Mag-aalas-siyete na ng gabi nang makauwi si Sir Leander. Nakakatuwa siyang kausap, kahit hindi siya mahilig magbiro o mang-asar. Marami siyang nalalaman na talaga namang nakakapukaw ng atensyon ko. Pareho kasi kaming mas mahilig sa deep conversations kaysa small talk. Hindi rin kami pala-kwento tungkol sa personal naming buhay, kaya mas nakakahinga ako nang maluwag kapag kasama ko siya.
Ngayon, nakahiga na ako sa kama at nagmuni-muni. Ilang minuto ang lumipas bago ako napatitig sa cellphone ko. Kinuha ko ito sa study table at sinilip.
Pagkabukas ko ng screen, bumungad agad ang isang text message mula kay Tristan. Bigla na namang bumilis ang t***k ng puso ko. Gusto ko sana siyang i-reply-an pero nagdadalawang-isip pa rin ako. Iniwasan ko na siya para sa sarili kong katahimikan. Tinitigan ko lang ang mensahe, bago ibinalik ang cellphone sa table. Hindi ko namalayang tumulo na pala ang luha ko, kaya dali-dali ko iyong pinahid.
Tumagilid na lang ako sa kama at sinubukang matulog. Maaga pa ang gising bukas.
---
Hindi ko na rin dinaraanan ang dati naming nilalakaran ni Tristan papunta sa sakayan. Alam kong posibleng makita ko siya roon. Kaya humanap ako ng ibang ruta—doon na ako sa kabilang daan kung saan may linya ng mga tricycle. Mas malayo nga lang ang daan papunta sa labas, pero okay lang. Kaya ko namang bayaran ang pamasahe, basta’t hindi ko lang siya makikita.
Sinabihan ko si manong driver na doon kami dumaan. Pumayag naman agad, kaya nakahinga ako nang maluwag.
Dati, kung doon ako dumadaan, kinse minutos lang nasa trabaho na ako. Ngayon, umabot ng tatlumpung minuto ang biyahe. Kaunti na lang ang natirang oras bago mag-alas-otso.
---
Masiglang binati ako ng mga co-workers ko, lalo na si Joanne.
"Good morning din," bati ko pabalik.
"Ayos ka na ba, ‘te?" tanong niya, kaya napalingon ako.
"Hindi pa masyado, pero kakayanin ko naman," sagot ko, buong tapang.
"Basta kung kailangan mo ng masasabihan o comfort, andito lang ako," sabi pa niya sabay kindat, kaya napangisi na lang din ako.
---
Maya-maya, nagulat kami nang biglang lumapit si Sir Leander at hinila ako sa braso.
Napatingin ako kay Joanne habang palayo na kami sa hotel. Nagtataka siya pero napasigaw pa sa kilig, sabay senyas na sumama na raw ako. Siya na raw ang bahala.
Ang babaeng ‘to talaga.
“T-teka, Sir...” hindi ko na natuloy ang sasabihin dahil sumabat siya agad.
“Don’t call me ‘Sir.’ Wala na tayo sa loob ng hotel,” tugon niya habang hinahatak pa rin ako.
“Okay...” maikli kong sagot. Pumasok ako sa sasakyan, at isinara na rin niya ang pinto para sa akin.
Hindi ko na siya tinanong kung saan kami pupunta. Hanggang sa makarating kami sa isang napakalaki at napakagandang mansion. Napanganga ako kahit sa labas pa lang kami.
Maya-maya’y tumigil ang sasakyan.
“Welcome to my home, Miss Faith.”
Nagulat ako. “Bahay mo ‘to?”
Tumango siya.
“Ang ganda!” sabik kong sabi.
“Let’s go?”
Pinagbuksan niya ako ng pinto at sabay kaming naglakad papasok sa mansion.
---
Habang binabaybay namin ang loob, hindi ko maiwasang humanga sa interior design. Presko, eleganteng tignan, pero hindi rin nakakailang.
“Halika, pasok na tayo,” yaya ni Sir Leander sabay alalay sa akin.
Naglakad kami papunta sa dining area. Pagdating namin doon, bumungad sa akin ang ilang tao—dalawang matandang lalaki’t babae na mukhang nasa 50s, marahil ay mga magulang niya, pati mga kasambahay at dalawang mayordoma.
Masasabi kong napakayaman talaga ni Sir Leander. At sa totoo lang, naiilang ako. Ang layo ng mundo nila sa amin.
Napansin kong tila nagulat ang mga magulang niya nang makita ako.
“Hindi nga nagbibiro ang anak namin... kamukhang-kamukha mo si Marinela,” gulat na sabi ng ginang.
“Please be seated, and join us,” yaya nila. Sumunod ako, at inaalalayan pa rin ako ni Leander.
“You look too gorgeous—just like Marinela,” puna ng ama niya.
“Napagkamalan nga po akong karelasyon ng anak niyo noong una kaming magkita,” biro ko, kahit medyo naiilang.
“Pasensyahan mo na ang anak namin,” sabat ng ginang.
“Anyway, what’s your name, young lady?” tanong ng ama.
“Caroline Faith Quililan po,” sagot ko nang may ngiti.
“Where do you live?” tanong muli nito.
“Project 7, Quezon City po.”
“How about your parents?”
“Wala na po sila. Bata pa lang ako nang pumanaw sila sa sakit, kaya si Lola na ang nagpalaki sa amin.”
Napatingin sa akin ang mga magulang ni Leander na may lungkot sa mukha.
“Ilan ba kayo magkakapatid?” tanong naman ng ina.
“Apat po kami. Dalawang lalaki, dalawang babae.”
Tumango-tango sila—pati si Sir Leander, na kilala na rin ang pamilya ko mula kahapon.
“You have a lovely appearance, young lady. Kahit hindi marangya ang pamumuhay niyo, mabuting bata ka pa rin,” ani ng ina ni Leander, sabay mahinang tawa. Tumango ang ama niya bilang pagsang-ayon.
Tulad ng anak nila, napaka-humble rin nila. Napakagaan nilang kasama.
Maya-maya, tumunog ang cellphone ni Leander. Tiningnan niya ito at tumayo.
“Mama, Papa, I need to answer this call,” sabay turo sa phone. “Stay here,” bilin niya sa akin, kaya tumango ako.
“You know, Caroline,” simula ng ina niya habang hawak ang kamay ko, “ngayon lang ulit namin nakita si Lean na ganyan kasigla mula nang mawala si Marinela sa isang plane crash.”
“Simula noon, hindi na siya muli naming nakita na ngumiti. Expressionless siya lagi,” dugtong pa nito.
“Nakakausap namin siya, pero parating seryoso. Pero nang malaman niyang may kamukha raw si Marinela at ikaw ‘yon—unti-unti siyang bumalik sa dati,” sabi naman ng ama.
Napatingin ako sa kanila. Kaya pala... Kaya pala ganito siya kabait sa akin. Nakikita niya siguro si Marinela sa akin—kahit sinabi ko na sa kanya na hindi ako ‘yon.
“Kaya, Caroline,” sabay hawak ng ginang sa kamay ko, “hinihiling namin, huwag mong iiwan ang anak namin. Alang-alang sa kanya.”
“Nakikita namin na masaya na ulit siya simula nang makilala ka. Huwag mo sana siyang pabayaan. I will even pay you, just to stay with our son. Ayaw na naming siya’y maging malungkot ulit.”
Kitang-kita ko ang lungkot sa kanilang mga mata. Pero hindi ko kayang tumanggap ng pera para lang manatili sa tabi ni Leander.
“Pasensya na po, pero hindi ko po matatanggap ang pera. Pero ipinapangako ko, hindi ko po siya iiwan. Magkaibigan kami, at kahit sandali pa lang kaming magkakilala, parang marami na rin kaming pinagdaanan,” sagot ko nang mahinahon.
“You’re a woman of dignity and principle. That’s why we like you—not just because you look like Mari, but because you have a good heart,” ani ng ama ni Leander.
Napangiti ako. Kahit simpleng tao lang ako, na-appreciate nila.
“Thank you po, Tita and Tito,” sabay ngiti rin nila.
Yung kaba ko kanina, napalitan na ng gaan sa loob.
Maya-maya pa’y bumalik na si Leander.
“Sorry kung natagalan ako. Nagkaroon lang ng konting argumento sa secretary ko,” aniya, sabay tingin sa akin. Umiwas ako ng tingin.
“Ayos lang, Lean. Nakapag-usap naman kami nitong kaibigan mo,” sabi ng kanyang ama.
“That’s good,” aniya, sabay tango at ngumiti sa akin.