Gabi na. Tahimik ang paligid ng private memorial park na pinili ni Sanjoe para sa burol ni Itay. Siya na rin ang nag-asikaso ng lahat—mula sa venue hanggang sa catering para sa mga bisitang hindi namin lubos na kilala. Lahat ng ito, siya ang kumilos. Kung hindi niya ginawa, hindi ko alam kung paano ko pa kakayanin.
Nasa isang gilid ako ng chapel. Nakaupo lang. Tulala. Paulit-ulit kong tinititigan ang kabaong ni Itay. Ang bawat bulaklak sa paligid ay parang mas lalong nagpapabigat sa dibdib ko. Ilang araw na rin mula nang pumanaw siya, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala.
Parang kahapon lang, naglalambing ako sa kanyang balikat. Ngayon, he’s just… gone.
At si Inay, nasa ospital pa rin. Hindi pa rin gumigising. Wala pa ring malinaw na assurance kung kailan siya makakabangon—o kung magigising pa siya. Walang mas masakit pa sa ganito. Ang mawalan ng isa, at sabay mabuhay sa takot na baka isa pa ang mawala.
Lumapit sa akin si Arlene, may dalang malamig na tubig.
“Hannah, uminom ka muna. Please,” mahina niyang sambit.
Tinanggap ko iyon at bahagyang ngumiti, kahit walang gana.
“Thank you.”
Umupo siya sa tabi ko, tahimik lang. Si Arlene, hindi man madaldal gaya ng dati, ramdam ko ang bigat na dinadala niya para sa akin. Hindi siya umalis sa tabi ko simula nang mangyari ang aksidente.
At si Sanjoe… kahit hindi ko siya masyadong pinapansin, kahit hindi ko siya laging kinakausap, palagi pa rin siyang nandoon. Kahit ang mundo ko ay gumuho na, siya pa rin ang nanatili.
“Minsan,” mahinang bulong ko kay Arlene, “naiisip ko, baka mas mabuti pang sumama na lang ako kay Itay. Para tapos na. Para hindi ko na kailangang maramdaman ‘to araw-araw.”
Agad niya akong niyakap.
“Hannah, huwag mong sabihin ‘yan. Hindi ‘yan ang gusto ni Mang Tonyo. Hindi mo ‘yan ikaluluwag. Hindi mo alam, baka si Inay gumising kinabukasan, anong isasagot natin sa kanya kung wala ka na?”
Napapikit ako. Pilit pinigilan ang luha, pero wala akong laban. Napasubsob na lang ako sa dibdib niya, humahagulhol. Wala na akong pakialam kung sino ang makakita. Gusto ko lang maibuhos ang bigat na halos pumatay na sa akin.
Matapos ang ilang minuto, umalis ako sa loob ng chapel. Kailangan ko ng hangin. Hindi ko na kayang tumingin sa kabaong ni Itay. Hindi ko na rin kayang marinig ang paulit-ulit na dasal ng mga pari, na parang walang epekto sa akin. Hindi ko nga alam kung may naririnig pa ba ako.
Habang naglalakad sa may garden ng lugar, napansin ko si Sanjoe. Nasa may gilid siya, hawak ang cellphone at tila may kausap.
“Wag mo akong lokohin, Xandro!” pasigaw niyang wika, dahilan para mapatigil ako sa paglalakad.
Napasinghap ako.
Hindi ko inasahan iyon.
Akma akong lalapit sana at tatawagin siya, pero natigilan ako nang marinig ko muli ang sunod niyang sinabi:
“This is bullshit, Xandro! I saw it on the news. Don’t deny it. Ikakasal ka kay Stell? Anong akala mo kay Hannah? Pinagsabihan na kita noon—sa oras na saktan mo siya, ako na mismo ang kukunin sa’yo!”
Nanlaki ang mga mata ko. Parang sumabog ang mga salitang iyon sa pandinig ko. Unti-unti akong umatras. Hindi ko na kayang manatili pa sa lugar na iyon.
Kaya pala.
Kaya pala kahit kailan, kahit sa mismong pagluluksa ko, hindi man lang nagpakita si Xandro. Kahit sa text, ni anino niya, wala.
Habang halos mamatay ako sa lungkot dito, siya pala… nagpapakasaya sa engagement niya. At hindi lang kung kani-kanino—kay Stell. Kay Stell na minsan nang naging bahagi ng buhay niya. Kay Stell na nakita kong magkatabi nila sa litrato. Kay Stell na noon pa man ay alam kong hindi lang basta "ex."
