Napabalikwas ng bangon si David. Taas-baba ang kaniyang dibdib dahil sa kaba at ramdam niya ang butil-butil na pawis sa kaniyang noo. Tumulo pa ang iilang butil niyon mula sa kaniyang sentido pababa sa kaniyang pisngi.
Ah, napakasama ng kaniyang panaginip. Nasangkot daw sa isang karumal-dumal na aksidente si Elizar.
"Anak, okay ka lang ba?" Narinig niya ang sunud-sunod na pagkatok ng kaniyang ina sa pintuan ng kaniyang kuwarto.
"Opo, Ma," sagot niya.
"Sigurado ka, anak?" May pag-aalalang sabi ng ina niya sa kabila ng pinto.
"Opo!" Pinunsan niya ang butil-butil niyang pawis gamit ang kaniyang braso. Humugot siya ng malalim na paghinga upang pakalmahin ang kaniyang sarili.
"Kung ganoon..." dinig niya ang pag-aalinlangan sa tono nito. "Mag-asikaso ka na ha. Pumunta ka na sa kusina pagkatapos. Nakahanda na ang umagahan."
Hindi na siya sumagot sa sinabi nito. Narinig naman niya ang papalayong yabag ng kaniyang ina pagkatapos niyon. Napagdesisyunan niyang bumangon na mula sa kama at pumasok sa maliit na banyo sa loob ng kaniyang kuwarto.
Mabilis lamang ang paliligo na ginawa niya. Pagkatapos ay kinuha niya ang uniporme niyang naka-hanger sa loob ng kabinet. Mabuti na lamang at kagabi pa niya iyon plinantsa. Kaya kahit medyo late na siyang nagising ngayon ay ayos lang.
Sinuklayan niya ang medyo mahaba na niyang buhok. Bahagyang kumunot ang noo niya nang matitigang maigi ang kaniyang repleksyon sa salamin. Kailan pa humaba nang ganito ang buhok niya? Kailan ba siya huling nagpagupit? Dahil kung natatandaan niya ay buwan-buwan naman siyang nagpapagupit. Ngunit ang buhok niya ay halos abot na hanggang balikat. Kung sinuman ang makakakita sa kaniya mula sa likuran ay paniguradong aakalain na isa siyang babae.
Namayat din ang mukha niya. Lubog ang mga mata at nangingitim ang ilalim ng mga iyon. Ang kaniyang baba ay tinutubuan na ng maliliit na balbas. Parang hindi siya, siya. Hindi niya kilala ang lalaki sa salamin. Parang hindi iyon ang repleksyon niya.
Kahit nagtataka ay ibinalik na lamang niya ang suklay sa lagayan. Magpapagupit na lang siya mamaya pagkauwi galing eskwela. Baka malimutan na naman niya kapag ipinagpabukas niya iyon. Hindi muna siya nag-abalang magsuot ng medyas at sapatos. Nakayapak niyang tinungo ang kusina kung saan naghihintay ang ina niya at ang nakatatandang kapatid na babae. Wala roon ang kaniyang ama. Palagi kasing maaga ang pasok nito sa trabaho.
Humatak siya ng upuan sa tapat ng kaniyang ina at nagsandok ng kaniyang pagkain. Napakatahimik ng kanilang mesa. Ang tanging maririnig lamang ay ang panaka-nakang pagtama ng kubyertos sa babasaging plato. Ngunit kapagkuwan ay binali ng kaniyang ina ang katahimikang iyon.
"Saan mo planong mag-aral, anak?" Narinig niyang tanong ng kaniyang ina. Oo nga pala, graduating na siya sa susunod na taon. Dapat ngayon pa lang, pinaghahandaan na niya kung saan siya mag-aaral ng kolehiyo. Dahil baka magbago pa ang isip niya sa susunod, at least kapag may listahan na siya ng pagpipilian, hindi na siya masyadong magagahol, at ang kailangan na lang niya asikasuhin ay ang mga dokumentong kailangan sa pag-transfer.
"Ah, plano namin ni Eli, sa Maynila—"
"—Anak, patay na si Eli." Natigilan siya sa narinig. Nakita niya kung paano gumuhit ang pagkabahala sa mukha ng kaniyang ina at ng kaniyang ate nang magkatinginan ang mga ito.
Unti-unti niyang nabitawan ang hawak na kutsara at tinidor. "Pero kahapon lang..." Kahapon lang nagpunta si Eli sa kanila, ipinagmayabang na nanalo ito sa bilyar, at ipinakita pa sa kaniya ang bukol nito. Kahapon lang, pinipilit pa siya nito makipag-blind date at mag-break muna mula sa sunud-sunod na komisyon na walang tigil niyang tinatanggap. Kahapon lang...
David, Huwag ka sanang mabibigla. Pero, patay ni Elizar. Naararo ng truck ang bisikleta niya. Hindi na siya nadala sa ospital. Agad na pumasok sa isip niya ang text na iyon sa kaniya ng ina ng matalik niyang kaibigan. Ang text na binasa niya habang hinihintay ang ka-blind date na si Elizar mismo ang pumili para sa kaniya.
Naramdaman niya ang marahang paghawak ng kaniyang ina sa isa niyang kamay na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Nangingislap sa nagbabadyang luha ang mga mata nito at marahan ding pinisil ang kamay niya. "Anak, isang taon nang patay si Eli."
Para siyang napako sa kinauupuan. Hindi maiproseso ng kaniyang utak ang sinasabi ng kaniyang ina. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa kaniyang ina at sa kaniyang nakatatandang kapatid na pareho nang tigmak ng luha ang mga mata. Unti-unti, napatingin siya sa kalendaryong nakasabit sa pader ng kusina.
Tama ang kaniyang ina. Isang taon na nga. Isang taon na pala ang nakalipas. Parang kahapon lang...
"Naalala mo ba? Hindi ka nag-enroll ngayong taon. Sabi mo sa amin noong nakaraan, gusto mo lumipat ng eskwelahan."
Oo nga pala. Umangat ang isa niyang kamay at wala sa sariling napakamot sa kaniyang ulo. Kung gayon, bakit siya nag-uniporme? Ah, sumasakit ang ulo niya. Kung anu-anong imahe ang pumapasok roon.
Isang taon na nga pala siyang nagkukulang sa kuwarto. Tinigilan na niya ang pagdro-drawing, at hindi na rin siyang pumapasok sa eskwelan.
"Anak, ano na ang plano mo? Ano na ang plano natin?" Tanong ng kaniyang ina.
Hindi niya alam.
"Gusto mo na bang bumalik sa eskwela?" Tanong naman ng ate niya.
Hindi niya alam.
Sumasakit ang ulo niya. Sumasakit...
"Faizal, ano ang plano natin?" Tanong sa kaniya ni Zita. Napaigtad si Faizal nang maramdaman ang mahigpit na paghawak ni Zita sa kaniyang balikat. "Faizal, ayos ka lang ba?"
"Huh? A-ano iyong tinatanong mo?"
Hindi alam ni Faizal kung bakit ngayon pa niya naalala ang mga nangyari sa una niyang katauhan. At hindi lamang niya iyon basta naalala. Talagang napakalinaw niyon sa kaniyang memorya na para bang isang bagay na kahapon lamang nangyari. Oo at hindi niya iyon nakalilimutan. Ngunit sa nakalipas na ilang daang taon, ngayon lamang naging ganoon kalinaw ang alaalang iyon. Madalas, sa panaginip niya nakikita ang mga dati niyang alaala. Ngayon lamang nangyari na para bang ilang minuto siyang nawala sa kaniyang sarili. Para bang bumalik siya sa nakaraan, at kahit mulat ang kaniyang mga mata ay isang panaginip ang kaniyang nakikita.
Maaari bang literal na managinip ang isang tao habang siya'y gising?
"Ano na ang gagawin natin, iyon ang tinatanong ko. Mauubos na ang oras." Agad siyang napatingin sa malaking telebisyon sa pader dahil sa sinabing iyon ni Zita. Tama ito, halos trenta minutos na lamang ang natitira doon at dalawang linya pa ng mga Preso ang kailangan nilang mailigtas. Marami silang nasayang na oras dahil sa pagkatulala ng bawat isa kanina. Ngayon ay kailangan nilang habulin ang lahat ng oras na natitira.
Isa-isa na ring nagsilapitan sa kanila ang iba pang manlalaro; sina Santiago, Drago, Tatang, at ang iba pa na kilala niya sa mukha ngunit hindi niya kilala sa pangalan. Iniwan ni Mayta ang walang malay na si Malena sa ibang mga nailigtas nilang Preso na nagtitipon; iyong mga preso na hindi kayang tumakbo dahil mabibigat ang mga sugat.
"Masyadong maraming bangkay sa labas ng linya. Mas mahihirapan tayong ilayo ang lata sa bilog," iyon ang sabi ni Mayta. "Kung mailalayo natin ang lata sa bilog nang mas matagal, kagaya ng ginawa natin kanina, makukuha natin ang lahat ng Preso sa kabilang linya bago pa man matapos ang oras."
"Pwede ko silang ipunin palayo, habang pinagtutulungan ninyo ang lata," sabi naman ni Drago.
"Mahirap ang sinasabi mo. Mas marami ang sugatan sa atin kaysa nakatatakbo. Kapag nagkataon na hindi namin kinaya ang pwersa ng lata, mapapahamak ka," segunda ni Tatang.
"Tama ang sinabi ni Tatang. Hindi ka naman pwedeng masugatan. Wala ngayon si Malena, kapag pati ikaw ay inabot ng taya, wala nang pag-asa na manalo tayo." Seryosong sabi ni Santiago habang ang dalawang kamay ay parehong nasa bewang. Hindi sila maaaring malagasan pa ng isang magaling na manlalaro. Lalo pa ngayong mas marami ang sugatan sa partido nila. Mas marami ang hindi makatatakbo.
Lahat ng sinasabi ng mga ito ay may punto. Bakit pa ba siya nagulat doon? Napaliligiran lamang naman siya ng mga Grand at Game Repeaters. Natural lamang na madali nang gumana ang utak ng mga ito pagdating sa mga ganitong bagay.
Nasa kalagitnaan sila ng pag-uusap nang maramdaman ni Faizal ang paghatak ng kung sino sa laylayan ng kaniyang damit. Nang nilingon nila iyon ay pare-pareho silang natigilan nang makita si Kapalaran, ang anak ni Pahimakas, na may dala-dalang mga putol na daliri.
Naupo ito sa gitna nila, at gamit ang mga putol na daliri ay gumuhit ito ng kung ano sa sahig...