Naging mabilis ang mga araw. Ang gusto ko sanang i-kwento ka Tonyo ay naudlot dahil pinag-usapan namin ni Karlos ang tungkol dito.
Ayaw niya munang ipaalam ang tungkol sa aming dalawa kaya kahit si Nena ay hindi ko nagawang kwentuhan pa.
Magkasama kami ni Karlos ngayon nasa may batis kami habang kumakain ng masarap na tinapay. Ang sabi niya ay ginawa niya iyon.
Kwento niya ay pamana ng kanyang Ina ang talento nito sa paghuhurno. Ang sinabi ko naman sa kanya ay pananahi ang pamana sa akin ni Inay.
Humiling siya na sana ay gawan ko siya ng kamiseta sa nalalapit niyang kaarawan. Hindi ako tumanggi sa kagustuhan niya.
Nilatag niya ang banig sa lilim ng punong Narra. Nag-iba kasi ang direksyon ng sinag ng araw kaya naghanap kami ng ibang pwesto.
"Ilan kayong magkakapatid? Hindi mo pa kasi binabanggit ang mga pangalan nila", sabi ko habang nakain.
Nakatukod sa likuran ang parehas niyang kamay sa damuhan.
"Dalawa sila pero parehas silang wala na. Nag-iisa na lang ako sa buhay"
Tumigil ako sa aking ginagawa.
"Pasensya na. Hindi ko alam na nag-iisa ka na lang sa buhay"
Mapait siyang ngumiti. "Hindi naman ako nag-iisa kasi nandyan ka na"
Pinisil niya ang dulo ng ilong ko.
"Sa totoo lang ay nagpalipat-lipat ako ng tinitirhan kasama ko ang aking Tiya hanggang sa mapadpad ako rito. Pero madalas niya kong saktan kaya napagdesisyunan kong lumayas."
Hindi ko alam na gano'n pala kasalimuot ang buhay niya. Akala ko ay wala ng sasalimuot pa sa buhay ni Tonyo. Si Tonyo kasi ay ulila na sa magulang pero swerte naman siya sa nag-ampon sa kanya. Kahit kailan ay hindi siya tinuring na iba ng mga ito.
"Gusto mo bang sumayaw?" Pag-iiba niya ng aming usapan.
Nilahad niya ang kanyang palad. Nagdalawang-isip ako dahil paano naman kami sasayaw ng walang tugtog.
"Wala naman tayong radyo. Paano tayo sasayaw?"
Kumindat siya. "Ako ang bahala"
Nilagay ko ang aking mga kamay sa magkabila niyang braso. Halos tumingkayad ako dahil sandalyas lang ang suot ko ngayon. Hindi kumpara noon ng una ko siyang nakasayaw ay may takong ang aking suot.
Pinulupot niya ang mga kamay niya sa aking bewang. Nagsimula siyang maghum ng kanta kasabay ng paghakbang ng aming paa.
"214 ng Rivermaya", bulong ko.
"Alam kong paborito mo ito kaya alam kong matutuwa ka. Alam mong gustong-gusto kitang pasayahin sa simpleng mga bagay" Hinalikan niya ng maingat ang noo ko.
Ayoko ng matapos ang araw na ito dahil sobrang saya ko. Simple lang ito pero kapag kasama siya ay para bang nasa palasyo ako.
Walang mapaglagyan ng saya ang aking nararamdaman lalo na ng itinaas niya ang aking baba para magtagpo ang aming mata.
Sinseridad ang nakikita ko sa itim niyang mga mata. Ibang-iba ito sa mga lalaking nanligaw sa akin noon. Wala silang panama sa binatang nasa harap ko.
"Maraming salamat, Binibini. Pinaunlakan mo ang pagsayaw ko sa'yo. Ayaw kong matapos ito", bulong niya na talaga namang nagpahuramentado ng aking puso.
Pinatong ko ang aking mukha sa kanyang dibdib habang sumasayaw kami. Pumikit ako upang damdamin ang pangyayaring ito. Isa ito sa napakasayang pangyayari ng buhay ko. Wala na kong ibang hihilingin sa Diyos kung hindi patagalin ang oras na ito.
Matapos ng sayaw ay unti-unting lumapit ang mukha niya. Kusang pumikit ang mga mata ko. Inanyayahan ko siyang halikan ako at hindi naman ako nabigo ng naramdaman ko ang malambot niyang labi.
Nang una ay dampi lang halik. Nang tumagal ay gumalaw iyon na sinundan ko. Pandalian lang iyon pero naghabol ako ng hininga.
"Hanggang du'n lang muna ang kaya ko, Binibini. Nirerespeto kita"
Lubos ang galak ko dahil kung sa ibang lalaki ay sasamantalahin nito ang kahinaan ko pero si Karlos ay iba sa lahat.
Wala akong masabi sa kanya. Para siyang tao na ginawang perpekto. Ano pa bang masasabi ko sa biyayang nasa harap ko?
Nang napansin namin ang paglubog ng araw ay tiniklop niya ang banig.
"Katulad ng palagi kong pangako uuwi ka sa inyong tahanan bago ang alas-singko"
Sa ilang beses naming pagkikita ay hindi niya ko binigo. Palagi akong umuuwi sa bahay bago ang oras ng alas-singko kaya hindi naghihinala si Inay kung nagala ako matapos kong pumasok.
"Saan ka galing? Akala ko ba ay kasama mo si Tonyo?" Nakapamewang si Inay habang hawak-hawak ang walis tingting.
Tinignan niya ko mula ulo hanggang paa. "Bihis na bihis ka. Saan ka galing ha?"
"Inay, kasama ko ang aking mga kaklase. Bumili kami ng materyales para sa aming proyekto." Umuna akong maglakad sa kanya paitaas ng hagdanan.
Sumunod siya matapos ilagay ang walis tingting sa tagiliran ng bahay kasama ang dustpan.
"Siguraduhin mo lang, Rosalita. Kung hindi ay iba ang aabutin mo sa iyong Itay", pagbabantang wika nito.
Alam kong strikto si Itay kaya gano'n na lamang ang paalala ni Inay. Sa katunayan nga ay hindi alam ni Itay ang tungkol sa pagdalo sa plaza kapag may sayawan. Tulog-mantika kasi siya kaya hindi niya alam na wala ako tuwing Sabado ng gabi.
Sumapit ang gabi ay may sumitsit sa labas. Nu'ng ay hindi ko pinansin iyon dahil baka guni-guni lang pero ng nakatatlong ulit iyon ay sumilip na ako sa labas.
Nagmadali akong bumaba dahan-dahan ng makita ko si Karlos na kumaway. Nakasuot siya ng kamisetang puti, nakapantalon na sira-sira at nakatsinelas na kulay pula.
Sinenyasan kong lumapit ang binatang abot-langit ang ngiti.
"Karlos! Bakit nandito ka pa? Gabi na!" Nagpalinga-linga ako sa paligid upang masigurado na walang kapit-bahay na nakamasid sa amin.
"Hindi kita maalis sa isip ko kaya dinalaw kita"
Magaling talaga siya sa pagpapatibok ng puso ko. Umakyat ang kuryente sa mula sa daliri ko sa buong katawan ko ng hinalikan niya ang likod ng aking kamay.
"Paalam, Binibini. Bumalik ka na sa iyong silid at matulog ka ng mapayapa"
Ilang beses ko siyang nilingon bago ako pumasok ng bahay. Halos malagutan ako ng hininga ng nakita ko si Itay sa may kusina. Buti na lang ay pumasok siyang kaagad sa banyo kaya mabilis akong pumasok sa loob.