5

1023 Words
Tatlong beses sa isang linggo kami magkita ni Karlos. Minsan ay isa lang kapa parehas kaming abala sa eskwela. Madalas ko siyang makasalubong doon pero ngitian lang kami. Natutuwa naman ako kahit gano'n lang ang gawain namin. Mahigit tatlong buwan na kaming nagsusuyuan. Madalas niya kong bigyan ng rosas at sulat. Minsan ay tinatawanan ko iyon dahil may mga salitang hindi ko maintindihan dahil hindi gano'n kaganda ang kanyang sulat. Gabi ng sayawan sa Plaza kaya't maganda ang aking gayak. Binili ko ang mamahaling damit na bulaklakan sa kabisera ng aming bayan. Inayos ko sa aking baul ang damit na ginawa ko kay Karlos. Bukod sa magkikita kami ngayon ay magkikita ulit kami bukas. "Napakagandang dilag naman ng aking kaibigan", manghang sambit ni Tonyo ng bumaba ako sa aming tahanan. Inalalayan niya ko dahil sa taas ng aking takong. "Nakukutaban kong dudumugin ka ng mga binata sa plaza" Humagikhik ako sa sinabi niya. "Hindi naman, Tonyo." Si Nena na kanina ko pang hinihintay ay sumulpot mula sa likod ko. "Akala ko ba ay hindi ka sasama?", tanong ko. Pinalis niya ang kanyang pawis gamit ng panyo. "Naalala ko 'yung binatang gusto mo sa akin ipakilala" Nabigla ako ng naalala niya pala ang tinuran ko. Siguro ay panahon na para makilala nila si Karlos. "Mabuti naman at naalala mo pa. Magmadali ba tayo at baka nagsisimula na ang sayawan" Hindi naman kami nagpatumpik-tumpik sa pagsakay sa tricycle. Agad kaming nakarating sa plaza. Nagsimula ang sayawan. Hinahanap ko si Karlos kaya inip ang dalawa. "Nasaan ba 'yung Karlos na sinasabi mo?" Kumamot sa ulo ng dahil sa pagkabagot si Nena. Habang si Tonyo naman ay nakailang beses ng uminom ng tubig dahil sa ngalay ang paa nito kahihintay. Hindi ako pwedeng biguin ni Karlos. Usapan namin na magkikita kami at magsasayaw muli ngayong gabi. Lumipas ang kalhating oras ay napagdesisyunan ng dalawa na magsayaw na lang muna habang naghihintay. Ako ay lumbay sa hanay ng mga upuan habang hinihintay ko ang lalaki. Halos gapangin ng antok ang aking mga mata kung hindi ko lang naamoy ang pamilyar na pabangong panlalaki. "Pasensya ka na. Nahuli ako." Walang anu-ano'y niyakap ko ang lalaking pawisan. "Pwede ba kitang isayaw, Binibini?" Alam niya naman na kahit kailan ay hindi ko siya magagawang tanggihan. Nagsayaw kami matapos ang dalawang kanta. saka ko lang naalala ang aking dahilan kaya hinintay ko siya. "Sandali lang at kukuha lang ako ng tubig para sa ating dalawa" Tumango lang ako sa sinabi nito. Nilibot ko ang buong paligid hanggang sa makita ko sina Nena at Tonyo. Kapwa sila nagtatawanan sa ilang grupo ng kababaihan. Hinatak ko sila mula roon. "Nandito na siya!" "Mabuti naman!" masayang sambit ni Nena kaya nagmadali siyang umuna sa akin maglakad. Binalikan ko si Karlos kung saan ko siya huling nakita. Luminga ang mga mata ko sa mga nagtitinda ng tubig pero wala siya. "Sigurado ka bang nandito na siya?" Kumamot sa ulo si Tonyo. "Oo, Tonyo. Hahanapin ko lang" Tatlong beses akong nagpaikot-ikot hanggang sa makita ko siyang naglalakad sa dilim. Hinawakan ko ang magkabilang tagiliran ng aking damit. "Karlos! Sandali!" Pero hindi ko na siya nagawang habulin. Binalikan ko ang sina Nena at Tonyo na nakaupo. Para bang pinagbagsakan ng langit at lupa ang aking mukha. Nanlambot ang katawan ko kaya umupo ako. "Nasaan na siya?" tanong ni Nena pero hindi ako sumagot. Bakit biglang naging gano'n si Karlos? Nahihiya ba siyang ipakilala ko siya sa mga kaibigan ko, o ayaw niya na sa akin? Hindi na namin nagawang tapusin ang sayawan sa plaza kasi ayaw magsaya ng dalawa sa kadahilanang malungkot ako. Pagkauwi ay pinilit kong matulog pero hindi ako dinadalaw ng antok. Napagpasyahan kong buksan muna ang bintana at pagmasdan ang kalangitan. Pero laking gulat ko nang nasa labas si Karlos. Nakapamulsa siya habang nakasandal sa poste. Kumaway siya kaya bumaba ako. "Bakit hindi ka nagpaalam kanina?" bungad kong wika sa kanya. "Pasensya na. Nahiya ako sa sarili ko." Yumuko siya. "Wala kang dapat ikahiya, Karlos." Hinaplos ko ang mukha niya. Hinuli niya ang aking mga daliri at hinalikan iyon. "Bukas magkikita ba tayo?" Hindi siya tumango bagkos ay ngumiti lang siya. Alam kong kaarawan niya bukas kaya kahit siya sumagot ay pupunta ako sa batis kagaya ng aming plano. "Matulog ka na, Binibini" Kinaumagahan ay maaga akong nagising. Nagtaka si Inay dahil himala raw iyon. Hinatak ko si Nena sa higaan at wala siyang nagawa kung hindi ang magpatianod sa akin. Kahit si Tonyo na nakitulog sa aming salas ay sumunod na lang din. "Kaarawan ngayon ni Karlos at ngayon kami magkikita", kwento ko sa kanila habang tinatahak namin ang kabilang parte ng batis. Hindi naman umimik ang dalawa. Naghintay kami hanggang sa magtatanghalian. "Sigurado ako darating si Karlos!" Pagsisigurado sa kanila. "Anak! Gumising ka na! Sinong Karlos ang sinasabi mo!" Ani Inay. Naluha siya ng sabihin niya iyon. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. "Anak, hindi ka si Rowena. Elena ang pangalan mo!" Mangiyak-ngiyak si Inay at wala akong magawa kung hindi ang pagmasdan siya. "Anak, maawa ka na! Bumalik ka na sa dati!" Niyakap niya ko saka hinalikan sa noo. "Inay, totoo ang sinasabi ko. Si Karlos! Magkikita kami! Kasama ko sina Nena at Tonyo nandyan sila kanina!" Tinuro ko ang pwesto ng dalawa. Umiyak ang hindi ko kilalang babae at lalaki na nasa likuran ni Inay. "Elena, kami ang kaibigan sina Harris at Kisses" Hindi ako makapaniwala sa kanilang sinabi. Sinabunutan ko ang aking sarili. "Anak! Please, tama na!" Pagmamaakawa ni Inay. Bakit ganito? Kanina ay may batis rito pero bakit napaltan ito ng mga lapida. "Walang Karlos, Elena. Kami ang nandito para sa'yo kaya bumalik ka na sa dati", aniya ni Kisses. Hindi ko alam ang sinasabi nila. Hindi ko sila kilala. Kaya minabuti kong tumakbo pabalik sa aming tahanan.. Pero nagulat ako ng sa haba ng tinakbo ko ay purong mga sasakyan at matataas na gusali ang nasa harap ko. "Tonyo! Nena! Nasaan kayo!" sigaw ko. Pinagtitinginan ako ng mga taong hindi ko kilala. Nasaan ako? Anong sinasabi nilang walang Tonyo, Nena at Karlos? Bakit Elena ang pangalan ko? Ako si Rosalita! Hindi ako pwedeng magkamali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD