CIRLYN
Kanina pa akong nakatayo sa harap ng building ng Prime Lead Events na pinagtatrabahuhan ko at hinihintay ang katrabaho kong si Mary Grace pero hanggang ngayon ay wala pa rin ito. Kanina ko pa ito tinatawagan sa cellphone nito pero hindi nito sinasagot iyon. Importante pa naman ang lakad namin ngayon at nakakahiya naman kung male-late pa kami. Kaso nga lang hindi ko alam kung nasaan ang magaling kong kaibigan. Wala pa ring paramdam ang g*ga. Ni-text o tawag man lang kung nasaan na ito pero wala talaga. Masasabunutan ko talaga ito mamaya 'pag dumating ito.
Alam kong busy at maraming ginagawa si Chef Lorkan sa restaurant nito, kaya naman iniiwasan ko ring masayang ang oras nito. Naglaan pa man din ito ng bakanteng araw nito para lang i-acommodate kami tapos paghihintayin pa namin. Kung tutuusin ay kami ang may kailangan sa kanya kaya dapat lang na on time din kami na dumating doon. Ang ayos ng usapan namin at ayoko namang mapahiya rito. Baka isipin pa nitong napaka-unprofessional ko at hindi ko kayang tumupad sa napag-usapan. Mahirap na at baka biglang magbago ang isip nito. Mag-back out bigla ito. Kung hindi yare na. Mahihirapan pa akong maghagilap ng papalit dito kapag nagkataon.
Ngayong araw kasi nakatakda ang food tasting ng mga pagkain na ihahanda at ise-serve para sa mga participants sa gaganapin na convention ng company namin sa Hotel Trevino. Matapos naming makapag-usap ni Chef Lorkan ay agad rin kaming magkaroon ng deal. After two days pa no'n ay naibigay ko na rin sa kanya ang eksaktong bilang ng mga kasali kaya naman ay agad na ring nai-schedule ang petsa para sa food tasting.
Limang araw mula ngayon ay magaganap na ang convention. Hindi ko pa rin maiwasan na hindi maging lubusan na makampante hangga't hindi sigurado ang lahat. Makakahinga lang siguro ako talaga at mapapanatag ang loob 'pag okay at naayos na ang lahat hanggang sa mga maliliit na mga detalye. Kahit pa nga hindi naman ito ang unang pagkakataon na ako ang naging in-charge sa venue at sa pagkain. Kahit pa na may kasama ako, kailangan ko pa ring masiguro na walang kulang at wala akong nakakalimutan. Na maayos at handa na talaga ang lahat.
Ilang araw na lang ang natitira bago ang convention kaya naman bago sumapit iyon ay dapat everything is set. Ito na kasi ang pinakamalaking convention na iho-hold ng company namin kaya naman kontodo kabado ako. I just want it to be perfect. Para naman matuwa ang mga boss at para na rin magka-bonus kami kapag naging successful ito. Hopefully.
Maya-maya pa ay naagaw ang atensyon ko nang may biglang huminto na taxi sa may harapan ko. Agad akong nabuhayan ng loob nang makita ko si Mary Grace na lulan na niyon. Mabilis itong bumaba ng sasakyan saka lumapit sa akin.
"Hoy, bruha! Anong petsa na?" bungad ko agad sa kanya. Ang balak kong sabunutan ito ay hindi ko na itinuloy pa.
"Sorry, Girl," hinging paumanhin nito. "Trapik, eh."
"Kanina pa kita tinatawagan sa cellphone mo pero hindi ka man lang sumasagot," saad kong muli.
"Naiwanan ko yata ang cellphone ko sa bahay. Hindi ko mahanap sa bag ko. Pasensya na talaga."
Napabuntong-hininga ako sabay sumimangot sa kanya. "Ano ba 'yan?! Kung saan naman importante ang lakad natin do'n ka pa talaga ang hirap kontakin."
"Sorry na nga. Halos nagmamadali na nga akong makarating dito kasi alam kong naghihintay ka. Anong oras na kasi ako nagising kanina. Hindi ko alam kung bakit hindi gumana ang lintek na alarm ko. Ewan ko ba," pagdadahilan pa nito.
"Talaga ba? Hindi gumana ang alarm o ikaw ang ayaw talagang bumangon?" Sabay tingin ko sa kanya ng nagdududang tingin. Kung ang iba ay nauuto niya sa mga palusot nito pwes ako hindi. Kilala ko na siya at alam ko na ang ugali nito.
"Oo, nga! Kaya nga naiwan ko na ang cellphone ko sa pagmamadali ko, eh."
"Ang sabihin mo kaka-Kdrama mo na naman 'yan kagabi kaya ka napuyat at na-late nagising." May pagka-adik at mahilig kasi itong manood ng mga Korean drama. Lalo na at kung ang mga sikat na Korean actor na crush na crush nito ang mga bida na sina Lee Sung Juk at Park Go Bum. Wala talaga itong pinapalampas. Lahat ay pinapanood nito kahit na wala na itong tulog.
"Paano naman napasok ang pagki-k-Kdrama marathon ko rito?" anito.
"Bakit? May iba pa bang salarin kung bakit ka late? Eh, wala ka namang jowa."
"Wow! Nagsalita ang meron. Eh, pareho lang naman tayong loveless pero atleast ako may mga oppa na nagpapasaya sa akin. Eh, ikaw? Wala! As in nganga," ani Mary Grace.
Hindi ako nakasagot. Totoo naman kasi ang sinabi ni Mary Grace. Wala akong jowa dahil hindi ko pa priority iyon sa ngayon. At lalong hindi naman ako mahilig manood ng mga Kdrama kagaya nito na kilala na yata ang bawat isang actors at actresses ng South Korea. Sa kanya ko nga lang din narinig, nalaman at nakilala ang mga iyon. Isa pa ay wala talaga akong panahon para ro'n. Ang maglaan ng oras para lang mag-marathon ng buong araw o gabi para lang matapos ang isang series. Ang magpuyat para lang do'n sa ending. Hindi ko kaya iyon. Mas gugustuhin ko na lamang na ibang bagay na lamang ang pagkakaabalahan kaysa ro'n. 'Yong makakatulong sa gastusin sa bahay namin.
Para sa akin din kasi ay sayang lang ang pera kong ipapa-load ko o 'di kaya isu-subscribe ko sa mga streaming app para lang makasubaybay at makasabay sa mga trending na palabas. Mas gugustuhin ko na lang na ibili na lamang ng bigas at mga kailangan namin sa bahay para makakain kami kaysa naman mapunta lang do'n at ako lang ang makinabang at hindi naman ako mabubusog. Sayang lang ang pera ko kung doon lang mapupunta. Saka ayos at keri lang din ni Mary Grace ang magpaka-fangirl kasi may wifi naman sila sa bahay nila at hindi naman ito hirap sa pera dahil wala naman itong ibang sinusuportahan kundi sarili lang nito.
"Hindi ka na nakasabat diyan," untag ni Mary Grace sa akin dahilan para mapatigil ako sa naiisip. "Kasi nga tama ako, 'di ba?" dugtong pa nito.
"Oo, na!" napilitang sang-ayon ko. "Sana all na lang. Ikaw na ang masaya at inspired dahil diyan sa mga oppa mo."
"Talaga!"
"As if naman kilala ka rin nila," mahinang bulong ko pa.
"Hindi nga nila ako kilala pero atleast ako kilala ko sila," biglang sagot nito na labis kong ikinagulat. Narinig pa pala nito iyon. "Gusto mo sa 'yo na lang si Go Bum," aniya pa.
"'Wag na, oy! Sa 'yo na lang."
"Ang arte mo, ha?!" anito.
"Buti pa kung pagkain na lang ang inaalok mo sa akin. Baka sakaling pasalamatan pa kita."
"Ewan ko sa 'yo," ani Mary Grace at ssinimangutan ako.
"Bilisan mo na diyan. Mag-time in ka na ro'n at baka ma-late na tayo sa lakad natin. Nakakahiya naman kay Chef kung paghintayin pa natin siya."
"Oo na. Ito na," saad ni Mary Grace saka ito nagmadaling iniwanan ako at pumasok sa loob ng building.
Naiwan akong pinapanood itong nagtatatakbo. Kahit kailan talaga. Hays!
NAKA-ABRISYETE sa akin si Mary Grace habang lulan na kami ng elevator papuntang Century Grill Restaurant kung saan kami magfo-food tasting. Halos kakarating lang namin ng Hotel Trevino at sakto lang din ang dating namin. May natitira pang ten minutes bago ang eksaktong oras na napagkasunduan namin. Mabuti na lang talaga at may ibang alam na way na walang trapik ang driver nang nasakyan naming taxi kaya naman mabilis kaming nakarating dito. Kaming dalawa lang ang sakay ng elevator. At habang naghihintay na huminto sa palapag kung nasaan naroon ang restaurant na sadya namin ay biglang nagsalita si Mary Grace.
"Ang sosyal naman dito, Girl," saad nito saka inalis ang mga kamay na nakapulupot sa braso ko.
"Oo, nga, eh," sang-ayon ko sa sinabi nito.
Gano'n din kasi ang nasabi at naramdaman ko noong una akong pumunta at tumapak rito sa Hotel Trevino noong nakaraan. Halos namangha pa ako at nanliit para sa sarili ko pagpasok ko sa loob. Nakadama rin ako ng konting inggit sa mga nakikita ko. Naisip ko pa nga na kahit siguro na mag-ilang trabaho pa ako at anong kayod na gawin ko ay tiyak na hinding-hindi ko maa-afford at mararanasan na makapagcheck-in dito kahit isang gabi man lang dahil sa sobrang mahal ng mga kwarto rito. Kaya hanggang pangarap na lang siguro ako. Hindi pa sure kung mangyayare pa iyon.
"Mukhang mamahalin. Saka nakita mo 'yong lobby pa lang ang lakas maka-alta sociedad. 'Yong ambience at 'yong feels para kang nasa ibang bansa. Lakas din maka-VIP habang naglalakad," muling sabi ni Mary Grace at saka lumayo sa akin at pumwesto sa may gilid.
"Malamang mga bigtime at mayayaman lang ang kayang mag-check in dito," nasabi ko.
"Or pwede rin mga artista," aniya na halatang na-excite pagkasabi nito niyon. Kuntodo ngiti pa ito. "Sana man lang may makasalubong tayo rito o 'di kaya makasabay dito sa elevator. Magpapa-picture talaga ako. Kahit mga Lee Sung Juk o Park Go Bum lang pwede na," kinikilig pa nitong sabi.
"Ambisyosa ka talaga, no? Paano sila mapupunta rito, aber? Eh, nasa Korea sila nakatira," basag ko sa pag-iilusyon nito.
"Malay ko ba. Hindi natin alam baka nagbabakasyon sila ngayon dito sa Pilipinas at dito mismo sila sa Hotel Trevino naka-stay."
"Malabo 'yan," kontra ko pa rin. "Itigil mo na 'yang pag-a-adik mo. Iba na kasi ang epekto sa 'yo."
"Wala namang imposible, no?" saad nito na parang balewala lang dito ang sinabi ko.
"Bahala ka!" nasabi ko na lang.
Mukhang wala rin naman kasi talaga itong planong magpapigil pa. Bahala na siya kung iyon ang paniniwala nito. Epekto na rin siguro ng kaka-kdrama nito iyon. Kaya kung anu-ano na ang naiisip at nai-imagine nito. At wala na akong magagawa pa ro'n.
Nagulat pa ako nang maramdaman kong biglang huminto ang elevator. Agad akong napatingin sa mga button na may numero ng bawat floor para tignan kung nasaan na kaming palapag. Baka kasi naroon na kami sa sadya namin kaya tumigil ito at hindi namin napansin dahil nga nag-uusap kaming dalawa ni Mary Grace. Pero hindi pa pala. May ilang palapag pa ang lalampasan namin bago kami makarating doon. Hanggang sa tuluyan na ring bumukas ang elevator at napansin ko agad ang isang lalaki na nakasuot ng itim na suit na nasa labas niyon na biglang pumasok sa loob. Nakita kong ngumiti pa ito nang makita kami pero hindi ako nag-abalang tumugon dito.
Natuon ang tingin ko rito. At infairness sa lalaki may itsura ito. Malakas din ang dating. At halatang mayaman sa suot nito. Amoy na amoy rin ang panlalaking pabango nito na mukhang mamahalin na humalo sa hangin. Napansin ko rin ang nameplate na nakasabit sa may dibdib ng suot nitong coat. Mukhang nakalimutan yata nitong tanggalin iyon. Agad kong nabasa ang nakasulat doon at nalaman kong Evander pala ang pangalan nito at ito ang tumatayong Front Office Manager. Kaya naman pala presentable ang itsura nito. Mataas pala ang posisyon nito dito sa hotel. At halatang bagay naman dito.
Napausad pa ako sa may gilid nang lumapit ito para pumindot sa palapag na sadya rin nito pero nang makita nitong naka-ilaw na ang pipindutin nito ay hindi na nito tinuloy ang balak. Dahil do'n ay nakompirma kong mukhang andoon din ang punta ng lalaki sa pupuntahan namin.
"Excuse me. Sa cafe rin ba ang sadya niyo, mga Miss?" biglang tanong ng lalaki sa amin.
"Naku, hindi," tanggi ko. "Sa Century Grill kami pupunta."
"Ah, gano'n ba? Akala ko sa cafe. Pwede na kayong sumabay sa akin kung gusto niyo. Idadaan ko kayo ro'n," presenta pa nito sa amin saka ngumiti.
Sasagot na sana ako nang maramdaman kong may humawak bigla sa braso ko. Saka ko lang narealize na si Mary Grace na pala iyon. Hindi ko napansin na nakalapit na pala ito sa akin.
"Talaga, Sir? Naku! Nakakahiya naman sa inyo," ani Mary Grace na bigla na lamang sumingit. Hindi na ako nakapagsalita pa dahil ito na ang sumagot.
Narinig kong natawa nang mahina ang lalaki.
"Ayos lang. Walang problema. Madadaan ko rin kasi iyon. Baka rin kasi hindi niyo alam kung nasaan doon ang Century Grill," anang lalaki.
"Mabuti pa nga na sumabay na kami sa inyo, Sir. Baka kasi maligaw kami," ani Mary Grace na ngumiti at biglang hindi mapakali. Halatang nagpapansin ito. Parang gusto ko tuloy siyang kurutin dahil sa kalandian nito.
Nakita kong muling ngumiti ang lalaki.
"By the way I'm Evander," pakilala pa nito sa sarili at inilahad ang kamay para makipagkamay.
"Mary Grace," pakilala naman ng lukaret kong kaibigan at mabilis na humawak sa kamay ng lalaki. Napatingin pa ako sa kamay ng dalawa. Parang gusto kong lumubog sa kinatatayuan ko dahil sa kahihiyan na ginagawa ni Mary Grace. Halata kasing may malisya ang pakikipagkamay nito. Nakita ko kasing pinipisil-pisil pa nito ang kamay ni Evander. At mukhang wala pa yata itong balak na bitawan ang kamay ng huli. "Siya naman si Cirlyn, kaibigan at katrabaho ko," pakilala pa nito sa akin.
Napilitan akong ngumiti dahil do'n. Pero hindi na ako nakatiis na hindi kurutin si Mary Grace sa tagiliran nito dahilan para mapaigtad ito at tuluyan itong napabitaw mula sa pakikipag-kamay.
"Aray!" hiyaw nito sabay nasapo nito ang tagiliran nito.
"Are you alright?" biglang tanong ni Evander.
"Huh? Ah, oo," nakangiwing sagot ni Mary Grace dito at bumaling sa akin na may tingin na para bang naguluhan sa ginawa ko sa kanya. Pero sa halip ay pinandilatan ko lang ito ng mga mata.
Sakto rin namang bumukas ang elevator at nakita kong naroon na kami sa palapag na sadya namin.
"Sunod na lang kayo sa akin," ani Evander at nauna nang lumabas.
"Sige," tugon ko rito at saka hinila na rin si Mary Grace palabas. Pero bago pa kami makasunod ay tumingil ito saglit at hinarap ako.
"Ano bang problema mo?" tanong nito sa akin. "Ba't mo 'ko kinurot kanina? Ang sakit no'n, ha? Panira ka naman ng moment, eh."
"Moment? Eh, minamanyak mo na 'yong kamay ni Evander. Nakakahiya ka. Pati ba naman dito nagkakalat ka pa, bruha ka."
"Nakikipagkamay lang naman, ah."
"Sus! Ewan ko sa 'yo. Ang landi mo!" sabi ko sa kanya at tinalikuran ko na ito.