“AALIS na po ako, Inang,” paalam ni Corazon sa ina na kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman sa likod-bahay. Wala siyang natanggap na tugon mula rito. Ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon at ipinalagay na hindi siya nito narinig.
Malakas ang buntong-hininga niya nang makalabas ng bahay. Kahit anong gawin niyang pagpapanggap sa sarili na maayos ang relasyon nila ngayon ng ina, buhat nang mahuli siya nitong kasama si Cariño at pagbuhatan siya ng kamay ay hindi niya maipagsawalang bahala. Masyado nang huli sa pagsisisi at isa pa’y wala naman siyang pinagsisisihan sa pakikipagkasintahan sa binata. Ang pagkakamali niya ay ilihim iyon sa ina at malaman nito iyon mula sa ibang tao.
Bigla na lamang siyang napaiyak. Hindi niya mapigil ang pagbalong ng mga luha. Masakit sa kanyang galit ang sariling ina at kibuing dili siya nito. Ito na ang kinalakihan niya at kasama hanggang sa pagdadalaga niya. Hindi niya nagisnan ang ama na maaga raw na pumanaw ayon na rin sa kuwento ng kanyang ina. Kaya labis ang hanga at pagmamahal niya rito sa halos labing-walong taon na inaruga siya nito nang mag-isa. Iginapang siya nitong makapag-aral hanggang kolehiyo sa kabila ng hirap ng buhay.
Bilang sukli ay nagsisikap siya sa pag-aaral. Hindi man siya ang nangunguna sa klase ay lagi naman siyang kasama sa pinakamahuhusay na mag-aaral. At sinisigurado rin niyang nasusunod niya ang mga tagubilin nito hanggang maaari. Hanggang sa dumating nga si Cariño sa buhay niya at sinuway niya ang isa sa mga bilin ng ina na huwag munang makipagrelasyon.
Nahahati siya ngayon sa pagpapasya, sa pagpili. Sino ba ang mas matimbang sa kanya sa pagitan ng ina at ng nobyo? Handa ba siyang talikuran ang ina o ang isuko ang nararamdaman para sa nobyo? Hindi niya malaman kung ano ang gagawin.
Mabilis niyang pinahiran ng panyo ang sulok ng mga mata nang marinig ang paparating na traysikel. Pinara niya iyon at nagpahatid sa kolehiyo. Sa loob ng sasakyan ay hindi na naman niya napigilan ang lumuha. Nang makarating sa tarangkahan ng paaralan ay hindi muna siya pumasok hanggang sa hindi naaampat ang luha niya.
“Corazon! Corazon!” tawag sa kanya ng isang pamilyar na tinig.
Hindi niya agad ito nilingon. Sinigurado muna niyang walang bakas ng pag-iyak sa kanyang mga mata. “Cariño? Anong ginagawa mo rito?” takang tanong niya.
“Magpapasa lang ako ng ilang dokumento para sa pagpasok ko sa susunod na semestre. Kumusta ka? Mukhang matamlay ka.”
“Ayos lang ako.” Pilit siyang ngumiti.
“Sigurado ka? Masama ba ang pakiramdam mo?” alalang-alala ang tinig nito at sinapo ang noo at leeg niya ng mga palad nito. “Wala ka namang lagnat. Nakatulog ka ba ng maayos kagabi? Kumain ka na ba?”
“Huwag ka nang mag-alala. Ayos lang talaga ako. Marami lang kailangang ipasang projects ngayon. Sige na, mauuna na ako.” Tinalikuran niya ito at mabilis na naglakad.
Humabol naman ito sa kanya. “Ihahatid na kita sa building ninyo. Hindi pa naman bukas ang registrar office.”
“Hindi na, Cariño. Kaya ko nang mag-isa. Saka baka maraming makakita sa atin at pag-usapan pa tayo.”
“Wala akong pakialam sa kanila. Wala naman tayong ginagawang masama. Wala naman tayong sinasaktang iba.”
Gusto niyang isigaw rito na mali ang inililihim nilang relasyon. Na dahil doon ay nasasaktan siya dahil nasasaktan niya ang damdamin ng ina.
