"MUKHANG kumikita na ang maliit mong flower shop, Cecilia," nakangiting sabi ni Maribel nang dalawin siya nito sa kaniyang tindahan.
Ito ang ipinundar niya gamit ang perang ibinigay sa kaniya ni Raim dalawang taon na ang nakalilipas. Noong una, hirap na hirap siyang palaguin ang negosyo, ngunit habang tumatagal ay unti-unti ring lumaki ang kinikita nito. Ngayon, halos araw-araw ay may mga bumibili ng kaniyang mga bulaklak.
Ibinaba niya ang bouquet na kasalukuyan niyang inaayos. "Salamat sa Diyos at kumikita na rin kahit papaano," aniya.
"Habang ikaw nagpapakapagod dito sa pagtitinda, ang pamilya ng tiyahin mo naman, pasarap sa buhay. 'Yung anak nilang si Lisa, akala mo anak ng mayaman. Aba, daig ka pa kung makapagpalit ng cellphone. Naka-iPhone pa!"
"Hindi ko na lang sila iniintindi, Maribel."
"Tapos kung pagsalitaan ka pa ng tiyahin mo, parang wala kang ginawang tama. Ewan ko ba sa'yo, Cecilia. Bakit ka nagtitiis sa kanila? Kaya mo namang mabuhay nang wala sila."
"Pamilya ko pa rin sila, Maribel."
"Pamilya nga ba ang turing nila sa'yo?"
Nagbuga siya ng hangin. "Huwag na lang natin silang pag-usapan."
Pumalatak ito. "Oo nga pala, kaarawan ng afam ko ngayon. Gusto niyang mag-party sa bahay. Pumunta ka, ha?"
"Sige. Dadaan ako roon pagkatapos kong magsara ng shop mamaya."
"Aalis na muna ako. Alam mo na, magpapaganda pa."
Tinanguan niya ito. "Sige, Maribel. Kita tayo mamaya."
"Owkie. See you!"
Napailing na lamang si Cecilia bago ipinagpatuloy ang naudlot niyang paggawa ng bouquet. Habang maingat niyang inaayos ang mga bulaklak, iisa lang ang laman ng isip niya—ang lalaking naging dahilan kung bakit siya muling nakapagsimula, si Raim.
"Kumusta na kaya siya? May asawa na kaya siya?" mahina niyang tanong sa sarili.
"Sa gwapo niyang 'yon, imposibleng wala pa siyang nobya o asawa," siya rin ang sumagot sa sariling tanong.
"At kung mayroon man siyang minamahal ngayon, sigurado akong kasingganda iyon ni Marian Rivera."
Mula sa mga bulaklak na kaniyang inaayos, napaling ang tingin niya sa labas ng flower shop. Bigla siyang natigilan nang may matanaw siyang pamilyar na mukha.
Nanlaki ang kaniyang mga mata at dali-daling lumabas ng shop. Mabilis niyang tinawid ang kabilang kalsada upang habulin ang lalaking nakita niya, ngunit pagsapit niya roon ay wala na itong bakas.
Baka hindi talaga siya 'yon. Kakaisip mo kay Raim, kung anu-ano na ang nakikita mo, sabi niya sa sarili.
Bagsak ang balikat na bumalik siya sa flower shop.
"Cecilia, may lalaking pumunta rito kanina. Bibili sana ng bulaklak, kaso wala ka. Sayang, mukhang mayaman pa naman," salubong sa kaniya ni Moneth, ang tindera sa katabing tindahan.
Hindi na lamang niya ito sinagot at tahimik na pumasok sa loob ng shop.
Pabagsak siyang naupo sa upuan.
"Siguro hindi na talaga kami magkikita ni Raim. Dalawang taon na ang lumipas. Imposible na sigurong magkita pa kami," mahina niyang bulong.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga. Sa halip na magmukmok, minabuti niyang ituon ang pansin sa trabaho. Mas mabuting abalahin niya ang sarili kaysa paulit-ulit na isipin ang lalaking matagal nang nawala sa buhay niya.
