CHAPTER 27

2141 Words
CIRLYN Kasalukuyan na kaming naglalakad ni Mary Grace sa hallway palabas ng building. Kaka-out lang namin sa trabaho. Nauna nang nakalabas sina Niña, Virgie at Aiza pati na ang iba pa naming mga kasamahan at kami na lamang ang nahuli. May tinapos pa kasi akong gawain at nagpahintay ako sa kanya para sabay na kami. Pareho lang kasi ang daan namin pauwi. Mauuna lang itong bumaba kaysa sa akin.  Kanina ko pang iniisip kung kanino galing ang pagkain na namang dumating. Pangalawang beses na iyon simula kahapon at wala talaga akong maisip na pupwedeng magpadala niyon sa akin. Sobra talaga akong nagtataka. Hindi ko alam kung iisang tao lang ba ang may gawa niyon o magkaiba. At kung bakit pinapadalhan niya ako. Ang weird lang talaga kung iisipin.  Nakakatuwa at masarap din naman sa pakiramdam na makatanggap niyon pero sadyang hindi ko lang talaga mapigilan na mapaisip. Ang daming tanong sa utak ko na wala pa ring kasagutan at gusto kong malaman ang totoo. Sino ang nagpapadala niyon? Bakit niya ako pinapadalhan? Para saan ang mga iyon? At kung anong intensiyon nito? Nacu-curious talaga ako sa taong posibleng nasa likod nito.  Ang sasarap pa naman ng mga pagkain. Halata talagang hindi lang ordinaryong cook ang nagluto niyon kundi parang chef sa mga kilalang restaurant. Bongga kasi ang plating kahit na nasa microwavable lang nakalagay. Itsura pa lang din kasi ay masasabi ko na talagang masarap kahit na hindi ko pa natitikman. At siyempre ang mga kasamahan ko talaga ang nag-e-enjoy ng husto dahil do'n.  Two days na kasi silang nakakalibre ng masasarap na ulam. Hindi na nila kailangan pang makipag-unahan do'n sa canteen para lang may maabutan. Dinaig pa namin ang kumain sa labas at sa mga mamahaling restaurant dahil do'n. At sa totoo lang natuwa at nasarapan naman ako. Hindi ko itatanggi iyon. Gusto ko ring magpasalamat dito dahil nakakain ako ng mga pagkain ngayon ko lang natikman. Hindi ko na kailangan pang gumastos para lang makatikim nang ganoon.  Naisip ko nga na baka si Lorkan ang may gawa ng lahat ng ito, na siya ang nagpapadala. Pero naisip ko rin na mukhang malabo iyon kasi wala namang dahilan para ipagluto at padalhan niya pa ako. Hindi na nito kailangan pang gawin ito para lang bumawi sa akin kung ang dahilan nito ay ang mga nakaraang nangyare pa. Okay naman na kami ngayon. Sapat na 'yong nagkausap at nagkaintindihan kami. Bonus na lang 'yong nalibre niya pa ako sa isang seafood restaurant. Kaya imposibleng sa kanya galing ang mga pagkain.  Tuloy lang kami sa paglalakad ni Mary Grace nang bigla itong nagsalita.  "Sino kayang nagpapa-deliver sa iyo ng mga pagkain, Girl?" tanong niya. "Nacu-curious ako." "Hindi ko rin nga alam, eh. Kahit ako ay nacu-curious din," sagot ko rin sa kanya.  "Hula ko talaga si Chef Lorkan," aniya.  "'Yan nga rin ang naiisip ko pero bakit naman niya ako papadalhan?" "Baka bumabawi sa 'yo?" "Bumabawi saan?" pagtataka ko.  "Eh, 'di ba nga sa nangyare kagabi," aniya na ang tinutukoy nito ay ang tungkol sa mga kinuwento ko sa kanya na kaganapan kagabi kung saan nalasing si Lorkan tapos nagkalat pa ito.  "Girl, kagabi lang nangyare iyon. At 'yong nagpapadala kahapon pa. Kaya imposibleng sa kanya." "Kung sabagay," sang-ayon nito na halatang napaisip din "Pero malay natin siya nga talaga." "Ewan ko," nasabi ko na lang. Medyo naguguluhan din ako sa totoo lang.  "O baka naman kaya may secret admirer ka rito sa building natin," biglang naisip ni Mary Grace. "Ha? Secret admirer?" reaksyon ko.  "Oo. As in lihim na may gusto sa 'yo. Lihim na pagtingin. Lihim na pagnanasa ay mali. Iba pala iyon." "G*ga! At sino naman magkaka-interes sa akin, aber?" "Baka isa sa mga boys mula sa ibang company na tenant din dito sa building. You know! Sa dami ng mga nag-o-opisina rito imposibleng walang nakakapansin ng beauty mo." "Baliw!" "Hindi imposible iyon, Girl," pilit pa rin nito. "Maganda ka naman. Sexy at makinis kaya for sure marami ang magkaka-interes sa iyo. Hindi lang natin alam. Saka 'di ba sabi mo dati sa akin, may isang lalaki na taga-ibang company dito ang palaging nakatingin at nakangiti sa 'yo sa tuwing magkikita kayo. Baka siya iyon," paalala ni Mary Grace.  Bigla kong naisip at naalala ang tinutukoy nito. Natatandaan ko nga pala na naikwento ko sa kanya ang tungkol do'n. Meron kasing isang lalaki ang madalas kong makasalubong at makasabay sa elevator na nagtatrabaho rin dito sa building. Napapansin kong palagi itong nakatingin at nakangiti sa akin sa tuwing magkasalubong kami. Nginingitian ko lang din ito bilang tugon.  Pero sa tagal din naming nagkikita, nagkakasabay at nagkakasalubong ay never naman itong lumapit sa akin o sinubukan akong kausapin. Kung may gusto ba itong sabihin. Kung may iba pa ba itong intensyon. Kung bakit nito ginagawa iyon. Kahit pa nga hindi naman talaga kami magkakilala personally.  Kilala ko lang siya sa mukha dahil sa madalas naming pagkikita. Sa iisang building lang ang pinagtatrabahuhan namin at taga-ibang company lang ito pero aside do'n ay wala na akong ibang alam pa tungkol sa kanya. Ni pangalan nito, maging trabaho o posisyon ay wala akong ideya. Kaya naisip kong baka sadyang friendly at palangiti lang ito kaya nito ginagawa iyon. At wala namang iba pang kahulugan. Kaya lalong imposibleng siya ang nasa likod ng mga pagkain na dumarating.  "Malabo iyon, Girl. Kung interesado 'yon sa akin, eh 'di sana diniritso na niya ako. Andaming beses na nagkasabay kami pero hindi naman siya nagsasalita. Panay tingin at ngiti lang," sabi ko.  "Eh, baka nga naman kasi nahihiyang magsabi sa 'yo kaya dinadaan niya lang sa food," ani Mary Grace.  Napaisip rin ako sa sinabi nito. Mas lalo lang akong naguluhan. Pero agad ko ring binalewala iyon.  "Ah, basta. Malakas lang ang kutob ko na hindi siya iyon." "Kung gano'n sino? May naiisip ka pa bang iba? Eh, wala namang ibang pwedeng magpadala no'n sa 'yo. Kasi nga wala ka namang jowa at wala ka ring manliligaw. Siya at si Chef Lorkan lang naman ang pupwede gumawa niyon. Sila lang ang options mo." "Ewan ko. Hayaan mo na. Malalaman din natin 'yan. Malay mo magpakilala rin siya soon."  "Ano pa nga ba?" aniya. "Ang importante naman ay may masarap tayong food lagi. Kaya salamat sa 'yo at sa kung sino mang nagpapadala no'n. Isang malaking sana all na lang talaga sa 'yo, Girl." Sa halip na mag-isip pa ay binalewala ko na lamang iyon. Ayoko nang isipin pa. Bahala na ito sa trip nito kung sino man siya. Siya naman ang may gustong gawin iyon. Hindi ko naman hinihingi. Lalong hindi ko ginusto. Kusa naman nitong pinapadala iyon. Kaysa naman itapon ko iyon at masayang lang din, eh 'di tanggapin na lang at kainin. Lamang tiyan din iyon, no? Saka hindi lang naman ako ang nakikinabang no'n kung hindi pati rin ang mga katrabaho ko. Mas nakakakain at nabubusog pa nga ang mga ito kaysa sa akin kaya ayos lang din. Mag-iinarte pa ba ako?  "Tara na!" aya ko na kay Mary Grace. Malapit na palang mag-alas singko. Tiyak ko na mahirapan na kaming sumakay nito dahil pa-rush hour.  "Let's go!" sang-ayon nito at nagpatuloy kami sa paglalakad palabas.  LORKAN Nasa opisina ako sa Century Grill at nagchi-check ng mga imbentaryo na ipinasa sa akin ng mga empleyado ko. Kailangan kong i-double check iyon para sigurado na tama ang bilang nila ng mga stocks. Simula kasi nang mangyare na mahuli ko mismo sa akto na may nagnanakaw ng mga stocks ng kitchen ay naging mahigpit na ako sa kanila. Alam nilang lahat iyon. At naiintindihan naman nila. Kahit na may cctv camera akong nilagay sa kitchen at sa stock room ay hindi ko naman araw-araw nache-check iyon. Hindi ko alam kung may nakakalusot pa rin. Kaya naman dapat alam ko ang lahat. Updated pa rin ako sa mga stocks. Kung anong mabilis na ginagamit at nauubos. 'Yong mga fast moving na item at pati na ang mga hindi. Matrabaho man pero naninigurado lang ako kaya ginagawa ko ito.  Although may tiwala naman ako sa empleyado ko ngayon at umaasa pa rin ako na wala sanang tumulad at sumunod do'n sa nahuli ko dahil kapag nagkataon ay baka hindi ko na alam pa ang gagawin ko. Kilala nila ako. Mabait ako sa mabait pero 'pag alam kong tinitira na ako patalikod lalo na ang negosyo ko ay ibang usapan na iyon. Nagkakapangil ako bigla. At ayokong hayaan na umabot ako sa ganoong punto.  Tuloy lang ako sa ginagawa ko nang bigla akong napatigil. Narinig ko kasi ang sunod-sunod na katok mula sa pinto.  "Tuloy!" sabi ko.  Nakita kong bumukas iyon at pumasok ang dalawang tao na ayaw ko sanang makita. Walang iba kundi ang dalawang unggoy na sina Kim at Wookie. Ilang araw ko na silang hindi pinapansin at kinakausap dahil nagagalit pa rin ako sa pinaggagawa nila do'n sa group chat namin last time. Ilang beses na tumatawag ang mga ito pero hindi ko talaga sinasagot. Wala pa talaga ako sa mood na kausapin at patawarin ang mga ito.  "Oh, bakit narito kayo? Anong kailangan niyo? 'Di ba sabi ko sa inyo banned na kayo rito sa resto ko," seryoso kong saad sa mga ito nang makapasok sila sa loob. Hindi ako nag-abalang tapunan nang tingin ang mga ito sa halip ay itinuloy ko ang ginagawa ko. Narinig ko pang parang nagtuturuan pa ang mga ito kung sino ang unang magsasalita sa kanila.  "Sabihin niyo na kung anong kailangan niyo. Busy ako. Marami akong ginagawa ngayon," sabi ko pa.  "Brad, galit ka pa rin ba?" Dinig kong tanong ni Wookie.  "Sa tingin niyo?" sagot ko pero hindi pa rin ako tumitingin sa kanila.  "Brad, naman. Patawarin mo na kami. Binibiro ka lang namin, eh," saad naman ni Kim. Dahil do'n ay itinigil ko muli ang ginagawa ko at binitawan ang clip board sa lamesa na hawak ko sabay tingin nang masama sa mga ito.  "Pwes, hindi nakakatuwa." "Kaya nga, sorry na, brad. Please naman." Si Wookie.  "Oo, nga brad. Pasensya ka na. Aminado naman kami na kasalanan namin. Huwag ka nang magalit. Mga kaibigan mo naman kami. We're like brothers 'di ba? " "Really? Kaibigan? Brothers? Ganyan ba ang mga totoong kaibigan at kapatid? Nanlalaglag? Chinichismis? Tuwang-tuwa na pinagkakaisahan ako? Gano'n ba, ha? Pinagkakatiwalaan ko kayo pero anong ginawa niyo? Kayo pa talaga ang pasimuno ng lahat. I'm so disappointed with both of you." Hindi ko na napigilan pang litanya sa mga ito. Hindi lang talaga ako natuwa sa ginawa nila.  Biglang natahimik ang dalawa at hindi makatingin sa akin.  "Ano?! Magsalita kayo! Ngayon kayo mang-goodtime. Ang lakas niyong mang-asar do'n sa gc pero ngayon bigla kayong tatahimik. Hoy! Magsalita kayo. Dali!" "Brad, sorry na! Patawarin mo na kami," nagmamakawang saad ni Wookie.  "Sige na, brad. Promise. Hindi na mauulit. Pasensya ka na talaga sa amin," ani Kim na mababakas sa mukha ang pagsusumamo.  Kapwa pa umupo ang dalawa sa harap ko at hinawakan ang kamay ko.  "Ano ba?!" reaksyon ko sabay bawi sa kamay ko para bitawan nila pero hindi nila ginawa iyon. Sa halip ay mas humigpit pa ang hawak nila.  "Sige na, brad, please?" saad pa pareho ng dalawang ungas sa akin. Kapwa nasa mukha ang pagsusumamo at pagmamakaawa. Animo'y parang ang aamong mga tupa na ewan. Parang gusto ko tuloy matawa sa itsura ng mga ito imbes na magalit.  Napabuntong-hininga muna ako saka ako nagsalita muli.  "Oo, na! Sige na!" sang-ayon ko sa kanila.  "Talaga? Pinapatawad mo na kami?" Sabay pa ulit nilang reaksyon na parang hindi makapaniwala.  "Oo, nga! Kaya bitawan niyo na ang kamay ko. Pwede ba?" sabi ko.  Pero sa halip na sundin ang sinabi ko ay nagulat na lamang ako nang bigla akong hatakin ng mga ito para yakapin. Halos sumubsob ako sa lamesa dahil do'n. At wala na akong nagawa pa.  "Thank you, brader! Na-miss ka namin," ani Wookie habang nakayakap sa akin.  "Totoo, 'yon, brad!" sang-ayon din ni Kim na hindi ko alam kung naiiyak ba ito. Naririnig ko kasing humahangos ito.  "Mga baliw! Bitawan niyo na ako bago pa magbago ang isip ko. Nangangawit na ako sa ginagawa niyo." "Wala nang bawian. Nasabi mo na." "Oo, na nga!" sabi ko at tuluyan na nila akong binitawan.  "Yes!" reaksyon pa ng dalawa na tuwang-tuwa sabay apir.  Napailing na lamang ako sa mga ito.  "Sige, brad! Alis na kami," paalam ni Wookie na halatang masaya.  "Okay na tayo, brader, ha?" panigurado pa ni Kimmy. "Patikim na rin ng luto mo mamaya. Beke nemen!" hirit pa nito.  "Tarantado! Layas!" sabi ko sa mga ito at umasta akong ibabato ko sa kanila ang clip board na hawak ko na. Pero bago ko pa magawa iyon ay mabilis nang nakaalis ang dalawa.  Tsk! Mga ungas talaga! Kung hindi lang mga kapatid at kaibigan ang turing ko sa mga ito ay ewan ko na lang. Nakakakonsensya rin kung hindi patatawarin. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD