Chapter 5

2993 Words
MAHAMOG at madilim pa sa labas ay bumangon na si Corazon para simulan ang araw niya. Ang pinakauna niyang ginagawa sa umaga ay mag-igib ng tubig. Isa-isa niyang inilagay ang mga balde at galon sa maliit na kariton at itinulak iyon. Nagtungo siya sa poso na igiban ng halos lahat ng pamilya roon. Kaya kapag inabot siya ng tanghali sa pagpila ay baka abutin na siya ng hapon bago makatapos. Nang makarating siya roon ay wala pang ibang nakapila. Marahil ay mga nagsipagpuyat sa panonood ng palaro kagabi sa plasa. Ipinuwesto niya sa poso ang mga iigiban at nagsimulang magbomba. Sinabayan niya iyon ng mahinang pagkanta. Anong gulat na lamang niya mayamaya nang may isang lalaking lumabas mula sa dilim. Nang makabawi ay nagsawalang-kibo siya at itinuloy ang paglalaman ng tubig. “Corazon?” Napapitlag siya sa pagtawag na iyon ng lalaki. Lumapit ito sa kanya kaya napagsino niya ito. “Cariño?” “Oo, ako nga. Kumusta ka?” sabi nito, hindi mawari ni Corazon kung imahinasyon lamang niya ang tila pagliliwanag ng mukha nito sa gitna ng dilim ng paligid. Bakas sa tinig nito ang pagkatuwang makita siya. Huminto siya sa pagbomba sa poso. “Ayos naman ako. Ikaw, kumusta? Anong ginagawa mo rito ng ganito kaaga? Hindi ba malayo kayo rito?” “Nanggaling kami sa plasa kagabi. Kasali ako sa liga. Nagkaroon din ng palabas pagkatapos. May mga bisitang artista galing Maynila kaya inabot na ng magmamadaling-araw. Sa sobrang antok ko, nakatulog ako roon at ito nga, naligaw ako rito at nakita ka sa kung ano mang suwerte ng pagkakataon.” Hindi napigil ni Corazon ang pagtahip ng dibdib, tila kinukuryente siya nang hindi nakikitang elektrisidad na nagpapadaloy-daloy sa kabuuan niya. Wala siyang akmang maitugon dito na hindi niya masasabing masaya siyang makita itong muli at may binubuhay itong damdamin sa kanya na ngayon lamang niya napagtutuunan ng pansin. “Tutulungan na kita sa pag-iigib at mukhang marami ka yatang kailangang tubig,” anito na inagaw ang hawakan ng poso mula sa kamay niya. Bahagyang nagdaigti ang kanilang balat. Nagdagdag iyon ng laksa-laksang kuryente sa sistema niya, nanayo ang mga balahibo niya sa braso. Mabilis na hinamig iyon ng palad niya sa takot na mapansin ng lalaki kahit madilim pa sa kinatatayuan nila. “Nakakahiya naman, Cariño. Hindi ka ba hahanapin sa inyo? Isang buong araw ka na yatang nawawala sa bahay ninyo,” sabi na lamang niya upang mawala ang atensyon sa kakaibang nararamdaman. “Hindi ba’t ganito naman talaga ang ginagawa ng isang binatang nanliligaw sa isang dalaga? Pinag-iigib? Kung gusto mo, ipagsisibak pa kita ng kahoy.” Natawa siya sa sinabi nito. “Tapos ano, bibisita ka sa bahay para mang-harana?” natutop niya ang bibig sa nasabi. Baka isipin nitong binibigyan niya ito ng ideya na ligawan nga siya. “Aba, oo naman. Tamang-tama may bago akong gitara pero ‘wag mo sana akong sabuyan ng mainit na tubig sa sobrang lamig ng aking tinig.” Sumabay ito ng tawa sa kanya. Napuno ng tinig nila ang paligid hanggang sa unti-unting magliwanag. Mas klaro niyang nabistahan ang mukha ng binata na sadyang hindi pinagkaitan ng kaguwapuhan. Halos mawala siya sa panimbang nang maghubad-baro ito at ipahawak sa kanya ang kamiseta nito. Tumambad sa mata niya ang kakisigan ng katawan nito, hinayaan niya ang sariling magpista sa mga malalapad nitong dibdib at sa maliliit na umbok sa kalamnan nito. Wala sa sariling naiangat niya sa mukha ang hinubad nitong damit at nasamyo iyon. Labis yata siyang nahuhumaling dito sa bawat minutong lumilipas. Nang ngitian siya nito at kindatan ay mabilis siyang nag-iwas ng tingin at yumuko. Napansin kaya nito ang pagtitig niya kahubdan nito? Ano na lamang ang maaari nitong isipin sa kanya? Na isa siyang dalagang may kulo? Por dios, Corazon alalahanin mo ang mga pangaral sa ‘yo ng iyong Inang! “Corazon?” Napaangat siya ng mukha nang marinig ang pangalan at ano na lamang ang lakas ng kabog ng puso niya nang makita si Cariño sa harap niya, halos gahibla na lamang ng buhok ang pagitan nila. Mas naaamoy niya sa pagkakataong iyon ang bango ng lalaki at hindi na lamang sa kumapit na samyo sa damit nito. “B-Bakit?” nauutal na bigkas niya, titig na titig sa mga mala-tsokolateng kulay na mga mata nito. “Sadyang napakarikit ng mga mata mo, Corazon. Para akong nakatitig sa malawak na kalangitan o sa malalim na karagatan. Tuwing tinitingnan kita sa mga mata laging nandoon ang pakiramdam na tila lumulutang ako sa alapaap o nalulunod dahil sa rumaragasang agos. Ewan ko ba kung bakit ganito ang nararamdaman ko, hindi na lang yata ‘to karaniwang pagkagusto… baka pag-ibig na yata ito,” marubdob na wika ni Cariño, sinapo ang pisngi niya gamit ang maiinit nitong palad. Unti-unting bumaba ang labi nito sa labi niya ngunit bago pa iyon tuluyang maglapat ay nagtumilaok ang mga tandang sa malapit na manukan. Naging batingaw iyon upang magising nang lubusan ang kamalayan ni Corazon at bumalik ang huwisyo mula sa pagkaligaw sa malamahikang damdaming bumalot sa kanya kanina. Iniwas niya ang mukha kay Cariño. “N-Napuno m-mo na-na p-pala ang mga lagayan…” utal-utal na sabi niya, pilit na pinagtitibay ang tinig. Ibinalik niya ang hinubad nitong kamiseta at pinagtuunang ilagay sa kariton ang mga galon ng tubig. Maagap na inasistehan naman siya ng binata at ito na rin ang nagboluntaryo na magtulak niyon. “Saan ba ang daan patungo sa inyo?” “Diresto lang hanggang sa may puno ng Marang at liliko hanggang makarating sa dulo ng kanal. Tapos dire-diretso na iyon hanggang sa amin. Makikita mo agad iyon dahil kami ang may pinakamaraming tanim na halaman sa harap ng bahay.” Isinuot lang nito ang damit at sabay na silang naglakad nito. Kahit anong sabi niyang makikitulong siya sa pagtulak ng kariton ay hindi ito pumayag at kaya na raw nito iyon. Nang makarating sa bahay nila ay tinulungan din siyang maibaba ang lahat ng galon at ilagay iyon sa batalan na nakapuwesto sa likod-bahay nila. “Sino iyang kasama mo, Ason?” Nalingunan niya ang ina na may hawak na umaasong tasa. Napipilan siya at walang maisagot dito. Kanina bago dumating sa bahay nila ay umusal na siya ng panalangin na sana ay tulog pa ito upang hindi na niya kailangang magpaliwanag pa. Ngunit malinaw na hindi dininig ang panalangin niya. “Magandang umaga po. Ako po si Cariño… isang kaibigan…” mabilis na pagpapakilala ng binata sa sarili. Ubod ng lapad ng ngiti nito pero hindi iyon nakatanggap ng sukli mula sa kanyang ina. Pasumandaling tila estatwang hindi gumagalaw ang ina niya. Nang tila magkabuhay itong muli ay bahagya lamang tumango sa binata at tinapunan siya ng tingin. “Mukhang tapos na kayo riyan. Salamat sa iyo pero makakaalis ka na at marami pa kaming gagawin ngayon ni Ason.” Nauwi sa ngiwi ang mga ngiti ni Cariño at napipilitang nagpaalam na sa kanila. Hinatid niya ito hanggang sa pintuan at itinuro rito ang tamang direksyon para maiwasan nito ang pagkaligaw na naman. “Disi-siete anyos ka pa lamang, Ason. Pagtuunan mo ng maigi ang iyong pag-aaral. Ayaw kong makitang dadalhin mo ulit ang binatang iyon dito o kung sino mang binata,” mahigpit na bilin ng ina niya nang makabalik siya sa loob ng bahay. “Pero Inang…” habol pa sana niya rito pero hindi na siya nito pinansin at mabilis siyang tinalikuran. “CORAZON? Corazon?! Corazon, umaapaw na ang tubig!” Napapitlag siya nang may lumapat na mainit na kamay sa nilalamig niyang balat. Tumigil siya sa pagbomba ng tubig sa poso at nilingon si Cariño. “Pagod ka na ba? May iniisip ka?” dugtong na tanong nito at hinaplos-haplos ang ulo niya. Ang totoo? Marami talaga siyang iniisip simula nang una silang magtagpo ng binata at muling magtagpo sa poso at makilala ito ng ina. Pinilit niyang iwasan ito pero laging naninikip ang dibdib tuwing ginagawa iyon kaya pinagbigyan niya ang sarili sa nais nito. Patuloy siyang nakipagkita rito kahit labag iyon sa kagustuhan ng ina niya. Sa loob ng tatlong buwan ay palihim silang nagtatagpo ng binata. Sinusundo siya nito sa kolehiyo at lumalabas-labas sila. Nagpupunta kung saan-saan. Naging kasakapat pa niya ang kaibigang si Graciela para pagtakpan ang miminsanang pag-uwi niya ng gabi. At sa tuwing umaga ay narito sila sa poso, masinsinang nag-uusap tungkol sa kanilang dalawa, sa kanilang mga pangarap at hinaharap at ninanamnam ang bawat nakaw na sandali na malaya sila. Hanggang sa sinagot na niya nga ito noong nakaraang linggo. Nobyo na niya si Cariño at hindi niya lubusang akalaing magkakanobyo siya ganitong klaseng pagkakataon at sitwasyon. Malalim na napabuntong-hininga siya. Sinapo niya ng mga palad ang pisngi nito, inilapit naman nito ang mga iyon sa labi at pinupog ng halik. “Inaalala ko lamang ang ating relasyon, Cariño. At si… Inang,” malungkot na sabi niya. “Ayaw ba sa akin ng iyong ina?” “Hindi naman sa ganoon. Ayaw niya lamang na makipag-relasyon ako sa ngayon. Sabi ni Inang wala pa ako sa tamang gulang na siya namang tunay. Medyo natatakot akong malaman niya na sinaway ko ang pangaral niya at bilin tuwing nagsasama at nagkikita tayo ng palihim.” “Wala naman tayong masamang ginagawa. Magkasama lamang tayo at sinasamantala ang masasayang sandali. Ipinapangako kong hindi tayo lalagpas sa ipinagbabawal.” Namula ang pisngi ni Corazon sa pag-iinit niyon. Iniisip ba ni Cariño na maaaring hindi sila makapagpigil sa nararamdaman at humantong doon? May ilang gabi na sumagi rin iyon sa isip niya subalit laging sumisigaw sa isipan niya ang tinig ng ina. “Paano kung sabihin na lang natin sa iyong Inang ang relasyon natin para hindi na tayo nagtatago ng ganito?” “Huwag, huwag. Hindi muna sa ngayon, Cariño,” mabilis na tutol niya. Gumuhit ang lungkot sa mukha nito. Ngunit nabura rin iyon at napalitan ng pilit na ngiti. Hindi umabot sa mga mata nito ang pekeng ngiti at malumbay pa rin iyon. “Malapit na ang aking susunod na kaarawan, Cariño. Doon ko sana planong ipagtapat kay Inang ang ating relasyon. Ayaw ko sanang maging magpadalos-dalos tayo.” “Nauunawaan ko, Corazon. Minsan nga lamang ay hindi ko maiwasan ang hindi malungkot. Gusto kong ipagsigawan sa lahat na ikaw ay aking nobya, na tayo ay may damdamin para sa isa’t-isa pero hindi ko magawa. Naiipon ang damdamin sa puso ko at parang sasabog ako.” Muli niyang hinaplos ang pisngi nito. “Lagi mo lamang tatandaan na ikaw lang ang nais ko. Nag-iisa ka lamang dito sa puso ko.” Niyakap siya nito at hinalikan sa noo. “Ikaw lang din ang nais ko. Ikaw lang at wala ng iba.” Kumalas lamang sila sa isa’t-isa nang makarinig ng mga paparating na yabag at kaluskos. Nagtatakbo ang isang paslit at kasunod nito si Mang Berting na siyang may-ari ng kalapit na manukan. “O, Corazon ikaw pala ‘yan. Magandang umaga!” masiglang bati ng matanda. “Magandang umaga rin po,” magkapanabay na ganti nilang dalawa. “Kay aga ninyo naman yatang umigib. May nababalita bang krisis ng tubig buhat ng El Niño?” komento ng matanda, may alarma sa tinig. “Naku, wala po. Maaga lamang pong nagising at nagsimula ng gawain,” esplika niya. “Mabuti kong ganoon. Sino pala itong kasama mong binata?” “Siya po si Cariño,” pakilala niya sa binata. Walang naging tugon mula sa matanda na mukhang naghihintay pa ng karugtong ng sasabihin niya. “Hmmm, Cariño kamo ang pangalan? Aba’y mukhang malakas nga ang karinyo ng binatang ito at pinahintulutan kayo ni Oryang,” sabi ng matanda ng walang marinig na karugtong sa kanya. Nagkatinginan lamang sila ni Cariño nang mabanggit ang pangalan ng kanyang Inang. Mukhang napansin naman iyon ni Mang Berting at tumikhim. “Alam ninyo mga bata, kabisado ko ang mga ganito. Naku, e kagaya ninyo rin kami ni Adeng noong una. Itinanan ko pa nga iyon at mabuti na lamang ay ganoon ang ginawa ko. Kung hindi ay isang matapobreng anak mayaman ang naging misis ko at malupit na mister naman ang napangasawa ng mahal kong Adeng. “Hindi ko sinasabing tamang makipagtanan kayo o iyon ang gawin ninyo. Ang sa akin lang naman ay ‘wag kayong magpadalos-dalos at kayo’y mga bata pa. May tiwala naman ako sa ‘yo, Ason. Isa kang marangal at intelihenteng dilag. Ito namang si Cariño ay mukhang responsable at walang bisyo. Sa tingin ko naman ay alam ninyo ang ginagawa ninyo. “Pero sana’y masabi ninyo ito sa inyong mga magulang. At nawa’y hindi kayo matulad sa amin ni Adeng. Dalawang dekada bago siya napatawad ng mga magulang niya at ako nama’y kinamatayan na ng magulang ay hindi pa rin napatawad. Kahit anong pagrarason natin ay may kurot sa puso kapag magulang ang nagalit sa atin. Munting bilin lamang mula sa isang matanda at sana’y ‘wag ninyong masamain, ano?” “Maraming salamat po, Mang Berting.” “O, siya. Kami naman ang makikigamit at mamaya’y mapupuno na ulit itong pila sa poso.” “Sige po.” Nagpaalam na sila sa matanda at inihatid siya ni Cariño sa kanilang tahanan. Hanggang sa bungad lamang ito at baka magising ang kaniyang ina. Nagpaalam na rin ito at nangakong susunduin siya sa kolehiyo kinabukasan. IBINABA ni Corazon sa hapag ang isang mangkok ng mainit-init pang nilagang saging na saba at dalawang umaasong tasa ng kapeng barako. Kumuha siya ng isang platito at nagsalin doon ng bagoong isda at inihain iyon sa mesa. “Tara, kain na,” aniya kay Cariño at nauna nang isawsaw sa bagoong ang hindi pa hinog na saging. Nakigaya rin ito sa kanya at kumain. “Anong oras babalik ang iyong Inang?” “Baka hapunin na iyon katulad ng bilin niya bago umalis.” “Kung gayon ay makakapamasyal pa tayo ngayong araw. Gusto mo bang magpunta sa manggahan? Maraming puno na ang namumunga roon kahit hindi pa tag-araw.” “Sige, manguha tayo ng mangga at magdadala ako nitong bagoong.” “Magdala ka rin ng kumot at magbaon tayo ng pagkain. Mag-picnic tayo roon.” Nang matapos mag-almusal ay inihanda nila ang mga dadalhing gamit at baong pagkain. Inilagay niya ang mga iyon sa isang buslo. Umalis lamang saglit si Cariño at nang magbalik ay sakay na ng puting kabayo. “Saan mo naman nakuha iyan?” “Hiniram ko lang. Halika na at aalalayan