KAAGAD NA IBINITIW ni Franco ang kamay na nakahawak sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata ni Charlotte habang nakakunot ang noo. Ang bibig ay bahagyang nakaawang. Hindi siya makapaniwala. Kaagad niyang hinaplos ang parte ng braso kung saan humawak si Franco. Tumayo kasi ang mga maliliit niyang balahibong pusa. "P-paano mo akong nahawakan?" tanong niya. Si Franco naman at tiningnan ang mga kamay. Dahan-dahan nitong pinagmasdan iyon habang may gulat din na nakarehistro sa mukha nito. "H-hindi ko alam." Lumapit si Charlotte kay Franco saka nilahad ang kamay. "Subukan mo nga ulit! Hawakan mo ako," aniya rito. "P-paano?" "Hindi ko alam. Paano ba yung ginawa mo kanina? Subukan mo ulit." Ginawa nga nito ang pinagagawa niya nguniy nabigo silang pareho. Tumagos ang mga kamay ni Franco sa kaniya.

