Nang tuluyang bumaba ang araw at sinimulan na ang pagbabasbas ng puntod ni itay, parang unti-unting bumigat ang hangin. Ang bawat buhangin na isinusubo sa kabaong ng Itay ko ay tila patak ng ulan na dumidiretso sa puso ko—mabigat, malamig, at walang kasiguraduhan kung kailan hihinto.
Tahimik lang akong nakatayo, titig sa lupa, habang pinipilit ang sarili na huwag gumuho. Sa tabi ko, si Arlene tahimik ding nag-aalay ng dasal. Hawak niya ang kamay ko, at kahit wala siyang sinasabi, ramdam kong nariyan siya.
Tumunog ang cellphone ko. Muling nagpa-flash ang pangalan ni Xandro sa screen.
Hindi ko ito sinagot.
Ilang beses pa siyang tumawag. Pero para saan pa? Para sa paliwanag na huli na? Para sa sorry na hindi na kailangang marinig?
Wala kaming label, wala akong pinanghawakan kundi mga salitang pabulong at tawag sa akin na “babe.” Pero masakit pa rin. At sa araw ng huling paalam ko sa Itay, wala akong espasyo para sa kahit anong paliwanag mula sa kanya.
Habang nakaupo ako sa gilid, lumapit si Arlene. “Tinawagan din niya ako,” mahina niyang sabi. “Gustong malaman kung okay ka. Hindi niya raw alam agad.”
“Okay?” mapait ang ngiti ko. “Sino bang magiging okay sa ganito?”
Tahimik lang si Arlene. Hinawakan niya ulit ang kamay ko. “Hindi ko siya pinagtatanggol, Hannah. Pero baka kailangan mo lang muna ng oras.”
Tumango ako. Pero sa loob-loob ko, may bahagi ng puso kong nagsisigaw. Hindi ito lang basta oras. Iniwan niya ako sa oras na pinaka-kailangan ko siya.
Xandro’s POV
Nang narinig ko ang balita mula sa isang kakilala sa San Felix, halos mabitawan ko ang hawak kong cellphone.
“Wala na ang tatay ni Hannah. Inilibing ngayong araw.”
Agad kong tinawagan si Sanjoe. Sumagot siya matapos ang ilang ring.
“Sanjoe, bakit hindi mo sinabi?! Nalaman ko lang ngayon! Tangina Sanjoe, you called me the other day pero wala kang nabanggit”
“Sa tingin mo ba may karapatan ka pa? Hindi ko obligasyong maging messenger mo!”
Natahimik ako.
Hindi ko siya masagot. Kasi totoo.
Na-busy ako. Ang dami kong kinailangan ayusin. Si Lolo, hindi pa rin gising matapos ng operasyon. Ang kumpanya, halos mawalan ng tiwala sa amin matapos ang ginawang pandaraya ng isa sa mga board member. Kung hindi ko 'to hinarap, baka tuluyang mawala ang lahat.
Pero lahat ng 'yon, hindi sapat na dahilan para hindi ko siya natawagan kahit isang beses. Kahit isang mensahe man lang. Ipinangako kong babalik ako. Na hindi ko siya iiwan.
At eto ako, wala sa tabi niya noong nawala ang lalaking pinakamahalaga sa kanya.
Higit pa roon, nabalot pa ng intriga ang pangalan ko. Engagement? Kay Stell?
Pucha. Hanggang ngayon ay galit na galit pa rin ako. Hindi ko alam kung paano nag-leak ang gano'ng klaseng balita. Pero siguradong may kinalaman si Stell. Sa isa sa mga event na sinamahan niya ako bilang kaibigan lang, may kumuha ng larawan at sinabayan ng maling caption. PR disaster. Personal pang problema.
Lahat iyon, kasabay na bumagsak sa akin. Pero kahit anong sabihin ko, hindi ko na mababawi ang sakit na naramdaman ni Hannah.
At sa huling tawag ko, hindi na siya sumasagot.
Ngayon, sa araw ng libing ng Itay niya, hindi ko man lang siya nayakap. Hindi ko man lang siya nakita.
Pero hindi ako papayag na ganito na lang.
Kailangan kong ayusin 'to. Kailangan kong bumalik.
Hindi para linisin ang pangalan ko, kundi para tumayo sa tabi niya. Para sabihin sa kanyang… kahit huli na ang lahat, nandito pa rin ako.
Dahil sa kabila ng lahat ng nawala sa akin, si Hannah pa rin ang ayokong mawala.
Pinakuha ko agad ang sasakyan. Sinabihan ko ang secretary ko na kanselahin ang lahat ng meetings kinabukasan.
Hindi ko alam kung haharapin pa niya ako. Pero alam kong kailangan niya ng taong tatayo sa likod niya ngayon.
At kung papalayasin man niya ako, okay lang. Pero hindi ako susuko.
Hindi lang siya basta babae para sa akin.
Siya ang pahinga ko sa magulong mundong ‘to.
Habang pabalik ako sa San Jose, hindi mawala sa isip ko si Hannah. Naisip ko ang bawat sandali ng aming mga usapan—mga tawag na nagiging bihirang daliri sa oras ng aming mga pagkalayo. Ngayon, hindi ko na pwedeng palampasin. Dapat ayusin ko 'to.
Pabilis ang takbo ng sasakyan, pero ang utak ko'y abala. Parang ang bigat ng katawan ko, ngunit hindi ko mapigilan ang mag-isip. Paano ko nga ba haharapin si Hannah? Tila ba napakabigat na ng mga bagay na naghiwalay sa aming dalawa. Pero isa lang ang sigurado ako—hindi ko na kayang magpatuloy ng walang kasiguruhan. Kailangan kong makausap at mayakap sya.
Nang dumating na ako sa San Jose, isang tanawin ang aking nasilayan mula sa sasakyan—ang bahay ni Hannah. Pero bago pa ako nakalapit ng tuluyan, nakita ko si Sanjoe. Nasa maliit na terrace sila ni Hannah. Magkalapit, magkayakap, at ang mga mata ko’y nangatal sa nakita ko.
Habang papalapit, narinig ko ang usapan nila.
“Sanjoe,” narinig kong sabi ni Hannah. “Paano ko mababayaran ang lahat ng ginastos mo? Lahat mula sa ospital, hanggang sa libing ng Itay ko, at ngayon pati na ang mga gastusin para sa nanay ko.”
Nakita kong sumikò si Sanjoe, hinalikan ang noo ni Hannah, at ngumiti. “Hindi mo kailangang magbayad, Hannah. Ang makita kang okay, yun lang sapat na.”
Napahinto ako sa pagtulala. Hindi ko alam kung paano mag-react. Ang mga salitang iyon, nagbigay ng sakit sa aking dibdib. Si Sanjoe, ang laging nandiyan sa tabi ni Hannah. Pumapantay na siya sa akin. Bakit hindi ko naramdaman ang ganitong lakas para sa kanya? Siguro, marami na akong nawalang pagkakataon.
Hindi ko na kayang pigilin pa ang sarili ko. Bumaba ako ng sasakyan at lumapit sa kanila.
“Sanjoe,” sabi ko, tinutok ang mga mata ko kay Hannah, na tila hindi ko kayang tawagin ng pangalan. “Ibabalik ko lahat ng nagastos mo. Hindi mo kailangang mag-alala.”
Ngunit nang tumingin si Hannah sa akin, hindi ko mabasa ang nasa isip nya. Sa halip, ang mga mata niya’y malamig, puno ng distansya at galit. Tumitig siya sa akin at sinabi nang malinaw:
“Hindi ko kailangan ang awa mo, Xandro.”
“Bakit ka nandito?” nagpatuloy siya. “Hindi ko kailangan ang anumang tulong mo.”
Naramdaman ko ang pananabik, ang pangungulila sa mga araw na hindi ko na maaabutan. Pero hindi ko na kaya pang magsalita. Hindi ko na kaya siyang pilitin.
Gusto ko sanang magsalita, magpaliwanag, ngunit sa isang iglap, sinadyang humarang si Sanjoe. Tumingin siya sa akin na may galit sa mga mata, at tila may naramdaman akong tensyon sa hangin.
“Layuan mo si Hannah, Xandro.”
Hindi ko na kayang magpigil. Lumapit ako kay Sanjoe at sinuntok sya.
“Hindi mo siya kayang protektahan, Xandro!” sigaw nya. “Kung may isang taong dapat siyang protektahan, ako ‘yun!”
Mabilis na nagsuntokan kami ni Sanjoe, at sa mga pagkakataong iyon, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Puno ng galit at pagkabigo ang puso ko. Walang nakakaalam kung paano kami nakarating dito.
Tulad ng isang kidlat na tumama sa hangin, biglang sumigaw si Hannah.
“Tama na!” malakas niyang sigaw. Tumigil ang lahat, at nanahimik ang paligid. Naririnig ko ang malalim niyang paghinga, ang sakit na dulot ng bawat salitang hindi nasabi.
Lumuhod ako sa harap niya, nagmakaawa.
“Hannah, pakinggan mo naman ako. Pakiusap, bigyan mo ako ng pagkakataon. Alam ko, hindi ko kayang itama lahat ng nagawa kong pagkakamali. Pero handa akong ayusin lahat ng ‘to. Ako na lang ang mag-aayos, hindi siya.”
Hindi ko alam kung paano ko pa siya aabotin, pero sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang bigat ng mundo ko, ang hirap ng mga desisyong ipinasa ko. Hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko.
Hannah, tinitigan ako. Nanginginig ang katawan ko sa takot at pagmumuni-muni. Pumayag ba siyang pakinggan ako? O ito na nga ang katapusan?