Chapter 3: Encounter

1966 Words
KINAUMAGAHAN, maagang nagising si Eli upang pumasok sa trabaho. Kaagad siyang nagtungo sa baba upang magluto ng almusal at babaunin sa trabaho. Kinain niya ang tiring ulam nila kagabi ng alagang aso na pinritong galunggong at ang isang pirasong natira ay siyang idinagdag niyang ulam sa pagpasok. “Ang aga natin ngayon, ah,” bungad na sabi ni Jackie na nag-aalmusal pa lamang. “Magandang umaga po sa inyo,” bati naman ni Eli sa mga magulang ng kaibigan. “Magandang umaga rin, hija. Tuloy ka,” masiglang sabi ng ina ni Jackie at saka pinapasok ang dalaga kasama ang alaga nitong aso. “Nag-almusal ka na ba? Halika na at sabayan mo kami sa pagkain.” Nahihiyang umiling naman ang dalaga. “Nako, hindi na po Aling Esme, nag-almusal na po ako sa bahay.” “Mahaba pa ang oras n’yo, aba, baka magutom ka kaagad sa trabaho, anak,” wika naman ni Mang Joaquin sa kaniya. Ngunit tanging pasasalamat na lang ang binigay ni Eli sapagkat busog pa nga siya. Malapit sa puso ng dalaga ang pamilya ni Jackie. Itinuturing na siyang bilang anak ng mga ito dahil nag-iisang anak lang din nila ang kaibigan niya. Araw-araw siyang binibigyan ng pagkain ng mga ito lalo na kapag araw ng Sabado at Linggo. Sila rin ang nagpapakain kay Mochi kapag may pasok naman sila. Mabait ang mga magulang ng kaibigan sa kaniya at hindi siya nito pinababayaan. Nang matapos mag-almusal ay umalis na ang magkaibigan. Habang nakasakay sa bangka ay nagkuwentuhan ang dalawa tungkol sa supervisor nila. “Hindi mo pa ba nakikita si Sir Montenegro?” tanong ni Eli sa kaibigan, “Hindi ba nag-inspect siya kahapon sa production?” “Ano ka ba, Besh, tinawag nga ako ng kalikasan kahapon, ‘di ba? Kaya malamang hindi ko nakita ang face ng papa!” Natawa naman ang dalaga sa tinuran ni Jackie. Gano’n talaga ang ugali ng kaniyang kaibigan, madaldal at may kaharutan pagdating sa lalaki, pero hindi naman ito katulad ng ibang babae na halos i-alay na ang sarili sa mga guwapong nilalang. Sa madaling salita, hanggang salita lamang ang kaharutan ni Jackie. “Ibang klase ka talaga, Jackielyn San Jose.” “Pero seryoso, ano ngang hitsura niya? Guwapo ba? Hottie? Cutie? Gurang? Ano?” Napailing na lang ang dalaga. Alam niya kasing hindi na naman siya titigilan ng kaibigan hangga’t walang nakukuhang sagot ito mula sa kaniya. Muli ay naalala niya ang kanilang pag-uusap ng supervisor kahapon. Hindi niya malilimutan kung paano siyang natulala sa kaguwapuhan ni Clarence, at ilang beses pa siya nitong nahuli sa ganoong sitwasyon. Na hindi niya aakalaing may ganoong klase ng hitsura pala ang nag-e-exist sa totoong buhay. Ang perpektong hubog ng mukha, ang may kasingkitan nitong mga mata, ang mahahaba nitong pilik mata, ang matangos na ilong, at ang maninipis at mapupula nitong labi. Hindi niya tuloy maiwasan na pamulahan ng pisngi sa naisip. “Hala, nag-blush na siya.” Nabalik sa reyalidad si Eli nang marinig ang boses ni Jackie. Mas lalong nag-init ang mukha nito dahil nahuli siya ng kaibigang pinagpapantasyahan ang guwapong supervisor nila. “Masasabi kong guwapo nga ang supervisor natin,” napapailing pang sabi ni Jackie habang nakatingin sa kaibigan. “Tingnan mo naman, ‘day, ang blush on mo nagdoble ang kulay. Halika, sampalin ko ‘yong kaliwa para pumantay!” Inirapan na lamang ni Eli ang hirit ng kaniyang kaibigan. Natatawa siya sa mga sinasabi nito tungkol sa binatang amo nila. Tanging si Clarence lamang ang laman ng usapan ng magkaibigan hanggang sa makarating sila sa factory. Kaagad na nagpalit ng uniporme ang dalawa at saka nagtungo na sa kanilang working area. SAMANTALA, labis-labis ang pag-aalala nina Ramil at Lester nang mabalitaan ang pagsabog at paglubog ng sinasakyang yate ni Jayden. Nawalan sila ng koneksyon sa binate at ang huling usap lamang nila ay noong tumawag si Jayden tungkol sa nawawalang sampung milyong piso na ninakaw ni Mr. Bustamante at ng ilang shareholders. Matapos noon ay hindi na tumawag pa ang binata sa kanila at nabalitaan na lamang nila kaninang umaga ang nangyari rito. Nabalitaang sumabog at lumubog daw ang yateng sinasakyan ni Jayden malapit sa Isla kung saan ito tutungo. Walang natirang buhay sa mga sakay ng yate at ang ilan sa mga ito ay hindi pa rin natatagpuan kabilang na ang katawan ni Jayden. Nakarating na rin ang balita sa pinsan ng binatang si Jay Clarence. Abala ito sa pagtatrabaho sa chocolate factory nang matanggap ang tawag ng kaniyang ama. Nagpadala na rin siya ng search and rescue team sa lugar kung saan lumubog ang yate at ipinahanap ang katawan ng kaniyang pinsan ngunit hanggang sa magtanghali ay wala pa rin silang natatanggap na balita. “I know this will happen,” sambit ng matanda. “Hindi ko na dapat hinayaan pang mag-isa ang batang iyon lalo pa’t mainit ang mata sa kaniya ni Antonio!” Sinisisi ni Ramil ang kaniyang sarili sa pagkawala ng pamangkin. Inihabilin si Jayden ng kaniyang kapatid bago ang araw nang pagpanaw nilang mag-asawa kaya’t nangako siya sa sariling ituturing niyang parang sariling anak at po-protektahan ito at ang negosyo sa gahaman nilang kapatid. “It’s my fault, Sir. I let him leave without any guards with him.” Labis din ang pagsisisi ni Lester sa sarili. Hindi niya dapat hinayaang umalis mag-isa ang kaibigan lalo pa’t alam niyang maraming banta sa buhay nito. Dapat ay sumama siya rito at nabigyan ito ng proteksyon. “Wala nang magagawa ang pagsisisi n’yo.” Napatingin ang dalawa sa bagong pasok sa opisina. Iyon si Don Juan Antonio Montenegro. Ang panganay sa magkakapatid at ang gahamang tito ni Jayden. “A-Ano’ng ginagawa mo rito?” galit na tanong ni Ramil sa kapatid. “Wala kang karapatang pumasok sa kahit anong pag-aari ng pamangkin ko!” “Pamangkin mo? Oh, come on, brother, pamangkin ko rin si Jayden, huwag mo namang ipagkait ‘yan sa akin.” Matalim na tiningnan ni Ramil ang kaniyang kapatid. Marahil nagpunta ito rito upang makibalita tungkol sa mga mana ni Jayden at hindi niya hahayaang makuha nito ang para sa kaniyang pamangkin. “Umalis ka na dahil walang mapapala ang pagpunta mo rito, Antonio.” “Okay,” kalmado pang saad ng matanda. “Balitaan mo na lang ako kung kailan ang hatian sa mana ng pamangkin natin.” Ngumisi pa muna si Antonio atsaka umalis nang tuluyan. Tila hindi naman nakontrol ni Ramil ang galit at bigla itong nakaramdam ng paninikip ng dibdib. “Sir!” sigaw ni Lester at lumapit sa matanda. “Call the medics, now!” Kaagad na nagsikilos ang mga tauhan ni Ramil at nagtungo sa labas upang tawagin ang company physician. “I-I’m fine,” mahinang sabi ng matanda. “Please, find Jayden for me, Lester.” Tumango na lamang si Lester bilang sagot. Hinintay niya muna ang medics upang siguraduhing maayos ang lagay ng amo bago lumakad. Nang masigurong ligtas na si Ramil ay kaagad na lumabas si Lester upang tawagin ang kaibigan nitong private investigator at dating secret agent. Nagpasya siyang humingi na tulong sa kaibigan upang mas mapadali ang paghahanap kay Jayden. Inutusan din niya ang mga kasamahan nito na pamanmanan ang bawat kilos ni Antonio Montenegro, gaya ng laging utos sa kaniya ni Jayden. Tinawagan na rin niya ang pinsan ng binata na si Clarence upang makahanap ng balita tungkol kay Jayden ngunit lumipas ang maghapon ay walang nakuhang magandang balita ang binata. GABI na nang makalabas ng factory si Eli. Biglang sinumpong ang tyan ng kaniyang kaibigan kaya naman mag-isa na lamang siyang umuwi. Naglalakad ngayon papuntang sakayan ng bangka ang dalaga nang may isang grupo ng kalalakihan ang sumalubong sa kaniya. Madilim na sa parteng ‘yon ng daanan at walang gaanong tayo sa lugar na ‘yon. Hindi ito ang unang beses na uuwing mag-isa ang dalaga ngunit ito ang unang beses na may mga lalaking humarang sa daraanan niya. “Hello, Miss,” nakangising sabi pa ng isang lalaki. Tila nakainom ang isang ito. “Mag-isa ka ba?” At dahil, may ugaling maganda, “May nakita ka bang kasama ko, Kuya?” pabalang niyang tanong sa mga ito. “Aba, magaling sumagot si Ineng! Gusto ko ito!” kaagad na naalarma si Eli nang magsimulang maglakad palapit sa kaniya ang apat na lalaki. Mabilis na nagsisi ang dalaga sa pagsagot nito nang pabalang sa kanila. Naroon at nabuhay na rin ang kaba at takot niya sa mga ito kaya naman nagsimula na siyang umatras. “H-Huwag kayong lalapit,” wika pa niya sa mga ito. “Sisigaw ako!” Ngunit sa halip na sundin ay hindi siya pinakinggan ng mga ito. Sa halip ay patuloy lamang na lumapit ang mga lalaki sa gawi niya habang nakangising parang masarap na pagkain ang nakahain sa harapan nila. “Kahit na sumigaw ka pa, Miss, walang makakarinig sa ‘yo rito,” nakangising saad pa ng isang lalaki. “Lumayo kayo sa akin!” malakas na sabi pa ni Eli ngunit parang walang nariring ang mga ito at sige pa rin sa paglapit hanggang sa mahawakan na ng isang lalaki ang kaniyang mga braso at akmang hahalikan ito. “Tulong! Tulungan n’yo ako!” napapikit na lamang si Eli sa sobrang takot. Ngunit nakalipas ang ilang minuto tila ba nanahimik ang kapaligiran. Nawala na rin ang kamay na nakahawak sa kaniya. Napamulat siyang bigla at laking gulat niya nang makita ang isang mukhang napakalapit sa kaniya. “Ahhh!” Sa sobrang gulat nasipa ni Eli ang lalaki sa maselang parte ng katawan. “F**K!” malakas na mura nito at saka napalayo sa kinatatayuan ng babae. Oh my gosh! Napuruhan ko yata! “Naku pasensya na!” natatarantang lumapit ang dalaga sa lalaki at akmang hahawakan ito nang humarap ang binata sa kaniya. “Ako na nga itong tumulong, mukhang ako pa ‘yong nabasagan! Sh*t!” Napangiwi na lang ang dalaga sa tinuran nito. Mukhang nasaktan nga nang todo ang lalaki at kitang-kita ang sakit na nararamdaman nito sa kaniyang mukha. Doon lang niya naaninagan ang hitsura ng lalaki. Guwapo ito, matangkad, may kaputian, makinis ang balat, pero, sobrang dumi at gusot-gusot ang suot nitong damit. Pulubi? Taong grasa? Gaga ka Eli! Walang guwapong taong grasa! “T-Teka, saan ka ba nakatira?” tanong niya sa lalaki. Mukhang nahimasmasan na ito at nakatayo na nang maayos. “Wala,” diretsong sagot nito sa kaniya. Kumunot naman ang noo nito sa sinagot ng lalaki. “Huh? Eh, ano’ng pangalan mo?” “Hindi ko alam.” Napanganga na lamang ang dalaga sa sinagot ng lalaki. “Ano? Hindi mo alam ang pangalan at address mo?” “Exactly,” wika nito na ikinabigla naman ni Eli. “Now, take me to your home.” Bigla namang hinawakan ng lalaki sa braso ang dalaga at hinila patungo sa sakayan kung saan naroon ang huling bangka na naghihintay ng mga pasahero. Kaagad na nakabawi si Eli saka hinatak nang malakas ang braso sa pagkakahawak ng lalaki. “Ano? Nasisiraan ka na ba ng bait?” malakas ang boses na tanong ni Eli sa kaniya. “Bakit naman kita iuuwi?” “You owe me your life and virginity, so you need to take me home and give me some clothes and foods.” Nanlaki ang mata ng dalaga sa itinuran ng lalaki kung kaya’t wala sa oras niyang nabatukan ito. “Ouch! F**k!” Nagulat naman ang dalaga nang umaray ang lalaki at muling nanlaki ang mata nito nang makita ang dugo sa kamay ng lalaki. “May sugat ka!” “Kaya nga! At kasalanan mo kapag lumala pa ito! Let’s go home!” Hindi man lang nakaangal ang dalaga nang muli siyang hatakin ng lalaking pulubi na magaling magsalita ng English patungo sa sakayan ng bangka pauwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD