Lahat sila ay natigilan nang pumuwesto si Kapalaran sa gitna nila. May bahid pa rin ng dugo ang puting-puti nitong buhok, pati na rin ang pisngi, at ang puting puti nitong mga kamay na pinaglalaruan ang ilang pirasong putol na daliri.
Kung kaninong mga daliri iyon? Hindi niya alam.
Kung mahina lamang ang loob ni Faizal, malamang nasuka na siya sa mga daliring iyon na lawit pa ang mga laman sa dulo, at halatang pilit na binali mula sa mga kamay ng kung sino. Ngunit matapos lamang ang iilang oras na nasa loob sila ng Grandiosong Bulwagan, mas malala pa sa mga putol na daliri ang nakita niya.
Mali, mula pa sa labas ng Siklo, mas malala na ang mga nakita niya. Kumpara sa bulwagang ito, mas malala ang kalagayan ng mga tao sa labas. Ang pagsusumikap na mabuhay ang unti-unting pumapatay sa lahat. Ang pag-asang magiging maayos ang lahat ang unti-unting pumapatay sa emosyon ng nakararami.
Hindi ba't mas malala iyon? Ang umasa sa isang bagay na suntok na sa buwan na mangyayari?
Naupo ang bata sa marumi nang sahig at nagsimulang gumuhit doon. Animo'y naging isang malaking aklat na kinukulayan ang sahig at ang mga putol-putol na daliring hawak nito ang nagsisilbi nitong krayola.
Nagkatinginan sila ni Zita, at isang pagkibit ng balikat ang ibinigay nito sa kaniya. Muli niyang ibinalik ang tingin kay Kapalaran na abalang-abala sa pagguhit. Kitang-kita niya kung paano pigain ng bata ang maliliit na piraso ng daliri upang lumabas ang natitirang dugo roon. Para iyong isang maliit na botelya ng pintura na pinipilit ubusin ang natitirang laman.
"Ano ang ginagawa niya?" Bulong ni Drago.
"Hayaan mo na ang bata. Bata lang iyan, natural gusto pa rin niyang maglaro," napatingin si Tatang kay Kapalaran. "Iyon nga lamang, sa medyo may pagka-wirdung paraan," napailing-iling na komento ng matandang lalaki. "Ano na ang plano natin?" Muli nitong ibinaling sa kanila ang tingin at hindi na pinansin ang bata.
"Sinasabi na ni Kapalaran ang dapat nating gawin."
Halos sabay-sabay silang napatingin kay Santiago. Walang kangiti-ngiti ang mukha nito habang nakatingin sa iginuguhit ni Kapalaran sa maruming sahig. Seryosong-seryoso ang mukha nito na para bang malalim rin ang iniisip. Muli siyang napatingin sa ginuguhit ni Kapalaran, ngunit napakunot lamang ang kaniyang noo.
Tipikal na magulong pagguhit lamang iyon ng isang bata. Magulo ang mga linya na animo'y wala namang kahit anong koneksyon sa isa't isa. Pinakatitigan niya ang mga iyon, hindi lamang siya, silang lahat. Kitang-kita niya kung paano pa sumabit ang laman ng daliri sa mga bako ng sahig habang kumakatas ang dugo roon.
Naupo na rin si Tatang sa sahig. "Ano ba iyan, ija?" Tanong ng matandang lalaki sa bata. Ngunit hindi sumagot si Kapalaran. Nang mapudpod ang mga daliring hawak nito ay nagtatakbo ito. Palukso-lukso itong tumakbo patungo sa mga pinagpatung-patong nina Drago at Tatang na mga bangkay kanina. Kaswal itong bumali ng mga daliri doon na para bang magsasaka na pumipitas ng mga ani nitong bungang-kahoy.
Dinig na dinig nila ang tunog ng bawat nababaling mga buto. Pinapaikot-ikot ng bata ang mga daliri hanggang sa tuluyang mahiwalay iyon sa kamay. At kahit malayo, kita ni Faizal ang pagguhit ng maliit na ngiti sa labi ni Kapalaran. Nakangiti ito, habang iniipon sa maliit nitong kamay ang mga piraso ng daliri.
Dapat ay natatakot siya roon. Isang batang nakangiti habang pinaglalaruan ang mga naputol nitong daliri? Hindi ba't gawain iyon ng mga tipikal na psychopath. Ngunit ang hindi. Ang tipo ng ngiti ni Kapalaran ay iyong ngiti ng isang bata na nagkaroon ng bagong laruan; iyon ang ngiti ng isang bata nakadiskubre ng bagong mapagkakaabalahan at mapagbabalingan ng atensyon nito.
"Nauubos ang oras natin," walang kangiti-ngiting komento ni Mayta. Napasulyap ito kay Malena na nakahiga sa hindi kalayuan at habol ang bawat paghinga nito. Butil-butil ang pawis ng babae at tila hirap na hirap. Nakita ni Faizal kung paano kumuyom ang mga kamao ni Mayta.
Tumakbo pabalik sa kanila si Kapalaran, ngunit hindi pa man nakauupo ang bata sa sahig ay mahigpit na hinawakan ni Mayta ang leegang bahagi ng damit nito.
"Mayta!" Sinubukang pigilan ni Zita ang babae, ngunit hindi nagpapigil si Mayta. Halos umangat sa lupa si Kapalaran sa higpit ng pagkakakapit ni Mayta sa damit nito. "Mayta! Ano ba! Bata lang iyan."
"Tumigil ka, Zita!" Galit na sigaw ni Mayta bago ibinaling ang tingin sa batang babae. "Ikaw! Kung walang kang maitutulong, huwag mong ubusin ang oras at pasensya ko!"
"Mayta, tama na," salubong ang mga kilay na saway ni Santiago.
Hindi nagpapigil si Mayta, kita na ang pagbakat ng maliliit na ugat sa sentido nito. "Palibhasa, kahit anong gawin mo sa loob ng Bulwagan na ito, ililigtas at ililigtas ka ng baliw mong ina! Parehas kayong baliw, alam mo ba iyon ha? Dapat sumama ka na lang sa nanay mong baliw. Iyong nanay mo at ang kapatid niya nagdadala sa mga tao sa kamatayan nila! Huwag ka nang dumagdag! Kaya kung gusto mong tumulong, magsalita ka!" Marahas na inalog-alog ni Mayta ang bata. "Pipi ka ba ha?! Pipi ka ba?!"
May diin at galit ang bawat salita ng babae. Bumagsak sa sahig ang hawak nitong mga daliri. Doon nagsimulang umiyak ang batang babae. Pumalahaw ito ng iyak habang ang nakatingin sa nalaglag nitong mga laruang daliri. Ang mga kamay nitong may bahid ng dugo ay tila pilit na inaabot ang mga iyon. Wala itong pakialam sa sinasabi ni Mayta, bagkus, ang atensiyon nito ay nasa mga nabitawan nitong daliri.
"MAYTA!" Hindi na napigilan ni Faizal ang sarili at hinatak mula kay Mayta si Kapalaran. "Sinabing tama na," may diin niyang sabi. Ibinaba niya ang bata, at eksaktong umapak ang mga paa nito sa sahig ay agad itong tumigil sa pag-iyak. Pinunasan nito ang luha gamit ang likurang bahagi ng palad nito. Kaya naman pati ang maputing-maputing balat sa pisngi ng bata ay may bahid na rin ng dugo. Nagmamadali nitong isa-isang pinulot ang mga pinaglalaruan nitong daliri at inipon iyon sa maliit nitong mga kamay.
Tila nanghihina namang napasalampak sa sahig si Mayta. Nahagod nito ang buhok gamit ang mga palad nito. Ilang ulit itong marahas na napamura, saka naihilamos ang mga palad nito sa sariling mukha. Bakas ang pagod at pag-aalala sa mukha ng babae. Alam naman ni Faizal ang pinanggagalingan niyon. Nag-aalala lamang ito sa kapatid, ngunit kahit na ganoon, hindi pa rin tama na si Kapalaran ang pagbuntungan nito ng prustrasiyong nararamdaman. Kitang-kita naman na wala ring kamalay-malay ang bata sa sa nangyayari, kahit sa lahat ng sinabi ni Mayta, parang wala ito ni isang naunawaan.
Tama si Tatang. Bata lamang ito. Kaya ang hindi lubos maintindihan ni Faizal ay kung paano ito nasali sa Palaro, at bakit wala man lamang ginawa roon ang ina nito. Nakita niyang tinapik-tapik ni Drago ang balikat ni Mayta na para bang pinalalakas ang loob nito.
Unti-unti siyang napatingin sa oras na nasa malaking telebisyon sa pader. Bente minutos na lamang natitirang oras doon ngunit wala pa rin ni isa sa kanila ang kumikilos. Walang nakakaalam ng dapat gawin. Muli siyang napatingin sa iginuguhit ni Kapalaran. Maging si Santiago ay hindi inaalis ang tingin doon.
"Nakikita mo ba?" Tanong ni Santiago nang hindi tumitingin sa kaniya.
Kumunot ang kaniyang noo, pilit hinahanap kung ano ang dapat niyang makita sa iginuguhit ng bata. At para bang sa isang iglap lamang, bumalik sa isip niya ang mga pagkakakataong iyon... noong siya pa si David na mahilig gumuhit ng kung anu-ano. Mga linyang pinagsama-sama upang makagawa ng isang buong senaryo.
Nakikita niya... nakikita na niya ang sinasabi ni Santiago... ang suhestiyon ni Kapalaran. Malinaw pa sa tubig niyang naintindihan ang iginuhit ng bata. Nag-angat sa kaniyang ng tingin si Kapalaran. Nangungusap ang mga mata nito na para bang sinasabing subukan nila ang larawang iginuhit nito.
Hindi niya namalayan na bumaba na pala ang kamay niya at ipinatong iyon sa ulo ng batang babae. Ginulo niya ang ibabaw ng buhok nito at binigyan ito ng ngiti. "Salamat, Kapalaran," aniya. "Gagawin natin kung ano ang iginuhit mo."
Ang kaninang walang kahit anong emosyon nitong mukha ay biglang nagliwanag. Animo'y iyon ang kauna-unahang nakatanggap ito ng papuri. Nakita niyang nag-thumbs up din si Santiago sa batang babae, dahilan upang mas lumaki pa ang ngiti ng huli.
Maka-ilang ulit siyang pumalakpak upang agawin ang atensyon ng mga natitirang manlalaro sa loob ng itim na linya. Ang iba namang kaya pang lumapit ay lumapit sa puwesto nila. Iilan na lamang sila roon, halos nasa isandaan na lamang at karamihan pa ay puro sugatan. Lumapit na rin sa kanila sina Zita, Drago at Mayta. Si Tatang naman ay naghihintay lamang ng mga susunod na mangyayari.
"Ito ang gagawin natin." Itinuro niya ang iginuhit ni Kapalaran sa sahig, at natingin naman doon ang mga manlalaro. "Gagawin natin ang eksaktong iginuhit ni Kapalaran."
"Ano iyan? Wala akong ibang makita kundi puro guhit," kunot-noo na sabi ni Tatang. Ganoon din ang ekspresyon ng iba pang manlalaro.
Isang kakaibang ngiti ang gumuhit sa labi niya habang nakatingin sa sahig. "Ipapatong natin ang mga bangkay sa lata."