Nilabas ni Mike ang sinaunang libro mula sa kanyang bag. Binasa niya ang nakasulat na panuto roon at tinuro ang mga daan na nakaguhit sa nanlalabo ng mapa na pagmamay-ari pa ng ninuno nilang si Kungfu.
"Sa pagkanan daw natin, may makikita tayong kubo ng mangkukulam. Nasa kanya ang susi patungo sa mundo ng mga espiritu at ang complete address ng duwende."
"Mabuti kung ganoon nga. Ang tanong e, ano naman ang kapalit na hihingin ng mangkukulam?" pagtatanong ni Uno. Lumapit na rin sila ni Francis at nakibasa sa direksyon na nakasulat sa aklat. Nagulat sila at napakurap-kurap pa upang siguruhin na tama ang kanilang nabasa.
"H-Halik?" bulung-bulungan nilang tatlo.
"Iyon yata ang kubo na tinutukoy mo." Tinuro ni Wiz ang isang bahay na gawa sa kahoy at dayami habang nakasampa sa isang sanga. "Mula rito, 'yun lang ang natatanaw ko na posibleng paglagian niya!"
"'Yan nga!" pagsang-ayon ni Mike.
"OK! Let's go!"
Muntikan nang mapatili sa sindak si Francis nang masaksihang tumalon ang nakatatandang pinsan paibaba na para bang pusang may nine lives. Halos isang palapag din ang pinanggalingan nito kaya inakala niyang mababalian ito. Naglakad ito pabalik sa kanila na tila ba natural lang ang ginawa kaya nakahinga na siya nang maluwag.
"P-Paano ka nakaakyat...at nakababa mula roon sa puno?" pag-uusisa niya.
"Ha? Palagi ko naman ginagawa 'yun," pagtataka ni Wiz sa katanungan ng pinsang namumutla na sa takot. "Gusto mo, turuan kita? Madali lan-"
"Ayaw ko, buwis-buhay naman 'yan!" pagtanggi kaagad ni Francis sa alok nito.
"Tara na! Mamaya na kayo magkuwentuhan," pag-aya na ni Uno sa kanila upang magtungo na sa bahay ng mangkukulam.
Sa sitwasyon ng kubo, halatang lumang-luma na at napabayaan pa. Maihahalintulad ito sa mga eksenang pang-horror na may tiyanak na biglaang lalabas sa bintana. Gayunpaman ay naglakas-loob sila na magtungo roon kahit malakas ang kaba ng mga puso nila.
Maingat silang kumatok nang mahina sa may pintuan na parang isang sipa lang ay bibigay na.
"Tao po!" pagbati nila. "Magandang hapon po. Dito po ba nakatira ang mangkukulam?"
Nakarinig sila ng kalabog sa loob at sila ay napaurong dahil sa gulat. Maya't maya ay bumukas ang bintana at lumantad ang isang nakakatakot na nilalang. Nakasuot ito ng puting bestida at natatakpan ng mahabang buhok ang buong mukha.
"Mga istorbo kayo! Nagbe-beauty sleep ak-" natigilan ang babae nang makita ang mga lalaking kausap. Nautal siya bigla nang makasaksi ng pogi, oppa at fafable. "A-Anong kailangan niyo?"
"Mawalang-galang na po. Hinahanap po namin ang mangkukulam," pagpapaliwanag ni Mike. "Kailangan po namin ang susi sa kabilang-mundo dahil hinahanap namin ang duwende."
"Xieme-Rua...o Semira? Kayo ba 'yun?"
"Opo!" sabay-sabay na tugon ng magpipinsan.
Dagliang nawala ang babae sa may bintana. Ilang sandali rin na yumanig ang buong bahay at nagkalampagan ang mga muwebles sa loob. Bumukas ang pintuan at humarap sa kanila ito ng may pagmamalaki.
"Ako si Binibining Xiu-Pao, Ang Mangkukulam!" pagpapakilala niya. "Alam ko na 'yan ang sadya niyo rito. Pero lahat ng serbisyo ko ay may kabayaran. Handa na ba kayo?"
"Opo. Nakahanda kami," mabilis na tugon ni Francis.
"Kung ganoon ay magdesisyon na kayo kung sino ang gagawa ng nais ko. Siguraduhin niyong magaling dahil maaaring magbago pa ang isip ko."
"Wiz, ikaw na!"
"Ha? Ano bang gagawin ko?" buong pagtataka niya.
"Madali lang. Magde-date lang kayo," pagsisinungaling ni Uno dahil alam na niya ang masaklap na katotohan tungkol sa kundisyon na hinihingi ni Xiu-Pao.
"Kuya, hindi iyon dat-" Tinakpan niya ang bibig ni Mike upang hindi mailantad ang tunay na hiling ng mangkukulam.
"Masama ang hinala ko sa inyo. Bakit hindi na lang tayo magbunutan?" panukala ni Wiz dahil nagdududa na siya sa mga aksyon ng pinsan.
"Tamang-tama, may papel ako rito." Nilabas ni Francis ang kanyang pitaka at kinuha ang apat na papel. "Ito ang ginagamit namin na magkakaibigan sa templo upang malaman kung sino ang maghuhugas ng mga pinggan."
"Game ako riyan!" pagsang-ayon ni Uno sabay nguso sa hawak ng pinsan. "Paano ba 'yan?"
"Kung sino ang makakakuha ng papel na may pulang tinta, siya ang tutupad sa kahilingan ng mangkukulam."
Tinakpan niya ang kamay at inalog ang mga papel na nasa mga palad. Pagbukas niya ay pinapili niya sila.
Napabuntong-hininga si Wiz dahil nabunot niya ang papel na may pulang tinta. Pinagmasdan niya ang tatlo na tila ba nagtinginan pa at nakahinga nang maluwag.
"Paano ba 'yan? Ikaw na ang hahalik kay Xiu-Pao?" mabilis na sinambit ni Uno sabay tulak sa kanya patungo sa bahay ng mangkukulam.
"H-Halik? Akala ko ba ay date lang?"
"Pareho lang 'yun!"
"Hindi kaya pareho 'yun! Kailangan ko ba talagang gawin iyon? Wala na bang ibang paraan?"
Kitang-kita niya ang pagnanasa na nasa mga mata ng marumi at mabahong nilalang. Tinaas pa nito ang mahabang saya upang ipakita ang mga binti nito. Napapikit siya dahil halos kulugo at paltos ang tumambad sa kanya.
"Ikaw talaga ang type ko e. Chinoy na tisoy, makamandag ang dating!" mapanuksong deklarasyon ni Xiu-Pao. "This is destiny!"
"D-Destiny?" aligagang napabulalas ni Wiz. "Maybe, we can get to know each other first. Ang bilis naman kung halik kaagad!"
"Galingan mo ha! Kailangan mo siyang makumbinsi na ibigay sa iyo ang susi!" habilin ni Uno bago niya iniwan si Wiz sa piling ni Xiu-Pao.
"Ready ka na ba, Fafa?" may pang-aakit na pag-aya nito. Pagpasok nila sa bahay ay mabilis na naisara ang pinto at impit na hiyaw ang narinig mula sa silid.
"Mukhang nag-e-enjoy na sila," nakangiting pahayag ni Uno kina Mike at Francis na medyo nakukunsensya na sa panlolokong ginawa kay Wiz.
Makalipas ng tatlumpung minuto ay nagmamadaling lumabas ng kubo si Wiz. Halos madapa pa siya dahil hilong-hilo na siya. Magulo ang kanyang buhok at gusot-gusot pa ang damit. Humahangos siya na nagtungo sa kinaroroonan ng mga pinsan.
Narinig niya na nagtatawanan ang tatlo.
Nang mapansin nila na malapit na siya ay bigla silang nanahimik.
"Kumusta ka?" pag-uusyoso ni Uno. "Enjoy ba?"
