Prologue
Mula dito sa ikalawang palapag ng gusali, sa loob ng aming classroom, nakatuon ang atensyon ko sa kalangitan. At habang abala ang lahat sa pakikipagkwentuhan, ako naman ay pinipiling mag-isa lagi dito sa sulok, kasama ang mga patong-patong na libro sa mesa ko. O mas tamang sabihin na kaya ako mag-isa ay dahil walang gustong makipag-usap sa isang katulad kong weird sa paningin ng mga kaklase ko.
Mariin akong pumikit nang marinig ko ang pamilyar na boses. Kapag alam kong nasa malapit lang siya, hinahanda ko na agad ang sarili ko sa posibleng mangyari. Mayamaya lang ay napasinghap ako nang naramdaman ko ang malamig na likido sa batok ko.
“I'm so sorry. That wasn't my intention,” sabi ni Maurine, na halata naman na sinadya niya akong tapunan ng tubig.
Anak si Maurine ng matalik na kaibigan ni Papa—sa madaling salita, magkaibigan ang pamilya namin. Pero hindi ibig sabihin ay magkasundo na rin kami, dahil si Maurine din ang numero unong bumubully sa akin sa tuwing magkakaharap kami. Sa malas ko, naging kaklase ko pa siya kung kailan huling taon na namin sa high school.
Hindi ko maintindihan kung bakit malaki ang pagkadisgusto niya sa akin, samantalang noong bata kami ay maayos naman ang samahan naming dalawa. Kaya hanggang ngayon ay palaisipan sa akin kung bakit biglang nagbago ang pakikitungo niya sa akin.
“Mau, mag-ingat ka naman. Natapunan mo tuloy si… What's her name again?” panggagatong ni Noreen, isa sa mga laging kasama ni Maurine sa pambu-bully sa akin. Mayamaya lang ay umingay na sa loob ng classroom at maririnig na ang salitang ‘Weirdo’ na sabay-sabay na sinabi ng mga kaklase ko. The fact that they know me, pinipili pa rin nila akong tawaging ‘Weird’ dahil lang sa hindi ako sumasama kapag lumalabas sila, na may mabigat naman akong dahilan kaya pinipili ko na lang na hindi sumama.
“Stop it, guys. Kawawa naman siya. Baka umiyak,” segunda ni Maurine, na alam kong hinihintay lang akong umiyak.
Sa mga nakalipas na taon na nakatanggap ako ng pambubully mula sa kanya at sa ibang naging kaklase ko, naging manhid na ako, bagay na hindi niya nagustuhan. Natutuwa kasi siya kapag nakikita akong umiiyak noong bata pa kami. Pero noon 'yon. Sa paglipas ng mga araw, naging mas matatag na ako. Kaya kahit ilang beses pa niya akong bully-hin, hindi ko na magawang umiyak. Kaya siguro ayaw rin akong tigilan ni Muarine dahil hindi na niya ako nagagawang paiyakin.
Hindi ko sila pinatulan; sa halip, nilagay ko ang lahat ng libro sa bag ko at tumayo. Hindi ko pwedeng iwan ang mga gamit ko dahil tiyak akong gagawa na naman sila ng hindi maganda habang wala ako.
Pumunta ako sa banyo at pumasok sa cubicle. Habang nasa loob, may narinig akong pumasok. Mayamaya lang ay narinig ko ang magkakasunod na katok sa pinto ng bawat cubicle. Hanggang sa narinig ko ang hagikgikan. Kumunot ang noo ko nang tila gumagalaw ang pinto sa cubicle na kinaroroonan ko. Hanggang sa narinig ko ang mga nagmamadaling yabag palayo sa pinto.
Binuksan ko ang pinto, pero nabahala ako dahil hindi ko ito mabuksan. Saka ko lang napagtanto kung sino ang mga pumasok sa loob ng banyo. Isang mahabang buntong-hininga na lamang ang pinakawalan ko. Kaunting pasensya pa, makakalayo rin ako sa mga bully na katulad nila.
Nilusot ko ang bag sa ilalim ng pinto at ang sapatos ko bago umapak sa bowl. Lilipat ako sa kabilang cubicle dahil nakabukas ang pinto dito. Kung hihintayin ko pa na may pumasok, baka hindi ko na mapasukan ang susunod na subject ko at gawin akong absent ng teacher ko, bagay na hindi ko naman gawain.
Napangiti ako dahil nagawa kong sumampa sa pader. Akala siguro nila ay lagi silang magtatagumpay sa pambu-bully nila sa akin.
“What are you doing?”
Nagulat ako nang marinig ko ang malaking boses. Dahil sa gulat ko, nadulas ang kamay ko kung saan ako nakahawak. Impit akong napatili at mariin na lang na pumikit at hinintay na mahulog ako sa kabilang cubicle. Napamulat ako ng mata nang may narinig akong daing. Saka ko lang napagtanto na nasalo pala ako ng lalaking pumasok sa banyo ng mga babae.
“Damn, you're so heavy,” reklamo niya. Nakaupo siya sa bowl habang nasa bisig niya ako.
Mabilis akong umalis sa kandungan niya nang hindi siya tinatapuan ng tingin. Lumabas ako ng cubicle dahil baka biglang may pumasok at makita kami. Baka bigyan pa nila ng kahulugan ang nakita nila. Ano nga ba naman kasi ang ginagawa ng lalaking ito sa banyo ng mga babae?
Mabilis kong kinuha ang bag ko at agad na sinuot ang sapatos ko. “Thank you,” sabi ko at nagmamadaling lumabas ng banyo. Pagdating ko sa classroom, nasa loob na ang teacher namin sa huling subject. Binati ko lang siya bago umupo sa mesa ko na parang walang nangyari. Hindi ko na rin pinagtuunan ng pansin ang grupo nina Maurine dahil tiyak akong hindi na maipinta ang mukha nila, lalo na si Maurine dahil nagawa kong makawala sa pagkulong nila sa akin sa cubicle.
I thought what they did to me in one day was enough. But I was wrong, dahil inabangan nila ako sa labas ng classroom at dinala ako sa rooftop ng eskwelahan. Pinaikutan nila ako. Isa sa mga alipores ni Maurine ay hinahalungkat na ang bag ko. Hindi ito nakatiis; binuhos nito ang laman ng bag ko.
“Ang galing mo naman, nakalabas ka pa roon?” nakangisi na sabi ni Maurine. “May tumulong sa ‘yo?”
“Just do whatever you want, Maurine. Kailangan ko ng umuwi,” walang emosyon na sabi ko.
“Mau, bilisan mo na raw,” panggagatong na naman ng mga alipores niya.
One of the reasons she wouldn't stop bullying me was that I let her bully me. Kahit ipagtanggol ko ang sarili ko, ako pa rin ang mali, lalo na sa paningin ng ina ko.
Napapikit ako nang tumama ang palad niya sa pisngi ko.
One.
Two.
Three.
Three slaps, and I knew it wasn't enough. Sa bawat sampal niya ay tinotodo niya para maramdaman ko talaga ang sakit. Ramdam ko na ang hapdi at pamamanhid sa kabilang pisngi ko. Nanatili akong nakapikit at hinintay na muling tumama ang palad niya sa pisngi ko.
“I wouldn't do that if I were you.”
Napamulat ako nang marinig ang pamilyar na boses. Hanggang sa narinig ko ang bulungan ng mga alipores ni Maurine.
“Sino ‘yan? Ang gwapo, girl.”
“Oo nga. Pero parang hindi siya dito nag-aaral.”
Sinulyapan ko ang nagsalita. Nagsalubong ang kilay ko nang tumambad sa harap ko ang matangkad na lalaki. Hawak niya ang palapulsuhan ni Maurine.
“S–sino ka ba?” nauutal na tanong ni Maurine.
Binitawan ng lalaki ang kamay ni Maurine. Nakapamulsa siyang hinarap nito. “Bullying is against the rules in this school, Miss. Kung ayaw ninyong matanggal sa D'Amico, mabuti pang itigil na ninyo ang ginagawa ninyo,” walang emosyon na sabi nito habang isa-isang tinitingnan ang mga kasama ni Maurine. “Tatandaan ko ang mga mukha ninyo. I know the school owner, so you'd better behave yourselves, girls, or you'll be expelled.”
“Mau, halika na. Lagot ako sa daddy ko kapag na-kick out ako,” sabi ni Noreen at mabilis na naglakad patungo sa exit door kasama ang iba pa nitong kasama.
Masama na tingin ang binigay sa akin ni Maurine bago tumalikod. Pero pinarating ng tingin niyang iyon na hindi pa siya tapos sa akin. Napabuntong-hininga na lamang ako at sinimulang damputin ang mga nagkalat kong gamit.
“Why do you let her hurt you? Don't you know how to defend yourself?” the man asked.
“Salamat sa pagtulong mo sa akin, pero hindi ko kailangan ang sermon mo,” sagot ko habang nakatuon ang atensyon sa paglalagay ng gamit sa loob ng bag ko.
Napahinto ako nang marinig ko ang palatak niya. “I can't believe this. Kaya naman pala malakas ang loob nila na bully-hin ka dahil hinahayaan mo sila. You're so weak. I can't stand those people who allow themselves to be victimized. Poor thing.”
Nakagat ko ang labi ko. Naapektuhan ako sa sinabi niya, pero hindi ko pinahalata. Ayokong patunayan sa harap niya na mahina nga ako. Pagkatapos kong ilagay ang lahat ng gamit ko, tumayo ako at walang lingon-likod na naglakad patungo sa pinto. Nakapag-pasalamat na ako sa kanya, kaya hindi ko na obligasyon na ipaliwanag pa ang sarili ko sa kanya.
Pagdating ko sa bahay, sa halip na mag-alala sa akin, nakataas na kilay agad ni Mama ang sumalubong sa akin
“Ano'ng nangyari sa pisngi mo? Nakipag-away ka na naman?”
This is my darker side; the time between school and home. Kaya hindi ko masasabing tahanan ang bahay na inuuwian ko dahil maging dito ay hindi ko maramdaman na mahalaga ako. Kahit ipaliwanag ko ang side ko, iisipin niya na ako ang nagsimula ng gulo.
“Dumating na po ba si Ate Heaven?” sa halip ay tanong ko.
“Nasa kwarto niya,” walang emosyon na sabi niya.
Tumayo ako at tinungo ang silid ng nakatatanda kong kapatid. Hindi katulad ni Mama, napuno ng pag-aalala ang mukha ni Ate Heaven nang makita ang pamumula ng pisngi ko. Kaagad siyang kumuha ng ice bag para ilagay ito sa namumula kong pisngi.
Kahit paano, masaya pa rin ako dahil hindi ko naramdaman sa kapatid ko na iba ako, na weird ako katulad ng iniisip ng mga kaklase ko sa akin. Kahit ayaw nila sa akin, may kapatid pa rin ako na nakikita ang worth ko.
Namumula pa rin ang pisngi ko nang dumating si Papa galing sa opisina. Nasa hapag-kainan na kami at alam kong napansin niya ito. Pero sa halip na kumustahin niya ako, tiningnan lang niya ako. Nang nasa loob na ako ng kwarto, saka niya ako pinuntahan para kumustahin. Ang hindi ko maintindihan, bakit hindi niya ito magawa sa harap ni Mama.
“Are you alright, sweetheart?”
Mahina akong nagbuga ng hangin. Nakatalikod ako sa kanya, kaya hindi niya nakita ang naging reaksyon ko. “I'm fine, Pa,” sabi ko, kahit masakit pa rin ang pisngi ko. Hinagkan lang niya ako sa noo ko at umalis na rin sa silid ko.
The bullying worsened day by day. Okay lang sa akin na tapunan ako ng juice, tubig, at kung ano-ano pang likido sa katawan. Okay lang sa akin na ikulong ako sa banyo. Okay lang na saktan ako, pero ‘wag lang na gamitin pati ang allergy ko.
Mag-isa akong kumakain sa mesa sa loob ng canteen nang lapitan ako ni Maurine. May supot siyang dala. Padabog niya itong binigay sa akin.
“Pinabibigay ni Mommy,” nakataas ang kilay na sabi niya, sabay alis at bumalik sa mga kasama niya.
Mabait ang Mommy niya, hindi katulad ni Muarine na maldita. Malapit ang loob ko sa magulang niya, pero ni minsan, hindi ko sinumbong ang mga pambu-bully niya sa akin.
Nakangiti ako nang binuksan ko ang supot. Nagliwanag ang mukha ko nang makita ang chiffon cake. Mahilig gumawa ng cake si Tita Marlene, at ang chiffon cake ang naging paborito ko sa mga gawa niya.
Tinabi ko ang pagkain ko, sabay malaki ang kagat na ginawa ko sa chiffon cake. Ninamam ko ang lasa nito. Pero natigilan ako dahil bigla akong nangati. Mayamaya lang ay hindi na makahinga.
Maingat ako pagdating sa pagkain dahil may allergy ako sa peanut, at alam din ito ni Tita Marlene. Sinulyapan ko si Maureen. Hindi nakaligtas sa mata ko ang ngisi niya. Sinadya niyang lagyan ng peanut ang chiffon cake. Sinabi niyang bigay ito ng Mommy niya dahil alam niyang hindi ko ito tatanggihan.
Hinanap ko agad ang gamot sa bag ko, pero hindi ko ito makita dahil nagpa-panic na ako. Hanggang sa bumagsak na ako sa sahig. May mga lumapit sa akin, pero hindi nagtagal, nagdilim na ang paningin ko at tuluyan na akong nawalan ng malay.
Akala ko ay katapusan ko na, pero pagmulat ko ng mata, alam ko na agad kung nasaan ako.
“Mabuti naman at gising ka na?” Napatingin ako sa nagsalita. Nakita kong prenteng nakaupo si Mama sa sofa at wala man lang mabanaag na pag-aalala sa mukha nito. Tumayo siya. Kinuha niya ang bag niya at tinungo ang pintuan. “Parating na ang Papa mo. Hintayin mo na lang s'ya. Aalis na ako.” Hindi na niya ako hinintay na magsalita dahil lumabas agad siya sa silid na inuokopa ko.
Marahas akong nagpakawala ng buntong-hininga. Umalis ako sa higaan. Lumabas ako sa silid at dinala ako ng mga paa ko sa rooftop ng ospital. Madilim na pala sa labas.
Napapakit ako nang sinalubong ako ng malamig na simoy ng hangin. Humawak ako sa railing bago pinatong ang dalawang paa sa bakal.
Minsan, sumagi na rin sa isip ko na wakasan na lang ang buhay ko, tutal, wala namang may gusto sa akin. Pero naisip ko, hindi ako bibigyan ng ganitong pagsubok kung hindi ko kaya. There's a reason for everything, so despite the world's cruelty, I choose to live.
“Magpapakamatay ka ba?”
Napatingin ako sa nagsalita. Bigla akong natigilan nang makita kung sino ang nakatayo hindi kalayuan sa akin. Siya lang naman ang lalaking tumulong sa akin sa rooftop ng paaralan na pinapasukan ko. Sa rooftop na naman kami nagkita.
Naglakad siya palapit sa akin. Pinatong niya ang mga braso sa railing at tumanaw sa nagkikislapang mga gusali.
“Suicide is not the solution. Isipin mo ang mga taong maiiwan mo kapag nagpakamatay ka. Kung magpapakamatay ka, ‘wag mong gawin ‘yan dito. This hospital is for saving lives, not for ending them.”
Bumaba ako. Ginaya ko siya, pero pinatong ko ang baba sa braso ko at tumingin sa kalangitan.
“Sinong may sabi sa ‘yong magpapakamatay ako? At saka, mali ka. Dahil kahit mamatay ako, walang mag-aalala sa akin. Walang makakamiss sa akin. Kung meron man, iilan lang sila,” sagot ko.
Sa gilid ng mata ko, sinulyapan niya ako. “Kailan ka madi-discharge?” tanong niya, na nagpakunot ng noo ko. Nagtagpo ang aming mga mata nang sulyapan ko siya. “Aalis ako bukas ng gabi papuntang Italy. Would you like to spend some more time with me before I go?” he asked seriously.
Hindi ko maintindihan, pero natagpuan ko ang sarili na tumatango. Umalis siya sa railing. Sinuksok niya ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng pants niya bago tumalikod sa akin.
“I'm leaving tomorrow night at 9:00 PM. Magkita tayo bukas din ng gabi sa Midnight Café.” Alam ko kung saan ang lugar na iyon. “Hihintayin kita,” sabi niya bago siya tuluyang nawala sa paningin ko.
At first, I was hesitant. Paano kung pinagtitripan lang niya ako? Kaya nang dumating ang araw na sinabi niya, hindi pa rin ako makapag-desisyon kung pupunta ako o hindi. Pasado alas otso y medya na ng gabi, pero hindi pa rin ako nakapag-desisyon. Hanggang sa napagtanto ko na walang masama kung susubukan ko siyang puntahan.
Nagpaalam ako kay Papa na may bibilhin lang ako sa convenience store. Ayaw sana niya akong payagan dahil gabi na raw at baka kung ano pa ang mangyari sa akin sa labas. Pero pinilit ko siya hanggang sa pumayag siya. Sinamahan ako ni Mang Rogelio, ang family driver namin.
“Mang Rogelio, pwede po bang pumunta tayo sa Midnight Cafe?”
“Nako, baka pagalitan ako ng Papa mo. Ang paalam mo ay pupunta lang tayo sa convenience store.”
“Sandali lang naman po tayo. Sige na po. Please,” pakiusap ko.
“Sige, pero sandali lang tayo, ha.”
Natuwa ako sa sinabi nito. Ang problema ko lang, medyo mabagal ang usad ng mga sasakyan, kaya baka pagdating ko roon, wala na siya.
Hindi nga ako nagkamali dahil pagdating ko sa Midnight Café, kahit ilang beses kong pasadahan ng tingin ang loob ng café, hindi ko siya makita. Baka hindi na niya ako kayang hintayin. Sabagay, ilang minuto na akong huli sa oras na sinabi niya. Baka kailangan na rin talaga niyang umalis.
Laglag ang balikat ko nang bumalik ako sa sasakyan. Hindi ko maintindihan kung bakit ang laki ng panghihinayang ko. Marahil ay dahil sa unang pagkakataon, may isang tao ang naparanas sa akin na makasama ako kahit sandali lang. Pero sinayang ko lang ang pagkakataon na iyon. Kung mag-krus man muli ang aming landas, magpapasalamat ako sa kanya dahil pinaramdam niya sa akin na kahit sa kaunting panahon, naramdaman kong nag-e-exist din pala ako.