Magtatakipsilim na nang makalapag sa paliparan ang eroplano. Halos dalawang taon din akong nawala at hindi ko inasahang mapapaaga ang pag-uwi ko.
Dinaig ko pa ang napipi nang hindi na ako kumibo ulit simula makaalis kami sa New York. Kung aapila ako ulit sa kaniya ay baka sa kabilang pisngi ko naman lalapat ang palad niya.
Paulit-ulit kong sinubukang makiusap kay Dad kanina na bigyan pa ako ng isa pang pagkakataon. Pero wala na siyang kahit katiting na tiwala sa akin.
Sa isang iglap ay nawala ang lahat. Ang pangarap kong makapiling ang kapatid ko at makapagtapos ng pag-aaral sa ibang bansa. Lahat ‘yon nawala dahil lang sa nagtiwala ako sa propesor na ‘yon!
Hindi na ako natuto. Alam ko naman na bantay-sarado ako ng mga magulang ko. Bata pa lang ako ay inaalam na nila ang lahat ng nangyayari sa akin hanggang ngayong nasa tamang edad na ako ay nanghihimasok pa rin sila.
“Malapit na po tayo, Don Faustino,” dinig kong sabi ng driver ni Dad. Sinundo kasi kami nito pagkarating na pagkarating namin dito sa isla.
Hindi ko na lang sila binigyan ng pansin. Nakaupo pa rin ako sa backseat habang nakasandal ang ulo ko sa saradong bintana ng sasakyan saka sinusubaybayan ang daan.
Para akong batang napa-guidance tapos pinasama lang pauwi sa magulang kaysa tapusin ang buong araw ng klase. Naghihintay lang din na makauwi bago todong papaluin.
“Pinapasabi po pala ni Donya Patricia na naghanda siya ng munting salo-salo sa pag-uwi ninyo ni Señorita Misha. Baka po kasi bigla kayong may lakad mamaya, ipagpabukas na lang daw.”
Pinalabas ko lang sa kabilang tainga ko ang narinig ko. Sa pangyayaring ito ay ni hindi ko masisikmurang lumunok ng pagkain. Hindi ko rin alam na ang paghahanda ay ginagawa rin pala kahit hindi masaya.
Pero ano bang magagawa ni Mom para pigilan si Dad? Sure na kapag nagkita na kami mamaya ay papalubagin niya lang ang loob ko. Kukumbinsihin niya lang ako na para sa ikakabuti ko ang desisyon nilang ito.
Siguro kung ako pa rin ang batang Misha noon, susunod ako sa lahat ng sasabihin nila. Pero nasa wastong edad na ako, may sarili na akong pag-iisip. Marami na akong gustong gawin na tiyak na aayaw sila.
Napatingin ako kay Dad na nasa gilid ko nakaupo. “Ngayong araw lang ang tanging day off ng Mom mo. Gawin mong memorable ang araw na ito para sa kaniya.”
Umiwas ako ng tingin saka mahinang napabuntong-hininga. May pharmacy store si Mom dito sa isla habang neurologist naman si Dad. At lahat ng kamag-anak sa parehong side ng magulang ko ay nasa medical field.
Tanging ako lang ang naiiba nang piliin kong mag-aral ng journalism. Iniisip ko pa lang ang nakaraan kung paano ko sila kukumbinsihin ay parang panaginip lang na napapayag ko sila.
“Naiintindihan mo ba ang sinabi ko, Misha?” giit niya na hindi ko ikinakibo. “At nasabihan ko na rin pala ang kilala kong dean sa Universidad de Amore. Papasok ka na lang sa darating na pasukan bilang sikolohiya.”
“What?” gulat kong sambit saka siya tiningnan. “Mali po ba ako ng narinig? Anong gagawin ko sa psychology field?”
“Mali ang tanong mo, hija. Ang tanong mo dapat ay… anong gagawin mo kung sa journalism ka pa rin?”
Hindi ako mapakali sa kinuupuan ko. Nagpapanik ako sa loob ko dahil wala sa usapan naming mag-iiba ako ng program. Napilit na nga akong umuwi at hindi tapusin ang pag-aaral sa ibang bansa tapos papaaralin niya pa ako sa field na wala akong interest.
Mas mabuti pang huwag na lang mag-aral. Hindi ko ilalaan ang sunod na apat na taon para mag-aral sa sikolohiya na paniguradong gusto niyang maging stepping stone ko ito para sa medical school.
Sinabi ko na sa kanila na hindi lumalatay sa dugo ko ang Contessa. Kung magaling sila at mahal nila ang medical field, sila lang ‘yon at hindi ako!
“Dad, please!” pagsusumamo ko. “Mahirap mag-aral, paano pa kung hindi ko gusto ang inaaral ko?”
“Misha, ayoko ng paraan mo ng pag-iisip,” iritado niyang sambit. “Hindi mo magugustuhan ang isang bagay kung hindi mo susubukan.”
Paulit-ulit akong umiling habang naluluha na lang din. Nakaramdam na tuloy ako ng pagsisisi sa ginawa kong pagsuway. Hindi ko akalain na ganito katindi ang parusang ibibigay niya. Tipong walang patawad na para bang hindi niya ako tinuring na anak.
I mean never naman akong tinuring na anak ni Dad. Sinusustentuhan niya lang talaga ako dahil kay Mom.
“Mag-aaral po ako ng journalism o hindi na ako magkokolehiyo!” hamon ko. Tiningnan ko siyang tinaas agad ang magkabila niyang mahabang manggas. Pero natigilan siyang hablutin ang braso ko nang magsalita agad ang driver.
“Don Faustino, nandito na po tayo,” ilap na saad ng driver.
Napahugot ako ng hangin para kontrolin ang sariling huwag umiyak. Isa sa kinatatakutan ko kay Dad ay kapag nagagalit siya ay nananakit siya. Pero ang agresibong side niyang ‘yon ay ako lang ang nakakaranas dahil sumisigaw lang siya kapag nag-aaway sila ni Mom.
Ngunit bihira lang sila mag-away dalawa. Hindi niya sinasaktan si Mom. Hindi rin alam ni Mom ang minsang pananakit ng asawa niya.
Siguro gano’n nga katigas ang ulo ko na pati dugo ni Dad ay napapataas ko. At kung tunay lang niya akong anak, siguro hindi niya ako sasaktan o aambahan man lang.
Iniisip siguro ng iba na only child ako kaya spoiled ako. Pero dinaig ko pa ang nakapihit sa kulungan sa bantay-sarado ang bawat galaw ko.
“Mamili ka, mag-aaral ka sa kolehiyo o ikukulong kita sa silid mo?” galit niyang tanong. “Tandaan mong may kasalanan ka, marapat lang sa’yong maparusahan.”
Bumagsak ang mga luha ko. Sinundan ko siya ng tingin na bumaba ng sasakyan saka umikot para salubungin ang batang katulong na lumapit at may sinabi.
Tiningnan ko ang pinto sa tabi kong binuksan ng driver. Nakababa na rin siya at pinagbuksan ako ng pinto saka nag-alok na aalalayan pa ako upang bumaba.
“Kaya ko ang sarili ko,” masungit kong tugon.
Hindi pamilyar sa akin ang driver at kahit katulong na ito. Matanda na sila kumpara sa akin pero mukhang baguhan lang sila rito sa mansyon.
“Kami na po ang bahala magpasok sa gamit niya saka maglagay sa silid niya,” dinig kong saad ng katulong. Ngumiti siyang bumati sa akin nang makalapit ako sa kanilang tatlo pero masungit ang awra ko sa sobrang sama ng loob ko.
Hindi naman ako ganito kabastos. Kasundo ko noong bata ako ang mga nag-aalaga sa akin dito sa mansyon. Pero mukhang ngayon ay nag-resign na sila kaya ibang mga mukha na ang nakikita ko.
“Nasaan na si Aling Pacing?” mabilis kong tanong.
“Huwag mo ng hanapin ang wala. Pinalitan na siya ni Juana, anak siya nitong si Pablo,” tugon ni Dad na isinenyas ang katulong pati driver.
Dismayado akong napaiwas ng tingin. Hinintay kong makaalis muna silang dalawa na binuhat ang mga gamit galing sa sasakyan at ipinasok sa bahay. Doon ko lang hinarap si Dad para itanong ang tungkol sa nag-alaga sa akin ng matagal na panahon.
“Pinabalik ko na siya sa kanila dahil hindi niya na rin kayang magtrabaho pa. Matanda na siya kaya mas mabuting magpahinga na ang gano’ng edad. Dekada na rin ang tinagal niya simula nagtrabaho siya sa atin dito.”
Napaikot ang mga mata ko sa galit. Hindi ako tanga para hindi isipin na parusa niya rin ito sa akin. Inaalis niya pati mga taong pwede kong masandalan!
“Ilang buwan na lang ay magpapasukan na ulit, ihanda mo ang sarili mo dahil sa huli ay ako pa rin ang magdedesisyon dahil ako ang susustento sa’yo,” paalala niya.
“Hindi ko na po kailangang maghanda,” sarkastika kong pabatid. “Mas pipiliin kong magkulong sa silid kaysa mag-aral ng iba…”
Isang malakas na sampal ang lumapat sa pisngi ko. Ramdam ko pa nga ang kirot ng sampal niya noong nasa hotel pa kami sa New York tapos nadagdagan pa ng isa ngayong nakauwi na kami sa bahay.
“Honey, anong ginawa mo?” sulpot na tanong ni Mom.
Mabilis siyang tumakbong lumapit sa akin saka tiningnan ang pisngi ko habang ako ay nawalan na ng emosyon. Nakiusisa sila Juana na kakalabas lang ng bahay para buhatin ulit ang ilan pang gamit mula sa sasakyan.
Kasalukuyan kaming nakatayo sa pagitan ng pinakapinto ng bahay at ng malaking gate kung saan may maliit na fountain sa sentro nito.
Maraming halaman sa paligid ng mansyon. Malawak ang hardin saka bukod sa swimming pool sa likod ng bahay ay may veranda rin. Kung hindi ako nakakalimot sa dalawang taon kong nawala ay mayroong grand staircase at wine cellar, ayon ang ilan sa magagandang bahagi ng malaking bahay ng Contessa.
“Faustino, bakit mo sinaktan ang anak natin?” hindi makapaniwalang tanong ni Mom. “May ginawa ba si Misha?”
“Bakit hindi siya ang tanungin mo, Patricia? Wala na nga siyang ibang gagawin kundi ang mag-aral, pero hindi niya pa rin magawa!” galit na saad ni Dad. “Hindi lahat ng bata ay nakakapag-aral kaya magpasalamat ka na binigyan ka ng kakayahang mag-aral.”
“Misha, alam kong nabigla ka sa pagsundo sa’yo ng Dad mo sa ibang bansa, subalit makakabuting bumalik ka na lang dito sa isla,” saad ni Mom. “Dalawang taon kang nawalay sa piling namin. Hindi mo ba nami-miss ang buhay dito sa La Isla de Amore?”
Palipat-lipat ang tingin ko sa mata at bibig ni Mom habang sinasabi niya ‘yon. Kaya lang ba siya sumang-ayong ipasundo ako dahil nangungulila lang siya sa akin?
“Nais ko pong ipagpatuloy ang pag-aaral ng journalism,” mahina kong pabatid.
Tumangong ngumiti si Mom. “Kung ayan lang ang kapalit para manatili ka ulit dito sa isla ay walang problema. Mabuting mag-aral ka ayon sa gusto mo kaysa hindi ka tumuloy sa kolehiyo.”
“Patricia, nagdesisyon na ako,” sabat ni Dad. “Psychology ang kukunin niya sa kolehiyo. Wala akong pakialam kahit bumalik siya sa freshman year niya. Mahaba ang buhay, marami pang oras.”
“Mom, please!” pagsusumamo ko saka umiyak na lang. “Hindi ako didiretso sa medical school! Ayokong ilaan ang halos buong buhay ko sa pag-aaral lang!”
Nalilito si Mom na papalit-palit kaming tiningnan. Hindi niya alam kung kanino papanig. Pero mukhang hindi niya rin inasahan ang makasariling desisyon ni Dad.
“Patricia Noire.”
Isang maawtoridad na boses ang pinakawalan ni Dad para hindi pumanig sa akin si Mom. Napahagulgol na lang ako nang hinawakan ni Mom ang magkabila kong pisngi saka malungkot na ngumiti.
“I’m sorry, anak,” mahina niyang sambit.
Mabilis kong hinawi ang magkabila niyang palad sa mukha ko. Wala akong nagawa kundi humikbi na parang bata sa harap nila.
Hindi ko napigilan ang sariling lisikan ng tingin si Dad. Siya ang rason kung bakit miserable ang buhay ko!
“Pero susuportahan kita, kung mahirapan ka man ay pwedeng ipa-private tutor ka namin, hindi ba?” pagpapakalmang sambit ni Mom. “Huwag ka ng umiyak, matatakpan ang kagandahan mo…”
“I’m not a child anymore!” giit ko sa kanilang dalawa. Hindi natinag si Dad na pinanood akong maging miserable habang si Mom ay alam kong wala namang magagawa.
Bago pa ako mawalan ng kontrol sa sarili. Bago ko pa piliing maging bayolente. Tinalikuran ko na agad sila saka naglakad palayo.
“At saan ka pupunta, Misha Samara?!” pahabol na tanong ni Dad.
“Honey, hayaan mo muna siya!”
“Anong hayaan, Patricia? Mapapahamak ‘yan kung hahayaan!”
Umiwas ng tingin sina Manong Pablo at Juana nang lumapit ako sa sasakyan. Pero bago pa ako sumakay sa drive seat ay hinarap ko agad sila Dad na hinabol ako at pinigilan.
“Nakalimutan n’yo yata na 21 na ako? Hindi na ako bata para hindi malaman ang tama sa hindi! Kaya ko ang sarili ko, hindi naman ako bobo!”
Ayaw pa ibigay ni Manong Pablo ang susi pero nakuha ko naman ito. Wala ng nagawa si Dad kundi kumalma matapos kumbinsihin ni Mom na hayaan muna akong lumanghap ng sariwang hangin.
Tiningnan ko silang apat na nakasubaybay sa akin nang makasakay ako at mabuhay ko ang makina. Tumalikod na agad sina Manong Pablo at Juana para buhatin ang bitbit nilang gamit sa loob ng bahay habang sina Dad at Mom ay nag-uusap.
Mukhang kinukumbinsi pa rin ni Mom si Dad na magiging maayos din ang lahat. Babalik din ako sa ulirat.
Masama ko silang tiningnan bago mabilis na pinatakbo ang sasakyan. Natuto akong magmaneho bago ako mangibang-bansa. Hindi ako nag-driving school kundi sa driver lang din noon ni Dad ako nagpaturo.
Wala akong ideya kung saan ako pupunta. Basta tinahak ko na lang ang tuwid na daan hanggang sa itinabi ko ang sasakyan.
Pumarada ako sa gilid kaysa naman maaksidente ako. Nahirapan na kasi akong makakita dahil sa bukod sa lumalabo ang paningin ko dahil sa luha ay tuluyan na ring kinain ng dilim ang paligid.
“B-Bullsh*t! Tanginang buhay ito!” sigaw ko sa galit habang paulit-ulit na hinahampas ang manibela. “Mamatay na lang kung ganitong buhay lang din ang mararanasan!”
Hindi ko ininda ang kirot sa palad ko sa paulit-ulit kong paghampas. Napipindot ko nga pati busina pero wala naman ako sa highway. Walang dumadaan dito dahil mukhang nasa dulong bahagi na ako ng isla.
Hindi ko na alam kung nasaan ako. Hindi naman ako gumagala dahil taong-bahay saka eskuwelahan lang ako palagi noon.
“F*cking assh*le! Kasalanan lahat ito ng professor na ‘yon! He f*cking betrayed me!” walang tigil ko sa pagsigaw.
Dinaig ko pa ang bata na nagta-trantum sa sobrang galit ko. Pakiramdam ko nagkandaletche-letche na ang buhay ko at wala na akong ibang magagawa kundi ang sumunod sa naisin nila.
Kung kaya ko lang bumukod mag-isa, sana matagal ko ng ginawa. Sure na pagtapos ng gabing ito, bukas ay inaasahan nilang magiging okay na ako. Iniisip ko pa lang ang magiging buhay ko rito sa isla parang ikamamatay ko na.
Hindi ko na mahahanap ang kapatid ko tapos ibang program pa ang aaralin ko. Sila Dad na ang halos nagtatakda ng buhay na ito at hindi naman naging ako.
Kung alam ko lang na dalawang taon lamang ako magiging malaya, sana nilubos ko na. Isinantabi ko muna ang pag-aaral sa gayon maraming oras akong nailaan para hanapin ang kapatid ko.
At kung nahanap ko lang ang kapatid ko noong bata ako, pwede siyang kumuha ng custody sa akin. May chance pa sana na mabuhay ako ayon sa nais ko. Mararanasan ko sana paano maging isang tao.
Todo lang ako sa pag-iyak habang nasa loob ng sasakyan. Napahilamos na lang ako sa mukha kasabay ng walang tigil na paghikbi.
Sobrang sakit sa dibdib. Ang hirap mabuhay kapag alam mong hindi ka para sa sarili mo nabubuhay kundi sa ibang tao.
“W-Why are you doing this to me, Dad?!” humagulgol kong sigaw sa kawalan. “Anong ginawa kong masama para hindi ko makasama ang kapatid ko at mabuhay ayon sa pangarap ko?!”
Rebelde na kung rebelde pero hindi ako babalik sa dating ako. Sukang-suka na akong sumunod sa nais nila Dad. Ayoko na magpanggap na mabait at isipin kung gaano ako kasuwerteng inampon nila.
“You’re so hard to please!” humihikbi kong sigaw. Pakiramdam ko nasugatan na ang ngalangala ko sa kakasigaw subalit ang dibdib ko ay mabigat pa rin sa sobrang sama ng loob.
Ginawa ko naman noon ang lahat ng nais ng mga magulang ko. Kaya bakit ayaw nila akong pagbigyan ngayon? Gagawin ko lahat basta makita ko lang ulit ang kapatid ko tapos makapag-aral lang ako ng journalism!
Pero bakit ba kasi kung ano pa ang gusto ko ay siyang ayaw na ayaw ni Dad? Bakit ayaw akong panigan ni Mom kung naaawa siya sa akin?
Sobrang dami kong katanungan sa sarili ko. Para bang ibang tao ako sa katawan na ito kaya para akong nawalan ng direksyon.
“F*ck you! Nakagilid na nga ako!” galit kong sigaw nang may sasakyang dumaan saka binusinahan ako.
Nakaparada na nga ako sa tabi tapos bumusina pa siya. Ang lawak-lawak ng daan dahil wala naman halos dumadaan.
Mabuti na lang talaga nakababa ang bintana ng sasakyan na ito kung hindi ay mapapaaway talaga ako ‘di oras. Sobrang sahid na kasi ang pasensya ko pati na kabaitan ko.
I don’t think I would be kind tonight like everyone else expects me to act. Kilala ang pamilya ko sa islang ito dahil isa lang naman ang Contessa sa mayaman na pamilya sa La Isla de Amore. Pero iilan lang at halos mga kamag-anak lang ang nakakaalam ng katotohanang hindi ako ang tunay na unica hija nila Dad.
Never naging maayos ang relasyon ko sa mga kamag-anak ng mga magulang ko. Iniiwasan ko rin ‘yang family reunion nila na halos dinadaos kada-taon.
Nang unti-unting humupa ang emosyon ko ay saka ko lang minaneho ulit ang sasakyan. Ayoko namang maaksidente, hindi dahil sa takot akong mamamatay, kundi ayokong masira ang sasakyan at lumaki pa ang lumulubo kong utang kanila Dad simula kupkupin nila ako.
Agad kong tinabi ulit ang sasakyan nang mapansin ko ang isang bagong establisyemento rito sa sentro. Sa tagal kong nawala ay marami ng nagbago sa isla. Mas naging moderno ang buong paligid.
Tanda ko noon ay wala pang bar dito malapit sa tabing-dagat. Paliguan lang ito ng mga dumadayo sa isla, subalit ngayon pati ang bar ay naging tourist spot na.
“Everything works except my life,” bulong ko sa sarili. Walang kabuhay-buhay akong bumaba saka tinitigan ang lugar nang maalala ko ang bar sa California.
Pero magkaibang-magkaiba ang lugar dahil city vibe ang bar do’n habang province vibe pa rin ang bar na ito.
Mas kapansin-pansin ngayong gabi ang bar dahil sa ilaw nitong kulay dilaw. Open area din ang ground floor tapos maraming sasakyan ang nakapalibot at nakaparada. Idagdag pa ang maraming babae ang nakasuot ng bikini tapos shirtless at trunk short naman sa lalaki.
Bumaba ang tingin ko sa suot ko habang pirming nakasandal sa pinto ng sasakyan. Puro fitted ang suot kong blue jeans at long-sleeve brown top. Palagi lang nakabagsak ang unat kong buhok na hanggang ibabang balikat lang ang haba.
Imbes tumambay dito sa labas ay naisipan kong pumasok sa bar. Nakaramdam ako ng matinding uhaw bukod sa gusto ko talagang magpakalasing ngayon.
Nagbabakasakali akong mawala kahit paaano ang mabigat kong nararamdaman at kumpirmahin kung nakakalimot nga ba kapag nagpakalasing. Ito ang unang beses na iinom ako sapagkat pinagbabawalan ako sa kahit anong pwedeng maging adiksyon.
“Welcome to the Harbor of Love Hotel and Bar!” dinig kong sabi ng bouncer bago ako tuluyan na makapasok sa lugar.
Tiningnan ko ang mga taong abala sa pag-inom at pakikipag-socialize rito sa ground floor. Nagpasya akong umakyat na lang sa itaas sakaling mas kakaunti lang ang tao ro’n.
Pero punuan ang lugar ngunit mas hindi siksikan dito sa ikatlong palapag. Mukhang mga mapepera ang mga customer nila sa floor na ito.
At mas malawak pa rin pala ang lugar ngayong nandito na ako sa loob. Parang restaurant lang din bukod sa may mga bar counter at hotel room din. Parang all-in na ang lugar para sa gustong magpalipas ng isang gabi.
Kita rin dito sa inuupuan ko ang nagaganap sa bawat floor lalo na sa ground floor na sumasayaw ang mga lasing na tao. Kakaiba ang istilo ng lugar dahil karaniwan sa bar ay isang malaking palapag lang.
“Hello, Miss!” sulpot ng lalaking bartender. “Ano po ang drinks n’yo?”
“Uhm, can I have one gin martini?” wala sa sarili kong sambit. Wala akong alam sa mga inumin kaya ginaya ko na lang ang narinig ko sa kabilang table.
“Okay, one gin martini coming up!” masayang sambit niya.
Napabuntong-hininga na lang ako habang naiinip na hinintay ang order ko. At kaya rin ako pumasok dito sa bar dahil iyong sasakyang bumusina sa akin kanina ay nakaparada rin sa labas ng bar.
Pero hindi naman ako warfreak na tao. Sadyang gusto ko muna gumawa ng bagay na hindi ikatutuwa ng mga magulang ko. Sapagkat bukas na bukas ay wala akong ibang choice kundi ang magpanggap na mabait na anak.
“Ito na po ang order n’yo, Miss,” saad ng bartender saka inilapag sa harapan ko ang isang glass ng inumin.
Nagtataka akong tiningnan ang bartender dahil hindi siya umalis sa harapan ko. Binuhat ko na lang ang baso saka tinungga ‘yon nang isahan hanggang sa nasamid ako sa sarili kong kagagahan.
Sobrang tapang ng binigay niyang inumin sa akin. Gumuhit nga ang pait nito sa lalamunan ko at pati sa tiyan ko ay nagdulot ng matinding hapdi.
“Miss, 350 pesos po ang isang glass. Through cash or card po ba kayo magbabayad?” mabilis niyang tanong.
Napapunas ako sa bibig ko nang may mapagtanto ako. Kaka-recover ko pa nga lang sa pagkasamid tapos tatanungin niya ako agad sa bayad.
“Sh*t,” bulong ko sa sarili. Wala kasi akong dala kahit singkong-duling tapos nasira’t tinapon na rin ang phone ko.
Mas mahirap pa ako kung tutuusin sa pulubi. Kahit pa siguro nadala ko ang gamit ko ngayon ay sure na naka-freeze na ang card na bigay nila Dad sa akin.
Tanging sasakyan lang ang dala ko. Hindi ko rin sigurado kung may pera nga sa loob ng sasakyan dahil mukhang driver ni Dad ang gumagamit no’n.
“Hindi pa naman ako tapos unimom,” tugon ko at sa loob-loob ko ay kabado na ako. Kung pwede ko lang isuka ang nainom ko tapos ibalik sa baso ay gagawin ko. Hindi ko naman kasi naisip na wala pala akong pera.
“Sige po, running bill ko na lang,” pagpayag niya. “Ano pong name n’yo saka ano pa po order n’yo?”
Napahimas ako sa batok ko nang alanganin akong sinabi ang pangalan ko. Medyo naramdaman ko agad ang sipa ng nainom ko subalit wala naman akong alam na inumin. Inulit ko na lang din ang in-order ko kanina.
“Sigurado po kayong isang bote, Miss?” gulat na paniniguro ng bartender. “Isang glass pa nga lang ng gin martini ay matapang na, what more pa kaya kapag isang bote na?”
“Mukha ba akong walang alam?” sarkastika kong tanong. “Mataas ang alcohol tolerance ko. Kung nag-aalala ka lang, salamat pero alam ko ang ginagawa ko.”
Wala siyang nagawa kundi bigyan ako ng order kong isang bote. At kung nasa katinuan ako ay hindi naman ako o-order ulit. Mukha ngang niyanig na ng isang basong alak lang ang pag-iisip ko.