CHAPTER ONE

1766 Words
NAKANGITING TINANAW NI CLYMENIA ang kaniyang mga magulang na gumagayak patungong sakahan. Mayo ngayon at buwan ng anihan. Maaga siyang gumising para lang magpaalam na sana ay sumama, ngunit tumanggi ang mga magulang na manatili lamang sa kanilang tahanan sapagkat alas-cinco pa lang ng madaling araw. Walong taong gulang lamang siya, datapwat ay matanda na kung mag-isip. Matangkad din siya para sa kaniyang edad. May maputi siyang balat na siguradong nakuha sa mga tunay na magulang. Matapos siyang matagpuan sa trak na pagmamay-ari ng kaniyang tumatayong magulang ay wala ni isang naghanap sa kaniya. Kaya ang resulta’y tinuring na siyang anak ng mga ito. May malaking balat siya sa likod na kunwa’y isang imahe ng kalapati. Ang pangalan niya ay nagmula sa naka-imprinta sa lampin niya. Naglakad siya palapit sa hapag at binuksan ang takip ng kaldero. Nakita niyang nakaluto na ang mga magulang niya, kaya lang ay wala pang ulam na nailuluto. Naisip ni Clymenia na magluto na lang ng ulam at hatiran ang mga magulang nang sa gayon ay hindi malipasan ang mga ito, lalong-lalo na at mag-uumpisa ang araw nila sa pag-aani. Nang matapos sa inilutong pinakuluang dahon ng kamote ay dali-dali niyang inilagay iyon sa garapon kasama ang bagoong at suka. Napag-isip niyang maaga pa kaya iginiya niya ang sarili sa papag at tumingin sa kisame ng kanilang maliit na barung-barong. “Mag-aaral ako upang hindi na magsaka pa ang mga magulang ko,” aniyang pabulong. Kung ganito na lang sana ang mga bata ngayon na kung mag-isip ay tila ba matanda at nangangarap ay aasenso ang buhay. Pero minsan, ang mga magulang pa ang nag-uudyok sa mga anak na tumigil na sa pag-aaral buhat ng kahirapan. Napakurap si Clymenia nang ilang beses nang makita ang isang paruparo na nagliliwanag. Dilaw ang kulay nito at maliit sa normal na laki ng isang paruparo. Napakaganda nitong titigan at kahali-halina sa mga mata. Tumayo si Clymenia at sinundan ang lumilipad na paruparo. Kapansin-pansin na ang araw ay pasikat na at ang sinag nito ay kaysarap sa mata. Hanggang sa marating ng bata ang puno ng balete. Doon sila nagtagpo ng paruparo na bigla na lamang nawala ang liwanag. Malamyos niyang hinawakan ang pakpak ng paruparo at napangiti nang tipid. Ngayon lamang nakakita si Clymenia ng ganitong paruparo kaya laking tuwa niya nang hindi pa lumipad ito. Nang pakawalan niya ay bigla rin itong lumipad sa kaniyang balikat at makislap itong nagliwanag. Sa isang pikit ng bata ay biglang umikot ang kaniyang paningin, isabay pa ang tila liyong amoy ng isang bulaklak. Sa oras na iyon, napaupo siya at nawalan ng malay. MASAYANG PINAGMASDAN nina Manong Rey at Aleng Fam ang sakahan. Parehong nasa 50’s na ang edad, ngunit malakas pa rin ang pangangatawan. May mahabang kulot na buhok si Fam at nasa limang talampakan ang tangkad. Samantalang si Rey ay may maikling buhok na kagugupit lamang nito noong isang araw. Nasa anim na talampakan ang tangkad nito at makisig ang katawan dulot ng mabigat na trabaho. Halata sa mga balat ng dalawa ang unti-unting pagkulubot nito. Mayabong ang mga palay at kaysarap na anihin. Alas-ciete na at uumpisahan na ang pag-aani. Mula nang dumating ang kanilang itinuturing na anak ay napansin nila maging ang taga-Baryo Malupa ang pagiging sagana ng ani. Pero dahil na rin sa patubig na minsan ay nagkukulang sa tuwing tag-araw ay lugi ang mga magsasaka. Idagdag pa ang gobyerno na kung bilhin ang bigas ay kakarampot lang na sentimo. Paano na ang mga magsasakang naghihirap, nagbababad sa gitna ng araw at lumulusong sa palayan? “Mare!” malakas na tawag ni Aleng Sitas, isa ring magsasaka at kaibigan ng dalawa. Pinasadahan nila ito ng tingin at hinintay. “O, mare?” pagtatanong ni Fam. “Narito sina Gobernador Olesco at ang mga tauhan niya,” pambungad nito paglapit. Hingal na hingal itong napatitig sa mukha ng mag-asawa na ngayon ay nakakunot-noo dahil sa narinig. Ang binanggit ni Sitas ay pakiwari ay isang mabuting lider ng probinsya, pero ang totoo ay halang ang kaluluwa. Pilit nitong inaangkin ang lupang tinatamnan ng mga nakatira rito at gawing isang mall na lubos na ikinadismaya ng mga tao. “Siguradong pipilitin uli tayong pumayag sa kagustuhan nilang bilhin ang lupa!” ani Manong Rey. Mababakas sa mukha nito ang galit at poot sa gobernador. “Rey, tawagin mo muna ang mga kapuwa nating magsasaka. Maghahanda tayo. Hindi maaaring maglaho na lang bigla ang sakahan,” utos ni Aleng Fam. Tumango naman si Rey at gumayak na nga upang tawagin ang mga magsasakang naghahanda nang sumulong sa maputik na taniman. “Sinusubukan talaga tayo ni Gobernador Olesco,” bulalas ni Aleng Fam sa mababang tono ng pananalita, pero naroon pa rin ang pananalanta ng kaniyang bibig. “Kung pipilitin pa rin niyang bilhin o angkinin man lang ang lupang ‘yan…” mapait niyang dagdag sabay turo sa palayan. “Bubungkalan ko na siya ng lupa para sa kaniyang kabaong.” “Maghulos-dili ka sa pananalita mo, Fam. Alam mo namang marumi sila magtrabaho at baka ikaw ay ipapatay nila,” pangontra ni Sitas. “Wala akong pakialam. Inaapakan na ang integridad natin,” tugon niya rito at tumingin sa malayo. GISING NA IMINULAT ni Clymenia ang mga mata nang makarinig ng sigawan sa kalayuan. Tumayo siya at binigyang tingin ang paligid. Nasa balete pa rin siya nang nagkamalay. Lakad-takbo ang kaniyang ginawa nang marating niya agad ang lugar na pinagmumulan ng ingay. Nakita niya lang ang sariling nakatayo at nagtatago sa isang puno ng mangga na mayabong sa pamumunga. Nakadungaw siya ngayon sa kumpulan ng mga tao—mga magsasaka at ang mga naka-unipormeng puti. Naitanong niya kung sino ang mga dayo at ang nakapagtataka pa ay may hawak ang mga itong dekalibreng b***l. Kinilabutan siya sa nakita. Ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng isang b***l. Alam niyang totoo ang mga iyon, hindi tulad ng mga laruang b***l na hindi gaanong kalakihan at ang anyo nitong plastik. Napalabi na lang siya nang makitang kinakaladkad ang kaniyang ama na pilit na lumalaban sa mga naka-unipormeng mga lalaki. Sinunod pa ang iba pang magsasaka. Tinutukan ng b***l ang mga kababaihan nang magtangka ang mga itong hugutin ang itak. Naikuyom ni Clymenia ang kaniyang kamao nang mapagtanto ang lahat. Sigurado siyang ang mga dayo ay nasa gobyerno na pilit bilhin ang lupa na tinatamnan ng mga palay. Nanlilisik ang mga matang tumalikod at hahablutin sana ang nakitang itak nang umihip ang malakas na hangin. Sa lakas niyon ay tila liliparin siya, subalit nakokontrol niya ang sarili. Lumingon siya sa mga dayo na ngayon ay nakakapit sa isang malaking kawayan. Kung hindi lang nilipad ang mga b***l ng mga ito ay bala ang salubong sa mga magsasaka nang patakbo nilang tinungo ang kubo. Matapos ang isang minuto ay tumigil na rin ang pag-ihip ng malakas na hangin, kasabay niyon ang pagkalma ni Clymenia. Nagsitakbo ang mga kalalakihan at lumulan agad sa sasakyang dala. Napaupong bigla ang bata dulot ng mainit na pakiramdam na bumalot sa kaniyang dalawang kamay. Naglaho lang iyon nang pumikit siya nang mariin, huminga nang malalim at nagnais na makaalis sa lugar. Imbes na ipabukas na lang ang pag-aani ay pinili ng mga magsasaka na ituloy ngayong araw. “Sayang ang araw na ‘to kung hindi tayo mag-aani,” ani Rey na siyang nagdesisyon sa grupo. Sumang-ayon ang lahat at ipinagsawalang-bahala na lang ang trauma’ng ibinigay ni Gobernador Olesco kasama ang mga armado nitong tauhan sa mga ito. Hindi takot ang mga magsasakang may ipinaglalaban at kaya pang makipagpatayan kung itutuloy ang pagbili at pag-angkin. Mabuti na lang talaga kanina at humangin nang malakas. Kahit palaisipan ang nangyaring iyon para sa mga magsasaka ay naniniwalang ang Panginoon iyon ang nagligtas sa mga ito. WALONG TAON ANG LUMIPAS at nagsusumikap pa rin si Clymenia sa pag-aaral. Nangako siya sa mga magulang na pagbubutihin ang pag-aaral sa kabila ng kahirapan. Mula nang tumuntong siya sa sekundarya ay maraming mga masasakit na salita ang kaniyang narinig mula sa mga kababaihang naiinggit sa kaniya. Matalino si Clymenia at habang hindi pa nag-aaral sa kolehiyo ay mayroon nang nag-aalok sa kaniya bilang iskolar. Mabait siya, maganda, mestisa, manipis ang mapupulang labi, matangkad, at kinahuhumalingan ng mga kalalakihan. Napabuga na lamang ng hangin si Clymenia nang parinigan siya ng mga mataray na babaeng kaklase. Inilabas kasi niya ang baong kamote na ikinapansin ng mga kaklase niya. “Ang baho naman,” pasaring ng katabing kaklase. Ang lahat ay nagtakip ng ilong at tinarayan si Clymenia. “Kadiri namang amoy ‘yon,” pagpaparinig ng isa pa. “Takpan mo nga ‘yong baon mo, Menia. Ang baho, e,” tukso ng isang bading na naiinggit din sa kaniya. “Hindi ba siya nahihiya?” sarkasmong tanong ng isa. “Malay ko ba diyan sa mestisang hilaw na ‘yan,” bulong na sambit ng nasa likod. Ngumiti na lang siya nang may kapalagayang-loob at kinain nang paunti-unti ang kamote. Halos mandiri ang mga kaklase niya. Nagkibit-balikat lamang siya at hinayaan ang mga ito. Dumaan ang mga oras at nasa library siya ngayon habang okupado ang kaniyang isip sa pagmememorya ng linya sa El Filibusterismo ay biglang may lumapit sa kaniya. Base lang sa amoy nito ay panigurado niyang lalaki ang tumabi. “Hi,” bati ni Jhare Olesco, kaklase ni Clymenia ‘tsaka ipinatong ang hiniram na notebook na pagmamay-ari ng dalaga sa mesa. Guwapo ito at bagsak ang buhok. Makapal ang kilay at sakto lang ang tangkad para sa edad nitong cinse. Pinasadahan niya ito ng tingin at umiwas din sa huli nang mapansing ngiting-ngiti ito. “Uy, Clymenia…” Napapikit siya nang marinig ang pangalang binanggit nito. Ang gusto niya kasi ay magulang at kaibigan lang niya ang magsabi niyon at wala ng iba pa. Tanging ngalang ‘Menia’ ang itinatawag ng mga kaklase sa kaniya. “Bakit?” walang emosyon niyang tugon. “Salamat,” pagpapasalamat nito at inusog ang notebook palapit sa kaniya. “Walang anuman.” Ibabalik niya na sana ang tingin sa hawak na papel nang may pinahabol siya. “At huwag na huwag mo akong tatawaging ‘Clymenia’. Hindi kita magulang at kaibigan para tawagin mo akong ganiyan.” Tumayo siya at tinalikuran ito. Pero bago pa siya makahakbang ay nagsalita si Jhare. “Sandali, kung ayaw mong tawagin kita sa pangalan mo dahil—sabi mo nga—hindi mo ako kaibigan…” “… E, ‘di magkaibigan na tayo dahil gusto kitang tawaging ganoon, tama ba, Clymenia?” Imbes na sagutin ito ay ipinagpatuloy niya ang paglalakad at hinayaan niyang dalhin siya ng mga paa sa kung saan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD