CIRLYN
Palinga-linga ako sa loob ng convention hall. May hinahanap kasi ang mga mata ko. Nagbabakasakaling sumulpot mula sa isa sa mga pinto dito sa loob. Medyo kinakabahan na kasi ako. Malapit nang matapos ang programa at kasunod niyon ay ang lunch break na pero wala pa rin akong nakikitang mga pumapasok na mga empleyado na may dalang pagkain para sa mga participants. Hindi ko tuloy mapigilan na hindi mag-alala. Alam kong marami na sa mga kasali ang gutom. Malapit na rin kasing mag-alas dose ng tanghali pero 'yong pagkain ay wala pa rin.
Kanina pa akong nag-e-expect ng tawag mula kay Chef Lorkan kasi ang sabi nito ay tatawagan niya raw ako for update. Kung tapos na, kung okay na at ready na ang pagkain para i-serve. Pero hanggang ngayon ay wala itong paramdam sa akin. Hindi tuloy ako mapakali sa kinauupuan ko.
"Oy, Girl! Ayos ka lang ba?" pansin sa akin ni Mary Grace na nasa tabi ko. "Parang hindi ka mapakali diyan."
"Inaalala ko nga kasi 'yong pagkain. Wala pa rin," sabi ko sa kanya.
"Oh. Akala ko ba okay na? Natawagan mo na si Chef kanina 'di ba?"
"Oo. Pero kanina pa iyon. Ang sabi niya kasi sa akin ay tatawagan niya raw ako pero hindi pa ito tumatawag."
"Baka busy pa sila kaya nawala sa isip niya. Ang dami nang niluluto nila tapos bukas pa ang resto niya kaya malamang nakalimutan na nito."
"Nag-alala lang kasi ako," sabi ko sa kanya at sabay tingin sa pinto. Hoping na nasa labas na ito at biglang bumukas iyon.
"Ano ka ba?! Wala ka bang tiwala kay Chef?"
"Hindi naman sa gano'n. Ayoko lang mapahiya sa mga participants natin. Siyempre nag-e-expect sila ng pagkain kasi kasama sa binayaran nila iyon."
"Kung gusto mong malaman, eh 'di tawagan mo na," suggestion pa nito.
"Gusto ko nga kaso baka isipin naman ni Chef na ang kulit ko naman masyado. Na hindi ako makapaghintay."
"Kaya nga, kumalma ka lang muna diyan."
"Paano ako kakalma kung hanggang ngayon wala akong balita?"
"May ilang minutes pa namang natitira bago ang lunch break nila," tukoy nito sa mga kasali sa convention. "Saka nasa taas lang ang resto niya kaya 'wag ka nang mapraning diyan. Baka parating na rin 'yon. Si Chef Lorkan pa ba?"
Napabuntong-hininga na lamang ako. "Sana nga. Hindi ako mapapanatag kapag hindi ko pa sila nakitang dumating."
Wala na akong narinig na tugon mula kay Mary Grace. Natuon na kasi ang atensyon nito sa nagsasalitang speaker na kinuha namin na kasalukuyang nagsasalita. Kasunod niyon ay narinig ko pang nagtawanan ang lahat dahil sa birong binitawan nito. May pagka-kalog kasi ito. At nakakatawa ang mga hirit nito. Kaya naman kanina pang halatang nag-e-enjoy ang lahat kasama na ang mga kasamahan ko. Tuloy ay naging interesado ang lahat na pakinggan ang mga sinasabi nito. Pero kahit anong nakakatawa sa mga sinasabi nito ay hindi ko magawang tumawa dahil ang utak ko ay nasa pagkain pa rin na hindi dumadating at kay Chef Lorkan na hindi pa rin tumatawag.
Gustuhin ko mang balewalain ang sitwasyon pero hindi ko magawa. Ako pa naman ang natuka sa paghahanap ng pwedeng maging food provider sa event. So, malamang kargo ko rin kapag nagkataong nagkaproblema. Ako ang sisihin ng lahat sakaling pumalpak. At nakakahiya sa mga ito. Andami pa naman naming mga kasali ngayon. Para tuloy akong nanghihina. Napatingin ako ng oras sa relong pambisig ko. Ten minutes na lang ang natitira at matatapos na ang program para ngayong umaga.
Bigla kong nakapa ang cellphone ko sa bulsa nang maramdaman kong parang nagva-vibrate iyon. Hindi ko alam kung may text o may tumatawag. Kaya agad ko nang kinuha iyon para tignan. Nakita kong tumatawag si Chef Lorkan. Nakahinga ako nang maluwag dahil do'n. Kanina ko pa itong hihintay. Wala na akong inaksayang sandali. Agad na akong tumayo at pumunta sa may likod para doon sagutin iyon. Baka kasi makabulabog pa ako. At ayoko namang gumawa ng eksena.
"Hello?" bungad ko rito nang pindutin ko ang answer button.
"Ms. Ramos." Dinig kong sabi nito mula sa kabilang linya.
"Yes, Chef?" sagot ko naman sa kanya. Para akong kinabahan na ewan dahil sa boses nito. Hindi ko alam kung may nangyare ba o may naging problema. Hindi ko tuloy mapigilang mag-isip ng kung anu-ano dahil dito.
"Ms. Ramos, pababa na kami ngayon para dalhin na diyan ang mga packed meals," anito.
Pagkarinig ko niyon ay para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Napanatag ako. Nakahinga ako ng maluwag. Grabe-grabe na kasi ang kaba ko at iniisip ko rin na baka may problema na kaya ang tagal nitong tumawag pero mukhang wala naman pala. May pabitin at pa-suspense pa kasi ito sa boses ng pananalita nito kaya naman napraning ako. Napausal agad ako sa isip ko ng "Thank You, Lord."
"Ah, gano'n ba? Mabuti naman. Kanina pa kasi ako naghihintay ng tawag mo. Patapos na kasi ang first half ng event at for sure na gutom na rin ang lahat," sabi ko sa kanya.
"Pasensya na natagalan ang tawag ko. Sinigurado ko pa kasi ang lahat. Ayoko rin namang bumaba na kulang at may makalimutan. You know. Nakakahiya naman sa iyo," anito.
"Ayos lang. Ang importante naman ay ang pagkain."
"Mga five minutes na andiyan na kami. Sasama na rin ako sa mga staff ko sa pag-distribute para ma-double check ko na rin."
"Okay, sige. Salamat. Lalabas na rin ako para salubungin kayo," sabi ko rito.
"Okay. Thank you," tugon pa nito. At saka ko pinutol ang tawag para lumabas.
Bumalik ako sa pwesto namin saka tinawag ko si Mary Grace para samahan ako sa labas. No'ng una ay ayaw pa nito kasi nag-e-enjoy ito sa pakikinig pero wala rin itong nagawa nang hilahin ko ito. Napilitan itong sumama sa akin.
Pagkalabas namin ay nakita ko na rin sina Chef Lorkan kasama ang mga staff nito na papalapit at may dalang food trolley kung saan nakalagay ang mga naka-packed ng pagkain. Napangiti ako dahil finally ay nandito na ito. Lahat ng kaba, pag-aalala at mga iniisip ko kanina ay nalusaw at nawala bigla. Hindi niya ako binigo. Sakto lang ang dating nila.
"Hi, Chef!" Dinig kong bati ni Mary Grace kay Chef Lorkan.
"Hi!" nakangiting tugon naman ni Chef Lorkan. "Hi, Ms. Ramos," baling naman niya sa akin.
Tumango lang ako para i-acknowledge ito.
"Sabi ko naman sa 'yo, Girl, eh. Kayang-kaya ni Chef Lorkan 'yan," muling saad ni Mary Grace.
"Bakit? May naging nangyare ba?" naguluhang tanong ni Chef Lorkan. Nakita ko kasing biglang kumuno't ang noo ng gwapong mukha nito.
"Paano kasi, Chef, itong bff ko, kanina pang hindi mapakali kasi hindi ka pa raw tumatawag sa kanya. Baka raw kasi may nangyare na at kinalimutan mo na siya. Char!"
"Hoy!" saway ko rito.
Pinandilatan ko pa ng dalawang mata si Mary Grace para patigilin ito. Talagang hindi na naman ito nakapagpigil sa kadaldalan nito. Nahiya tuloy ako kay Chef Lorkan dahil sa pinagsasabi nito.
"Nag-aalala lang ako para sa pagkain, no?" nahihiyang sabi ko.
"Sa pagkain lang ba talaga o kay Chef Lorkan?" singit ni Mary Grace at tinignan pa ako nito ng kakaibang tingin.
Napatingin rin ako kay Chef Lorkan para tignan ang reaksyon nito. Kung anu-ano kasing lumalabas sa bunganga ni Mary Grace. Feeling ko tuloy ay na-hot seat ako bigla dahil sa tanong nito.
"Siyempre saan pa, eh 'di sa pagkain," napilitang sagot ko pero hindi na ako tumingin muli pa kay Chef Lorkan.
"Weeh? Kung wala naman si Chef Lorkan wala naman 'tong mga pagkain, 'di ba mga boys?" tanong pa nito sa mga staff ni Chef Lorkan na nasa likod at may hawak na mga food trolley.
"Yes, ma'am!" Sabay-sabay pang sagot ng mga ungas na sumang-ayon naman sa bruha kong kaibigan.
"See?" ani pa ni Mary Grace.
Nakita ko pang pasimpleng ngumiti si Chef Lorkan do'n. Halatang nagpigil at natuwa sa mga narinig.
"Oo, na!" napilitan kong sang-ayon para matapos na. Ayoko nang pahabain pa at baka kung saan pa mapunta. Ano ba namang laban ko sa mga ito? Mag-isa lang ako at marami sila. Nagkampihan pa.
"No need to be worry, Ms. Ramos, kasi andito na ako at 'yong pagkain," sabi naman ni Chef Lorkan at tinitigan ako.
"Ayiee!" Dinig ko pang kinikilig na reaksyon ni Mary Grace. "Sana all."
Hindi ako nakapagsalita dahil do'n. Ang sarap talagang sabunutan ni Mary Grace. Ano na lamang iisipin ni Chef Lorkan? Nakakahiya.
"Sige na! Mauna na ako sa loob at baka tapos na rin sila," ani Mary Grace. "Follow me, mga boys!" tawag pa nito sa mga lalaki na may dalang pagkain. Nauna na nga itong pumasok sa loob.
Pagkaalis nito ay saka ko binalingan si Chef Lorkan na naiwan din.
"Pasensya ka na, Chef sa kaibigan ko. Gutom na siguro kaya kung anu-ano nang pinagsasabi," sabi ko rito pero hindi ako makatingin nang diritso sa kanya.
"Okay lang. Nakakatuwa at nakakatawa nga siya, eh. Ang kulit at maingay. Cool nga, eh," ani Chef Lorkan na napapangiti pa.
"Baliw lang talaga iyon. Kung anu-anong naiisip at pinagsasabi. Sanay na rin naman ako ro'n. Sadyang mapagbiro lang talaga siya."
"Mukha nga," sang-ayon nito.
"Tara na sa loob," aya ko na rito. "Baka gutom na ang mga participants."
"Let's go!" anito.
Sabay na rin kaming pumasok sa loob para tumulong sa pag-distribute. Sigurado na blockbuster na ang pila.
KAKAALIS lang ng pinakahuling participant na binigyan ko ng pagkain. Pero nagtaka agad ako nang makita ko na may natira pang ilang packed meals na nasa food trolley. Ang pagkakatanda ko ay tama naman ang bilang na binigay ko kay Chef Lorkan matapos kong magpadagdag ng headcounts sa kanya. Tinanong pa nga niya ako kung final na ba iyon at sinabi ko namang oo. Pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit may sobra. Lahat naman ng kasali sa event ay nabigyan na. Halos lahat na nga rin nang narito ay kumakain na rin. Hindi ko tuloy alam kung sumobra ba talaga ito o nagpasobra ito.
"Bakit may tira?" tanong ko bigla.
Agad na lumapit sa akin si Mary Grace at tinignan ang mga packed meals na nasa food trolley.
"Oo, nga, no?" sang-ayon nito sa sinabi ko. "Andami pa nito, ah."
"Oo, nga, eh."
Deep inside ay kinabahan ako. Pagkakatanda ko ay tama naman ang computation na binigay ko para sa amount ng pagkain per head. Sakto lang din ang budget na alloted namin para sa pagkain. Hindi pwedeng sumobra iyon. Saka isa pa ay klaro naman ang detalye sa naging agreement namin ni Chef. Ito naman ang nag-isip ng mga menu na pasok sa budget namin. Kaya imposibleng nagkamali ito ng bilang. Kapag nagkataon ay ako ang magbabayad nitong mga sobra. Wala na kasi ito sa binayaran namin. Kaso lang wala rin akong perang pang-abono rito. Saan ako kukuha ng pambayad dito? Na-stress ako bigla. Napa-isip kung nagkamali nga ba ako.
"Sure ka bang tama ang headcounts mo na binigay kay Chef Lorkan?" tanong ni Mary Grace sa akin.
"Oo. Dinobol check ko pa iyon. Tama ang binigay ko sa kanya," giit ko pa rin. Tandang-tanda ko talaga na eksakto at tama ang headcounts ko.
"Kung gano'n baka naman pa-sobra talaga 'to ni Chef para sa atin," ani Mary Grace na halatang natuwa sa naisip.
"Hindi ko alam. Sa tingin ko pa nga lugi na nga siya dahil tignan mo naman 'yong mga pagkain parang lagpas na sa amount per head natin. Dami ng servings."
"Kunsabagay, parang tama ka nga diyan. Pero siya naman ang nagpresenta ng mga menu 'di ba? Namili at tumikim lang tayo."
"Correction. Anong tayo? Anong tikim ka diyan? Eh, ikaw 'tong lumamon do'n sa food tasting," pagtatama ko sa sinabi nito.
"Okay fine. Ako na!" Napilitan nitong sabi na mukhang masama pa ang loob dahil do'n.
"Talaga!" panindigan ko.
"Naku, Girl! Eh, paano 'yan? Alangan namang abonohan mo 'yan. May pera ka bang pambayad?"
"'Yon nga, eh. Wala akong pera."
"Paktay! Tanungin mo na lang muna si Chef. Baka naman pasobra niya talaga iyan."
Nadako ang tingin ko kay Chef Lorkan na nasa may gilid at kinakausap ang mga staff nito. Siguro ay binibigyan nito ng instruction ang mga ito. Kaya hinintay ko na muna itong matapos. Ilang saglit pa ay natapos na rin sila. Nakita kong umalis na rin ang ilan sa staff nito bitbit ang ibang trolley at may isang nagpaiwan. Agad ko na itong tinawag.
"Chef!"
Bigla itong lumingon at bumaling sa akin.
"Yes, Ms. Ramos?" anito at lumapit na sa amin ni Mary Grace.
"Chef, ba't may sobra? Tama naman 'yong bilang ko 'di ba?" nag-aalala kong tanong.
"Oo, nga, Chef. Ba't may tira pa?" tanong din ni Mary Grace.
Nakita kong bigla itong ngumiti sa akin. At hindi ko alam kung anong iisipin ko dahil do'n.
"Ah, pinasobrahan ko talaga iyan," sagot ni Chef Lorkan.
"Bakit?" pagtataka ko.
"For us ba 'to, Chef?" singit ni Mary Grace.
"Yup!" aniya.
"Talaga, Chef?" reaksyon ni Mary Grace na halatang masaya na marinig iyon. Halos abot tenga na ang ngiti nito.
"Oo. Para sa inyo iyan. Bigyan niyo na rin 'yong ibang mga kasamahan niyo," anito.
"Wow, Chef! Ang sweet at ang bait mo talaga. Thank you!"
"Welcome," nakangiting tugon nito.
"Pero bakit, Chef?" tanong ko pa rin dito. Gulong-gulo pa rin ako kung bakit ginawa nito iyon.
"Why not?"
"Wala akong pang-abono diyan," sabi ko.
"Hindi naman kita sisingilin. Bigay ko 'yan sa inyo. That is free," sabi ni Chef Lorkan.
Natahimik ako saglit habang nakatingin sa kanya. Hindi ko alam ang sasabihin ko lalo na ang iisipin ko kung bakit nito kailangang gawin iyon. Tiyak ko na sobrang lugi na ito ng malaki. Tapos may mamayang hapon pa.
"Girl, 'wag ka nang mag-inarte diyan. Magpasalamat na lang tayo kay Chef kasi binigyan na niya tayo ng food," sabi ni Mary Grace sa akin.
"Pero?"
"Wala ng pero-pero, Girl. Gutom na ako at gusto ko nang kumain. Thank you ulit, Chef for this." At tinawag na nito ang iba pa naming mga kasamahan para bigyan.
"Don't worry, Ms. Ramos. Hindi naman ako lugi diyan. Masaya naman akong ipagluto kayo. At gusto ko ring magpasalamat dahil ako ang kinuha mo para maging food provider sa event ninyo," ani Chef Lorkan.
Mukhang no need nang makipag-argue pa ako sa kanya. Sinadya talaga nitong pasobrahan para bigyan din kaming mga facilitator.
"Kung gano'n, Chef, eh 'di salamat dito sa food," nasabi ko na lang.
"You are welcome," anito at nginitian ako.
Napangiti na lamang din ako sa kanya.
Maya-maya pa ay bigla na lamang kaming napatigil at napalingon nang biglang may komosyon na umalingawngaw mula sa ilang mga participants na kumakain. Mas umingay pa iyon nang halos lahat na ay nakita kong sunod-sunod nang may nagsuka, may nahilo at may nagtumbahan pa sa mga ito. At hindi ko alam kung anong nangyayare. Natakot at nataranta ako.