Isang malakas na katok at pamilyar na boses ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Al na masakit pa ang ulo dahil sa dami ng nainom kagabi. Kaya naman hindi niya muna pinansin ang kumakatok. Kumuha siya ng isang unan sa tabi niya, bumaling ng higa at itinakip ang unan sa tenga niya.
“Al! Ano ba? Male-late na tayo sa trabaho!” muling sigaw ng isang babae sa labas ng pinto ni Al na parang naka-megaphone sa lakas ng boses na dinig sa buong apartment building. Nang walang sumagot ay muli itong kumatok ng pagkalakas-lakas na tila balak ng gibain ang pintuan.
Dahan-dahang bumangon si Al at umupo sa gilid ng katre kahit na hirap pang idilat ang mga mata at medyo naiirita sa maingay na babae sa labas.
“Bukas ‘yan!” sigaw nito sa kumakatok na agad namang itinulak ang pinto at pumasok.
“Anong oras na? Hoy! Anong oras ka nanaman ba natapos uminom kagabi?”
“Alas-tres.”
Napabuntong hininga na lang ang babae at padabog na isinara ang pinto. Dumeretso ito sa kusina at agad na nag-init ng tubig habang tinitignan ang kaibigan na hindi pa rin kumikilos mula sa pagkaka-upo.
“Mae, sorry,” biglang sabi ni Al.
“Bakit?” nakataas kilay na tanong ni Mae.
“Kasi lagi ka na lang naaapektuhan ng pagka-emo ko. Tapos kailangan mo pang maging alarm clock ko.”
“Ewan ko sa’yo!” medyo natatawang sagot ni Mae. “Ang mabuti pa bumangon ka na. Maligo, magbihis at sakto paglabas mo handa na itong kape. Bilisan mo kung ayaw mong masabon mamaya ng bisor natin.”
Agad na tumayo si Al mula sa pagkakaupo kahit isang mata lang ang nakadilat. Kumuha siya ng damit at saka dumeretso sa banyo. Pero bago pumasok sa banyo ay tumigil muna siya at ngumiti sa kaibigang dalaga.
Magkababata si Al at si Mae. Halos magkapatid na ang turing nila sa isa’t-isa at ganun din ang mga magulang nila. Sabay silang lumaki kaya naman kabisado na nila ang ugali ng isa’t isa. Alam nila ang ayaw at gusto ng isa’t isa at kadalasan na nahuhulaan nila ang iniisip ng bawat isa sa kanila.
“Teka, anong araw ngayon?” biglang tanong ni Al pagkatapos lumabas ng banyo.
“Sabado, bakit?”
Nagmamadaling tumakbo si Al at binuksan ang TV. At nagliwanag ang mukha niya ng makita ang nais makita sa maliit at lumang TV. Ang sikat na International Korean-Filipino singer na si Alicia Kim o LingLing sa pagkakakilala nila. Na ngayon ay nasa Pilipinas para sa isang bahagi ng world tour nito.
“Al, male-late na tayo. Bilisan mo. Inumin mo na ‘tong kape,” sabi ni Mae na parang tila nawala sa mood nang makita kung sino ang nasa telebisyon.
“Wait, Mae. Tignan mo! Si LingLing! Bumalik na siya!”
“Tigil-tigilan mo nga ‘yang ilusyon mo! Kung babalik ‘yan sana matagal na. Hindi na n’ya paabutin pa ng twelve years. Isa pa, ni wave sa messenger ni hindi nga nagawang i-send n’yan sa’yo eh,” sagot ng dalaga na halata ang pagka-inis sa tono ng pananalita.
Hindi sumagot si Al, hindi siya nagkomento o nilingon man lang si Mae. Pinagpatuloy lang niya ang panunuod at hindi mapigilang minsang sumabay sa kanta na tila ba hindi narinig ang sinabi ng kaibigan.
Padabog na iniligpit ni Mae ang mga kalat sa lamesa habang nakatingin sa kaibigan na tila biglang hindi siya nakikita. Pero bago siya tuluyang pumunta sa lababo ay nakita niya ang magandang ngiti ni Al habang pinapanood ang dati nilang kaibigan. Kaya naman kahit naiinis ay hindi na siya nagsalita pa at hinayaan na lang ang kaibigan na manuod. Hindi kayang ipagpalit ni Mae ang ganitong eksena. Ang makita si Al na nakangiti at masaya.
Simula pagkabata, bibihira lang niyang makita ang kaibigan na ganito kasaya. Maaga kasing naulila sa ina sa Al at ang ama naman nito ay nagkaroon agad ng ibang pamilya na hindi masyadong nagpakita ng pagmamahal sa binata. Madalas, nasa isang sulok lang ito at tumutugtog lang gamit ang isang lumang gitara kapag walang ginagawa, pagkatapos ay biglang iiyak. Minsan din, tulala lang ito at tila ba napakalalim ng iniisip, at pagkatapos ay iiyak. At lalo itong lumala, labing dalawang taon ang nakalilipas, nang umuwi ito ng humahagulgol, basang-basa at bitbit ang isang pulang gitara. Ang gabi na umalis at iniwan sila ni LingLing.
Mukha ring walang interes sa ibang babae si Al, ang totoo n’yan habulin ng mga chiks itong si Al. Kahit medyo sunog ang kulay ng balat dahil sa pagtulong sa bukid ng ama tuwing walang pasok ay talagang may taglay na kagwapuhan itong si Al. Matangkad din siya at balingkinitan ang katawan. Hindi rin halata na 28-anyos na ang binata. Bonus pa ang pagkakaroon nito ng magandang boses sabayan mo pa ng galing sa paghawak ng gitara. Pero ni isa sa mga nagparamdam sa kanya ay hindi pinalad na mapagbigyan.
“Nakaiinis,” biglang sabi ni Al na tumawag sa atensyon ni Mae. Bahagya itong humikbi at nagpunas ng luha gamit ang mga hintuturo. At agad na napansin iyon ni Mae na katatapos lang maghugas ng mga tasa.
“Naku! Alfonso De Juan! Ano? Naiiyak ka na naman?” sabi ni Mae, pero hindi kumibo ang binata.
“Sinasabi ko naman sa’yo. Mag-move on ka na! Al! Sikat na si LingLing! Ayan na siya oh! Sikat na international star. Isa na siyang bituin na hindi mo maaabot. Kaya please, maaawa ka naman sa sarili mo,” hindi na napigilan ni Mae ang bibig dahil sa inis sa kaibigan. Halos araw-araw na din kasing paulit-ulit niyang sinasabi ito kay Al dahil araw-araw din nitong bukambibig si LingLing.
Hindi sumagot si Al sa sinabi ng kaibigan. Pinunasan lang nito ang mga mata ng panyo at pagkatapos ay pinatay ang TV.
“Hintay ka ng hintay sa wala! ‘Ni hindi mo nga alam kung kilala ka pa n’yan,” dugtong pa ni Mae. Humarap sa kanya si Al. Walang ekspresyon ang mukha nito pero kitang-kita sa mga mata nito ang lungkot.
“Hindi sinungaling si LingLing. Hindi niya makakalimutan ang pangako niya,” marahang sagot ni Al.
“Isa pa, si LingLing lang ang nagparamdam sa akin kung gaano ako kahalaga. Alam mo ‘yan!”
Napabuntong hininga si Mae sa sinabi ng kaibigan. Sawang-sawa na siya sa ganitong salitaan ni Al. Na parang si LingLing lang ang nagbigay halaga sa kanya noon.
“Sige nga? Kung naaalala niya tayo…," huminto saglit si Mae at napalunok ng laway. "Okay, ikaw, kung naaalala ka niya, bakit ni isang sulat hindi siya nagpadala? O kahit anong mensahe man lang? Andaming pwedeng paraan para magpadala ng mensahe sa atin pero ano? Ano? Wala ni isa! Wala!” bahagyang tumataas na ang boses ni Mae.
Hindi agad sumagot si Al sa argumento ng kaibigan. Binunot nito ang TV sa saksakan at pagkatapos ay humarap sa salamin para magsuklay.
“Hindi ako makakalimutan ni LingLing, Mae. Hindi.”
Napailing na lang si Mae sa sinabi ng kaibigan at pagkatapos ay isinuot nito ang salamin sa mata, dinampot ang bag at padabog na umalis.
"Puro ka LingLing, Lingling. Ni hindi mo magawang tumingin sa mga nasa paligid mo, Ni hindi mo alam may mga taong nahihirapan pag nakikita kang ganyan. Ni hindi mo alam magpahalaga ng mga taong malapit lang sa’yo," pabulong na sabi ni Mae. Pagkatapos ay lumabas ito at ibinagsak ang pinto.
"Mae! Sandali!" sigaw ni Al habang hinahabol ang kaibigan.
"Leche ka! Pumasok ka mag-isa!" pasigaw naman na sagot ni Mae na mas binilisan pa ang paglakad nang makitang papalabas na rin si Al.