CHAPTER 6

2032 Words
CARYS’ POV MALALIM na ang gabi pero hindi pa rin ako makatulog. Hindi ako makatulog knowing na nasa kabilang room lang si Ninong Emerson pero hindi pa rin ako nakakaganti man lang sa kaniya hanggang ngayon. Lumabas ako ng room ko. Sarado ang kuwarto niya nang dumaan ako pero feeling ko, wala siya sa loob kaya bumaba ako. Tumambay uli ako sa veranda. At tama nga. Nasa garahe pa si Ninong Emerson at may inaayos pa rin siya sa loob ng pick up truck niya. Tumigil lang siya nang makita niya akong nakaupo rito sa veranda. Naka-de kuwatro at walang pakialam kahit nakikita man niya ang makinis kong mga hita dahil nakasuot ako ng maiksi at manipis na pantulog. Tapos nakaharap pa ako sa kaniya habang iniinom ko ang natirang wine kanina. Umakyat dito sa veranda si Ninong. Kaya lalo ko pang itinaas ang laylayan ng damit ko at sigurado ako na nakikita na niya ang singit at bikini ko. Huminto siya sa mismong harap ko. Ang bango niya. Amoy bagong shower at mamahaling pabango na humahalo sa malamig na hangin ng probinsiya. Dahan-dahan niyang ibinaba ang susi ng pick up sa maliit na mesa sa tabi ko. Hindi niya inaalis ang tingin niya sa akin. At sa unang pagkakataon, hindi siya umiwas. Diretso, malalim, at parang natutunaw ang pride ko sa bawat segundong nakatitig siya sa mga mata ko. “Carys,” mababa ang boses na tawag niya sa’kin. Halos bulong na lang pero gumapang ang kilabot sa buong katawan ko. “Stop playing games.” “Sino’ng naglalaro?” patay-malisya ko naman. Tumingala ako sa kaniya, pinapanatili ang mapang-akit kong ngiti kahit ang totoo ay nagkakarera na ang t***k ng puso ko. Inilagay ko ang baso ng wine sa mesa, dahan-dahan, para lang mapalapit pa ako nang kaunti sa kaniya. “I’m just being nice to my ninong. Masama ba iyon?” Huminga siya nang malalim. Nakita ko ang pagtaas-baba ng dibdib niya sa ilalim ng suot niyang manipis na t-shirt. Isang hakbang pa. Isang hakbang na lang at tuluyan nang magdidikit ang mga katawan namin. “Alam mo kung ano ang ginagawa mo,” sabi niya. Biglang humawak ang isang kamay niya sa sandalan ng upuan ko, dahilan para makulong ako sa pagitan ng katawan niya at ng veranda railing. Napakapit ako sa gilid ng upuan. Ang init ng hininga niya ay dumarampi na sa mukha ko. Nawala bigla sa isip ko si Olga, ang nangyari sa New York, at ang lahat ng panggigigil ko buong araw. Ang nasa isip ko na lang ay ang lalaking nasa harap ko ngayon. Ang lalaking matagal ko nang gustong mag-react sa alindog ko pero wala pa rin. “Paano kung sabihin kong... gusto ko lang talagang malaman kung bato ka nga?” pabulong na sagot ko. Matapang ang mga salita ko pero nanginginig ang boses ko. Tumingin si Ninong Emerson sa mga labi ko. Matagal. Tapos ay ibinalik niya ang tingin sa mga mata ko. At may kung anong kislap doon na hindi ko pa nakikita noon. Walang bakas ng galit. Puro init at pagnanasa lang. “Hindi ako bato, Carys,” bulong niya, at dahan-dahang lumapit ang mukha niya sa akin. Nararamdaman ko na ang mainit niyang hininga. “At para malaman mo, ang hirap ang magpanggap na wala lang sa’kin ang gabing iyon sa New York.” Natigilan ako. Tumibok nang mabilis ang puso ko. Dahan-dahang itinaas ni Ninong Emerson ang kabilang kamay niya. Banayad na humawak sa panga ko ang mga daliri niya. Tapos marahan akong pinatingala. Mainit ang palad niya, kabaligtaran sa malamig na hangin sa paligid namin. Lumapit pa siya lalo, hanggang sa ang dulo ng ilong niya ay dumampi na sa ilong ko. “Mali ito,” bulong niya uli, pero hindi siya lumalayo. Mas lalo pa niyang hinigpitan ang hawak sa panga ko, parang sinasabi ng katawan niya na ayaw na niyang bumitaw. “Maling mali kaya umiiwas ako hangga’t kayo ko.” “Kung mali...” sabi ko, halos gumaralgal na ang boses ko sa sobrang sensasyon dahil sa sobrang lapit namin, “bakit hindi ka pa lumalayo? Bakit nandito ka pa rin sa probinsiya at hindi