"Heto na!" masayang pinakita ni Wiz ang susi na nakuha mula sa mangkukulam na si Xiu-Pao. "Ipapasok ko na!"
Nasa harapan na sila ngayon ng dambuhalang pinto na gawa sa bakal at ginto. Sa tagal ng panahon na walang nagbubukas doon ay natakpan na ito ng tuyong nga dahon at d**o. Nang sinubukan niyang ikutin ang maliit na butas gamit ang susi ay nabigo siya. Napakamot siya ng ulo dahil inakala niya na naloko lamang siya ng mangkukulam.
"May mali..." Sa isa pang pagkakataon ay inulit niyang ipasok at ikutin ang susi ngunit gaya ng una, walang nangyari.
"Sandali. May kailangan pa raw kasi tayong gawin," sinambit ni Mike habang hawak ang libro. "Dapat ay sumayaw ng tatlong oras sa harapan ng pintuan upang magbukas iyon!"
"Sayaw? Tatlong oras? Papatayin ba nila tayo bago makadaan diyan?" pagrereklamo ni Francis. "Alam niyo, ayaw ko na. Uuwi na ako!"
Akmang lilisanin na niya ang lugar nang pinigil siya ng pinsan.
"Nandito na tayo. Kaunting tiis na lang," pakikiusap ni Wiz. "Ayaw mo ba ng happy ever after?"
"Wala naman akong pakialam diyan. Kung gusto niyo, kayo na lang." Naglakad na siya palayo ngunit may kakulitan din ang kausap niya. Hinarangan nito ang dinaraanan niya kaya muntikan pa silang magkabanggaan.
"Saglit na lang. Pagbigyan mo na kami..."
"Ayaw ko na nga!" naubos na ang pasensya ni Francis kaya naitulak pa niya ang kaharap. Bilang ganti ay ihinampas naman ni Wiz ang bitbit na bag sa dibdib ng pinsan. Nabigla rin kasi ito sa inasal ng nakababata kaya nadala ma rin siya sa bugso ng damdamin.
"Ang damot mo! Kahit noon pa, masyado kang malayo sa amin samantalang ang turing namin sa iyo ay kapatid na! Nagmumukha na kaming tanga sa kakalapit sa 'yo, pero ikaw, layo naman nang layo!'
"Hindi ako maramot! Palagi niyo na lamang akong dinadamay sa kalokohan niyo!" pagkontra ni Francis sa tinuturan sa kanya. "Napapahamak tuloy ako!"
"Kalokohan ba ito sa tingin mo?" nasasagad na rin ang pagtitimping tinanong ni Wiz. "Oo na, maloko nga ako at mukhang walang kwentang tao pero ito lang ang sisiguruhin ko sa inyo! Hindi ako gagawa ng isang bagay na ikapapahamak niyo dahil kapamilya ko kayo. Kahit may katigasan ang ulo mo, pagpapasensyahan kita pero huwag mo naman tatanggalin ang respeto mo sa akin bilang kuya!"
"Hindi ko naman sinabi na itrato niyo ako na kapamilya, hindi ba?" nanlilisik ang mga matang ibinalik niya ang tanong kay Wiz. "At, hindi kita kuya! Pinsan lang kita! Lahat kayo, mga pinsan ko lang kayo! Tandaan niyo 'yan!"
"Tama na!" pag-awat ni Uno dahil nagkakainitan na ang dalawa. Siya rin ay nasaktan sa mga binitiwang salita ni Francis pero nagpigil na rin siyang magkumento upang hindi na lumaki ang g**o. "Huminahon kayo!"
Tinalikuran na ni Francis ang tatlo. Desidido na siyang iwanan sila kaysa lumala pa ang away nila. Pakiramdam niya ay pagtutulungan din naman nila siya kaya walang dahilan upang makipag-argumento. Tutol talaga kasi siya sa plano nila pero ayaw naman nilang makinig sa kanya.
Ang sa kanya lang ay tanggap na niya ang kapalaran nila. Kinukunsidera na niyang maging pari upang hindi na siya malasin sa pag-ibig at ayaw din niyang sumugal na mamatay rin ang babae. Kahit kasi anong gawin na pag-iingat at mga seremonyas pa ang ginawa ng kanilang mga ninuno upang iligtas ang mga iniibig ay nananalo pa rin ang sumpa.
"Hindi mo man lang ako dinamayan noong mamatay ang aking asawa," mapait na sinumbat ni Wiz sa kanya bago pa man siya nakalayo. Natigilan siya sa paglalakad at pinagmasdan ang pinsan. Ang madalas na masayahing ekspresyon ni Wiz ay napalitan na ng kalungkutan. "Alam mo ba ang pakiramdam ko noon? Magpasahanggang ngayon, sinisisi ko ang sarili dahil kung hindi ako nagpumilit umibig ay buhay pa sana siya ngayon! Pero napakahirap pigilan ang puso na magmahal. Siguro, medyo maramot nga rin ako kasi gaya ng ibang mga Semira, umasa ako na maiiba ang landas ng kapalaran ko kung iibig ako ng wagas pero nagkamali ako. Gusto ko lang naman magmahal at mahalin din..."
Nakunsensya si Francis sa ipinagtapat sa kanya ni Wiz. Ramdam niya ang pighati sa kalooban nito kahit na sinisikap pa nitong magpakatatag. Marahil, hindi niya kakayanin ang pagluluksa kung mamatayan man ng nobya o asawa kaya natatakot siyang magmahal.
Ang katotohanan ay pumunta siya sa burol. Nang mabalitaan ang sinapit ng pinsan, nagpaalam muna siya sa Head Monk ng templo at nagpalipat-lipat sa mga barko upang makalibre ng pamasahe, makarating lamang sa Pilipinas. Subalit, nang makita niyang maykaya ang mga bisita at kamag-anak ay napaurong siya at nagtago na lamang. Nag-alangan siya dahil siya lamang sa magpipinsan ang hindi pinagpala sa kayamanan at mababa lamang ang pinag-aralan.
Noon ay may negosyo sila at maayos ang pamumuhay. Simula noong namatay ang kanyang ina ay naging sugarol ang ama kaya sila ay naghirap. Naisip ng tatay niya na ipadala na lamang siya sa templo dahil alam niya na hindi gugutumin ang anak niya roon.
Hindi man siya nakaranas ng gutom ay ginawa naman siyang utusan ng mga nakatatandang ampon din ng mga monghe at bihira siyang bigyan ng araw na makapagpahinga. Noong mas bata pa siya ay wala siyang magawa kung hindi tumangis dahil sa hirap ng buhay na mayroon siya. Lingid sa kaalaaman niya, tinutulungan naman siya ng mga pinsan sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera at iba pang mga pangangailagan pero ninanakaw pala iyon ng mga kasamahan kaya walang nakakarating sa kanya. Nahihiya naman siyang humingi ng tulong kina Uno, Wiz o Francis kaya nagtiis na lamang siya at sinikap na maging matatag ang kalooban kahit sabihan pa na matigas ang ulo.
Nais man niyang makasama palagi ang tatlo ay natatakot siya na ikahiya ng mga kadugo at kaawaan.
"Kaya ako nangungulit dahil gusto ko nang matapos ang sumpang ito. Hindi lang ito para sa akin, maging sa lahat ng kalalakihang Semira," pagpapaliwanag ni Wiz na unti-unti nang naging mahinahon. "Nais ko rin na makahanap ka ng babaeng mamahalin mo, Francis. Ayaw ko rin na tumanda kang walang asawa at mga anak. Narito kami para sa iyo pero iba pa rin ang may sarili kang pamilya at tahanan."
Nagkahalu-halo ang emosyon ni Francis sa mga salitang nagmula kay Wiz. Mga ilang saglit lang ay lumapit siya rito at yumakap nang mahigpit.
"Pasensya na, Kuya," pigil sa pag-iyak na paghingi niya ng paumanhin. "Nagpunta ako noon, hanggang sa libing ng misis mo ngunit natalo ako ng hiya!"
"Bakit ka mahihiya sa amin?" pagtataka niya sa pahayag ng nakababata sa kanya.
"Walang-wala ako kumpara sa inyo," pag-amin niya. "Mayaman kayo at edukado. Ako, hindi man ako naka-graduate ng high school! Gusto ko naman sanang magpatuloy mag-aral pero pinabayaan na ako ng tatay ko at kulang naman ang kita ko sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke para makapag-enrol. Paano ako makikisama sa inyo, e mga may lugar kayo sa lipunan at namumuhay na may mga pribilehiyo. Nakaka-insecure!"
"Kung 'yun ang basehan mo ng pagkatao, nagkakamali ka. Tignan mo ang magaganda mong katangian para malaman mo na walang dahilan para ma-insecure."
"Tama ka, Kuya. Pero sa nakikita ko ngayon, ang puhunan ko lang ay ang maganda kong itsura! Kaya yata ako nakakabenta ng mga kalabasa at talong dahil pogi raw ako. Mabuti na lang at gwapo ako dahil kung hindi ay nakapamalas kong Semira..."
Napakurap-kurap si Wiz sa deklarasyon ng nakayakap sa kanya tungkol sa puhunan na mayroon siya. Hindi na lamang niya pinansin iyon at tinuon ang pansin sa pagpapalubag ng kalooban sa pinsan.
"Huwag mo nang iisipin ang sasabihin ng iba. Para sa amin, ang tingin namin sa iyo ay tunay na kapatid. Kahit na sinusungitan ka ni Uno madalas, labs ka niyan," paniniguro niya kay Francis na maluha-luha na dahil naliliwanagan na ang isip niya na tunay na may malasakit ang mga pinsan."Kung may kailangan ka, huwag kang magdalawang-isip na lumapit. Kaya nga sinusundo ka na namin, hindi lang para mahanap ang duwende kasi balak ka na talaga namin iuwi. Pag-aaralin ka namin para kapag nakapagtapos ka na, makapagsimula ka at makabangon muli. Hindi ka nararapat mamuhay bilang isang ulila. Narito kami para sa iyo."
Umakbay na rin sa kanila sina Uno at Mike. Ramdam ng bawat isa na sila ay magkakaramay at magkakakampi. Kailan man ay hindi sila mag-iisa kahit ilang babae ang dumaan sa kanilang buhay. Mabigo man sila sa misyon at magunaw man ang mundo, kampante sila na walang bibitiw sa samahan nila na higit pa sa magkakapatid.
Maligaya na sana sila sa realisasyon subalit napansin nila ang luhaang si Mike.
"Bakit ka umiiyak?" naitanong nila.
"Hindi ko mapigilan!" paghagulgol niya na tila ba ay nabiyak ang kanyang puso ng isang libong beses. Kinuha niya ang panyo mula sa kanyang bulsa at sumingha ng malapot na sipon. "Na-touch ako!"
Napalitan ng tawanan ang kani-kanina lamang na hindi pagkakaunawaan.
Nagpatugtog sila ng musika mula sa playlist ni Wiz at nagsimula ng sumayaw sa mga awit ng New Kids on the Block, Backstreet Boys, BTS, Spice Girls, Momoland at Black Pink upang mabuksan ang pintuan sa mundo ng mga espiritu.