Tinaas ni Wiz ang kanang kamay upang patahimikin siya. Laking-gulat nilang lahat nang magsalita ito na parang sinaniban ng kakatwang espiritu.
"If you insist to ask..." he narrated, este, binigay niya ang detalye.
"Her breath smelled like a bed of red roses at its full bloom. She showered me with gentle kisses, making me want to have all of her. Even with her slightest touch, all of my senses go in ecstasy. At the back of my crazy mind, she is such a muse."
Nalaglag ang panga ng mga kaharap nang mapa-English si Wiz. Madalang itong magsalita sa wikang banyaga ngunit ngayon ay napahanga sila sa mala-tulang pananalita nito.
"S-Seryoso?" pagtataka ni Mike. "Isa ba siyang diwata na nagkunwari lamang na mangkukulam?"
Mas naningkit ang mga mata ni Wiz at nagsimula nang mag-drama.
"Sana nga totoo ang mga kathang-isip ko! Akala ko lips to lips lang ang gagawin namin!" mangiyak-ngiyak na paglalahad niya. "Yun pala gums to gums. Tongue to tongue. Lasap na lasap ko ang alat ng uhog at tartar niya!"
Imbis na maawa ay nagsitawa ang tatlo na kanina lamang ay seryosong nakikinig sa kanya. Sa sobrang paghalakhak ay napaupo pa si Francis. Mula sa kanyang bag ay nahulog ang apat na pirasong papel.
Kaagad na napansin ni Wiz ang nilalaman ng mga papel.
Lahat sila ay may pulang tinta!
Naging malinaw sa kanya na nagkasundo sina Uno, Mike at Francis na dayain siya. Nang makahalata na nabuking na sila, dahan-dahan silang tumakbo palayo mula sa naghuhurumintadong pinsan.
"Mga ogag kayo! Pinagkaisahan niyo ako!" pagbulyaw niya sa kanila. Kumaripas ng takbo ang mga nanloko sa kanya dahil alam nila na makukutusan sila sa oras na mahuli sila.
Nahuli niya si Mike at hinatak ang suot na t-shirt nito.
"Peace na, Kapatid! Alam kasi namin na good kisser ka raw sabi ng ex-wife mo!" Napa-sign of the cross siya sa pagbanggit sa sumakabilang-buhay na babae. "Hindi pala siya, 'yun ka-MU mo noong high school!"
"Tsismoso ka rin!" Tinanggal niya ang suot na sapatos at pinalo siya sa p***t. "Ang bata mo pa, manloloko ka na!"
"Aray! Hindi ba dapat, happy ka dahil nakuha mo na ang susi?" pangangatwiran niya habang hinihimas ang pisngi ng p***t na tinamaan.
"Happy?" Tumaas ang kilay ni Wiz dahil sa nabanggit ni Mike. "Ikaw kaya ang ipa-French kiss ko sa mangkukulam na iyon, ha? Napakasalbahe niyo talaga! Dapat sa inyo, ibitin nang patiwarik!"
"Tahan na, babawi na lang ako sa iyo pagbalik natin sa Pilipinas. Ililibre kita ng maraming fried chicken. Huwag ka nang magalit!" pagsusumamo niya. "Sorry talaga, Kuya Wiz..."
Hindi rin niya natiis ang nakababatang pinsan na takot na takot na sa kanya. Kapag kasi nakasimangot siya ay mukha raw siyang kontrabida at kahindik-hindik kaya nakagawian na niya ang magmukhang masayahin. Mga ilang sandali lang ay ginulo na niya ang buhok nito at ngumiti na siya.
"Sige na nga. Wala na naman akong magagawa. Ang importante ay nakuha na natin ang susi at complete address ng duwende. Malapit na natin matanggal amg sumpa!"
"Talaga? Ang lupit mo!" hangang-hanga na nabulalas ni Mike. "Napa-oo mo kaagad si Xiu-Pao!"
"Ako pa!" pagmamalaki ni Wiz. "Walang nilalang ang makakahindi sa halik ko!"