ka pa bumabalik sa Manila para makaiwas nang tuluyan sa’kin?” Isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi niya bago niya tuluyang tinawid ang natitirang distansiya sa pagitan naming dalawa. He claimed my lips! Dahan-dahan lang ang halik ni Ninong. Pero mariin at puno ng emosyong matagal na niyang pinipigil. Ang malalambot niyang labi ay sumakop sa’kin na parang binabawi ang lahat ng panahong iniwasan niya ako. Napapikit ako. Kusa nang binitawan ng mga kamay ko ang upuan para kumapit sa kaniyang mga balikat. Tapos hinila ko siya palapit sa’kin. Naramdaman ko ang pagbuntong-hininga niya sa gitna ng halik. Isang mahinang ungol na nagpatalon sa puso ko. Ang kamay niya na nakasapo sa panga ko ay dahan-dahang lumipat sa likod ng leeg ko. Sinisigurong hindi ako makakatakas. Habang ang isa naman niyang kamay ay pumulupot na sa beywang ko. Binuhat niya ako nang bahagya para mas lalo akong dumikit sa kaniya. Ang init, ang tamis, at ang bango ng laway at hininga niya. At lahat iyon ay sumakop sa buong pagkatao ko. Nawala ang pride ko. Nawala ang planong pakikipaglaro ko. Sa sandaling gumanti ako sa halik niya, alam kong hindi na lang ito tungkol sa paghihiganti ko sa kaniya. Nang dahan-dahan niyang ilayo ang kaniyang mga labi, kapwa kami hingal na hingal. Nanatiling magkadikit ang mga noo namin. Ang mga kamay ko ay nakabaon pa rin sa tela ng T-shirt niya, nanatiling mahigpit ang hawak niya sa bewang ko. Na parang natatakot na talikuran at iwanan ko rin siya katulad ng ginawa niya sa’kin sa New York noon. Tumingin siya sa akin. Mapungay at puno ng kakaibang lambing ang mga mata niya. “Ngayon, Carys...” bulong niya, habol pa rin ang hininga habang hinahaplos ng dulo ng daliri niya ang mga labi ko. “Sabihin mo sa akin kung paano natin haharapin ang lola mo bukas.” CARYS’ POV HINDI ako nakatulog pagkatapos ng nangyari sa veranda. Paulit-ulit na nag-replay sa utak ko kung paano humalik si Ninong Emerson, kung gaano ka-diin, kainit, at kung paano niya hinawakan ang beywang ko na parang ayaw na niyang bumitaw. At kapag naaalala ko 'yong huling tanong niya tungkol kay Lola, mas lalong nagwawala ang nerbyos sa dibdib ko. Paano nga kaya kapag nalaman ni Lola na ang ninong ko na pinagkakatiwalaan niya sa’kin ay nakahalikan ko kagabi? Kaya naman, bago pa mag-alas siyete ng umaga, bumaba na ako. Gusto ko sanang maunang kumain para hindi ko siya makasabay. Pero mukhang nagkamali ako ng calculation. Dahil nadatnan ko si Ninong Emerson sa dining room. Pero sa pagkakataong ito, hindi siya nagbabasa ng newspaper. Nakatitig lang siya sa tasa ng kape niya. Malalim ang iniisip, at halatang puyat din dahil medyo magulo ang buhok niya na lalong nagpaguwapo sa kaniya. Napatigil ako sa may pintuan. I watched him for a while. Umingay ang tsinelas na suot ko nang maglakad na ako kaya napatingin siya agad sa akin. Nagsalubong ang mga mata namin. At sa loob ng tatlong segundo, parang nawalan ng hangin sa buong paligid. Pakiramdam ko ay nag-init ang buong mukha ko hanggang sa dulo ng mga tenga ko. Ang tapang na ipinagmamayabang ko kay Olga kagabi? Biglang naglaho na parang bula. “G-good… morning,” kinain ko ang natitirang pride ko para batiin siya. Pero pabulong lang ang lumabas sa bibig ko. Iniwas ko agad ang tingin ko at naglakad papunta sa katapat na upuan. “Morning,” maikling sagot niya. Mababa ang boses niya, medyo paos pa, at naramdaman ko ang pagsunod ng tingin niya sa bawat kilos ko. Umupo ako nang tuwid na tuwid. Kumuha ako ng plato nang napakabagal para lang may magawa ang mga kamay kong nagsisimula na namang manginig. Sakto namang pumasok si Lola Molly mula sa kusina, may dalang bagong lutong sinangag. “O, gising na pala ang maganda kong apo!” masayang bati ni Lola na bumasag sa nakakabinging katahimikan. Inilapag niya ang pagkain sa gitna. “Emerson, anak, sandukan mo nga ng kanin at ulam itong si Carys. Tignan mo nga, parang nangangayayat ang inaanak mo. Hindi yata sanay sa mga pagkain dito sa probinsiya. Alagaan mo nga ‘yang inaanak mo.” Muntikan ko nang mabitawan ang kutsara sa pag-utos ni Lola kay Ninong. Na para bang responsibilidad niya ako. Dahan-dahan namang gumalaw si Ninong Emerson. Tumayo siya nang bahagya at inabot ang plato ko. Sa sobrang lapit niya, naamoy ko na naman ang pamilyar niyang pabango na humahalo sa amoy ng sinangag at kape. “Ilan?” maikli at pormal na tanong niya habang hawak ang pinggan na may longganisa. Pero ang mga mata niya, nang sumulyap siya sa akin, may dalang kakaibang tindi na nagpaalala sa akin ng halik kagabi. “Isang… isang longganisa lang,” pautal na sagot ko. Bakit ba ako nauutal? I’m Carys Virtanen! Isang New York girl! Pero ngayon, para akong grade schooler na nahihiya sa crush niya. Inilagay niya ang kanin at dalawang pirasong longganisa sa plato ko kahit sinabi ko na nga na isa lang. Habang ibinabalik niya ang plato, dumampi ang dulo ng mga daliri niya sa balat ng kamay ko. Parang may kuryenteng gumapang sa braso ko. Mabilis kong binawi ang kamay ko kaya medyo natapon ang kaunting kanin sa mesa. “Ay, naku, Carys, bakit ba parang tahimik ka ngayon?” puna ni Lola habang umuupo sa kabisera. “Emerson, napagod mo ba masyado ang inaanak mo kahapon sa pag-ikot sa bukid? O napuyat kayo sa kuwentuhan n’yo kagabi? Gabi na raw kayo umakyat sabi ni Linda,” tukoy ni Lola saa mayordoma. Nabulunan si Ninong Emerson sa iniinom niyang kape. Mahina siyang umubo at mabilis na kumuha ng tissue para magpunas ng mga labi. Muntik na rin akong mabulunan sa longganisa na nginunguya ko. Nakita kaya kami ni Manang Linda? “H-hindi naman po, Tita,” sagot ni Ninong nang makabawi siya. Tumingin siya kay Lola, tapos dahan-dahang lumipat ang tingin sa akin. May kaunting ngiti na sumilay sa gilid ng mga labi niya na ako lang ang nakakakita nang mapansin niyang namutla rin ako. Isang mapang-asar na ngiti ang ibinigay niya sa’kin. “Napasarap lang ang kuwentuhan namin kagabi kaya late na kami umakyat. Di ba, Carys?” Sumikip ang dibdib ko sa inis at kilig na hindi ko maipaliwanag. Sinisipa niya ako sa ilalim ng lamesa gamit ang mga paa niya! “Yes, Lola,” sagot ko habang pinapantayan ang tingin niya at tinaasan ko siya ng isang kilay, sinusubukang ibalik ang dating Carys. “Medyo mainit lang talaga kagabi kaya hindi agad ako nakatulog.” Napatitig sa akin si Ninong Emerson. Humigpit ang hawak niya sa kaniyang tinidor. Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa pagitan naming dalawa sa harap ng hapag-kainan, habang si Lola naman ay patuloy lang sa pagkain na walang kamalay-malay na ang inaanak at ninong na kaharap niya ay nagpalitan ng makasalanang halik sa veranda kagabi. “Mabuti naman kung ganoon,” sabi ni Lola, nakangiti. “Kasi mamayang gabi, may dinner tayo kasama ang ilang pamilya rito sa San Benitez. Gusto kong pormal na ipakilala ka kanila, apo. Pormal ko ring ipapakilala si Ninong Emerson mo bilang protector at tour guide mo habang narito ka sa Pilipinas.” Nabitawan ko na talaga ang kutsara ko sa plato, lumikha 'yon ng matunog na kalansing. Si Ninong? Protector at tour guide ko? “Lola! Sorry po pero hindi ko kailangan ng protector. I can protect myself,” agad na tutol ko. “Matagal na po akong namumuhay nang mag-isa sa New York. Bakit hindi ko kayanin dito sa Pinas?” “Iba ang New York at iba ang Pinas, Carys. Marami kang hindi alam dito kaya kailangang mo ng taong makakasama palagi,” giit naman ni Lola. “At nangako naman sa’kin ang Ninong mo na sasamahan ka habang nandito ka pa. Tutal, one month lang naman.” Tumingin ako kay Ninong Emerson. Ang seryoso ng mukha niya. Pero diretso ang tingin niya sa’kin. Na parang sinasabing na ito na ang epekto ng pakikipaglaro ko sa kaniya. Itutuloy…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD