Part 3

1346 Words
"Sorry, Ma'am, pero wala na po sa oras ang pag-i-stay niyo rito," magalang na sabi ng room attendant kay Maiza nang pagbuksan niya ito ng pinto. "Gano'n po ba. Sige po aalis na ako. Saglit lang po," mangiyak-ngiyak na sabi naman ni Maiza. Gusto na niyang umiyak kanina pa dahil wala pa rin si Olmer. Hindi pa bumabalik ang nobyo simula umalis ito. Wala pa naman na siyang cellphone para i-text o tawagan sana ito. At aaminin niyang kinakabahan na siya. Paano kung hindi na siya balikan ni Olmer? Paano na kaya siya? Naninikip ang kaniyang dibdib at naluluha niyang nilisan ang silid na iyon. Nakayuko ang ulong lumabas siya sa apartelle. Kahit hindi niya kasi nakikita ay nararamdaman niya ang mga matang nakatingin sa kaniya. Nahihiya siya. Sino bang hindi kung hindi ka na sinipot ng lalaking nagdala sa 'yo sa lugar na iyon na kinasiping mo magdamag? Nangingilid ang mga luhang yakap-yakap niya ang kaniyang bag na naghintay muna sa labas ng apartelle. Hihintayin niya pa rin si Olmer. Umaasa pa rin siya na babalikan siya. May tiwala pa rin siya sa kaniyang kasintahan. Buti na lang at may dumaan na nagtitinda ng buko juice. Bumili siya ng pamatid-uhaw. Nagugutom na rin siya pero ayaw niyang bumili. Ayaw niyang gumastos dahil paano kung hindi na siya talaga balikan ni Olmer. Tiningnan niya ang wallet niya at laking dismaya niya na kahit pala iyong two hundred pesos niya ay kinuha rin pala ni Olmer. Pasalamat niya at may ten pesos pa sa ay coin purse. Iyon ang ipinambayad niya sa buko juice. Awang-awa siya sa kaniyang sarili na ininom iyon. "Diyos ko, ano ba itong kinahantungan ko? Masama ba talaga na mahalin ko si Olmer kaya kinakarma ako ng ganito?" sa loob-loob ni Maiza. Sisinghot-singhot na inubos ang buko juice. At kahit paano ay naginhawaan naman siya. Hanggang sa may dumaan na nagti-text na binatilyo. Napasunod-tingin siya rito. Naisip niya na maki-text. Naisip niyang humingi ng tulong sa nanay at tatay niya sa probinsya, pero naunahan naman siya ng hiya. Saka naisip din niya, ano naman ang maitutulong ng pamilya niya roon gayong siya nga itong inaasahan nila lagi? Nakikisaka lang ang tatay ni Maiza at butihing maybahay lang naman ang nanay niya. Ang dalawang kapatid naman niya'y salat din sa buhay. Sa kaniya rin sila umuutang minsan pambili ng bigas kaya imposible na matulungan siya. Dadagdag lang siya sa iniisip ng pamilya niya kung sakali na malaman nila ang kaniyang sitwasyon ngayon. Hindi bale't makakapagsimula rin siya ulit. Kailangan niya lang muna ng tulong ni Olmer sa ngayon. Sanay siya hirap. Matiisin siya sa hirap. Naniniwala siya na makakayanan niya ang pagsubok na ito. Lumipas ang ilang oras ay nanatili pa rin si Maiza sa labas ng apartelle. Umaasa pa rin siya at nagdadasal na babalikan siya ni Olmer. Wala talaga siyang mapupuntahan. Wala talaga siyang kakilala sa lugar na iyon. Ngunit sumapit ang hapon ay wala pa rin ang binata, gusto na talagang umiyak ni Maiza. Nawawalan na siya ng pag-asa. "Miss, okay ka lang? Gusto mo tawagan ang hinihintay mo?" mayamaya ay tanong ng isang room attendant ng apartelle. Naawa malamang ito sa kaniya. "O-okay lang po na makitawag?" Nabuhayan si Maiza ng loob sa inalok na tulong ng lalaki. "Oo naman." Kinuha ng lalaki ang cellphone nito sa bulsa at inabot iyon sa kaniya. Nanginginig pa ang kaniyang kamay na nagdayal. Sana lang ay may cellphone pa si Olmer kasi kahapon ay wala siyang napansin. Nginitian niya ang lalaki at napansin niyang may hitsura ito. Guwapo at matangkad ito, subalit wala lang sa kaniya. Siguro ay dahil kontento na siya kay Olmer. Sa kabila ng lahat ng nangyayari ay si Olmer pa rin ang isinisigaw ng kaniyang puso. Ilalagay na niya dapat ang cellphone sa kaniyang tainga. Pero bigla na lang ay may humawak sa kamay niya upang pigilan siya. "Olmer?" naligayahang sambit niya nang nakita kung sino iyon. Yumakap siya agad sa kaniyang nobyo. "Sino’ng tatawagan mo?" madilim ang mukhang tanong nito sa kaniya. "I-ikaw sana... kasi... kasi nag-aalala na ako na baka hindi ka na bumalik." Tuluyan na siyang napaiyak. Nakusot ang mukha ni Olmer. "Ano’ng akala mo sa 'kin?! Sige na ibalik mo na 'yan. Hindi ka na nahiya." Kumalas sa pagkakayakap si Maiza at hinarap ulit ang lalaking nag-alok ng tulong sa kaniya. "Salamat. Nandito na ang boyfriend ko.” Alanganing ngumiti ang lalaki, kinuha ang cellphone nito, at saka tumalikod na na kakamot-kamot sa ulo. Tila ba’y walang tiwala ito na iwanan siya kay Olmer. "Salamat at bumalik ka, Olmer." Yumakap ulit naman si Maiza kay Olmer nang wala na ang lalaki. "Aisst! Tama na nga 'yan! Ang drama mo! Halika na! Umalis na tayo rito!" Galit na itinulak siya ni Olmer upang makalas ang pagkakayakap niya rito. Nasaktan man ang damdamin sa ginawang iyon ni Olmer ay binalewala iyon ni Maiza. "Saan tayo pupunta?" "Makikitira muna tayo sa isang kakilala ko habang wala pa tayong pera pang-upa ng bahay." “Kanino?” “Makikita mo na lang mamaya. Huwag ka nang madaming tanong. Nakakairita.” “Sige.” Ngiting-ngiti siya na kumapit sa braso ni Olmer. Ganoon man na mainit ang ulo ng nobyo, lahat pa rin ng kaniyang takot at hinanakit kanina ay tuluyan nang nawala. Masaya na siya ulit. Hindi nagtagal, pagkatapos ng medyo mahaba-habang byahe ng bus ay narating nila ang lugar na sinasabi ni Olmer. Hindi niya alam kung saan ang saktong lugar basta ang alam niya ay naroon na sila sa Maynila. Dikit-dikit ang mga bahay at madaming tao. Eskwater sa kaniyang paningin pero syempre wala siyang angal. Ang mahalaga na lang sa kaniya ngayon ay kasama na niya ang kaniyang pinakamamahal na lalaki at makakasama pa araw-araw. Hindi pa man ay excited na siyang makita ang kaniyang sarili na pinagsisilbihan niya si Olmer bilang misis nito. "Nandito na tayo," sabi ni Olmer pagkaraan. Umalpas sila sa eskwater area. Hindi pala mismo roon ang destinasyon nila. Ngumiti lang siya kahit na nagtataka siya dahil sa malaking bahay sila tumigil. May pinindot si Olmer sa gate ng malaking bahay. Iyon ang pinakamagandang bahay sa lugar. Kitang-kita na pangmayaman. Nais niyang magtanong pero nahihiya siya. Mayamaya ay may lumabas na babaeng may edad na pero kuntodo makeup at sexy pa rin ang kasuotan. Madam na madam ang hitsura nito. Ngumiti ito kay Olmer pati na rin sa kaniya. "Nandito na pala kayo. Pasok kayo,” pagkuwa’y masiglang anyaya sa kanila nito. Mukha namang mabait kahit na madam ang hitsura nito. Ang ipinagtaka ni Maiza ay nang biglang pinalis ni Olmer ang kamay niya sa bisig nito at ipinabitbit na sa kaniya ang kaniyang bag. Medyo nagtaka siya. Gayunman, inisip na lamang niya na siguro ay dahil nahiya lang si Olmer na sweet sila sa harap ng ginang. "Sorry, natagalan kami. Ang traffic kasi." Humalik si Olmer sa pisngi ng ginang. Mukhang close sila. "Ayos lang, Olmer. Walang problema sa akin." Mas matamis ang naging ngiti ng ginang kay Olmer. At pinapasok na sila. Napansin agad ni Maiza na maganda rin ang loob ng malaking bahay. Kumpleto ng mga mamahaling appliances, halatang mayaman talaga ang may-ari. "Magmeryenda muna kayo. Saglit lang at gagawa ako," sabi ng ginang. Mukhang mabait nga talaga. "Tutulungan na kita," mabilis na sabi rin ni Olmer. "Sure, Olmer. Let's go?" Natuwa ang ginang. "Ako na lang ang tutulong," pagkukusa naman ni Maiza. "Hindi na. Kami na" subalit apila agad ni Olmer. "Umupo ka lang diyan at maghintay.” Nagtaka man ay inisip na lang ni Maiza na tama lang na tulungan ni Olmer ang ginang. Saka baka ayaw siyang mapagod nito. Kinilig na naman siya. Sa huli, nakangiti siya na naiwan sa sala. Habang naghihintay ay inabala niya ang sarili sa pagkilatis sa buong kabahayan. “Dito kaya kami titira ni Olmer? Ang gandang bahay naman. Parang nakakahiya at nakakailang,” ngiting-ngiti na sabi niya sa kaniyang isip-isip. Sabagay kahit naman saan siya ititira ni Olmer ay papayag siya. Basta magkasama silang dalawa, sa hirap at ginhawa, ay siguradong magiging masaya pa rin siya. Ganoon niya kamahal ang kasintahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD