Mabigat ang mga hakbang ni Sienna habang hawak ang maliit na kamay ni Lucas patungo sa elevator. Sumasakit ang dibdib niya, hindi dahil sa pagod kundi dahil sa imahe nina Xavier at Victoria na magkasama sa ballroom. Alam naman niyang wala siyang karapatang magselos. Pumasok siya sa mansyon para lang makasama si Lucas, hindi para umibig sa isang Mafia Don. Pero mahirap diktahan ang puso, lalo na kapag ang lalaking nagmamay-ari nito ay ang ama ng sarili mong anak.
“Yaya, why are we leaving Dada?” tanong ni Lucas habang nakatingala sa kaniya, malalaki ang mga matang nakatitig habang nasa loob sila ng elevator.
Pinilit ni Sienna na ngumiti at pinindot ang button para sa penthouse floor. "May kakausapin lang si Dada mo na mga importanteng tao, Lucas. Doon muna tayo sa itaas para makapagpahinga ka."
"Is that red lady Dada’s friend?" patuloy na tanong ng bata.
Namilog ang mata ni Sienna sa tanong ng anak. "Mukhang ganoon na nga," maikli niyang sagot, pilit na iniiwasan ang topic.
Bumukas ang elevator sa top floor, kung nasaan ang VIP lounge. Ang lugar na ito ay malayo sa ingay ng ballroom sa ibaba. Tahimik dito, may malalambot na sofa, at ang pader ay gawa sa malalaking salamin kung saan kitang-kita ang buong ilaw ng siyudad sa gabi. Walang ibang tao roon kundi dalawang guwardiya na nakatayo sa labas ng pinto na agad na yumuko nang makita si Lucas.
"Dito muna tayo, Lucas," wika ni Sienna habang inilalapag ang dalang bag sa isang lamesa.
Naupo si Lucas sa malaking velvet sofa at nagsimulang maglaro gamit ang kanyang maliit na laruang kotse na dala ni Sienna. Habang pinapanood ng ina ang anak, unti-unting kumalma ang kanyang isip. Sa ganitong mga sandali, kapag silang dalawa lang, pakiramdam ni Sienna ay bumabalik sila sa simpleng buhay na palagi niyang ipinagdarasal—walang Mafia, walang malalaking pamilya, at walang panganib.
Lumipas ang halos isang oras. Nagsimula nang humikab si Lucas, at ang mga mata nito ay unti-unti nang pumipikit habang yakap ang kanyang laruan.
Inayos ni Sienna ang pagkakahiga ng bata sa sofa at kinuha ang coat nito para gawing kumot. "Matulog ka muna, young master," bulong niya bago dahan-dahang hinaplos ang noo ng anak. Umupo siya sa sahig, sa tabi ng sofa, at sumandal doon habang nakatingin sa labas ng bintana.
Narinig niya ang mahinang pagpindot ng lock sa pinto. Inakala niya na si Ren ang pumasok para tingnan sila, kaya mabilis siyang tumayo para mag-ayos ng kanyang salamin. Pero nagkamali siya.
Si Xavier ang pumasok.
Bahagyang gulo na ang buhok ng Don at tinanggal na nito ang kanyang tuxedo jacket, hawak na lang ito sa isang kamay habang ang manggas ng kanyang puting polo ay nakatupi hanggang siko. Mukhang pagod ito, at ang kanyang mga mata ay direktang tumingin kay Sienna bago lumipat sa natutulog na si Lucas.
"Tulog na siya?" mababang boses na tanong ni Xavier habang inilalapag ang kanyang jacket sa isang silya.
"Opo, Don Xavier. Kakatuloglang po niya," mahinang sagot ni Sienna, awtomatikong yumuyuko nang bahagya para umiwas sa titig ng lalaki.
Humakbang si Xavier palapit sa sofa. Hindi ito nagsasalita, pero ang presensya nito ay sapat na para kabahan nanaman si Sienna. Umupo ang Don sa kabilang dulo ng sofa, malapit sa paanan ng natutulog na anak. Tinitigan niya si Lucas nang matagal bago huminga nang malalim.
"Ayaw ko sa mga ganitong pagtitipon," biglang seryosong saad ni Xavier, isang bagay na hindi inaasahan ni Sienna na maririnig mula sa isang makapangyarihang pinuno. "Puno ng mga plastik na tao. Lahat sila ay may gustong makuha sa akin."
Hindi alam ni Sienna kung dapat ba siyang sumagot, kaya nanatili na lang siyang tahimik sa gilid.
