Chapter-01
Alexa's POV
Mahirap lang ang aming pamilya. Ang kapatid ni Papa—si Tita—ang siyang nagpapaaral sa akin mula pa noong high school. Nasa Italy siya, nagtatrabaho bilang nanny sa isa sa pinakamayayamang pamilya roon. Malaki ang naitutulong niya sa amin, lalo na sa aking pag-aaral.
Pero nang tumuntong ako sa edad na 18, kinausap ko siya. Sabi ko, gusto ko na munang huminto sa pag-aaral at magtrabaho para makatulong sa pamilya. Mabigat man sa loob niya, pumayag si Tita. Alam niyang hindi madali ang kalagayan namin. May dalawa pa akong nakababatang kapatid na kailangang alagaan at pag-aralin.
Si Papa ay may malubhang karamdaman at matagal nang hindi nakakapagtrabaho. Si Mama naman, isang labandera lang ng mayor sa aming bayan—mahirap ang trabaho, maliit ang kita, pero kahit kailan hindi siya nagreklamo.
Alam ko, hindi ito ang karaniwang desisyon para sa isang bagong 18 taong gulang. Pero isinantabi ko muna ang sariling mga pangarap para unahin ang pamilya ko. Hindi madali, pero alam kong tamaang desision ko.
Tinanong ako ni Tita kung saan ako balak mag-apply. Sabi ko, sa Maynila ako maghahanap ng trabaho. Pero agad niya akong tinutulan. Bata pa raw ako, at delikado sa Maynila. Sinabi niya sa akin na maghintay ako, at kakausapin daw niya ang amo niya para matulungan akong makapunta na lang sa Italy.
Isang buwan lang ang lumipas, at lumabas na ang visa ko. Ang amo mismo ni Tita ang gumawa ng paraan para makapagtrabaho ako roon. Kahit bilang kasambahay lang, tinanggap ko agad. Ang mahalaga, makakatulong ako sa pamilya ko.
Simula nang makaalis ako sa Pilipinas, naging maayos ang takbo ng buhay ko dito sa Italy. Hindi ako gaanong nakaramdam ng homesick dahil maraming mga Pilipino rin dito, at higit sa lahat, kasama ko si Tita. Kaya kahit malayo ako sa pamilya, hindi ko sila gaanong nami-miss.
Dalawang buwan na akong malayo sa kanila, pero araw-araw kaming nagkakausap. Pinahinto ko na rin si Mama sa paglalabada para makatutok siya sa pag-aalaga kay Papa at sa dalawa kong kapatid.
Ngayon, ang pangarap ko ay makapagpatayo ng maayos na bahay para sa aking mga magulang at mapag-aral nang maayos ang dalawa kong kapatid. Hindi man madali ang lahat, matatag ang loob ko—dahil alam kong may malinaw akong layunin: ang mabigyan ng mas magandang buhay ang aking pamilya.
Lumapit sa akin si Tita Melinda habang nag-aayos ako ng mga plato sa kusina.
“Alex, may darating na bisita si Sir Zeus galing America. Pakilinisan mo ang guest room sa left wing, ha?”
“Opo, Tita,” agad kong sagot habang tumango.
Si Tita Melinda ay 25 years old pa lang nang una siyang nagtrabaho dito sa Italy. Nanny siya ni Sir Zeus, ang anak ng pamilyang Sullivan—isa sa pinakamaimpluwensyang pamilya sa lugar. Si Tita mismo ang nag-alaga sa kanya simula’t sapul, mula nang limang taong gulang pa lamang si Sir Zeus.
Ngayon, mahigit 20 years na si Tita sa Sullivan Mansion. Sa tagal ng paninilbihan niya, hindi lang siya basta kasambahay, siya na mayordoma ng Sullivan.
Nang nagsimulang mag-aral si Sir Zeus sa America, hindi na siya pinasama sa US dahil ginawa siya mayordoma ng Ama ni Senyorito. Kaya mula noon, siya na ang naging mayordoma—ang pinagkakatiwalaang kamay ng mga Sullivan sa loob ng bahay.
Sabi ni Tita, next week daw uuwi si Senyorito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makikita ko ang anak ng aming amo.
Nilinis ko na rin ang kwartong tutuluyan ng kaibigan ni Senyorito.
Pagkatapos kong maayos at mapabango ang guest room, tinawag ako ni Tita at sinabihan na ako raw ang personal na mag-aasikaso sa bisita ni Senyorito pagdating nito. Confident naman ako na magagawa ko ito nang maayos—wala naman kasing naging reklamo si Tita sa trabaho ko, lalo na pagdating sa paglilinis at pag-aasikaso ng mga gamit.
