bulalas pa ng kaibigan niya matapos marinig ang sagot ni Cariño. Nahihiyang tumawa lamang ang binata. Muli na naman itong sumulyap sa kanya. “Bakit ang tahimik mo, Corazon?” “Hay, naku. Ganyan talaga ‘yan. Masanay ka na sa kanya,” salo agad ni Graciela at siniko siya. “Ah, eh. Wala naman akong maisip na magandang sabihin o itanong,” aniya at mahinhing sinundan iyon ng tawa. “Pasensiya na, mukhang hindi yata ako ganoon kainteresante sa palagay mo. Pero ako, nahuli mo ang puso ko sa unang pagkikita pa lang natin, Corazon,” seryosong-seryosong sabi nito sa kanya. Nagkapalitan sila ng tingin ng kaibigan. Walang nakaapuhap ng sasabihin ni sinuman sa kanilang dalawa. Tila naumid ang dila ni Graciela at walang maitugon sa mga narinig mula sa labi ng binate. Si Corazon ay malakas ang pagtambol ng dibdib at hindi iyon mapakalma. “Number 28 po. Tatlong order ng Pancit Malabon, puto at softdrinks. Kung may idadagdag pa po kayo, tumawag lang po kayo. Maraming salamat po,” anang serbidor at isa-isang inilapag sa mesa nila ang mga order nila. Kinuha nito ang numero sa ibabaw ng mesa at umalis na rin. “Grabe ang sarap nito. Ang tagal na rin simula nang huli tayong pumunta rito, ano, Corazon? Naku nakakagutom amoy pa lang, tataba na naman ako nito dahil tiyak na mapapa-order pa ako,” ani Graciela nang makabawi mula sa mga salita ni Cariño. Sinundan nito iyon ng pilit na tawa. At siniko siyang muli nang hindi siya umimik. “Ah, oo nga, eh. Na-miss ko nga luto nila dito. Sige, kumain na tayo,” sabi na lamang niya at nauna nang sumubo ng pagkain. “Hmmm… totoo ngang masarap ang luto nila rito,” si Cariño na mukhang hindi naman napahiya sa tila hindi nila pagpansin sa sinabi nito kanina. Kalaunan naman habang kumakain ay unti-unting namatay ang pagkailang sa pagitan nilang tatlo. Salamat na rin sa husay ni Graciela sa pagkukuwento ng kung ano-ano at pagbubukas ng iba’t-ibang paksa. Nakatig-iisang plato pa sila ng pansit Malabon bago naisipang magpaalam na. Hinatid sila ng binate hanggang sa sakayan ng traysikel. Nang makauwi naman sila ng kaibigan ay muli siya nitong siniko habang naglalakad sila. “Hrmp, ikaw ang type ni Cariño. Nakakainis ka naman, Corazon. Pero dahil kaibigan kita ay ipapaubaya ko na siya sa ‘yo. Basta tulungan mo akong gumawa ng project natin, ha.” “Ano?! Luka-luka ka talaga, Graciela.” “Narinig mo naman ang sinabi niya, nagsawalang-kibo ka lang. Kung ako sa ‘yo, susunggaban ko na ang pagkakataon. Hindi na masama ang isang katulad ni Cariño bilang nobyo. Ang totoo niyan, ang suwerte ng magiging nobya niya. At ikaw iyon, Corazon.” “Naku, tumigil ka. Umuwi ka na sa inyo. Dito na ako, paalam.” Mabilis niyang sabi at lumiko sa sangang daan. Sa kabila dadaan ang kaibigan dahil mas malapit ang mga ito roon. Nagmamadali na siyang lumakad at kahit anong bura niya sa isipan sa mukha ni Cariño at ng mga salita nito ay hindi iyon mapalis sa kanya…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD