Hindi pa man sumisikat ang araw, gising na ako. Wala pa akong dalawang oras na tulog mula nang magising ako sa maagang kaluskos ng bahay. Gaya ng dati, una kong pinuntahan ang silid ni Nanay Clara.
Nakahiga pa rin siya, mahina, pero gising na. Tinapik ko siya sa balikat at hinalikan sa noo. "Gising na po, Nay. Aayusin ko na po kayo, ha?"
Wala nang kakayahang magsalita si Nanay Clara simula nang magising mula sa aksidente. Ngayon ay palagi na lang siyang nakaupo sa wheelchair o kaya'y nakahiga. Tahimik na lamang niyang tinanggap ang pag-aalaga ko, pero ramdam ko sa mga mata ng ina ang pasasalamat at pagmamahal.
Maingat kong inalagaan ang nanay ko — pinunasan, pinainom ng gatas, at saka inalalayan papunta sa wheelchair upang makaupo sa sala. Inihanda ko ang lugaw at siniguradong sapat ang gamot sa lamesa bago ako tumuloy sa kusina para magligpit. Hindi man ito ang buhay na pinangarap ko, pero ito ang realidad ko ngayon — ang pagiging haligi at ilaw ng tahanan.
Habang naghuhugas ng pinagkainan, hindi ko maiwasang mapatingin sa orasan. Malapit na ang oras ng pasok sa The Boss. Nagmadali akong mag-ayos. Sa totoo lang, pagod na pagod na ako. Sanay na sa puyat, pero hindi kailanman naging madali ang pagbalanse ng pag-aalaga sa nanay ko at sa trabaho ko sa gabi.
Habang palabas na ako ng bahay, sakto namang dumating si Jason sa tapat.
"Sabay ka na sa 'kin. Malayo pa The Boss, sayang pamasahe," alok nito, nakangiti habang binubuksan ang pinto ng kotse.
Nag-alinlangan ako saglit, pero alam kong may punto si Jason. Tumango ako at sumakay.
"Thanks," mahinang sabi ko.
Tahimik ang naging biyahe. Hindi na ako nagsalita pa. Pagod na rin ako, at ang isip ko, lutang pa rin sa mga nangyari kagabi.
Pagkarating namin sa The Boss, agad akong bumaba at dumiretso sa likod upang magpalit at maghanda. Sinigurado kong maayos ang suot at buhok ko bago lumabas.
Si Joan ang una kong nakita sa likod, abalang nag-aayos ng mga gamit sa counter.
"Uy, Hannah. Okay ka lang ba ngayon? Parang matamlay ka kagabi," tanong nito.
"Okay lang. Medyo pagod lang siguro. Kulang sa tulog," sagot ko habang inaayos ang mga tray.
"Kaya mo 'yan. May bago na namang guests mamaya. Yung iba, regulars. Kilala mo na siguro," sabay kindat ni Joan.
Ngumiti lang ako. Hindi ko sinagot. Hindi ko kayang sabihin na ayaw kong makilala kung sino man.
Alas-diyes ng gabi, habang abala ako sa paglilinis ng mesa, napalingon ako sa entrance. May dumating na grupo ng mga lalaki na nakasuot ng mamahaling suit.
Hindi ako nagkamali.
Sila na naman. Ang parehong grupo kagabi.
At naroon siya.
Si Xandro.
Kasama si Stell.
Nagtawanan pa ang dalawa, para bang sila lang ang tao sa mundo. Si Stell, nakapulupot sa braso ni Xandro, habang si Xandro naman ay tila walang pakialam sa paligid. Para silang hari at reyna ng gabi.
Napakagat ako ng labi. Ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko. Pero pinilit kong ibaling ang pansin sa hawak kong tray.
"Nandito ako para magtrabaho," bulong ko sa sarili. "Hindi para magpakasira."
At kahit gusto kong sumabog, pinilit kong ngumiti, lumakad, at maglingkod—na para bang wala lang. Na para bang hindi ako nasasaktan.
Pero sa loob ko… gumuho na naman ang lahat.
Mas lalong nadurog ang puso ko nang marinig ko si Stell na nagsalita habang kausap ang mga kasama nito. "Si Hannah, right? Hannah Maria? I met her before sa hacienda ng lolo ni Xandro, sa isang party. She was with Sanjoe, right?" Lumingon ito kay Xandro. "Xan, tama ako 'di ba?"
Tumango lang si Xandro, walang emosyon, walang dagdag na paliwanag.
Hindi ko alam kung bakit, pero para bang si Stell ay patuloy na sinasadya na magbigay pansin kay Xandro. Habang pinipilit kong maglakad at maglingkod, natanaw ko siya na sinadyang ipatong ang kamay sa braso ni Xandro, halatang nagpaparinig at humihingi ng atensyon. Nang magtama ang mga mata nila, ngumiti si Stell kay Xandro—yung ngiti na may pagka-pilyo, at ramdam ko ang presensya ni Stell na nagsasabi sa buong bar na siya ang laging naroroon.
Habang abala ako sa pag-aayos ng mga gamit, lumapit si Julius, isa sa mga kaibigan ni Xandro. Isa siyang VIP, at hindi ko maiwasang makaramdam ng kaunting kaba nang makita ko siya na ang ngiti ay puno ng layunin.
"Hi, I’m Julius. Friend ako ni Xandro," sabi niya, tumitig sa akin na parang may gustong sabihin. "I just want to say… the first time I saw you, alam ko na agad—you’re really attractive."
Napilitan akong ngumiti. "Thank you po, sir," sagot ko, mahinahon. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko—siguro pagod na lang at hindi ko na kayang labanan ang mga pahiwatig ng mga lalaki sa paligid. Walang kahit anong pahiwatig ng emosyon sa boses ko, kahit ang loob ko’y parang binabayo ng hangin ng nakaraan.
Nakita ko si Julius na parang naghihintay, tila may nais pang itanong. "Baka naman may number ka?" tanong niya, ang tono niya’y parang hindi niya inaasahang tatanggi ako.
Pero hindi ko siya sinagot. Nagpatuloy lang ako sa aking trabaho, ang mga mata ko ay nakatutok na lamang sa tray ng mga inumin. Pinilit kong ngumiti, kahit na hindi ko siya tinitigan ng diretso. Hindi ko kayang magbigay ng kahit anong numero, hindi sa isang VIP na katulad niya. Pero dahil kilala ko siya at alam kong kailangan ko magpakita ng respeto, ngumiti lang ako, na parang wala akong naramdaman.
Pinilit kong manatili sa sarili. Sa trabaho. Sa tungkulin.
Pero paano kung ang bawat segundo ay tila paalala ng lahat ng sakit na gusto mong kalimutan?
Matapos ang ilang oras, nagkaroon ako ng pagkakataong magpahinga. Dumaan ako sa likod ng bar at nakita si Joan na may kausap na mga kasama sa bar. Naisip kong maki-kwento muna bago magbalik sa harap.
"Hannah, okay ka lang ba?" tanong ni Joan, nakita nitong malungkot pa rin ako.
"Oo… medyo lang. Nakakapagod lang," sagot ko, ngunit hindi matago ang sakit sa mga mata ko.
"Alam ko, mahirap. Pero nandito lang kami, ha? Kung kailangan mo ng tulong, wag mong kalimutan na may pamilya ka rito," ani Joan, sinserong tiningnan ako.
"Salamat, Joan. Talaga," sagot ko, ramdam ang pagpapahalaga ng kaibigan.
Habang abala ako sa mga gawain sa bar, narinig ko ang cellphone ko na tumunog mula sa bulsa. Binuksan ko ito at nakita ang pangalan ni Aling Minda sa screen. Agad na akong nag-alala at tinanggap ang tawag.
"Hannah, may emergency. Kailangan mo na agad pumunta sa ospital," sabi ni Aling Minda.
Agad akong tumingala at mabilis na hinanap si Jason. "Jason, kailangan ko po bang mag-exit saglit? May emergency sa bahay."
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Jason at agad tumakbo papuntang exit. Saktong nakasalubong ko si Xandro, nabangga ko pa ang braso nya pero hindi na ako tumigil pa. Agad akong tumakbo papunta sa sakayan.
"Diyos ko, maawa ka. Si inay na lang ang meron ako. Di ko kaya kung pati ang inay ay iwan ako."