LUCRESIA
"Ate, kuya bili na po kayo.. Fresh na fresh ang mga gulay at prutas ko dito!" Paanyaya ko sa mga dumadaang mamimili sa palengke. May lumapit na ale sa tapat ng pwesto ko. Sinalat salat ang papaya na nakasalansan katabi ng iba pang prutas.
"Naku, ate bili na kayo ng papaya. Pampakinis ng kutis yan." Tumingin ito sa akin ng masama. Holy s**t! Hindi ko agad napansin, ampanget pala ng skin niya. "Naku te, yang tingin mo ha, wala akong ibang ibig sabihin..Alam mo kasi te ang sekreto ng pagkakaroon ng magandang skin ay nagmumula din yan within. So ibig sabihin lang nun dapat careful din tayo sa mga kinakain natin. So dapat GO tayo sa natural! Alam niyo ba te organic papaya yang tinitinda ko..si it's good for your health." Mas mahabang explanation, mas maganda. Feeling kasi nila mas informative ang isang bagay pag mahaba ang eksplanasyon.
Tumingin ulit ito sa akin na para bang tinatanong kung totoo ang sinasabi ko.
"Ako ang buhay na patotoo niyan te..See my makinis na kutis..Since ikaw ay aking suki, isishare ko ang aking sekreto. Go organic consumption te.. Walang chemicals yun.. Tagalang good for our health." Binulungan ko pa siya para lang maniwala sa pinagsasabi ko. Para kunwari siya lang ang gusto kung bahagian ng aking sekreto.
"Talaga, Miss?" Gulat na gulat na tanong nito sa akin. Nagsasalita din pala si Ateng, akala ko talaga kanina pepe siya.
"Oo, Miss..Ano nga pangalan mo suki?" Kunwari nalilito kong sabi. Mukha talaga siyang Misis pero tinawag ko lang Miss for marketing strategy purposes.
Rule # 1 - Kung gusto mong magkasuki, bolahin mo ang iyong mamimili.
"Naku, mukha pa ba akong dalaga hija? Aling Lydia nalang itawag mo sa akin." Nakangiting sagot nito sa akin. Take note, ansama ng tingin niya sakin kanina but now she's smiling.
Rule #2 - Get acquainted with the customers.
"Bagay po sa inyo ang Lydia, parang bulaklak na pagkabango-bango.." Lumapad ng husto ang mga ngiti nito.
"Salamat. Kukuha ako ng 3 kilong papaya, 6 na apple, 4 na orange at 1 1/2 kilong mangga." Sabi nito kapagkuwan. O di ba halos pakyawin ang tinda ko.
"Naku, andami naman niyan Aling Lydia..Pero di bale dahil suki kita, discounted ka na.." Excited na anunsiyo ko sa kanya. Alam niyo na basta discount ang usapan, masaya. Aminin!
Rule #3 - Magbigay ng discount kahit kunwari lang.
"Ambait mo naman, hija." Tuwang-tuwang sabi nito habang nakatitig sa akin. Iniisip siguro niya na magiging kasing ganda ko siya kapag naubos niya ang mga organic "kuno" na prutas.
"Walang anuman po. P345 po yan, P330 nalang po para sa inyo." Sabay abot ng pinamili nitong prutas.
"Sigurado ka ha, kikinis ako dito sa organic fruits mo?" Sabi pa nito. Seryoso si Ateng, asang-asa siya sa sinabi ko.
"Opo naman, Aling Lydia. Ibalik niyo sa akin ang mga prutas kung hindi totoo." Tumango naman si Ateng not thinking kung paano niya pa ibabalik ang mga prutas kung ubos niya na itong kainin.
Rule #4 - Give them assurance on the commodities they bought.
"Talaga? Basta pag kuminis ako dito na ako bibili ng organic gulay at prutas..May pag asa na ang skin kong kuminis, matutuwa si babe nito.." Tila nangangarap na sambit nito. Napangiwi ako sa "babe" na sinabi nito.
"Bakit di niyo po sabayan ng organic papaya soap para mas kita ang resulta.." Sales talk ko na naman kay Aling Lydia. Namilog ng husto ang kanyang mga mata sa narinig mula sa akin. Mukha itong nakatanggap ng magandang balita mula sa langit at ako ang tagapaghatid.
Rule # 5 - When opportunity knocks again, grab it!
"Naku, talaga?! Meron ka rin bang tindang organic papaya soap na diyan? Pabili naman ako please.." Bulalas na tanong nito sa akin. Mukhang desperada magpakinis ng balat si suki. Kumuha ako ng dalawang box ng papaya soap sa paper bag na dala ko kanina.
Winner!
Note: Walang masungit na mamimili sa tinderang magaling dumiskarte.
A/N: We are strongly convincing other tinderas to follow Lucresia's Marketing Strategy :)
***
Malaki ang kinita ko ngayong araw. Marami kasi ang bumili ng prutas ko. Habang nagsesales talk ako kanina kay Aling Lydia marami din pala ang naging interesado sa pinag-uusapan namin. Ubos nga din pati ang papaya soap na binebenta ko.
"Magandang gabi, Nay. Kamusta ang araw mo? Alam niyo ba nay malaki ang kinita ko ngayong araw. Ang galing ko talagang mag-sales talk, mana ako sayo." May pagmamalaki ko pang sabi sa aking ina. Nakangiti lamang ang aking ina na nakatingin pabalik sa akin. Bakit ba hindi nawawala ang ngiti sa labi nito? Sadyang masayahin lamang siguro ang aking ina. Pinunasan ko ang mukha niya, hindi na naman naglinis ng bahay si Ikay. Niyakap ko ng mahigpit ang picture ni Inay bago ibinalik sa estante ang frame na kinalalagyan nito. Sobrang miss ko na siya.
Namatay ang nanay ko dalawang taon na ang nakaraan. Pero ang pait at sakit ng pagkawala niya ay nanatili sa puso ko.
Komplikasyon sa puso ang naging sanhi ng pagkawala nito. Nakita ko kung paano siya nahirapan ng husto sa sakit niya. Wala kaming pampagamot kay Inay nang mga panahong iyon. Kailangan daw operahan sabi ng doktor. Saan naman kami kukuha ng kalahating milyon? Naubos lahat ng ipon namin pati na ang puhunan sa tindahan. Natanggal ako sa trabaho dahil lagi akong lumiliban sa pagbabantay sa nanay ko. Aaminin ko, sinisi ko ang Diyos sa nangyari pero sa huli siya pa rin ang kinapitan ko. Kung bakit kasi wala kaming kamag-anak na malalapitan. Kung sana naging mayaman lang kami nandito pa sana si Inay.
For sure kung buhay pa siya, busy na naman yun sa paghahanda ng hapunan namin ngayon. Love na love kasi kami ni Ikay nun! Napangiti ako ng mapait.
Naramdaman kung may nagpunas ng luha ko. Umiiyak na naman pala ako.
"Ate, di ba sabi ni nanay, h'wag natin siyang alalahanin masaya na siya sa langit." Nireremind na naman ni Ikay ang habilin ni nanay.
Suminghot ako para taposin ang aking pagdadrama. Tumingin pa ulit ako sa nakangiting mukha ni nanay sa picture frame. Alam ko masaya na siya kung saan man siya ngayon. Okay na ang takbo ng buhay namin ni Ikay.
"Si nanay talaga, pabebe.." Sambit ko habang nakatingin pa rin sa larawan nito.
May inabot sa aking pamunas si Ikay. Pinunasan ko namang maige ang aking mukha gamit iyon. Sininga ko pa lahat ng sipon ko. Ang sweet talaga ng kapatid ko.
Bigla akong napamulagat ng matignang maige ang pamunas na hawak ko. Ito yung pamunas ng mesa namin na nilabhan ko kaninang umaga bago umalis papuntang palengke ah!
"Ate nakita mo ba ang pamunas ng mesa natin. Hawak ko lang yun kanina e." Sumungaw ang ulo nito mula sa pinto ng kusina habang nakangisi pa.
"Ikay!!!!!" Sigaw ko rito.
Napakasalbahe talaga nitong kapatid ko. Thankful pa rin ako kay God kasi kahit wala si Nanay, andito si Ikay.
Rebecca ang totoong pangalan niya. Walong taon palang si Ikay ng mapulot ng aking ina sa bangketa na umiiyak sa gutom. Parang kailan lang musmos pa ito pero ngayon dalaga na. Napangiti ako, mag-eeighteen years old na nga pala si Ikay sa susunod na araw.