"Elena," tawag ni Xavier sa kanyang pekeng pangalan. "Maupo ka rito. Hindi ako kumakain ng katulong."
Napatitig si Sienna sa bakanteng espasyo sa sofa, katabi ng Don. Nag-aalangan siya, pero alam niyang mas lalong magagalit ang lalaki kung tatanggihan niya ito. Dahan-dahan siyang umupo sa dulo ng sofa, pinapanatili ang malaking distansya sa pagitan nilang dalawa.
Tumingin sa kanya si Xavier, dumaan ang mga mata nito sa makapal niyang salamin pababa sa kanyang mga labi. "Nabalitaan ko ang sinabi sa'yo ni Victoria sa ibaba. Huwag mo siyang intindihin. Siya ang anak ng isa sa mga kasosyo ko, at masyado lang siyang mataas ang tingin sa sarili."
"Wala po iyon, Don Xavier. Sanay naman po ako," simpleng sagot ni Sienna.
"Pero hindi ako sanay na may nambabastos sa mga taong nag-aalaga sa anak ko," seryosong giit ni Xavier. Lumapit ito nang kaunti, dahilan para mapakapit si Sienna sa laylayan ng kanyang uniporme. "Victoria is trying to be Lucas's new mother dahil gusto ng pamilya niya ang alyansa sa akin. Pero sa tingin ko, hindi siya magugustuhan ni Lucas."
Napatigil si Sienna. 𝘉𝘢𝘨𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘯𝘢? Ibig sabihin ba nito ay may plano na talaga si Xavier na pakasalan si Victoria? Ang ideya na may ibang babaeng magpapalaki kay Lucas ay parang kutsilyong sumasaksak sa puso niya.
"Bakit?" tanong ni Xavier, napansin ang biglang pagbabago sa mukha ni Sienna. "Mukhang hindi mo gusto ang ideya na magkaroon ng bagong ina si Lucas?"
"A-Ah, hindi po sa ganoon, Don Xavier," mabilis na pagtanggi ni Sienna, pilit na ibinabalik ang kanyang pormal na tono. "Wala po akong karapatang mangialam sa mga desisyon ninyo. Kung sino po ang mapipili ninyo para kay Lucas, susunod lang po ako."
Sa isang mabilis at hindi inaasahang galaw, hinawakan ni Xavier ang braso ni Sienna at hinila ito papalapit sa kanya. Sa sobrang gulat, napasandal si Sienna sa matigas na dibdib ng Don. Ramdam na ramdam niya ang mabilis na t***k ng puso nito at ang amoy ng alak na humalo sa pabango nito.
“Sinungaling ka talaga, Elena,” bulong ni Xavier, seryoso at mababa ang boses. Itinaas niya ang kamay niya at tinanggal ang salamin ni Sienna bago ito itinapon sa sofa. “Nakikita ko sa mga mata mo. Nasasaktan ka kapag binabanggit ko ang ibang babae. Bakit?”
“Don Xavier, pakiusap... bitawan niyo po ako,” pagmamakaawa ni Sienna, habang nakapatong ang mga kamay niya sa dibdib ng lalaki para itulak ito palayo, pero kahit anong tulak niya ay hindi man lang ito natitinag.
“Hindi ko alam kung bakit, pero sa tuwing malapit ako sa’yo, nawawala ang kontrol ko,” pag-amin ni Xavier, habang nakatitig sa mga labi ni Sienna. “Masyado kang maraming nililihim, pero aalamin ko lahat ’yan.”
Inilapit pa ni Xavier ang mukha niya, at bago pa makaiwas si Sienna, hinalikan na siya ng Don sa mga labi. Hindi ito katulad ng mga naunang halik na mabilis at pilit. Ang halik na ito ay marahan, possessive, at seryoso kaya natigilan si Sienna. Sa kabila ng takot, hindi napigilan ni Sienna ang sarili na gumanti nang bahagya sa halik nito, dala ng matagal na pangungulila at ng lihim na pagmamahal na pilit niyang itinago sa loob ng tatlong taon.
Nang dahan-dahang humiwalay si Xavier, nakatitig pa rin ito sa mga mata ni Sienna na ngayon ay may kaunting luha. Hinaplos ng Don ang kanyang pisngi gamit ang hinlalaki nito.
“Mula ngayon, dito ka na sa tabi ko,” utos ni Xavier. Isang babala na alam ni Sienna na magdadala sa kaniya sa mas malaking gulo.