Pinaglaruan niya lang ba ako?
Napaupo ako sa may sementadong gilid ng garden, pilit hinahabol ang hininga. Para akong nasasakal. Parang hindi na ako makahinga.
“Hindi na siya karapat-dapat,” mahinang bulong ko sa sarili. “Hindi na siya karapat-dapat sa kahit isang luha ko.”
Wala na. Wasak na. At habang iniisip kong buo na ako, habang pinilit kong maghintay at maniwala, unti-unti pala niya akong iniwan, sinaktan, at pinaniwala sa kasinungalingan.
Napatingala ako sa madilim na langit. Walang bituin. Parang ako—walang liwanag. Walang gabay.
Tumayo ako. Pinunasan ang mga luha sa pisngi. Tahimik kong kinuha ang bag na iniwan ko sa loob ng chapel at nilapitan si Arlene.
“Arlene, uuwi lang ako saglit sa bahay,” mahina kong sabi.
Napatingin siya sa akin, may pag-aalalang bumakas sa kanyang mukha. “Ayos ka lang ba? Gusto mo samahan kita?”
Umiling ako. “Okay lang ako. Kailangan ko lang kunin ‘yung mga gamit para bukas. Ihahatid na si Itay sa huling hantungan…”
Naputol ang boses ko. Hindi ko kinaya ang tapusin ang pangungusap.
Arlene, na para bang naiintindihan ang lahat kahit wala akong sabihin, ay tumango. “Ingat ka, ha? Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako o si Sanjoe.”
Tumango ako at naglakad papalayo.
Sa loob ng tricycle, halos hindi ko na makita ang daan sa harap. Hindi dahil sa ulan—wala naman. Pero dahil sa luhang pumapatak sa mga mata ko, kahit pinipilit kong pigilan.
Bukas na ang libing ni Itay.
Bukas, huli ko na siyang makikita.
Hindi na siya idadaan muli sa bahay. Hindi na siya uupo sa harapan ng bahay namin habang nagkakape. Hindi na siya tatawa sa mga kalokohan ko. Hindi na ako maririnig na tinatawag niyang “anak.”
Bukas, ililibing na ang tanging lalaki sa buhay ko na walang alinlangang ipinaglaban ako. Ang tanging lalaking ni minsan, hindi ako binigo. Kahit kailan, hindi ako iniwan.
Pero ngayon… iniwan niya kami ni Inay.
Pagdating ko sa bahay, tahimik akong pumasok. Ang bahay na dati ay puno ng halakhak, ngayon ay para na lang museo ng mga alaala. Humakbang ako sa hagdanan, bawat yapak ay may kirot. Pumasok ako sa kwarto ni Itay. Maayos pa ang kama. Naroon pa ang kurtina niyang paborito, at ang lumang radyo na palagi niyang pinakikinggan.
Lumapit ako sa maliit na drawer sa tabi ng kanyang kama. Doon ko inilagay ang ibang gamit na kailangan buka, ang huling larawan naming tatlo sa isang portraite frame. Hawak ko iyon ng matagal, halos hindi ko mabitawan.
“Nasan ka na, Tay…” bulong ko, habang dinidikit ang noo sa frame. “Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bukas nang wala ka. Paano kung hindi na rin magising si Inay? Ako na lang ba?”
Napaupo ako sa kama. Tahimik. Walang ibang naririnig kundi ang langitngit ng electric fan.
At sa katahimikan ng gabing iyon, saka ko lang muling naramdaman ang totoong bigat ng lahat.
Hindi lang si Xandro ang nawala.
Hindi lang siya ang nagpaasa.
Mas masakit pala kapag ang taong umaalalay sa'yo mula pagkabata—ang haligi ng tahanan—ang siyang biglang nawala.
Hindi ito breakup.
Hindi ito tampuhan.
Ito ang pinakamasakit na uri ng pamamaalam. Walang closure. Walang huling yakap. Walang paalam.
Tumayo ako muli. Pinagmasdan ko ang buong kwarto. Kinapa ko ang alaala ng bawat sulok—bawat tawa ni Itay, bawat kwento niyang paulit-ulit pero laging may aral.
“Salamat, Tay,” bulong ko. “Salamat sa lahat. Bukas, dadalhin ka na namin sa iyong pahingahan. Pero sa puso ko, mananatili ka habang buhay.”