“Halika na, malapit lang naman ang silid ninyo rito.”
“Sabing huwag na, Cariño!” hindi sinasadyang tumaas ang kanyang tinig.
Nabigla naman ito sa naging reaksyon niya. “May nasabi ba akong ikinagalit mo? May kasalanan ba akong nagawa?” Lumungkot ang mga mata nito.
“Wala, wala. Patawad sa inasal ko. Hindi ko sinasadya. Abala lang talaga ako ngayon at medyo aburido sa mga gawain na kailangan kong matapos. Hayaan mo na lang siguro muna ako,” aniya at tinalikuran ito. Tumalilis siya palayo.
“Mag-iingat ka, Corazon,” pahabol nito na bahagya na lamang umabot sa kanya.
Nang lumingon siya sa pinag-iwanan sa nobyo ay wala na ito roon. Malakas na napabuntong-hininga siya at tumuloy na sa kanilang silid para sa unang asignatura sa umagang iyon.
KINABUGNUTAN at kinabagutan ni Corazon ang mga klase niya sa araw na iyon. Lumilipad ang isipan niya at nagpapaikot-ikot ang mga isipin na nagpapasakit sa ulo niya. Wala ni isang leksyon na pumasok sa isip niya dahil sakop iyon ng kanyang ina at ng nobyo.
“Tapos na ang klase,” pukaw sa kanya ni Matilda sabay tapik sa balikat niya. Tumayo na ito sa kinauupuan.
Iilan na lamang silang mag-aaral na naiwan sa silid. Naghahanda na ring umalis ang iba.
“Saan tayo magtatanghalian? May baon ba kayo?” ani Graciela na kakalapit lang sa kanila.
“Mauna na kayo. Wala akong ganang kumain,” walang buhay na sagot niya.
“Bakit? LQ ba kayo ng nobyo mo?” tanong ni Graciela na agad ring naitakip ang palad sa bibig at napalinga sa paligid.
“May nobyo ka na, Corazon?!” hindi makapaniwalang bulalas ni Matilda, ito lamang marahil ang nakarinig sa ingay ng bibig ni Graciela.
“Ssshhh!!!” mabilis na sawata ni Graciela kay Matilda at tinakpan din ng palad ang kamay nito na animo’y mapipigil pa nito ang mga lumabas na salita sa mga bibig ng mga ito.
“Sino ang nobyo mo?” mababa na ang tinig ni Matilda nang pagkakataong iyon.
“Si Cariño, ang anak ng mag-aalahas sa bayan,” ubod ng pananabik na sagot ni Graciela. Sabay na pinigil ng mga kaibigan ang pagtili ng malakas.
“Nakakainggit ka naman, Corazon. Tunay ka na ngang dalaga. Hindi ba sa susunod na Biyernes na ang ikalabinwalong kaarawan mo?”
“Ay, oo nga. Malapit na ang iyong kaarawan. Dapat ay imbitado ako, ha.” Naupo sa tabi niya si Graciela at kinuha ang kamay niya. “Magiging ganap na dalaga ka na, Corazon. Sa susunod ay ako naman. Grabe, ang bilis ng panahon. Samantalang dati ay nagtatakbuhan lang tayo ng naka-panty sa batis.”
Nagkahagikgikan silang tatlo. Kahit paano ay naging tunay ang ngiti niya ng mga sandaling iyon.
“Imbitahan mo rin ako. At ipakilala sa nobyo mo, baka may kapatid siya o ‘di kaya ay kakambal.” Si Matilda na tila sabik na sabik at naging mapangarapin ang mukha.
“Huwag ka nang umasa, Matilda. Unico hijo lamang si Cariño.”
“Nakakainis ka naman, Graciela. Pinutol mo agad ang pangangarap ko.”
“Gutom lang ‘yan. Magsipagkain na kayo. Sasabihan ko na lang kayo kung magseselebra ako ng kaarawan. Pero baka hindi rin at sayang ang gastos. Gagamitin ko na lang sa susunod na semestre para sa pang-matrikula.”
“Hay, naku. Minsan lang ‘to sa buhay nating mga kadalagahan. Hindi naman kailangang magarbo. Sapat na ang may kaunting handa at tugtugan.”
“Tama si Graciela, Corazon. Sana maipagdiwang natin ang paparating na kaarawan mo. Tutulungan ka namin kung kailangan mo.”
“Maraming salamat. Sige, itatanong ko kay Inang pag-uwi at sasabihan ko kayo agad kung anong magiging plano,” sabi na lamang niya para tumigil na ang dalawa.
Tila mas lalong nasabik naman ang mga kaibigan. Hindi rin siya tinigilan ng mga ito hanggang sa hindi siya sumabay sa panananghalian ng mga ito. Nagpaubaya na lamang siya.
KINABUKASAN ay hindi na niya kailangang buksan pa ang paksa tungkol sa nalalapit niyang kaarawan dahil ang ina na rin mismo ang kumausap sa kanya tungkol doon. Hindi niya napigilang maging emosyonal na naman ng mga sandaling iyon. Matagal na pa lang pinaghahandaan ng kanyang ina ang ikalabinwalong kaarawan niya. Iyon din pala ang inaasikaso nito sa loob ng ilang araw na pag-alis-alis.
“Wala akong ibang nais kundi ang mapabuti ka, Ason. Hangad ko rin na maging maligaya at matagumpay sa buhay. Gusto kong makita kang malayo ang nararating at hindi nakalugmok sa kahirapan ng buhay rito sa atin. Matayog ang pangarap ko para sa ‘yo at gagawin ko ang lahat para matupad iyon.” Maluha-luha rin ang ina niya. Mahigpit na nagyakap sila nito.
Nang kumalma ang mga damdamin nila ay muli nilang pinag-usapan ang magiging paghahanda para sa kanyang kaarawan. Kinaumagahan ay nakatanggap ito ng telegrama. Mula raw iyon sa isang malayong kamag-anak na magdadagdag pang-gastos para sa selebrasyon niya. Maagang nag-ayos ang kanyang ina upang makaraan pa ito sa modista sa bayan at makausap ang mga suking tindahan sa pamilihan. Binilinan din siya nitong imbitahan na ang mga kaibigan na nais niyang dumalo sa kaarawan.
“Inang, nais ko rin po sanang imbitahan si Cariño,” mahinang sabi niya.
Hinaplos nito ang kanyang mukha. “Kung saan ka maligaya, Ason. Kung ano man ang makakapagpasaya sa ‘yo sa kaarawan mo,” nakangiting tugon nito.
Labis-labis ang galak niya sa pagpayag ng ina. Niyakap niya ito at nagpaalam na siya rito. Isa-isa niyang pinuntahan ang mga malalapit na kaibigan na dumalo sa kanyang kaarawan sa nalalapit na Biyernes. Ibinigay niya sa mga ito ang ilan pang detalye ng selebrasyon gaya ng kulay ng damit na dapat isuot.
Nang sabihan niya si Graciela ay tuwang-tuwa rin ito na matutuloy ang paghahanda niya. Agad na rin itong nagpasabi sa magulang at umungot ng bagong maisusuot. Nagkuwentuhan pa sila nito at nagpalitan ng ilang ideya para sa kaarawan niya bago siya nagpaalam.
Huli niyang pinuntahan si Cariño ngunit wala raw ang mga ito roon at umalis. Tanging tauhan sa tindahan lamang ang nakausap niya. Hindi ibinigay ng mga ito ang adres ng tirahan ng nobyo dahil ipinagbabawal daw iyon ng kanilang amo. Nagbilin na lamang siya sa mga ito at umuwi na sa kanila. Pilit niyang pinalis ang lumbay na nararamdaman.
Tumakbo pa ang ilang araw at mas naging abala sila ng ina at ng mga kaibigan sa paghahanda para sa kaarawan niya. Sabik na sabik ang lahat para sa kanya. Siya naman ay pilit pinapasigla ang damdamin kahit paminsan-minsan ay nag-aalala na siya sa hindi nila pagkikita ni Cariño. Nang balikan niya ito sa sumunod na araw sa tindahan ng mga ito ay hindi pa rin daw bumabalik ang mga ito at walang ibinilin kung kailan babalik ngunit mukhang magtatagal pa raw. Parang pinipiga ang puso niya sa pag-iisip na hindi na sila magkikitang muli nito.
“Corazon, ‘wag mo akong kalimutang ipakilala sa nobyo mo at baka makahingi ako ng diskuwento sa pagbili ng pulseras sa alahasan nila,” anang kaibigan niyang si Beatrice at kumawit sa braso niya.
“Iba ka rin talaga, Bebang. Hanggang sa kaarawan ni Corazon ay pinapairal mo ‘yang pagiging kuripot mo,” ani Graciela na kumawit naman sa kabilang braso niya.
“Manahimik ka, Selay. Hindi ako kuripot, nagtitipid lang ako at sa susunod ay ako naman ang magiging debutante. Pinag-iipunan din namin ang selebrasyon.”
“Aba, Bebang hindi ba lipas na ang pagiging debutante mo? Ika-beinte singko anyos na ang sunod mong ipagdiriwang ngayong paparating na kaarawan mo?” buska ni Graciela. Kinurot niya ito sa tagiliran. Napahiyaw naman ito.
“Akala mo ba iimbitahan kita, Selay? Hindi ano!”
“Hindi rin naman ako pupunta kahit kumbidahin mo ako.”
“Tumigil nga kayong dalawa. Baka magka-asaran kayong dalawa niyan,” awat ni Matilda sa mga ito.
Nagkatawanan lamang silang magkakaibigan at itinuloy na ang paglilinis at pagdidisenyo sa pagdadausan ng kaarawan niya.
Lumapit nang lumapit ang araw ng Biyernes at natapos lahat ng preparasyon para sa handaan ngunit walang Cariño na bumalik o nagparamdam man lang. Nagtampo marahil ito sa huling pagkikita nila at baka tuluyan na nga siyang iniwan. Muli niya itong binalikan sa puwesto ng mga ito sa bayan kasama si Graciela pero wala pa rin talaga ito. Nagpumilit pa ang kaibigan niyang makuha ang adres ng bahay ng nobyo subalit hindi talaga ito ibinigay sa kanila. Luhaang umalis siya kasama ang kaibigan.
Pilit nitong pinayapa ang damdamin niya. “Mamaya na ang selebrasyon ng kaarawan mo, Corazon. Kailangan ay magandang-maganda ka mamaya.”
Hindi siya tumigil sa pag-iyak. Sobrang lungkot niya sa isiping hindi niya makakasama ang nobyo sa kaarawan niya o sa mga susunod pang araw dahil nilisan na siya nito.
Tila inis na si Graciela nang muling magsalita. “Hayaan muna si Cariño. Isa rin pala siyang walang kuwentang lalaki. Por que nasigawan mo ng kaunti dahil may ipinagdamdam ka ay hindi ka man lang sinuyo at iniwang ka pa ng walang paalam. Naku, hindi mo kailangan ang isang katulad niya.” Kinuha nito ang sariling panyo at ito na ang nagpahid ng luha niya.
Pinilit siya nitong tumayo mula sa pagkakaupo sa sulok ng parke kung saan sila nagpalipas ng sandali. Nang hindi siya tuminag ay sapilitan na siya nitong inakay sa terminal ng traysikel. Bago makarating sa kanila ay pinuwersa niya ang sariling tumigil na sa pag-iyak.
Pagpasok nila sa loob ay nandoon na ang mag-aayos sa kanya. Doon na rin maghahanda ang kaibigan at kagabi pa nito nadala ang mga gamit sa kanila. Nagpaalam muna silang maliligo sa batis bago sumalang sa pag-aayos. Binilinan siya ng kaibigan na iluha na roon sa batis ang dapat niyang iluha. Iyon nga ang ginawa niya at nang makabalik ay bahagyang namumugto na ang mga mata. Mabuti na lamang ay maglalapat siya ng kolorete sa gabing iyon kaya matatabunan na niyon tiyak ang lungkot sa mukha niya.
Ilang oras pa ay nagsimula na ang kasiyahan. Puno ng sigla ang tagapagsalita at ganoon din ang mga panauhin niya. Nagliliwanag ang paligid mula sa iba’t-ibang kulay na nagpapaikot-ikot sa paligid. Nagkakasiyahan ang lahat sa indak ng tugtugin. Mayamaya pa’y pinatigil pasumandali ng tagapagsalita ang tugtugin upang tawagin siya.
Nang pumunta siya sa ginawang entablado ay nagpaskil siya ng malapad na ngiti. Binati siya ng mga kakilala at mga kaibigan. Hiningian din siya ng munting talumpati at kinuha niya ang pagkakataong iyon para pasalamatan ang lahat ng mga tumulong na maihanda ang selebrasyong iyon. Lubos din ang pasasalamat niya sa ina na napakalaki ng naibigay na ambag para mairaos ang kaarawan niya.
Naputol siya sa pagsasalita nang mabanaag mula sa gitna ng mga bisita, sa nagsasalitang kulay sa bulwagan ang isang napakapamilyar na bulto. Iisang tao lamang ang nakilala niyang may ganoong tindig na kahit siguro sa dilim ay makikilala niya. Iisang tao lamang din ang may ganoon katinding presensiya na nagpapalabo-labo ng damdamin niya. Nag-iisa lamang ito… Nag-iisa lamang ang iniibig niya.
Si Cariño.
Bumaba siya ng entablado at tinakbo ang kinatatayuan nito. Sinalubong naman siya ng mga yakap nito at ayaw na niyang umalis pa sa bisig nito. Mahigpit siyang gumanti ng yakap at hindi niya napigil ang pagbalong ng mga luha.
Itinaas nito ang mukha niya. “Patawad kung ako ang sanhi ng mga luhang iyan. Patawad kung ngayon lang ako nakabalik. Hindi ko nais na mawalay sa ‘yo ng matagal. Labis ang naging pangungulila ko sa ‘yo sa mga araw na nagdaan.”
“Ako rin ay lubos na nangulila sa ‘yo. Patawad rin sa naging pakitungo ko sa ‘yo no’ng huli. Sobrang naguguluhan ako ng mga sandaling iyon pero wala na tayong dapat pang itago. Nasabi ko na ang lahat kay Inang at hangad niya ang kasiyahan natin.”
Malapad na ngumiti ito, labas ang magkabilang biloy sa pisngi. “Nakausap ko rin ang iyong Inang kanina at nakuha ko na rin ang basbas mula sa kanya. At narito rin ang aking mga magulang. Ipakikilala kita sa kanila mamaya. Ipinangako ko sa kanilang aalagaan kita at mamahalin. Mahal kita, Corazon. Mahal na mahal.”
“Mahal din kita, Cariño,” tugon niya, nasosorpresa sa mga hatid nitong salita.
Malakas na napasinghap siya nang lumuhod ito sa harap niya at ilabas ang isang kahita. Sa loob niyon ay isang kumikinang na sing-sing na may simpleng disenyo ngunit elegante.
“Nais kitang makasama sa habang-buhay, Corazon. Nais kong maging asawa mo at maging ama ng magiging anak mo. Mamahalin kita ng walang-hanggan.”
“Cariño… Nais rin kitang makapiling hanggang sa dulo ng buhay ko, maging asawa mo at maging ina ng mga anak mo. Tinatanggap ko ang alok mo.” Nang maisuot ang sing-sing sa daliri niya ay siniil siya nito ng halik sa mga labi.
Naghiyawan ang mga panauhing pawang nangabigla man sa una dulot ng hindi inaaasahang tanawin ay lubos din ang pagkatuwa sa natunghayan. Hindi sa araw-araw ay may dalawang murang puso ang magtatapat ng pag-ibig sa isa’t-isa sa lumang bayan na iyon.