Nakapalumbaba ako nang dumating na ang isang boteng order ko. Tiningnan ko ang bartender na sumenyas sa mga kasama niya na ipinagtaka ko.
“Gusto lang po nila malaman kung sino nag-order ng isang bote,” tugon ng bartender. “Hindi talaga namin pinapa-order ng bote ang ganitong mga klaseng inumin. Usually na sine-serve po namin ito sa martini glass.”
“It sounds fatal. Bakit mo ako pinayagan na um-order ng ganito kung gano’n?”
Pilit siyang ngumiti saka naguguluhan sa inaakto ko. “Bukod sa pinilit n’yo po, kilala rin po kasi ang pamilya n’yo.”
Napakurap ako sa tugon niya. Nagsalin din ako sa baso saka uminom ulit dahil nanunuyo ang lalamunan ko sa sinagot niya.
Nagtatrabaho si Dad sa public hospital. Mataas ang posisyon niya sa pagamutan na ‘yon kaya minsan makikita ang mukha niya sa balita.
“Pwede ba akong humiram ng phone?” walang hiya kong tanong. “May tatawagan lang sana ako dahil baka maubos ko itong inumin at hindi ako makauwi ng buhay.”
Mabilis siyang nagtiwala sa akin. Pinahiram niya ang phone niya saka hindi rin niya ako pinigilan na magpunta sa bathroom.
Maingay kasi sa paligid kaya baka hindi ko makausap ang taong nasa isip kong tawagan. Medyo sumakit din ang tiyan ko marahil sa wala pa akong kain tapos uminom ako agad.
Hindi naman ako tatakbo sa responsibilidad kong magbayad dito sa bar. Magbabayad ako dahil bukod sa kailangan ko ay hindi ako tulad ng taong kilala ko noon. Nagtiwala ako sa kaniya pero ginawa niya lang akong tanga!
Kasalukuyan na akong nakatayo sa harap ng salamin dito sa bathroom. Mainit din akong pinagpapawisan habang nakatingin sa sarili kong repleksyon at naghihintay na sumagot ang kabilang linya.
Si Mom ang unang pumasok sa isip kong tawagan para makahingi ng pambayad at magpasundo na rin mamaya.
Aminado akong lasing na ako agad. Hindi na klaro ang paningin ko saka magulo na ang isip ko. Naiirita na ako sa ingay sa paligid sa tuwing bumubukas ang pinto at may papasok na babae rito kaya pati ingay sa labas ay nakakalusot.
“Pinapalala ko lang ang parusa sa akin,” bulong ko saka paulit-ulit na napailing. Wala akong choice kundi tawagan ang numero ni Dad nang hindi sinagot ni Mom ang ilang beses kong tawag.
At unang ring pa lang ng tawag ay sinagot agad ‘yon ni Dad. Tinanong niya ng maraming beses kung sino ang caller.
Kulang na lang ay atakihin ako sa puso sa sobrang takot. Akala ko pa naman pampatapang ang pag-inom ng alak subalit kasinungalingan lang pala.
Mas nanginginig ang katawan ko sa takot na mapagalitan niya. Mamaya ay mas lumala pa ang parusa sa akin kapag nalaman niyang nasa bar ako nagpunta.
“I’m asking, who’s on the line?” bagot niyang tanong.
“Misha,” pikit-mata kong sagot.
Panandaliang katahimikan ang namayani sa linya. Alam kong nagulat siya lalo pa ibang numero ang ginamit kong pantawag sa kaniya.
Pero baka nakalimutan niya na siya ang sumira sa phone ko. Ano na lang ang gagamitin ko para makausap ang mga kakilala ko? Anong magagamit ko sa oras ng emergency tulad ngayon?
“Oh, mabuti gumawa ka ng paraan para tumawag dahil balak na ng Mom mong i-report kang missing.”
“That’s so stupid. Ilang oras pa lang ako nawawala, hindi isang araw. Don’t worry, hindi pa naman ako nakabaon sa lupa at ginawang pampataba.”
Hindi ko na napigilan ang sariling maging bastos. Kung ano ang nasa isip ko ay hindi ko na sinasala bago ko isalita.
