Halos magpabili na ako sa lahat ng bookstores ng librong 'yun pero pare-pareho lang ang nababasa ko. Wala talaga ‘yung original story. Sigurado akong nag-iba talaga ang istorya, kahit hindi ko pa ulit nakikita ang librong binigay ni Celine sa akin na alam kong kapareho lang naman ng mga nasa bookstores at mga kopya ng mga kasama ko sa proyektong ito. Paanong nabago pati ‘yung mga nauna naming na-shoot? I even watched it at naiiyak na lang ako sa nangyayari ngayon sa akin. Pinipigilan kong ipaglaban sa lahat ang mga napuna ko dahil pagtatawanan lang nila ako.
"Mama B, kailangan kong lumabas ngayong gabi, mababaliw na ako kaiisip," sabi ko sa telepono.
"Dahil kay Gary na naman ba? Alam mo, Cindy–"
"No. I mean, yes nai-stress na ako sa mga eksena namin ni Gary sa pelikulang 'to. Please, ang hirap i-explain pero naguguluhan na ako, hayaan mo muna akong makalimot kahit sandali," pakiusap ko sa manager ko. Gusto kong sabihin 'yung mga nangyayari pero ang hirap ipaliwanag, walang maniniwala sa akin.
"Papayagan kita ngayon pero last na ‘yan, hanggat hindi pa natatapos ang pelikula, hindi ka na muna makaka-gimik. Bukas pag-usapan natin 'yan okay?"
"Okay, thanks. Bye, Mama B,” nakangiti kong paalam.
Nagpunta ako kasama ang ilang non-showbiz friends ko sa isang exclusive na club sa Manila. Hindi ako puwedeng magpakalunod sa alak kaya chill lang.
"Hindi ka pa rin ba nakaka-move on kay Gary?" tanong ni Kathy nung mapansing malalim ang iniisip ko. Si Kathy na lang at ako ang naiwan dahil nag-uwian na ang iba naming kasama.
"Ha?” Hindi ko alam ang sasabihin ko. Sa totoo lang, ‘yung libro 'yung iniisip ko. "Paano nga ako makaka-move on agad eh araw-araw kaming nagkikita," sabi ko na lang.
"Speaking of the f*****g liar," sabi ni Kathy habang nakatingin sa papalapit sa amin.
Alam ng halos lahat na break na kami ni Gary pero sina Kathy at manager ko lang ang may alam ng dahilan ng break up namin. Akala ng mga fans namin cool off lang kaya umaasa pa rin silang magkakabalikan kami lalo pa at may ginagawa kaming pelikula.
"I think you need to talk to him na, heart to heart talk para hindi ka na laging malalim ang iniisip," sabi pa ni Kathy.
"No. Bakit pa?" tanong ko.
"Tss, Cindy, hindi mo naman siya puwedeng iwasan ng iwasan. Paano ang pelikula? Alam kong magaling kang umarte pero alam ko ring nahihirapan ka na. Mukhang hindi ka niya titigilan hanggat hindi ka nakakausap ng seryoso. Hindi mo sinasagot ang mga tawag niya, tapos eto pinuntahan ka na. Cindy, kahit ako ay naiinis sa nagawa niya sa'yo, pero para sa sarili mo, why don't you give him a chance to talk to you, to have the closure you both need?"
"Paano kami mag-uusap, ang daming tao rito," sabi ko.
"Sige na, mauna na ako sa'yo. Magpapasundo na ako sa driver ko tutal ilang oras na naman tayo rito," sabi ni Kathy.
"Sigurado ka?" tanong ko.
"Yes. Go talk to him somewhere, bye. Mwah." Tumayo kami para magpaalam na sa isa't isa. Umalis na si Kathy at naiwan akong mag-isa atsaka pa lang lumapit si Gary.
"Cindy, ihahatid na kita," sabi ni Gary.
"Sino bang may sabi sa'yo na uuwi na ako?" sabi ko na may katarayan.
"Please, Cindy. I want to talk to you. Kailan mo ba ako kakausapin?" tanong ni Gary.
"Hindi pa ba tayo nag-uusap?" I sarcastically asked.
"Please, not here. Cindy, ihahatid na kita," sabi niya atsaka hinawakan ang kamay ko palabas ng club. Wala na akong nagawa, maraming tao sa paligid, ayokong kung ano-ano na namang issues na lumabas sa balita kahit hindi naman talaga maiiwasan.
Pinagbuksan niya ako ng pinto ng kotse atsaka ako sumakay sa passenger's seat. Tahimik kami sa biyahe hanggang sa tumigil na sa harapan ng bahay ko. Naghihintay ako ng sasabihin niya pero naramdaman ko ang kamay niya sa kamay kong nakapatong sa hita ko. Agad kong inalis ang kamay niya sa kamay ko.
"Hindi kita niloko, hindi kita kayang lokohin," sabi niya habang nakatingin ako ng diretso sa harapan.
"So, ano pala 'yung nakita ko? Normal lang ba sa isang may karelasyon ang makipaghalikan sa ibang babae, ha?"
"Cindy, hinalikan niya ako, iba 'yung nakipaghalikan ako sa kanya," katuwiran niya.
"So, ako ang mali? Pasalamat ang babae na 'yun wala siya sa showbiz. Sabagay, kaya nga mas gusto ko pang manahimik na lang baka sumikat pa 'yung babae na 'yun," sabi ko na may inis. "Bakit ba hindi mo na lang tanggapin na malaya na kayo ng babaeng 'yun tutal wala na naman tayo!?" sabi ko pa sa sobrang inis. Gusto ko ng bumaba ng sasakyan sa sobrang sama ng loob dahil sa nangyari.
"Dahil mali ang iniisip mo!” sabi ni Gary na may diin pero ilang segundo kaming nagtitigan bago ulit siya nagsalita. “Ikaw lang, walang iba Cindy, wala,” sabi niya sa mababang tono. “Bakit ba ayaw mong maniwala? Maaaring nakita mong hinalikan niya ako pero hindi ko 'yun ginusto, kung hindi ka agad umalis, nakita mo sana nung inilayo ko siya sa akin at narinig mo sana nung sinabi ko sa kanyang wala akong ibang mahal kundi ikaw Cindy, ikaw lang," sabi pa niya.
Gusto ko ng maiyak, pero puwede bang galingan ko na lang magpanggap na balewala lang sa akin ang mga sinasabi niya ngayon tutal magaling naman akong umarte? Bubuksan ko na sana ang pinto ng kotse pero agad niyang ni-lock.
"Gary, unlock the door," sabi ko.
"Please Cindy, paniwalaan mo naman ako. Patawarin mo ako kung nasaktan kita, hindi ko 'yun sinasadya, nabigla rin ako sa nangyari. Love, please give me a chance to prove na ikaw lang ang mahal ko, please?" pakiusap niya.
Hindi ko alam, pero bakit lumalambot na 'yung puso ko? Maaaring nagkamali ako ng interpretasyon sa nakita kong paghalik nung babae sa kanya pero masakit talaga eh, at natatakot ako na masaktan ulit. Kapag pinagbigyan ko siya ngayon lalo lang akong mapapamahal sa kanya at mas matatakot ng mawala siya sa piling ko.
"Unlock the door," ulit ko sa mababang tono. Wala na siyang nagawa kaya sumunod na lang siya sa sinabi ko atsaka ako lumabas ng kotse. I need to think, mahirap magtiwala ulit. Gusto ko pang makasiguro na totoo nga ang mga sinabi niya.
Pagkatapos kong mag-shower ay humiga na ako sa kama. Hindi ko mapigilang tumulo ang luha ko nung tumagilid ako sa pagkakahiga. Mahal ko si Gary, mahal ko pa rin siya. Natatakot lang ulit akong magtiwala kasi baka hindi ko na kayanin ang pagsubok sa aming relasyon at makalimutan kong nasa mundo ako ng showbiz.
Maya-maya ay sumagi sa isip ko si Celine. Biglang namatay ang nakabukas na ilaw. Nakaramdam ako ng takot pero agad namang nabuhay ang ilaw sa kuwarto ko. Hindi ako nakatulog dahil sa dalawang klase ng takot. Una, takot na magmahal ulit at pangalawa, takot na baka magpakita si Celine.