Chapter 2: Maria Felisia “Eli” Salazar Adrales

2152 Words
“THREE thousand pesos. Kulang pa,” nakangusong saad ni Eli matapos bilangin ang perang naipon mula sa alkansya. Napabuntong-hininga na lamang siya habang nakatingin sa isang daang pisong babaunin niya sa pagpasok sa trabaho bukas. “Another itlog at sardinas na naman bukas,” wika niya na tila ba kinakausap ang perang hawak. Hindi maiwasan ng dalaga na makaramdam ng kaunting awa para sa sarili. Mag-isa na lamang siya sa buhay at kinakailangan niyang kumayod araw-araw para sa pambayad niya sa naiwang mga utang ng kaniyang namayapang magulang. Namatay ang magulang ni Eli sa isang insidente sa laot noong siya ay dalawampung taong gulang, limang taon na ang nakaraan. Magmula noo’y siya na lamang ang bumubuhay sa kaniyang sarili kasama ang alagang aso. Nagtatrabaho siya sa isang chocolate factory sa kabilang isla. Itinago ng dalaga ang alkansya sa drawer at ibinulsa sa pantalong nakasabit sa dingding ang pera bago bumaba. Pinuntahan nito ang alagang aso na tila ba tuwang-tuwa sa tuwing makikita siya. Winawalagwag nito ang buntot at tatalon-talon pa nang salubungin ito ni Eli. “Hi, Mochi!” pagbati nito sa aso. Hinaplos niya ang alaga sa ulo at nginitian ito. “Pasensya ka na Mochi, ha, magtiyaga muna tayo sa sardinas ngayon. Walang natira sa sahod ko eh,” malungkot na wika nito na para bang sasagot ang kausap na aso. Nagbuga ng hangin si Eli at muling nakaramdam ng awa para sa kanilang dalawa ng alaga. Naalala na naman nito ang mga utang sa iba’t ibang tao ng mga magulang na binayaran niya kanina. “Kailan kaya tayo makakatikim ng isda? Karne ng baka? Baboy at manok, Mochi?” tanong niya sa aso ngunit tahol lamang ang narinig niya mula rito. Ngumiti na lamang si Eli atsaka tiningnan ang litrato ng mga magulang sa katabing lamesa. “Nay, kumusta kayo ni Tatay diyan? Binabantayan n’yo ba kami ni Mochi?” nakangiting tanong niya habang nakatingin sa litrato. “Miss na miss ko na kayo, ‘nay, ‘tay.” Mabilis na pinunasan ng dalaga ang tumulong luha mula sa kaliwa niyang mata. Mag-aanim na taon na ang nakalipas mula nang mamatay ang mga ito ngunit hindi pa rin mawala sa puso niya ang sakit na nararamdaman. Hindi naramdaman ng dalaga ang biglang pagsampa ng aso niya sa upuan. Nagulat na lamang ito nang biglang dilaan ni Mochi ang litratong hawak ng dalaga. “Tingnan n’yo, ‘nay, miss na miss na rin kayo ni Mochi.” Kasabay nang pag-iyak ni Eli ay ang pagtahol naman ng aso. Ramdam din ng dalaga ang pangungulila ng alaga sa pagkawala ng magulang niya. Ilang sandali pa ay tumahan na sa pag-iyak si Eli at nagpasya nang matulog. Sinarado niya ang bintana at kinandado ang pinto. Pagkatapos noon ay pumasok na sa kaniyang kwarto ang dalaga at iniwan ang alaga sa sala. “Good night, ‘nay, ‘tay,” nakangiting saad ng dalaga bago tuluyang mahimbing sa pagkakatulog. KINABUKASAN ay maagang nagising ang dalaga upang pumasok sa trabaho. Tulad ng nakagawian ay nagwalis pa muna ng bakuran niya si Eli at nagdilig ng mga halaman. Tiningnan niya ang mga naiwang pananim na gulay ng kaniyang ama. “Ano