kita.” Tinulungan siya nitong makasampa sa kabayo. Nasa unahan siya at nasa likuran ito nakapuwesto. Humahalingling iyon kaya natakot siya at muntik nang mahulog. Maagap naman siyang nasalo ng nobyo at pinaikutan ng braso nito. Hinimok siya nitong haplusin ang ulo ng kabayo. Nakalma naman siya at hindi na natakot. Mukhang mabait din naman ang kabayo at hindi nagwawala. “Unang beses ko pa lang makakasakay ng kabayo at kinakabahan ako,” natatawang sabi niya. “Huwag kang mag-alala at nandito lang ako. Hindi kita pababayaan.” Sapat na ang mga salita ni Cariño para magtiwala siya rito. Pinatakbo na nito ang kabayo. Ang takot ay napalitan ng pananabik at saya habang nakasakay sa kabayo at kapiling ito. Dama niya ang init nito mula sa kanyang likuran at ang tatag ng bisig nitong nakayakap sa kanya. Nandoon na namang muli ang tila kuryenteng nagpapanginig sa sistema niya. Mas nagiging pamilyar na siya sa damdaming iyon at sa ilang pagkakataon ay hinahanap-hanap ng diwa niya. “Malapit na tayo. Doon na lamang siguro tayo sa malaking puno maglatag,” bulong sa kanya ni Cariño na nagpabalik ng huwisyo niya. “Hiya!” pigil nito sa pagtakbo ng kabayo at hinila ang renda niyon. Agad namang tumigil ang kabayo. Inalalayan siyang makababa nito saka itinali sa hindi kalayuan ang kabayo. Nang bumalik ito ay nagtulong silang ilatag ang kumot sa damuhan at iniayos ang mga dala nilang pagkain. Saktong-sakto ang pinagpuwestuhan nila dahil malilim iyon at hitik na sa bunga ang puno ng mangga. Inakyat ni Cariño ang puno at sinasalo naman niya gamit ang saya ang hinuhulog nitong bunga. Nang maging sapat iyon sa kanilang dalawa ay bumaba na rin ito. Pinagsaluhan nila ang mangga at iba pang dala. Nang mabusog ay humilig sila sa isa’t-isa. Nag-usap, nagtawanan at sinamantala ang buong sandaling iyon upang maging masaya at malaya ang kanilang mga damdamin. Bago lumubog ang araw ay iniligpit na nila ang mga gamit na dala. Dumaan din muna sila sa ilog kung saan nanghuli ng isda ang nobyo. Iuwi niya raw iyon para sa kanilang hapunan mamaya. Hindi rin sila nagtagal doon at baka abutin sila ng kagat ng dilim sa daan. Nang makabalik sa tahanan nila ay inihanda niya ang nahuling isda para makapagsalo sila bago ito umuwi. Inihaw niya ang mga iyon. Naghiwa siya ng kamatis at sibuyas, nagpiga ng kalamansi at naglagay ng sili sa sawsawang toyo. Nagpatong din siya ng mga talbos sa sinaing at isinilbi ang lahat ng iyon sa hapag. Masayang-masayang nagsalo sila ng nobyo sa simpleng hapunan. “Busog na busog hindi lang ang puso ko, Corazon pati ang tiyan ko busog na busog din. Sobrang saya kong makapiling ka.” “Ako rin, Cariño. Isa ito sa pinakamasasayang sandali na kasama kita.” Nangusap ang kanilang mga mata. Nagniningning iyon sa ligaya. Unti-unting bumaba ang mukha nito sa mukha niya at lumapat ang labi nito sa labi niya. Naipikit nila ang mga mata at dinama ang init na hatid ng halik. Sinakop ng init ang kanilanng mga damdamin ngunit bago pa man sila magliyab ay pareho silang nakakaunawang naghiwalay. “Mauuna na ako, Corazon. Laging mong tatandaan na nasa isip kita sa pag-uwi ko.” “Mag-iingat ka, Cariño. Iisipin din kita hanggang sa pagtulog.” Nagpaalamanan na sila nito at hinatid ng tingin niya ang papalayong bulto nito. Pabalik na siya sa loob ng bahay nang may humaklit sa kanyang braso. Ang bulto ng kanyang Inang ang sumalubong sa kanya at isang sampal ang pinakawalan nito sa pisngi niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD