Kasalukuyang kausap ni Inay ang lalaking nakaputing uniporme. Umiiyak siya habang nakikipag-usap sa lalaki.
"Hindi baliw ang anak ko, Dok! Wala siyang sakit!" mariin nitong sambit.
"Tanggapin mo na Elizabeth! Kailangang magpagamot ng anak mo! Makinig ka sa akin hindi bilang kaibigan mo kung hindi Doktor na nagmamalasakit sa anak mo!"
Umaagos ang luha ni Inay habang nakatingin sa akin. Abala ako sa pakikinig kay Kisses sa kwento niyang tungkol kay Elena.
"Ikaw si Elena. Naaksidente ka bago maging Rowena. Hindi mo matanggap ang nangyari sa pamilya mo, sa grades mo at sa panlolokong ginawa sa'yo."
Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. "Ikaw si Elena. Hindi ka si Rowena. Kami ang kaibigan mo hindi sina Tonyo at Nena"
"Pinsan ko si Nena!" giit ko.
Wala siyang ibang sinabi kung hindi ang sumang-ayon.
Tanghalian ay sabay-sabay kaming kumain napagtanto ko kailan kaya ako babalik sa dati kong buhay?
Mula sa muebles hanggang sa sahig ng kanilang bahay iba ito sa aking tinitirhan. Marmol ang sahig nila habang ang sa amin naman ay kahoy.
Sa labas naman ay matatanaw mo ang matataas na gusali imbis na mga punong-kahoy. Kahit mga ibon ay wala akong masilayan.
Wala akong ginawa maghapon kung hindi ang manood sa manipis nilang telebisyon. Binabantayan nila ako lalo ni Kisses. Hindi niya tinatanggal ang tingin sa akin.
Kinabukasan bumalik ang Doktor. Malumanay ang pag-uusap nila ni Inay.
"Anak, halika!" tawag sa akin ni Inay kaya agad naman akong sumunod.
"Ikaw ba si Elena?" mahinang tanong Doktor tila tinatantya ang ugali ko.
"Rosalita po ang pangalan ko." Pagtatama ko sa kanya.
"Sige, Rosalita. Maaari mo ba kaming dalhin kung saan mo nakilala ang mga kaibigan mo lalo na si Karlos?"
Sunod-sunod ang aking pagtango dahil sa saya.
Naniniwala na ba sila sa akin kaya gustong malaman ng lalaking ito kung saan kami nagkikita ni Karlos?
Kailangan maipakilala ko rin sila sa pinsan kong si Nena at sa kaibigan kong si Tonyo.
Pumasok si Inay mula sa loob. Sumenyas siya kay Harris at sumunod si Kisses sa kanila. Pumasok kami sa sasakyan. Ilang minuto ay nagbuga iyon ng malamig na hangin. Pinagmasdan ko kung saan nanggaling iyon.
Dito pala sa itaas ng kisame.
"Air conditioner ang tawag dyan", sabi ni Kisses.
Matapos ang ilang minutong biyahe nakita ko na ang matalahib na daan.
"Dito na!" Hindi ako magkamayaw ng bumaba ako roon.
"Dito ang daan papunta ng aking eskwela pati ng plaza" Tinuro ko tuwid na daan sa harap namin.
Bumaling naman ako sa talahiban. "Dito ang daan patungo sa batis malapit sa aming bahay"
Niyakap ni Harris, si Inay habang inaalo ang kanyang likod.
"Dalhin mo kami sa batis, Rosalita", maingat na sabi ng lalaking tinatawag nilang Doktor.
Nandito pa rin ang batis pero bakit may mga lapida rito.
"Dito kami madalas maligo ni Nena. Sa kabilang parte ng batis na kung saan may tulay du'n kami nagkikita ni Karlos", masaya kong kwento.
Hindi ko maintindihan kung bakit humagulgol si Inay. Ano bang meron? Bakit parang naghihinagpis siya sa aking kwento?
"Dito ko siya madalas na abutan. Nilulunod niya ang sarili niya rito", aniya Kisses.
"Hindi ko nilulunod ang sarili ko! Bakit ko naman gagawin iyon!?"
Nagtagpo ang mga kilay ko habang tinitignan ko sila. Bakit nagawa sila ng kwentong hindi totoo?
Nilapitan ako ni Inay saka hinawakan ang magkabilang braso ko. "Anak, si Nena pinsan mo siya. Pero matagal na siyang patay. Nalunod siya rito bata palang kayo. Natatandaan mo ba anak? Nang minsan mamasyal tayo rito humiwalay kayo ni Nena sa amin kaya siy nasawi"
Napatitig na lang ako sa batis. Parang gumuho ang mundo ko. Matagal ng patay si Nena? Magkasama kaming maligo! Hindi pwede iyon!
"Inay, si Nena kasama ko siyang maligo! Palagi kaming magkasama!"
Mas lalong lumakas ang hagulgol niya kahit ang sipon na lumabas sa kanyang ilong ay hindi nito napigilan.
Sinuklay niya ang buhok ko. "Anak, makinig ka. Ginawa na itong libingan ng mga tao rito at 'yung Karlos na sinasabi mo malamang doon mo nakuha ang pangalan niya"
Pumunta ako sa tinuro niya.
"Karlos T. Avera. Pebrero 8,1976 - Marso 9, 1994"
Nanlambot ang tuhod ko kaya hindi ko napigilan ang pagluhod sa harap ng kanyang lapida.
"Hindi ito totoo!" sigaw ko.
Nilibot ko pa ang lugar. Nakita ko ang pamilyar na pangalan.
"Tonyo M. Esculito. Mayo 1, 1979 - Oktubre 6, 2003", basa ko roon.
Sinabunutan ko ang aking sarili. Hinawakan ako ni Kisses. "Kumalma ka. Please"
Namalayan ko na lang na nasa isang bahay-kubo. Isang matandang lalaki ang nakipagkwentuhan kay Inay. Salaysay nito na matagal na nilang gustong ipasarado ang lugar dahil takaw aksidente ang batis bukod pa roon ay libingan iyon ng mga taong nakatira rito.
Dagdag pa nito, si Karlos ay namatay dahil sa pang-aabuso ng kanyang Tiya. Kakilala niya si Karlos dahil malapit daw ang lalaki sa kanya.
Pinakita niya ang lumang larawan sa akin. Siya ito hindi ako pwedeng magkamali.
Lumandas ang aking luha habang yakap ang larawan niya.
Pinakiusap ko sa matandang lalaki na kung pwede ay iuwi ko ang larawan. Hindi naman siya tumanggi kaya't nilagay ko iyon sa aking silid.
Ilang araw akong hindi lumabas ng bahay. Wala akong ganang makipag-usap kahit kanino kung hindi pa ko katukin ni Kisses ay hindi ko siya pagbubuksan.
Si Inay lang kasi ang nakakapasok sa aking kwarto.
"Handa ka na bang magpagamot, Elena?" malumanay ang boses niya habang nakatingin ang malungkot niyang mga mata sa akin.
Ilang araw akong nag-isip tungkol sa pagpapagamot kaya hindi na ko nagpatumpik-tumpik.
Tinanggap ko ng maluwag sa sarili ko ang nangyari siguro ay dapat kong tanggapin ang kalagayan ko.
"Oo, Kisses." Maligaya niya kong niyakap. Hindi niya napigilan ang luh ng tinawag niya si Inay.
"Paalam, Karlos," sambit ko bago tuluyang iwan ang larawan niya sa mesa na nasa tabi ng aking kama.
Pagdating ko sa ospital kung anu-ano ang kinabit nila sa katawan ko pati sa ulo ko.
"Just relax. It'll be fine", sabi ng Doktor.
Dahan-dahan akong pumikit.
Nagbalik-tanaw sa masasayang bagay na pinagsamahan namin nina Tonyo, Nena at Karlos.
Lumandas ang luha ko hanggang sa...
"Ayokong makita ulit kita rito ha!" Biro niya sa akin.
"Elizabeth, intindihin mo ang anak mo saka h'wag ka ng bumalik sa America." Baling niya kay Mama.
"Oo naman! Hindi na! Saka masaya naman ako kasama siya pati kasama sina Kisses at Harris. Hindi ba anak?"
Napakaganda ngiti ni Mama kasing aliwalas ng langit.
"Opo naman! Masayang-masaya!"
Matapos ng dalawang linggo ay naglinis kami ng bahay dahil nalalapit na pasukan. Masayang-masaya ako dahil kaklase ko sina Kisses at Harris ngayong taon. Pare-parehas na kaming Senior High.
"Ang bilis ng panahon parang kailan lang!" masayang sambit ni Kisses habang tinutulungan akong isalansan ang mga libro sa bookshelf na binili ni Mama.
"Oo nga eh! Parang kailan lang nu'ng nag first year highschool tayo", aniya Harris na abala sa pagpapalit ng kurtina ng aking kwarto.
Habang nililipat ko ang mga libro mula sa kahon napansin ko ang larawan ng isang lalaki. Mukhang pinaglipasan ng panahon ang larawan niya.
"Sino kaya ito?" Tinitigan ko ang larawan niya.
Agad namang inagaw ni Kisses ang larawan sa akin.
"Ibibigay ko lang ito kay Tita baka masugid niyang manliligaw dati ito." Humagikhik siya saka tumayo.
Napailing na lang ako at ganoon din si Harris.
Lumipas ang mga araw ay ito na ang pinakahihintay ko. Hindi kami magkakatabi ng mga kaibigan ko dahil nahuli sila sa unang araw ng klase.
Isang gwapong lalaki ang katabi ko. Maganda ang mga mata nitong tama lang ang sukat, matangos ang ilong nito at mapula ang manipis niyang labi.
"Hi!?" sabi nito.
"Uh? Hi?" Parang pamilyar siya sa akin.
"Anong pangalan mo? Transferee ka ba rito?" baritono ang masaya niyang boses.
"Oo, kasama ko 'yung mga kaibigan ko kaso nandoon sila sa huli nakaupo." Tinuro ang dalawa na abala sa pakikipagkwentuhan.
"Ako nga pala si Karlos Avera, Jr." Nakipagkamay siya sa akin matapos hawiin ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa kanyang mukha.
"Ako si Elena Escubar. Nice meeting you!"
Ngumiti kami sa isa't-isa at tila ba kinilit ako sa aking tiyan dahil sa kilig na naramdaman ko. Ang gwapo ng pangalan niya Karlos Avera, Jr. bagay na bagay sa kanyang mala-Adonis na mukha.