Dumating na ang araw ng pag-uwi ni Senyorito Zeus at ng kaibigan niya. Abala ang lahat ng kasambahay, dahil ayon kay Tita, matagal-tagal ding hindi nakauwi si Sir Zeus—kaya todo linis at ayos ang buong mansion.
Nasa kusina ako noon nang sabihan ako ng isa sa mga kasamahan ko na dumating na si Sir Zeus. Ilang sandali pa, tinawag ako ni Benny.
“Alex, pinapatawag ka ni Mayordoma. Dumating na si Sir Zeus.”
Halos lahat ng staff dito sa Sullivan Mansion ay mga Pilipino kaya hindi ako nahirapan makibagay at makipagtrabaho.
“Okay, papunta na ako,” sagot ko habang nagmamadaling lumabas ng kusina.
Pagkalabas ko ng kusina, agad akong sinalubong ni Tita.
“Alex, dalhin mo na sa guest room ang mga gamit ng bisita ni Senyorito. Nasa dining area na sila ngayon at kumakain, kaya ito na ang tamang oras para ayusin mo ang lahat sa kwarto,” bilin niya sa akin.
Tumango ako at agad kong dinala ang dalawang malalaking suitcase papunta sa guest room. Medyo mabigat ang mga ito, halatang maraming laman. Pagdating ko sa kwarto, binuksan ko ang ilaw at sinimulan ko nang iayos ang mga gamit.
Sinabihan ako ni Tita na gusto raw ng bisita na maayos na nakaarrange ang lahat pagbalik nito sa kwarto. Mukhang particular siya sa ayos at kalinisan, kaya mas pinagbuti ko pa ang pagkakaayos—mula sa mga damit hanggang sa toiletries na nakahiwalay sa isang organizer.
Habang inaayos ko ang mga gamit, napaisip ako kung anong klaseng tao kaya ang kaibigan ni Sir Zeus. Kung malapit siya sa isa sa pinakamayamang pamilya sa Italy, siguradong hindi basta-basta ang personalidad nito.
May halong kaba at excitement ang nararamdaman ko—hindi ko alam kung bakit, pero parang may kakaiba sa araw na ito.
Sakto namang malapit na akong matapos nang may pumasok sa kwarto. Dahil abala ako sa pag-aayos at nasa loob ako ng walk-in closet, hindi ko na ito pinansin. Akala ko’y isa lang sa mga kasamahan ko na may dinalang gamit.
Paglabas ko ng closet, halos kasabay noon ay may bumukas din na pinto mula sa banyo. Nagulat ako at napasigaw.
“Ahhh!”
Sa harapan ko, tumambad ang isang lalaking bagong labas mula sa banyo—kalahati ng katawan niya ay walang saplot, at basang-basa pa ang buhok.
“Sorry, I didn’t mean to scare you,” sabi niya agad, bahagyang nakangiti.
“I-I’m sorry, sir. I didn’t know you were already inside the room.
I just finished arranging your things,” sagot ko, agad na yumuko bilang paggalang.
“Thank you,” maikli niyang tugon.
“By the way, sir, I’ll be the one in charge of your daily needs while you’re staying here,” dagdag ko habang iniaabot ang papel na may nakasulat na number ko—utos ni Tita na ibigay ito sa kanya.
“Please call me if there’s anything you need.”
“Okay, thank you... By the way, what’s your name?” tanong niya, habang inaabot ang papel mula sa akin.
“My name is Alexa, sir,” sagot ko nang magalang.
“Okay then.”
“I’ll go ahead now, sir. Is there anything else you need?”
“No, thank you.”
Tumango ako at mabilis na lumingon, saka maingat na lumabas ng guest room. Pero kahit nakalabas na ako, hindi pa rin ako makapaniwala sa naging eksenang 'yon—at sa unang encounter namin ng kaibigan ni Senyorito.
Tiniis ko kanina ang kaba ko. Kahit nangangatal ang dibdib ko sa nerbiyos, hinarap ko pa rin nang maayos ang bisita ni Sir Zeus—hindi ako umiwas. Ganito kasi ang turo sa amin dito sa mansion: maging propesyonal sa lahat ng oras.
Nakilala niya ako, pero ako, hindi ko pa siya kilala. Sa sobrang kaba ko kanina, hindi ko man lang naitanong ang pangalan niya. Siguro next time na lang—kapag tinawag niya ako para sa kailangan niya.
Hindi naman ako nahirapan sa pag-English. Top one ako sa school namin noon. Hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral, sanay na rin ako sa pagbabasa ng mga English novels, kaya kahit paano, nakakasabay ako sa pakikipag-usap.