ba ‘yan, mukhang malapit na rin kayong magba-bye, ah,” nakangiti niyang saad habang tila ba kinakausap ang mga halaman. Kinuha niya ang timba at tabo atsaka dahan-dahang diniligan ang mga gulay. Nang matapos siyang maglinis sa kanilang bakuran, nagtungo si Eli sa loob ng bahay upang magluto ng agahan at babaunin niya sa trabaho. Kinuha niya ang isang de-lata at dalawang itlog atsaka iyon ginisa. Sa amoy pa lamang ng bawang at sibuyas na kaniyang ginigisa ay naramdaman na ng dalaga ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Ngunit unti-unting nawala iyon nang sunod niyang ilagay ang isang sardinas. Tila ba nawalan na siya ng gana pang kumain dahil sardinas na naman ang kakainin niya sa buong maghapon. “Feeling ko luluwa na ang mata ko nito,” wika niya pa habang patuloy pa rin sa pagluluto. Nang matapos siya sa pagluluto ay kaagad siyang naghanda sa pagligo. Habang abala sa banyo ay hindi maiwasang maisip ni Eli ang naudlot niyang pagtuloy sa Maynila. Naisip ng dalaga noon pa man na lumipat na ng Maynila upang makahanap ng mas maganda at mas desenteng trabaho. Ngunit mula nang mawala ang kaniyang mga magulang ay hindi na niya naituloy pa ang balak na umalis at ipinagpatuloy na lamang niya ang pagta-trabaho sa kanilang probinsya. Si Eli ay ay isang matalik na kaibigan na nagngangalang Jackie. Kasamahan niya ito sa trabaho at malapit lang din ito sa kaniyang tinitirahan. Si Jackie na lamang ang laging kasama ni Eli hindi lamang sa trabaho kung hindi pati na rin sa buhay. Minsan ay niyayaya niya pang matulog sa bahay ang kaniyang kaibigan kapag nalulungkot ang dalaga. “Eli! Let’s go na!” sigaw ni Jackie mula sa labas ng bahay ng dalaga. “Sandali lang!” Nagmadali si Eli sa pag-aayos ng sarili saka mabilis na bumaba. Pinapasok niya si Jackie sa loob ng bahay atsaka nagtungo sa kusina upang igayak ang baon niya. “Ano ba ‘yan ‘te, araw-araw sardines? Sineryoso mo naman yata ang pagiging taong dagat mo!” malakas ang boses na sabi pa ng kaibigan. Natawa na lamang si Eli sa itinuran nito sa kaniya. Tama nga naman siya, purgado na ang dalaga ng sardinas. “Eh, ano’ng magagawa ko, ‘te, alam mo naman na ang dami ko pang bayarin,” natatawang wika ng dalaga, “saka ibang luto naman ngayon eh, may itlog nang kasama.” Nagtawanan na lang silang dalawa nang sabihin ‘yon ni Eli. Matapos ang ilang minuto ay umalis na sila ng bahay. Ipinagbilin muna ni Eli si Mochi sa mga magulang ni Jackie. Hindi naman tumanggi ang mga ito dahil gustong-gusto din nila ang alaga ng dalaga. Isang sakay ng bangka ang kakailanganin upang makapunta sa kabilang isla kung saan naroon ang factory na pinapasukan nilang dalawa. Kapag walang-wala si Eli ay sinasagot na ng kaibigan niya ang pamasahe at baon nito makapasok lang sa trabaho, at laking pasasalamat ng dalaga at nagkaroon siya ng kaibigang tulad ni Jackie. Nang marating na nila ang bayan ay kaagad silang sumakay ng tricycle upang marating ang factory. May tatlong minuto pa ang biyahe patungo sa tinatrabahuhan nila kaya naman ganoon na lamang sila kaaga kapag umaalis. Ang chocolate factory ay pag-aari ng isa sa pinakamayaman na pamilya sa buong bansa, ang pamilya Montenegro. Kilala ang pamilyang iyon sa malalaking shipping companies, chocolate companies at isang perfume company na sa ibang bansa nakabase. Isa ang factory na pinapasukan ni Eli sa maraming branch ng chocolate factories na pag-aari ng pamilyang Montenegro na nakatayo sa bayan. Bilang isang factory worker ay sumasahod si Eli ng maliit na halaga kada buwan. Ngunit kaagad din na nasasagad ‘yon sa mga utang na naiwan ng kaniyang mga magulang. Nang marating ang factory ay kaagad na nagbihis ng uniform ang dalawa. Kaagad nilang tinungo ang kanilang area upang gawin ang kani-kanilang mga trabaho. “Eli, pinatatawag ka ng Supervisor natin,” biglang sabi ni Monique, isa sa mga katrabaho nila. “Huh? Bakit daw?” nagtataka namang tanong ng dalaga. Ito ang unang beses na ipatatawag siya ng boss nila sa dalawang taon na pagtatrabaho niya rito. “Hindi ko rin alam, eh. Ang mabuti pa’y tumungo ka na ro’n, mabilis pa naman uminit ang ulo no’n.” Kinabahan ang dalaga sa itinuran ng kasamahan. Iniisip niya kung ano ang mga nagawa niya lately, at kung may nakaligtaan ba siyang gawin at may nagawang mali sa trabaho. Ngunit wala naman siyang naalala kaya labis ang pagtataka at nerbyos niya kung bakit siya ipinatawag. “Ms. Adrales, right?” tanong ng supervisor kay Eli nang makapasok siya sa opisina nito. Kinakabahan namang sumagot si Eli, “Y-yes, Sir.” “I have read your credentials, and I found out that you have a degree title.” Nakatingin lamang ang supervisor sa papel na tila ba binabasa iyon. “Y-yes, Sir.” “Then why did you choose to be just a factory worker? Why didn’t you apply for higher positions?” Napatungo naman ang dalaga sa supervisor. “P-po? Ahm, i-ito lang po ang vacancy noong n-nag-apply ako, S-Sir,” nauutal na sagot niya pa dahil sa sobrang kaba. Ngunit ganoon na lamang ang gulat ni Eli nang marinig niya ang pagtawa ng supervisor. Ibinaba nito ang hawak na folder atsaka humarap sa dalaga. “You’re pretty scared. Don’t worry, and I don’t bite.” Natameme naman ang dalaga nang makita ang mukha ng supervisor–este bagong supervisor na nasa harapan niya. Nakalimutan niyang napalitan na ang dating matandang supervisor at hindi niya inakalang ganito ka guwapo ang papalit. Tiningnan niya ang name plate na nakalagay sa mesa nito. Jay Clarence G. Montenegro. Hala! Kaano-ano niya ang may-ari ng factory na ito? “Ms. Adrales, are you okay?” Nabalik lamang sa ulirat ang dalaga nang marinig muli ang boses nito. Natataranta siyang tumango at yumuko dahil sa sobrang hiyang nararamdaman niya. My goodness, Eli, kailan ka pa natutong magpa-cute? “As I was saying, you have a good performance on your work, so keep doing your best. Malay natin, masuklian ‘yan ng good things,” nakangiti pang saad ni Clarence sa dalaga. Nag-init naman ang pisngi ng dalaga nang makita ang ngiti ng binata kaya naman kaagad niyang iniiwas ang kaniyang tingin. Nakahinga lamang si Eli nang makalabas siya sa office. Hindi niya akalain na ganoon kagwapo ang sumunod na supervisor nila. At mas lalong hindi niya malimutan ang mga sinabi nitong magaganda tungkol sa performance niya. “Oh, ano’ng sabi sa ‘yo?” tanong ni Jackie nang makabalik siya sa trabaho. “Pinuri lang niya ang performance ko,” sagot naman ni Eli. Ngunit hindi niya inaasahan ang ginawa ng kaibigan. Binatukan siya nito dahilan para mapayuko siya. “Aray naman, Jack!” “Ano’ng pinuri ‘lang’? Girl! Supervisor natin ‘yon! Madalang lang pumuri ng trabaho ‘yon!” “Loka, hindi mo ba alam na bago na ang supervisor natin? Hindi na si Mr. Hasa ang nakaupo doon.” Tila natauhan naman ang kaibigan ni Eli at nanlalaki ang mga matang tumingin sa kaniya. “Oo nga pala!” malakas na sabi nito, “Omg! Ano’ng sabi sa ‘yo? Huh? Ano’ng hitsura niya? Guwapo ba? Macho? Hot?” Napailing na lang ang dalaga sa kalokohan ng kaniyang kaibigan. Hindi na niya sinagot ‘yon bagkus ay nagpatuloy na lang siya sa kaniyang ginagawa. Matapos ang buong maghapon ay nagpasya nang umuwi ang magkaibigan. Dumaan muna sila sa palengke upang mamili ng ulam atsaka dumiretso sa pampang kung saan nakaabang ang mga bangka patawid sa kabilang isla. “Siguradong magugustuhan ito ni Mochi,” nakangiting saad pa ng dalaga habang hawak ang isang plastic ng ¼ kilong isda. “Ayos, ah, ang sosyal naman ng aso mo, isda ang pasalubong.” Natawa naman si Eli sa biro ng kaniyang kaibigan. “Sira, siyempre ulam ko na rin ‘to, para naman maiba sa sardinas.” Nagtawanan lamang silang dalawa hanggang sa makasakay na sila sa bangka pauwi. Malapit nang magdilim nang makarating silang dalawa sa kanilang tahanan. Inihanda ni Eli ang mga bulaklak na binili niya kanina at ang dalawang malalaking kandila. Dadalawin niya ang kaniyang mga magulang sa sementeryo dahil ang araw na ito ay ang ika-anim na taon ng kamatayan nila. “Hello, ‘nay, ‘tay!” masiglang bati ni Eli sa puntod ng kaniyang mga magulang. Inilagay na nito ang dalang bulaklak. Nag-alay rin siya ng isang balot na tinapay at isang plastic na softdrinks. Sinindihan niya ang dalawang kandila atsaka nag-alay ng dasal pagkatapos. “Kumusta kayo d’yan sa langit ‘nay? Masaya po ba kayo ni Tatay?” tanong niya habang nakatingala sa kulay asul na kalangitan na nahahaluan ng kulay kahel dahil malapit nang magdilim. “Pasensya na, ‘nay, ah, ngayon ko lang po kayo nadalaw ulit, medyo busy po ako sa trabaho.” Pinigilan ni Eli na maging emosyonal sa kaisipang hindi ‘yon magugustuhan ng kaniyang mga magulang. “Alam n’yo po ba, napuri ako ng boss ko kanina sa trabaho, ang saya-saya ko, ‘nay!” masiglang pagbabalita pa niya. “At alam n’yo po ba, ‘nay, ‘tay, ang guwapo ng amo ko!” natawa pa ang dalaga habang inilalarawan ang kagwapuhan ng binatang amo nito. “Sayang nga, ‘nay, ‘tay, hindi ko siya maipapakita sa inyo,” may bahid ng lungkot na sabi niya. “Pero nakikita niyo naman siya mula riyan sa itaas, ‘di ba?” Nagtagal pa ang dalaga sa sementeryo hanggang sa abutan na siya ng dilim. Matapos niyang dalawin ang kaniyang mga magulang ay napagpasyahan ni Eli na umuwi na. Malamang ay hinihintay na siya ni Mochi sa kanila dahil maghahapunan na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD