"AUNTIE Levi, escort po ang trabaho ko rito?" nag-aalala kong tanong sa aking tiyahin.
Nagsusumamo ang pagkakatitig ko kay auntie. Dahil sa gulat sa mga narinig kani-kanina lang ay hinila ko siya papasok ng restroom. Gusto kong kumpirmahin ang mga narinig ko. . . na sana ay mali lang ako ng pagkakaintindi sa narinig ko. Alam kong hindi magagawa sa akin ito ni auntie. . . Hindi niya ako ibubugaw!
Nagulat ako nang umirap siya sa akin. Nagpamaywang pa ito at bumuntong hininga na tila ba nakukulitan sa akin.
"Okay, I got it! Kung ayaw mong maging escort, then I am fine with it. Entertainer ka na lang, okay? Makiki-table ka sa mga customers natin at aaliwin mo sila. Ayos na ba 'yon sa iyo, Elle?" iritable niyang saad sa akin na para bang naririndi siyang ipaliwanag sa akin ang mga bagay-bagay.
Nalaglag ang panga ko sa mga sinabi niya. Pakiramdam ko ay nanlamig ang buong katawan ko, dahil sa takot at pangamba. . . Hindi ko kailanman naisip na ganitong klase ng trabaho ang ibibigay sa akin ng tiyahin ko!
Napailing ako dahil hindi iyon ayos! Hindi ako magiging bayarang babae. . . Hindi ko kayang sikmurain ang gano'ng trabaho!
Tumaas ang kilay ni auntie. Halatang hindi nagustuhan ang pag-iling ko. Nangingilid ang mga luha ko habang pinagmamasdan siya, nagsusumano na itigil na ito.
"H-hindi ko po kayang gawin ang ganiyang trabaho, auntie Levi! Bakit ngayon niyo lang po—"
"Kung gano'n ay paano mo babayaran ang utang ninyo sa akin? Hindi biro ang isang daang libo Elle, ha! Huwag mo akong aartehan nang ganiyan! Entertainer ka na nga lang, e!" naiinis niyang pahayag.
Napalunok ako, saglit na naisip ang perang pinahiram niya na siguradong ginamit na ng tatay. Mabilis din ang t***k ng puso ko dahil sa kaba. Iniisip ko kung paano mababayaran ang perang iyon nang hindi nagtatrabaho sa ganitong lugar. . .
"Alalahanin mo, bagong salta ka lang dito. Mahirap maghanap ng trabaho sa Maynila, Elle! Iyong iba nga riyan ay tapos na ng kolehiyo pero walang mahanap na trabaho! Mataas ang standards ng mga businesses dito. Tingin mo ba ay tatanggap sila ng undergraduate na gaya mo, ha?"
Kumirot ang dibdib ko sa huling sinabi ni auntie Levi. Pakiramdam ko ay saglit na natapakan ang pagkatao ko.
Oo nga, hindi pa pala ako tapos ng kolehiyo. Baguhan at wala pang diplomang hawak.
Pumatak ang mga luha ko. Nararamdaman ko ang takot sa nangyayari sa buhay ko ngayon. Hati ang isip ko sa pagtatrabaho nang marangal at pagbabayad ng utang kay auntie sa mabilis na paraan. . .
Nag-igting ang panga ni auntie. Pumikit ito at nagpakawala ng isang malutong na mura. Huminga ito nang malalim at pagkatapos ay dumilat para matingnan ako na may halong galit.
"Huwag kang mapili sa trabaho, Elle! Wala ka namang maipagmamalaki sa akin para umarte ng ganiyan! Akala ko ba kahit anong trabaho ay ayos lang sa iyo? Then prove it!"
Napayuko na lamang ako. Pinunasan ko ang luha ko sa pisngi. Hindi talaga ako makapaniwala na nasa ganitong sitwasyon ako ngayon. Sa ganito ba bumabagsak ang mga katulad kong walang alam at hindi nakapagtapos ng pag-aaral?
Nararamdaman din ba ng mga nagtatrabaho rito ang ganitong pakiramdam? Na para bang ang liit kong tao at hanggang dito lang ako. Na ito lang ang pwedeng mundo para sa akin?
"Maganda ka nga, oo! Pero hindi iyan dahilan para mag-inarte! Huwag kang choosy dahil wala ka pa namang ibubuga, okay?"
Kinagat ko ang ibabang labi ko. Nag-angat ako ng tingin kay auntie. Kitang-kita sa mga mata niya ang pagkairita sa akin.
"P-pangako niyo po na kapag bayad na kami sa utang namin, hahayaan niyo po akong umalis sa lugar na 'to. . ." saad ko sa mahinang boses, walang magawa dahil aminado akong tama siya.
Wala ka pang binatbat, Elle. Lahat naman ay gagawin mo para sa pamilya, 'di ba?
Sumilay ang ngisi sa labi ni auntie Levi. Hinaplos niya ang buhok ko at bahagyang tumango.
"Don't worry, Elle. You can do whatever you want once your debt is fully paid. Sisiguraduhin ko ring maayos ang lagay mo rito sa bar. Mga professionals at mayayamang lalaki naman ang mga nagpupunta rito. Hindi ka mababastos pwera na lang kung escort ka." Ngumisi ito at makahulugan akong tiningnan.
"Ayaw ko pong maging escort. Payag na po ako sa g-gusto niyo pero entertainer lang po, auntie," napipilitan kong sabi dahil wala naman akong ibang solusyon para maiwasan ang pagtatrabaho rito.
"Very good, Elle! I know you're a smart girl. I'll make sure to take care of you while you're here. Mag-ayos ka na at ipapakilala kita sa mga customers mo," aniya at lumabas na ng restroom.
Nanginig ang ibabang labi ko nang mawala sa paningin ko si auntie. Nag-iinit ang mga dulo ng mata ko pero tanging pag-aangat ng tingin na lamang ang nagawa ko.
Kapit sa patalim, Elle. Ito na nga yata iyon.
Ilang beses akong huminga nang malalim at hinagilap ang lakas ng loob sa aking dibdib. Pagkatapos ng ilang minuto ay lumabas na rin ako ng restroom para puntahan si auntie.
"Huwag mo akong ipapahiya," aniya nang hatakin ako sa isang VIP table kung saan puro halos kaedad ng tatay ang naroon.
Pinakilala ako ni auntie sa kanila bilang Calys. Mukha namang mababait ang apat na lalaki kaya lang ay hindi ko pa ring maiwasang mag-alala.
Pilit akong pinaupo ni auntie sa tabi ng isang lalaki. Nakipagtawanan siya sa mga parukyano at pagkatapos ay iniwan na rin ako.
"Oh, Calys. Subukan mo 'to!" anang katabi ko at ibinigay sa akin ang isang bote ng beer.
Lumunok ako nang hawakan nito ang balikat ako. Bahagya akong napaatras sa kinauupuan ko at yumuko na lamang. Takot at nerbyos, hindi ko alam kung alin doon ang mas nangibabaw. . .
Kapit sa patalim, Elle. Kapit nang mahigpit. . .
"Huwag kang matakot sa amin, hija. We're just having a good time here. Wala kaming gagawing masama sa iyo." saad pa ng isang lalaki at pagkatapos ay nagsitawanan silang apat.
Ni hindi ko malaman kung paano ko natagalan na samahan sila sa table na 'yon. Halos tatlong oras akong nakaupo roon habang pinapakinggan ang kasiyahan nila. Puro tungkol sa negosyo at may halong kalokohan pagdating sa mga babae ang pinag-uusapan nila. Pagkakaintindi ko ay dalawa sa kanila ang may kabit nang hindi alam ng mga asawa nila.
Naisip ko tuloy ang tatay ko. Kung sa Maynila ba kami nakatira ay magiging ganito rin kaya siya kapilyo? Aastang binata at mangangaliwa kahit na kasal na at may mga anak? Ganito ba ang takbo ng isip ng karamihan sa mga lalaking taga-Maynila?
Inikot ko ang paningin ko at pinagmasdan ang mga iba naming customers sa ibang mga table. Lahat sila ay halatang mayayaman. Mayayaman man ay tila ba may bahong tinatago.
"Calys, galawin mo naman ang inumin mo. Taga saan ka pala? Mukhang bago ka rito," kuryosong wika ng isang lalaki na nakaupo sa couch na katabi ng kinauupuan ko.
"B-Bagong salta lang po ako rito. . ." tanging sagot ko. Humigpit ang pagkakahawak ko sa bote ng beer na nasa aking mga kamay.
"Galing probinsya ka ba?" tanong ng lalaking katabi ko.
Marahan akong tumango at pinili na lamang yumuko.
"Kaya naman pala ganyan ang kilos mo. Hindi ka pa sanay sa trabaho mo, ano? Hindi bale at kapag nakatikim ka ng masarap na putahe ay mag-iiba ang pananaw mo sa trabaho mo," makahulugang sabi ng isa pa nilang kasama.
Nagtawanan sila. Ako naman ay napapikit na lamang. Sana ay matapos na ang gabing 'to. . . Sana ay matapos na ang pag-upo ko rito dahil ayaw ko nang makinig sa mga sinasabi ng mga customers na 'to.
Nakahinga lamang ako nang tumawag sila ng waiter at nanghingi ng bill. Ilang saglit lang din ay hinatid na sa table namin ang bill nila. Katabi ko ang nagbayad at pagkatapos ay bumaling siya sa akin.
Nagulat na lamang ako nang lagyan niya ng pera ang kamay ko. Napaangat ako ng tingin sa matanda. Ngumisi ito at halatang lasing na lasing na.
"Iyan, hija. Dahil first time mo, may tip ka!" aniya dahilan para tumawa ang mga kasama niya.
Ramdam ko ang panunuyo ng lalamunan ko. Nagpaalam sila sa akin at pagkatapos ay umalis na.
Napasinghap ako at kumurap ng ilang beses. Binasa ko ang aking ibabang labi bago tingnan ang perang nasa kamay ko.
Tatlong libo.
Nag-iinit ang mga mata ko habang nakatitig sa maduming pera na nasa kamay ko. Kinagat ko ang aking labi at dahan-dahang tumayo. Doon ko lang napagtanto ang panginginig ng mga tuhod ko dahil sa nerbyos.
Elle, tatagan mo. Paulit-ulit kong sabi sa sarili ko. Kailangan kong mabayaran ang perang nahiram kay auntie para makaalis ako sa lugar na 'to.
Maduming pera rin bilang kabayaran sa maduming perang pinautang niya. Maduming pera na galing sa maduming trabaho. . . Sumisikip man ang dibdib ko ay kailangan kong tanggapin na ito muna ang magiging mundo ko. Para sa pamilya. . .
Nang makaahon sa nararamdaman ay dumiretso ako sa restroom. Hindi ko napigilan ang pag-iyak ngunit ilang minuto lamang din ay naghilamos na ako ng mukha. Tiningnan ko ang sarili ko mula sa salamin.
Hindi ito ang Elle na kilala ko. Isang katotohanang naghatid ng libu-libong sakit sa dibdib ko. Kaya lang ay wala pa akong magagawa sa ngayon. Wala pa akong laban lalo na at hawak ako sa leeg ni auntie Levi.
Kinuyom ko ang mga kamay ko.
"Kailangan kong kumita nang malaki," bulong ko sa sarili.