CIRLYN
MABILIS LUMIPAS ANG MGA ARAW.
Nagsunod-sunod pa ang mga pagpapadala ng pagkain sa akin. Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung kanino galing ang mga iyon. Tanggap lang ako nang tanggap.
Medyo nasasanay na nga rin akong laging may dumarating sa opisina namin na nagde-deliver. Halos araw-araw ay iba't-ibang pagkain. Iba't-ibang luto. At lahat ay masarap.
At hindi lang isang putahe iyon kung hindi marami. Aside sa main dish ay minsan pa ay may kalakip pang dessert. Parang fiesta tuloy lagi ang opisina namin sa dami ng pagkain. Excited palagi ang mga kasamahan ko sa tuwing tanghalian. Hindi na nga kami nabili sa canteen dahil do'n. Tipid na tipid kami at siyempre busog na busog pa.
Hindi ko alam kung hanggang kailan itong mga delivery. Kung may balak bang magpakilala ang nagpapadala nito. Dahil sa totoo lang ay sobra na akong namimisteryosuhan sa katauhan nito. Gusto ko na siyang makita at makilala. Gusto kong malaman kung sino ito at kung bakit nito ginagawa iyon. Kung ano ba ang intensyon nito sa akin? Habang patagal nang patagal kasi ay mas lalong gumugulo ang utak ko dahil sa kakaisip dito.
PALABAS na ako ng women CR nang marinig kong parang tumutunog ang cellphone ko kaya agad ko iyong kinapa sa bulsa ng suot kong unipormeng blusa. Nakita kong naka-rehistro ang pangalan ni Lorkan sa screen at tumatawag ito. Nagtaka pa ako ba't bigla itong napatawag. Ilang araw din itong walang paramdam. Wala na akong naging balita sa kanya at hindi ko na ito nakausap pa matapos nitong malasing at magkalat. Hindi na rin kasi nagawi muli ito sa amin. Marahil dahil siguro sa sobrang kahihiyan.
Ang kwento pa sa akin ni Nanay ay pagkagising daw nito ay agad rin itong umalis. Humingi pa raw ito nang despensa sa abalang dinulot niya. Hiyang-hiya raw ito sa mga nangyare. Natatawa na lamang daw si Nanay dito dahil hindi na ito halos makatingin nang sinasabi ni Nanay ang pinaggagawa nito.
Agad kong pinindot ang answer button para sagutin iyon.
"Hello?" bungad ko.
"Cirlyn ikaw ba 'to?" tanong pa nito na parang hindi ito sigurado.
"Malamang. Sino pa ba?"
"Akala ko kasi nagpalit ka na ng number mo gaya no'ng sabi mo noong last time. Sinubukan ko lang naman," dahilan nito.
"Ah, hindi. Sinabi ko lang naman iyon para 'wag mo na akong kuliting tawagan."
Narinig kong parang natawa ito mula sa kabilang linya. "Grabe ka sa akin, no?" nasabi pa nito.
"Ang kulit mo kasi, eh."
Muli itong natawa. "Pasensya na," anito.
"Ba't ka pala napatawag?" tanong ko.
"Actually, gusto ko lang din mag-sorry sa nangyare last time. Pasensya na sa malaking abala ko sa inyo lalo na sa 'yo. Sorry talaga."
"Wala iyon. Basta 'wag ka nang pumayag ulit kapag inaya ka pa ng kapatid ko. Inuuto ka lang no'n."
"Ang hirap kasing tanggihan baka sapakin ulit ako," anito.
"Takot ka ro'n, eh, ang laki-laki ng katawan mo. Siya ang dapat matakot sa 'yo."
"Paano mo alam na malaki katawan ko?" bigla nitong tanong.
"Malamang akong nagbihis sa 'yo. Nakita ko iyon. Ano ka ba?!"
"So, wala na pala akong dapat itago sa 'yo kasi nakita mo na pala lahat sa akin," ani Lorkan na parang nanunukso ang tono nito.
"Siraulo! Hindi ako interesado sa katawan mo, no?" medyo nainis kong sabi sa kanya. "At isa pa wala lang talaga akong choice no'n. Dahil kung pinabayaan kita baka amoy ewan ka na. Baka nilalangaw ka na sa labas," dagdag ko pa. Napasimangot tuloy ako nang wala sa oras dahil dito.
"Ah, gano'n ba?"
"Oo!" mariin kong sagot.
"Sorry naman. High blood ka naman agad. Binibiro lang kita. Isa pa pala, gusto ko ring mag-thank you sa 'yo dahil sa pag-aasikaso mo sa akin at sa paglalaba mo ng damit ko. Thank you, ha?"
"Thank you lang?" tanong ko.
"Bakit? Ano ba dapat? Do you want anything?"
"'Wag na!"
"Sige na. Sabihin mo na. Ibibigay ko sa 'yo."
"Wala nga! Okay na 'yon. 'Wag mo na intindihin ang sinabi ko. Binibiro lang kita."
"Pero ako hindi ako nagbibiro. Sabihin mo na! Pambawi ko man lang sa 'yo. Sa tinulong mo sa akin. Gusto mo bang kumain? May gusto ka bang kainin? O 'di kaya gusto mo ipagluto na lang kita."
"Makulit ka talaga, no?" sabi ko sa kanya.
"Oo, nga. Seryoso ako. Promise."
"Okay nga lang. Kahit na 'wag na. Kahit sino naman gagawin ang ginawa ko sa 'yo."
"'Wag ka nang mahiya."
"Hindi ako nahihiya. No need na talaga nang kahit ano pang kapalit."
"Ano ba 'yan?!" Medyo disappointed nitong sabi. "Sure?"
"Sure!" tugon ko. "Sige na at ako'y babalik na sa trabaho ko."
"Ay gano'n?"
"Oo. Hindi pa ako naka-break."
"Mabuti okay diyan ang sumagot ng cellphone kahit naka-duty."
"Wala ako sa opisina. Nasa labas ako pero pabalik na ako ro'n. Kaya tama na ang usapang ito. Tinanggap ko na ang sorry at thank you mo."
"Grabe ka talaga sa akin, no? Halatang ayaw mo akong kausap."
"Hindi naman sa gano'n pero may trabaho pang naghihintay sa akin. Hindi katulad mo na kahit pumetiks ay okay lang kasi ikaw naman ang boss diyan."
"So, bakit parang kasalanan ko?"
"Ewan ko sa 'yo, Lorkan. Tama na. Ibababa ko na 'to."
"Okay, sige!" napilitan nitong sang-ayon. "Pero babawi ako sa 'yo. Pangako ko 'yan."
"Kahit 'wag na! Sige na, bye!" pagtatapos ko at saka pinindot ko ang end call button. Agad ko ring ibinalik ang cellphone ko sa bulsa.
Nagtuloy ako sa paglabas ng cr at naglakad pabalik ng opisina nang bigla ko naman nakasalubong si Mary Grace.
"Oh, Girl, tumawag pala ang mga bossing. Hinahanap ka."
"Bakit daw?"
"May hinihingi yatang mga files sa 'yo. Sabi ko nag-cr ka pa," aniya sa akin.
"Ha?" reaksyon ko.
"Oo. Bilisan mo na! Mukhang kailangan na yata iyon," aniya.
"Okay, sige,' sang-ayon ko at tinalikuran ko na ito. Nagmadali na akong bumalik sa opisina.
ALMOST lunch time na pero hindi pa kami kumakain. Wala rin ni isa sa amin ang lumalabas para bumili sa canteen. May mga baon naman kaming mga kanin pero wala namang ulam. Lahat na yata kami ay naghihintay kung may darating na delivery ng pagkain para sa akin. Pero mag-aalas dose na ng tanghali pero wala pa ring dumadating. Usually ay mga eleven am o eleven thirty ay may kumakatok na sa pinto namin at naghahanap sa akin pero ngayon ay wala na.
Naisip ko baka nga ay wala na talaga at umaasa lang kami sa wala. Ilang araw din kaming naka-libre dahil dito. Halos sunod-sunod din iyon. Kaya medyo nakakapagtaka lang na tumigil na ito ngayon. Baka namumulubi na ito sa laki ng gastos nito dahil nasa dami ng pinapadala nito araw-araw. Magkano rin ang mga ingredients pati na ang delivery charge. Kaya hindi na malabong wala na talagang dadating pa.
"Sis, may aasahan pa ba tayo?" tanong ni Niña sa akin. "May darating pa ba? I'm so hungrybells na. Nagba-volleyball na yata ang mga worms ko sa tiyan. Mukhang kinakain na yata nila 'yong small at large intestine ko. My ghad!"
"'Yan ang hindi ko alam, Sis. Baka nga wala na talaga kasi masyado kayong madami lumamon," sagot ko rito.
"Ouch, ha!" reaksyon ni Mary Grace na kunwaring nasaktan sa sinabi ko.
"Totoo naman, ah."
"Grabe ka naman sa amin, Sis. Nakikikain lang kami. Ikaw nga ang may take out lagi, eh," saad muli ni Niña.
"Natural! Sa akin naman nakapangalan. Ako naman pinapadalhan. Buti nga sini-share ko pa sa inyo, eh."
"So ano 'to sumbatan?" ani Mary Grace.
"Sinasabi ko lang."
"So, ano nang plano natin?" singit ni Virgie. "Mukhang wala talaga tayong aasahan ngayon."
"Oo, nga," sang-ayon din ni Aiza. "Mukhang magugutom tayo today." At hindi na rin maipinta ang mukha dahil sa gutom.
"Alam niyo mabuti pa, kaysa umasa tayo sa wala. Tara na sa canteen at magbakasakali. Baka may tira pa silang tindang ulam," aya ko sa mga ito at saka tumayo na.
"Naku, Girl! Asa ka pa. Magsasayang ka lang ng energy kapag pumunta ka pa ro'n. Tiyak ubos na rin iyon kanina pa," ani Mary Grace.
"Eh, kaysa naman tumunganga tayo rito. Ulcer ang aabutin natin nito," sabi ko pa.
"Alam niyo mga, Sis. Tama si Shie. Try na lang natin magbakasakali dahil sa totoo lang gutom na gutom na talaga ako," sang-ayon ni Niña sa sinabi ko sabay himas sa tiyan nito.
"Tara na! Mukhang wala talaga 'to!" ani Virgie.
Napilitang na ring tumayo sina Mary Grace at Aiza para sumama. Nauna na rin akong naglakad papuntang pinto para lumabas nang bigla akong magulat dahil sa sunod-sunod na mga katok sa pinto. Napatigil ako saglit. Pati na ang mga kasamahan ko. Nagkatinginan pa kaming lahat dahil do'n.
"Buksan mo na, Girl. Baka 'yan na 'yan," ani Mary Grace sa akin.
"Bilis na, Sis!" saad naman ni Niña.
Dahil do'n ay agad ko nang binuksan ang pinto. At gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang lalaking nakatayo sa labas ng pinto at may hawak itong paper bag. Pero ang mas gumulat talaga sa akin ay ang makilala kung sino ito.
"Ikaw?" nasambit ko.