Pagsapit ng hapon, halos maubos na ang lahat ng paninda niyang bulaklak. Dahil dito, nagpasya siyang magsara nang mas maaga upang makauwi, makapagpahinga, makaligo, at makapag-ayos para sa party na dadaluhan niya mamaya.
---
"JOB well done, everyone!" pagtatapos ng ama ni Ephraim na si Romano sa ginanap na meeting.
Nangunguna ang Kingsmart sa lahat ng retail companies sa buong mundo. Dahil dito, nagpatawag ng pulong ang kaniyang ama upang pag-usapan ang nalalapit na ball party na gaganapin makalipas ang dalawang buwan bilang pagdiriwang ng pitumpu't dalawang taong patuloy na tagumpay at pamamayagpag ng Kingsmart.
"Congratulations, Chairman!" bati ni Michel, isa sa mga empleyado ng kumpanya.
"Congratulations din po, Sir Ephraim," dagdag nito habang kinakamayan siya.
"Thank you," maikli niyang tugon.
Nang tuluyan nang makalabas ang lahat ng empleyado, mariing ibinagsak ng kaniyang ama ang hawak nitong mga papeles sa ibabaw ng mesa.
"How come you still can't find your brother, Ephraim?!"
Inaasahan na niya ang magiging reaksiyon nito. Alam na rin niyang sa kaniya na naman nito ibubuhos ang lahat ng galit at sisi dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila mahanap ang nakatatanda niyang kapatid. Dalawang taon na kasing walang balita si Ephesian.
"Hindi mahahanap ang taong ayaw magpahanap, Chairman," walang emosyon niyang sagot.
"Nonsense! Ang totoo, wala ka talagang planong hanapin ang kapatid mo!"
"Chairman, ginawa ko na ang lahat para mahanap siya. Ilang private investigator na ang kinuha ko, pero ni isa sa kanila ay walang natunton na kahit anong impormasyon tungkol kay Kuya."
"Ang sabihin mo, mga walang silbi ang mga investigator na kinuha mo!" Namumula ang mukha nito sa matinding galit. "I need your brother, Ephraim. Find him, or else I will disown you!"
Malalakas ang yabag nitong lumabas ng conference room.
Mariing hinilamos ni Ephraim ang kaniyang mukha. Lalong sumidhi ang inis na nararamdaman niya para sa nawawalang kapatid. Napakalinaw sa kaniya na hindi patas ang trato ng kanilang ama. Magkaiba ang pagmamahal na ibinibigay nito sa kanilang dalawa ni Ephesian.
Madaling nakukuha ng kapatid niya ang lahat ng gusto nito, samantalang siya ay araw-araw kailangang patunayan ang sarili upang makuha ang pagkilala ng kanilang ama. Hindi pa nga sapat ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa kaniya, nadadagdagan pa iyon dahil sa pagkawala ni Ephesian.
"Nagtalo na naman ba kayo ni Dad?"
Napalingon siya kay River, ang bunso nilang kapatid, na kararating lamang sa conference room.
"May bago pa ba?"
"Tungkol na naman ba kay Kuya Ephesian?"
Nagbuntong-hininga siya.
"It's always about him, River," sarkastiko niyang sagot.
Marahang ipinatong ni River ang kamay sa kaniyang balikat.
"You know why, don't you? Mahina ang kalusugan ni Kuya Ephesian. Kaya hindi mo rin masisisi si Dad kung palagi siyang nag-aalala, lalo na ngayong dalawang taon na tayong walang balita tungkol sa kaniya."
Naiintindihan naman niya ang dahilan ng kanilang ama, ngunit hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng sama ng loob. Minsan ay naiisip na lamang niya na sana sila na lang ang nagkapalit ng kalagayan ng kaniyang kapatid.
"Hindi sapat 'yon para gawin niya ang lahat ng gusto niya. He's not the only one who has weaknesses, River. I have mine too. Pero hindi ko ginagamit ang mga iyon para takasan ang mga responsibilidad ko. And I will never be like him."
Tumayo siya at walang lingon na iniwan ang kapatid.
Dumiretso siya sa kaniyang pribadong opisina. Pagkapasok pa lamang ay agad niyang tinawagan ang isa sa mga private investigator na inatasan niyang hanapin si Ephesian.
"Any updates?" agad niyang tanong nang sagutin nito ang tawag.
"May nakuha na po kaming panibagong lead, Mr. Verdadero. Pero muli na naman pong nakalipat ng pinagtataguan ang kapatid ninyo."
Mariing napahampas si Ephraim sa mesa.
Hindi niya maintindihan kung saan kumukuha ng pera ang kaniyang kapatid. Dalawang taon na itong nawawala, ngunit tila hindi nauubusan ng panggastos. Hindi na rin nito ginagamit ang mga credit card nito, kaya wala silang paraan upang matunton ang lokasyon nito.
"Do everything you can to find him," mariin niyang utos.
"I will, Mr. Verdadero," magalang na tugon ng private investigator bago natapos ang tawag.
---
GINABI na nang makauwi si Cecilia mula sa bahay ni Maribel. Tinulungan pa kasi niya itong magligpit ng mga pinagkainan at iba pang kalat bago siya tuluyang umalis.
Pagkapasok niya sa bakuran, maingat niyang ipinasok ang susi sa seradura at dahan-dahang binuksan ang pinto. Tiyak niyang tulog na ang lahat ng kasama niya sa bahay kaya ayaw niyang makagawa ng ingay.
Napababa ang tingin niya sa mga bill ng kuryente at tubig na nakapatong sa ibabaw ng center table. Kinuha niya ang mga iyon at tiningnan kung magkano ang kailangang bayaran.
"Mukhang ginabi ka yata ngayon, Cecilia."
Napalingon siya sa kaniyang likuran. Ang tiyuhin niyang si Berting ay kararating lamang mula sa silid nito. Halatang nakainom ito dahil umalingasaw ang amoy ng alak na nagmumula sa katawan nito.
"Opo, Tiyo. Galing po kasi ako kina Maribel. May munting handaan po roon," magalang niyang sagot.
Ngunit sa halip na sumagot, napansin niyang dahan-dahang bumaba ang tingin nito sa kaniyang dibdib, saka sa ibabang bahagi ng kaniyang katawan. Agad siyang nakaramdam ng matinding pagkaasiwa.
Tumikhim siya upang mabasag ang nakakailang na katahimikan.
"Sige po, Tiyo. Matutulog na rin po ako."
Akma na sana siyang aalis nang bigla nitong hawakan ang kaniyang braso. Bago pa siya makapalag, marahas siyang hinila nito papasok sa banyo.
"T-Tiyo—"
Mariin siyang isinandal nito sa dingding.
"Alam mo bang araw-araw kitang pinagnanasaan, Cecilia? Hindi mawala sa isip ko ang kagandahan mo."
Nagsitayuan ang mga balahibo niya sa pandidiri. Noon pa man ay napapansin na niya ang kakaibang paraan ng pagtitig nito sa kaniya, ngunit pinipilit niyang isipin na baka nagkakamali lamang siya.
"T-Tiyo... baka po magising si Tiya. Pakiusap, bitawan n'yo na po ako."
Nanlaki ang kaniyang mga mata nang idikit nito ang mukha sa kaniyang leeg at marahang singhutin ang kaniyang balat.
Agad niya itong itinulak, ngunit mabilis nitong nahawakan ang dalawa niyang kamay at marahas na itinaas ang mga iyon sa ibabaw ng kaniyang ulo.
"Handa kong iwan ang asawa ko para sa'yo. Sumama ka na lang sa akin, Cecilia."
Patuloy siyang nagpumiglas habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak nito.
"Hinding-hindi ako sasama sa'yo! Bitawan mo ako bago pa ako sumigaw at malaman ni Tiya ang ginagawa mo!"
Mapang-asik itong ngumisi.
"Sa tingin mo ba ikaw ang paniniwalaan niya? Mahal ako ni Guada. Ikaw? Isa ka lang sampid sa bahay na ito."
Lalo siyang nanginig nang maramdaman ang kamay nitong humaplos sa kaniyang hita.
Patuloy siyang nagpumiglas at buong lakas na nanlaban, ngunit higit na mas malakas ang kaniyang tiyuhin.
"Bitawan mo ako!" sigaw niya habang muli itong itinutulak.
"Piliin mo ako, Cecilia. Sumama ka na sa akin at iiwan natin silang lahat."
"Hindi ako sasama sa'yo!"
Buong lakas niyang itinaas ang kaniyang tuhod at tinamaan ang p*********i nito.
Napangiwi ito sa sakit at bahagyang nabitawan siya.
Hindi na niya sinayang ang pagkakataon. Mabilis niya itong itinulak at patakbong lumabas ng banyo.
Ngunit paglabas niya ay bigla siyang natigilan.
Nakatayo sa sala ang kaniyang tiyahing si Guada. Hindi ito makapaniwalang nakatitig sa kanilang dalawa.
"Cecilia... Berting..."
Mabilis na bumaling ang tingin nito sa asawa.
"Anong ibig sabihin nito?"
Nanginginig na itinuro siya ni Berting.
"Inakit ako ng babaeng 'yan! Nagbabanyo ako nang bigla niya akong sundan at akitin!"
"Sinungaling!" agad niyang sigaw. "Hindi po totoo 'yan!"
Mabilis siyang lumapit sa kaniyang tiyahin.
"Tiya, siya po ang bigla na lang humila sa akin papasok ng ba—"
Hindi pa man niya natatapos ang paliwanag ay isang malakas na sampal ang dumapo sa kaniyang pisngi.
Napapikit siya sa tindi ng sakit.
"Pagkatapos kitang kupkupin at pakainin, ito pa ang igaganti mo sa akin?" galit na sigaw ni Guada.
"Tiya, hindi po! Pinagtangkaan niya po akong gahasain!"
"Tumigil ka!" sigaw nito. "Wala kang hiya!"
Mariin nitong hinablot ang kaniyang buhok.
"Wala kang utang na loob! Pasalamat ka at kinupkop pa kita kahit hindi ka naman tunay na anak nina Fernan at Miranda!"
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
Hindi siya makapaniwalang napatitig sa kaniyang tiyahin.
"A-Ano pong sinabi n'yo?"
"Tama ang narinig mo! Hindi mo tunay na magulang sina Fernan at Miranda! Kaya wala ka nang dahilan para manatili pa rito!"
Pakiramdam niya ay biglang umikot ang kaniyang paningin.
Hindi niya alam kung alin ang mas masakit—ang muntik na panghahalay na naranasan niya o ang katotohanang ngayon lang niya nalaman.
"Tiya..." nanginginig niyang sambit. "Hindi po totoo 'yan... Sinabi n'yo lang po 'yan dahil galit kayo, hindi ba?"
Mariing inalis ni Guada ang mga kamay niyang nakakapit dito at malakas siyang itinulak.
"Totoo ang lahat! Hindi ka ba nagtataka kung bakit kailanman ay hindi kita itinuring na parang anak? Kasi ampon ka lang!"
Kasabay niyon ay dumating si Berting dala ang isang bag na naglalaman ng kaniyang mga damit.
Inagaw iyon ni Guada at walang-awang ibinato sa kaniya.
Nagkalat ang kaniyang mga gamit sa labas ng bahay.
"Lumayas ka! At huwag na huwag ka nang babalik pa rito!"
Kasabay ng malakas na pagsara ng pinto ay tuluyan siyang naiwang mag-isa sa madilim na gabi.
---
ISA-ISA niyang pinulot ang mga damit na nagkalat sa daan. Nanginginig pa rin ang mga kamay niya habang isinasalansan ang mga iyon sa bag. Magulo ang isip niya dahil sa mga nalaman niya mula sa kaniyang tiyahin. Hindi niya alam kung totoo ba ang mga sinabi nito o bunga lamang iyon ng matinding galit.
Dala ang kaniyang bag, wala sa sariling naglakad si Cecilia. Hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng kaniyang mga paa. Tila nawalan na siya ng direksiyon at ng lugar na matatawag na tahanan.
Napahinto siya nang makarinig ng masasayang tawanan. Pag-angat niya ng tingin, napagtanto niyang nasa tapat na siya ng bar kung saan siya dating nagtrabaho.
Lalong bumigat ang dibdib niya.
Naalala niya ang lalaking tumulong sa kaniya dalawang taon na ang nakalilipas. Kung hindi dahil dito, marahil ay hindi niya nabago ang takbo ng buhay niya.
Darating kaya ulit siya para tulungan ako? mapait niyang tanong sa sarili.
"Hi, miss."
Napalingon siya sa lalaking biglang tumabi sa kaniya.
"Mukhang pinalayas ka sa inyo. Wala ka bang matutuluyan? Kung gusto mo, puwede kang sumama sa akin."
Hindi siya agad nakasagot. Tulala pa rin siya sa mga nangyari kaya hindi niya napansing hinawakan na pala nito ang kaniyang braso at marahang hinihila siya.
Nang akayin siya nito patungo sa nakaparadang sasakyan, saka lamang siya bahagyang natauhan. Ngunit bago pa man siya maisakay ng lalaki, may isang kamay ang biglang pumigil sa kaniyang braso.
"Raim..." mahina niyang usal nang makita ang mukha ng bagong dating.
Kunot-noong tiningnan siya ng lalaki.
Habang nakatitig siya rito, unti-unti niyang napagtanto ang katotohanan.
Hindi ito si Raim.
Magkahawig lamang sila.
Kayumanggi ang balat ni Raim, samantalang maputi ang lalaking nasa harapan niya ngayon.
"Anong problema mo?" iritadong tanong ng lalaking pilit na nagsasama sa kaniya.
Hindi ito pinansin ng bagong dating. Sa halip ay bumaling ito sa kaniya.
"Miss, kilala mo ba siya?"
Marahan siyang umiling.
"Hindi."
Agad niyang binawi ang braso mula sa pagkakahawak ng lalaki.
"Hindi siya sasama sa'yo," malamig ngunit mariing sabi ng lalaking kamukha ni Raim.
"Huwag kang makialam!"
"Kapag ipinilit mong isama ang babaeng ito, tatawag ako ng pulis."
Kasabay niyon ay itinaas nito ang hawak na cellphone.
Napamura ang lalaki.
"Bwisit!"
Padabog nitong isinara ang pinto ng sasakyan, mabilis na sumakay sa driver's seat, at pinaharurot ang sasakyan palayo.
Nang tuluyan na itong mawala, saka lamang bumaling sa kaniya ang estranghero.
"Are you okay?"
Marahan siyang umiling.
"Anong nangyari sa'yo? Bakit dala mo ang lahat ng gamit mo?"
"M-Muntik na po akong mapagsamantalahan ng tiyuhin ko," nanginginig niyang sagot. "Pero ako pa ang pinaniwalaang may kasalanan, kaya pinalayas ako ng tiyahin ko."
Muling pumatak ang kaniyang mga luha.
Napabuntong-hininga ang lalaki.
"May matutuluyan ka na ba?"
Muli siyang umiling.
"Siguro... sa flower shop na lang muna ako. Naiwan kasi sa bahay ng tiyahin ko ang ipon ko. Sigurado akong hindi na nila iyon ibabalik sa akin."
Tahimik itong nag-isip sandali bago muling nagsalita.
"If you want, puwede kang sumama sa akin. May bahay ako. Doon ka muna pansamantalang tumuloy hanggang makabangon ka."
Tinitigan niya ang lalaki.
Maingat niyang pinagmasdan ang mukha nito. Bagama't estranghero ito, wala siyang naramdamang masamang intensiyon mula rito.
"Do you trust me?" malumanay nitong tanong. "I promise, I won't hurt you."
Tipid siyang ngumiti.
"I trust you," mahina ngunit buong pagtitiwala niyang tugon.