“Hindi excuse ang pagiging lasing para maging matalim ang dila,” pangangaral niya. “Nasaan ka ngayon? Sino nagsabing pwede ka uminom?”
Napangisi ako habang nakatingin sa salamin. Hindi ako makapaniwala na magaling siyang manghulang nakainom ako o baka sadyang malakas na ang tama ko sa utak kaya halata na.
“Paano mo po nalaman na lasing ako? Pinapasundan mo na naman ba ako kung kanino?” tanong ko hanggang sa nawala ang ngisi ko.
Naalala ko na naman ang nangyari nakaraan sa akin sa New York. Hindi ko naman na siguro kailangang manigurado para lang malaman na pinapasundan niya ako. Ang point na alam niya pa lang ang lahat ng nangyayari sa akin ay alam kong pinapatiktikan niya na ako.
“Hindi po ako tumawag para humingi ng tawad,” diretso kong saad.
“Kung gano’n bakit ka tumawag? Wala ka bang pera pambayad kung saan ka man nagpunta?” nahinuha niyang tanong.
“Kailangan ko ng pera para sa ininom ko pati na para makauwi,” nakatungo kong saad. “Hindi po ako makakaalis dito kung hindi ako magbabayad.”
“Alam mo na ang nangyayari kapag hinahayaan natin siya, Patricia?” dinig kong boses ni Dad sa kabilang linya. Si Mom naman ay natataranta habang paulit-ulit na nagtanong kung nasaan ako.
Tumulo ang luha ko sa sobrang tanga ko. Dapat pala hindi na lang ako tumawag sapagkat pinatunayan ko lang sa sarili kong hindi ko kayang mabuhay.
Sa kabila ng lahat, nakaasa pa rin ako sa kanila. Paano kung tama sila at mali talaga ako? Paano kung alam nila ang makakabuti sa akin kaysa sa sarili ko?
“Misha, alam mo problema mo ‘yan kung saan ka kukuha ng pera,” giit ni Dad mula sa kabilang linya. “Habang tumatagal ay lumalala ka lang talaga. Nagiging makasarili ka. Hindi mo namamalayan na nagiging rebelde ka na.”
“Faustino, pwede ba kahit isang araw lang na huwag mong punahin ang anak natin? Sinabi ko na sa’yo na kailangan niya pang mag-adjust sa ganitong uri ng buhay!”
Napatakip ako ng bibig nang tahimik akong humikbi habang pinapakinggan ang pagtatalo nilang dalawa. Hindi ko na alam. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko at mangyayari sa buhay na ito.
“Masyado kang sadista pagdating kay Misha subalit pagdating sa ibang tao ay para kang santo!” galit na wika ni Mom. “Kung hindi mo lang pinairal ang pagiging strikto mo sa kaniya, sana mararanasan man lang natin ngayon na kumain na parang isang pamilya!”
“Patricia, saan ka na naman pupunta?”
Balak ko na sana ibaba ang tawag subalit agad akong sinisi ni Dad. Kasalanan ko raw ang lahat kung bakit pati silang mag-asawa ay napapadalas na ang pag-aaway.
“Problema mo, lusutan mo,” giit niya nang wala siyang balak saklolohan ako ngayon dito. Hindi niya ako bibigyan ng pera at kahit ipasundo man lang.
“Pumapayag na ako,” mabilis kong wika bago niya pa ibaba ang linya. “Kailangan ko ng pera ngayon pambayad sa inumin ko at pamasahe rin pauwi…”
“Huwag mo akong pinaglololoko, Misha,” galit niyang bigkas. “Tandaan mong wala sa’yo ang desisyon. It doesn’t matter whether you agree or not.”
“Kung wala kang tiwala, hindi ko na po problema. Pero pumayag na ako sa lahat, papasok na ako sa darating na pasukan bilang sikolohiya at mag-aaral sa medical school tulad ng matagal mo ng pangarap para sa anak mo.”
Seryoso kong sinabi ang mga ‘yon. Pero sobrang sakit sa dibdib na pumayag na ako kapalit lang ng tulong dahil sa ginawa kong kagagahan ngayon.
“Susunod na ako sa lahat ng iuutos mo,” pikit-mata kong bigkas. “Hindi ko na hahanapin ang kapatid ko. Wala naman na akong kapatid simula na inampon ako tulad ng sinabi n’yo.”
“Paano ako nakakasiguro sa mga sinasabi mo, Misha? Sinira mo na ang tiwala ko, wala na akong ganang tulungan ka.”
“I-I swear to God, I will follow every inch of your rules!” pagsusumamo ko. “Susunod ako nang buong puso. From now on, I won’t question your authority.”
“Good. Mananalig ako sa mga pinangako mo sapagkat kung hindi ay huling beses na itong kakaawaan pa kita,” saad niya na ikinahinga ko nang maluwag. “Bukas na bukas, nais kong makita ang batang Misha na masunurin at hindi rebelde sa kaniyang mga magulang.”
Matapos siyang pumayag ay tinanong niya ako kung nasaan ako. Alam kong dismayado siya nang sabihin kong nasa bar ako. Pero ang mahalaga ay ididiretso niya ang bayad sa owner at ipapasundo niya na lang ako kay Manong Pablo.
Mukhang hindi pa rin siya nagtitiwala sa akin kahit na pumayag na ako. Hindi niya na ako marahil papagamitan ng phone pati bubuksan muli ang card para may magamit ako.
“Nais n’yo pong makausap ang owner?” dinig kong tanong ng bartender habang kausap si Dad sa phone niya. Inutusan kasi ako ni Dad na ipakiusap siya sa may-ari ng bar dahil kakilala niya ito.
Dinampot ko ang boteng hindi ko pa nakakalahati. Tinungga ko ‘yon at hindi na gumamit ng baso para inumin.
Hinabol ko ng tingin ang bartender na lumabas sa counter at nawala na lang bigla sa paningin ko. Mukhang pupunta siya sa sino mang owner ng bar para makausap ni Dad dahil ayaw niya ngang idirekta sa akin ang pambayad.
Kahit na kanina pa napapaso ang lalamunan ko sa tapang ng inumin ay hindi ako tumigil. Dineklara ko na ito na ang huling gabi na magiging totoo ako sa sarili ko. Sapagkat bukas na bukas ay kailangan ko ng sumunod kahit labag man sa loob ko.
Wala rin naman akong choice kahit na hindi ako gumawa ng kagagahan ngayong gabi. Papaaralin niya pa rin ako sa program na hindi ko gusto. Baka nga hatakin niya pa ang tainga ko para lang mapapasok ako araw-araw sa school sa darating na pasukan dito.
Natawa ako sa sarili kong iniisip. Para tuloy akong baliw dahil bigla akong tumatawa mag-isa.
Tumayo na lang ako para sulitin ang huli kong masasayang sandali. Umikot pa nga ang paningin ko sa sandaling tumayo ako. Pero bago pa ako makalakad ay biglang dumulas ang bote sa palad ko nang may sumalubong sa akin.
“Bulag ka ba? Hindi ka man lang tumitingin sa dinadaanan!” masungit kong giit sa lalaki.
“I’m sorry, but it’s not my fault. I think it’s yours. You’re the one who crossed my path.”
Hindi ko naproseso nang maayos ang sinabi niya. Hindi ko rin nakita ang mukha niya. Nasa sahig kasi ang tingin ko kung nasaan nagpira-piraso ang bote.
Hindi ako makapaniwala na nasayang lang ang inumin na ‘yon. Ito kaya ang dahilan kaya kinapalan ko ang mukha kong humingi ng saklolo kay Dad, tapos ano? Hindi ko man lang naubos!
“Miss Misha.”
Napalingon ako sa counter nang tawagin ako bigla ng bartender. Pero bago ko pa malingon siya ay napasadahan ko ng tingin ang lalaking bumundol sa akin.
“Nakausap na po ni Don Faustino ang owner. Okay na po at kung may nais pa kayong inumin ay magsabi lang daw po kayo.”
Napakunot-noo ako habang tinitingnan ang pagbuka ng bibig niya para sabihin ang bagay na ‘yon. Pero hindi siya ang ipinagtataka ko kaya mabilis akong lumingon sa likuran ko para maharap ang lalaking bumundol sa akin kanina.
“Nasaan na siya?” mabilis kong tanong saka hinagilap ng mata ko ang lalaki sa paligid.
Naaninag ko lang ang mukha niya subalit hindi ko siya hustong nakita. Pero tiyak akong mas matangkad siya kumpara sa akin at may eyeglasses ding nakasabit sa white long-sleeve shirt niya.
Tinigil ko ang paglilibot ng paningin ko nang makaramdam ako ng hilo. Para siyang multo na naglaho o para bang nakakita ako ng multo nang may maalala akong tao.
Hindi ko alam kung lasing lang ako o parang pamilyar talaga ang presensya ng lalaking ‘yon. Hindi kaya sa kakaisip ko sa kaniya ay iniisip kong nandito lang siya malapit sa akin?
“Sino po bang kausap n’yo? May kausap ba kayo?” tanong ng bartender. Napansin niya siguro na kanina pa ako aligaga sa pag-ikot sa kinatatayuan ko. Para akong batang nawalay sa ina niya sa pampublikong lugar.
Nahihilo akong umiling na lang. Napahawi ako sa buhok gamit ang dalawang palad ko saka lumapit sa counter.
“Uhm, pwede ba ako ulit humiram ng phone?” nagpapanik kong tanong. “Tatawagan ko lang si Dad…”
“Hindi n’yo po marahil narinig ang sinabi ko kanina. Pero nagkausap na po sila at bayad na po ang mga iinumin n’yo ngayong gabi. Pwede rin kayong manalagi muna rito habang hindi pa dumadating ang sundo n’yo.”
“Kailangan kong makausap si Dad tungkol sa lalaking nakausap ko,” mabilis kong saad sabay turo kung saan ako nakatayo kanina.
“Pero wala naman po kayong kausap kanina,” aniya na ikinaiwan ng kamay ko sa ere. “Mukhang napasobra na ang inom n’yo kaya nag-iisip na kayo ng kung ano-ano. Isa lang ‘yan sa senyales na lasing na talaga kayo.”
“Lasing ako pero hindi ako baliw,” giit ko sa kaniya. “Kilala ko ang lalaking kausap ko kanina.”
Walang nagawa ang bartender kundi ipahiram ulit ang phone niya. Tinawagan ko ulit si Dad habang papunta sa bathroom dahil baka hindi kami magkarinigan sapagkat lumakas na ang ingay sa paligid.
Lumakas na ang musika sa ground floor. Malalakas din ang bawat pag-uusap ng mga tao sa labas ni tipong tawa nila ay umeecho sa pandinig ko.
“Matatagalan si Pablo na sunduin ka dahil nakauwi na ito sa kanila kanina tapos kinuha mo pa ang sasakyan. At dahil huling araw mo na sa pagrerebelde at hiniling ng Mom na pabayaan ka muna, hahayaan kita ngayong gabi lamang.”
Binalewala ko ang mga sinabi niya. At kahit ipasundo niya pa ako kay Manong Pablo ay hindi ako agad sasama lalo pang alam ko ang ginagawa niya.
Kasi kung nalaman ni Dad na nasa bar ako ay tiyak na aligaga siyang pupunta para sunduin ako. Katulad na lang kung paano siya nagmadaling pauwiin ako rito sa isla galing ibang bansa.
Pero dahil napagtanto ko na ngayon na pinapasundan niya ako sa lalaking nabundol ko kanina ay kampante siyang walang mangyayari sa akin. Kaya ngayong kausap ko rin siya ay tila hindi siya aligaga at walang pakialam.
Kilalang-kilala ko siya. Gagawin niya ang lahat upang pigilan ako na sirain ang buhay ng anak niya. Pero ilang beses ko bang sasabihin na ang buhay kong ito ay hindi kailanman buhay ng totoo niyang anak? At hind rin sure matutuwa ang anak niya kung ganito ang ginagawa niya!
“Pumayag na ako sa lahat ng gusto mo. Hindi ko maintindihan kung bakit pinapasundan mo pa rin ako?” galit kong tanong.
“Masamang mangbintang na walang ebidensya.”
“Paano ako susunod sa’yo kung hindi ka magtitiwala sa akin, Dad?” inis kong tanong. “At hindi ko alam paano mo nagawang utusan siyang paniwalain akong katiwa-tiwala siya!”
“Hindi ko alam ang sinasabi mo, hija. Lasing ka na, huwag ka ng uminom pa!”
“Bakit sa dami-daming tao ay siya pa ang inutusan mo? Ngayon ay wala akong choice kundi magalit sa kaniya!” sigaw ko sa galit.
“Sino ba ang tinutukoy mo, Misha? Sinasayang mo lang ang oras ko!”
“Si Professor Ian Kellan Carson! Huwag ka na pong magmaang-maangan na hindi mo siya kilala, sapagkat nakita ko kayo kahapon na magkausap!” humihikbi kong sigaw.
Hindi ko maintindihan kung bakit tagos sa puso nang pagtaksilan ako ng professor na ‘yon. Bakit mas masakit pa sa dibdib ang ginawa niyang panloloko kaysa sa nadiskubre nila ang sikreto ko? Gano’n ba ako kahibang sa kaniya? Gano’n ko ba siya kamahal?
“Bakit hindi kayo nagsasalita, Dad?! Magkano ang binigay mo sa kaniya para lokohin lang ako?!”
“Bakit hindi mo siya direktang tanungin? Natatakot ka bang mapalitan ang pagmamahal mo ng matinding sama ng loob?”
Agad akong napatingin sa pinto nang bumukas ito at may babaeng pumasok. Pero hindi ‘yon ang kumuha sa atensyon ko kundi inalala ko ang lalaking bumunggo sa akin kanina lang.
Binaba ko agad ang tawag. Hindi ko na narinig ang mga sinabi pa ni Dad. Nagmadali akong bumalik sa counter para ibalik ang phone sa bartender saka hinanap ang lalaking bumundol sa akin.
Kahit nagkandahilo-hilo na ako ay hindi ako tumigil sa paghahanap. Inisa-isa ko ang mga nakakasalubong ko sa palapag na ito para lang makasiguro.
Napasabunot na ako sa sarili ko habang paikot-ikot. Sinubukan ko ring magtanong kanina sa mga bouncer kung nakita nila ang hinahanap kong maputing matangkad na lalaki at nakasuot ng white long-sleeve shirt tapos black slack.
Napasandal na lang ako sa railings habang nahihilo na sa paghahanap. Pasuko na sana ako hanggang sa tumigil ang tingin ko sa kabilang bahagi kung saan may hagdan patungo sa itaas na palapag.
Kitang-kita kasi ang nangyayari sa bawat palapag ng bar dahil open area ang center dito. Makikita rin ang tanawin sa paligid dahil may ilang balkonahe.
Wala akong sinayang na segundo nang lakad-takbo akong nagtungo sa kabilang bahagi. Kahit na nakatalikod pa siya ay alam kong siya ‘yon.
“Tangina, nawala na naman!” inis kong sambit. Nawala kasi siya ulit kaya tiniyaga kong libutin na lang ang ikaapat at huling palapag.
Sobrang kakaunti lang ang tao rito sa itaas na palapag. Isang bar counter lang din ang mayroon dahil puro room na sa hotel ang nandito. At mukhang mga VIP lang ang nakakarating sa floor na ito dahil asikasong-asikaso sila ng mga staff.
Hindi ko nakita ang lalaking hinahanap ko sa counter na ito. Wala rin akong balak bumaba dahil sigurado akong nakita ko siyang umakyat dito.
Naglakad ako sa isang pasilyo kung saan magkabilaan ang mga pinto. Sa sobrang hilo ko ay napapahawak na lang ako sa pader habang paika-ika akong lumakad.
Hindi ko alam kung lasing na lasing na ako o sadyang maputla lang ang ilaw nila rito. Hindi ko makita nang maayos ang dinadaanan ko pati na ang ilan sa nakakasalubong ko.
Pero hindi ako tumigil sa paglilibot kahit na halos umikot na ang paningin ko sa hilo. Ngunit nang pakiramdam ko ay ang tagal na ng oras na naghahanap ako sa kaniya ay sumuko na lang din ako.
Nagpasya akong bumalik na. Tinahak ko na lang ulit ang natatandaan kong daan para makaalis sa parang maze na area na ito.
“Professor!”
Natigilan akong umabante. Humakbang ako paatras para masilip ang isang pasilyo. Doon ko kasi narinig ang malakas na boses na ‘yon.
Dinaig ko pa ang babaeng manghahamon ng away kahit bagong salta lang naman ako sa lugar. Kung paano ako mabilis na lumakad ngayon ay parang manunugod ako ng kalaban.
“Ang tagal na noong huli ninyong punta rito. Muntik ko ng makalimutan ang itsura n’yo. Mabuti na lang nakabalik na kayo.”
Tinabig ko ang lalaking mukhang waiter. Inagawan ko siya ng posisyon nang ako na ang pumalit sa kinatatayuan niya. Ako na ang kasalukuyang nakatayo sa harapan ng bukas na pinto ng room habang natigilan.
Diretsong tumama ang paningin namin sa isa’t isa. Inasahan ko na siya ang makakaharap ko subalit nagulat pa rin ako.
Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Sa lalaking matangkad na nakatingin sa akin ng diretso habang nakapamulsa at isasara na dapat ang pinto kung hindi lang ako sumipot.
Napatakip ako sa bibig sa pagkagulat pero siya ay halos walang reaksyon. Hindi man lang siya nagulat kundi tila bagot siyang naghihintay ng pagkibo ko.
Pero bakit naman siya magugulat pa? Sinundan niya nga ako rito kaya siya nandito. Ako ang pakay niya subalit hindi ko alam kung bakit na naman ba!
“Miss, bawal po kayong pumasok,” pigil sa akin ng lalaking tinabig ko. “VIP lang po ang pwede sa floor na ito.”
Kinakapos ako sa hiningang umiling. Hinawi ko ang kamay ng lalaking pumigil sa akin. Hindi ako nagpadala sa paghila niya sa akin paalis.
Napatingin silang dalawa sa paa kong hinarang ko sa pintuan. Balak na kasi niyang isara ang pinto nang tanguan niya ang lalaking papansing humatak sa akin.
“Professor!” nadulas kong sambit.
Pareho silang natigilan sa sinambit ko. Ang mga tingin nilang nanghuhula kung sino ba ako. Pero huwag niya nga akong gawing mukhang tanga dahil narinig kong tinawag siya nitong lalaking tinabig ko na professor.
At hindi nagsisinungaling ang paningin ko. Si Professor Ian ang nasa harapan ko habang hindi ko nakita sa tanang buhay ko ang lalaking mukhang waiter.
“What are you doing here? Are you here for me?” nalilito kong tanong.
Hindi ako makapaniwalang sumunod siya sa akin dito sa Pilipinas. Pero sure na hindi siya pumarito para hingin ang pagpapatawad ko. Malakas ang kutob ko na hindi pa tapos ang trabaho niya sa akin kaya sumunod siya.
“I have no idea who she is.”
Natataranta akong umiling saka nanlaban sa lalaking hinila ako palabas ng room. Alam kong nag-uusap silang dalawa sa mga tingin kaya nang tumango si Ian ay walang pag-aatubiling hinatak na ako ng lalaking tinabig ko palabas.
Humawak ako sa doorknob ng pinto para lang hindi madala sa paghila niya. Wala akong pakialam kung mukha akong nag-iiskandalo subalit hindi ako aalis hangga’t hindi kami nagkakausap ni Ian.
Mag-uusap kami. Pag-uusapan namin ang ginawa niyang pagtataksil. Gusto ko ring malaman kung hindi na ba kami o kung naging kami ba.
Sobrang dami kong katanungan. Parang sasabog ang utak ko sa sobrang dami kong gustong klaruhin sa kaniya.
“Why did you betray me? I trusted you!” umiiyak kong sigaw habang mahigpit na nakahawak sa doorknob.
“You’re drunk, Miss.”
Dumepensa ako sa kaniya na kahit lasing ako ay alam ko ang ginagawa ko. Hindi ako nasisiraan ng bait sapagkat ang gusto ko lang namang mangyari ay pumayag siyang magkausap kami.
At kung may problema man sa aming dalawa ay siya ‘yon. Tinatanggi niyang hindi niya ako kilala! Nakalimutan niya na ba na siya ang unang humalik sa amin? Kinalimutan niya na ang mga pagpapapansin niya sa akin?
“Sigurado kang hindi mo po siya kilala?” tanong ng lalaking waiter kay Ian. “Isipin mo po. Baka isa siya sa mga nakalandian mo noon.”
“What? For your information, hindi niya lang ako kalandian! I’m his one and only girlfriend!” giit kong sigaw. At kung hindi pa ako nakahawak sa pinto at inaalalayan ng lalaking mukhang waiter ay baka napasubsob na rin ako sa sahig.
“Definitely. She’s high.”
“Narinig mo, Miss? Hindi ka kilala ng kaibigan ko. Kilala ko rin ang mga babae niyan at ngayon lang kita nakita.”
Umiling ako saka nagmatigas na palabasin sa room. Kahit ako ay hindi ko namalayang nakapasok na ako rito sa malaking room niya na halatang pangmayaman lang.
“No! Kilala ko siya! Naging professor ko siya!” walang tigil ko sa pagsigaw.
Para kaming tanga ng lalaking ito na mukhang waiter at kaibigan din pala ni Ian. Naghihilahan kasi kaming dalawa habang si Ian ay nasa pagitan namin at nakapamulsa.
Nag-iba na siya ngayong alam ko na ang katotohanan. Malamig na siyang tumingin sa akin habang tinatanggi niya pa rin ang relasyon namin.
It hurts me that he keeps pretending he doesn’t know me. Baka nga mas mahal niya ang pabuya ni Dad kaysa sa pinagsamahan namin.
“Miss, huwag ka ng mag-iskandalo rito. Marami pang gagawin ‘yang kaibigan ko. Wala siyang oras sa pambababae.”
“Alaric.”
Napunta ang tingin ko kay Ian nang maawtoridad niyang sinambit ang pangalan ng lalaking ito na mukhang waiter. Mukha siyang waiter dahil sa suot niyang black pants at gray shirt. Nakatupi pataas din ang long-sleeve niya habang may black apron siya sa bewang.
“Pasensya na. Ayoko lang na nasasayang ang oras n’yo sa walang kwentang bagay. Kakauwi n’yo lang din dito sa isla tapos ganito ang bubungad sa inyo.”
“You can leave,” utos ni Ian saka binalewala ang paliwanag ng kaibigan. Pero hindi ko alam ang nangyayari sapagkat alam kong hindi naman nakakaintindi si Ian ng wika ko.
Unless na nagsisinungaling na naman siya. Matalino siyang tao kaya madali lang din sa kaniyang aralin ang ibang salita.
“Halika na, Miss. Huwag ka mag-alala sapagkat wala akong gagawing masama. Ihahatid kita sa bouncer sa ibaba para mahanap mo ang kasama mo o sundo mo kung mayroon man.”
Wala na akong nagawa kundi magpadala sa pag-alalay ni Alaric palabas ng room. Napagod na ang boses ko sa pakiusap na kakausapin ko muna si Ian. Hindi na rin kinakaya ng katawan ko ang sipa ng alak.
Pero bago pa kami tuluyang makalabas sa room ay natigilan kami. Muling nagsalita kasi si Ian na pumabor bigla sa gusto kong makausap siya.
“Don’t bring her with you when you leave,” utos niya sa kaibigan. “I’ll give her a moment to talk about what she wants to talk about.”
“Pero baka isa ito sa patibong…”
“Don’t make me say it twice. Leave her to me now.”
Kahit ako ay nabigla sa seryoso niyang boses. Walang nagawa ang kaibigan nito kundi nagbigay respeto bago sumunod sa utos.