Hatid-sundo ni Prinsipe Dronno si Kaira kahit na ayaw sana nito. Namimilit na siya lalo na’t nagseselos siya kay Jeff. Kasalukuyang nasa opisina siya sa katatayo niyang kompanya. May dalawa itong palapag na gusali. Nasa itaas na palapag ang kinaroroonan ng opisina niya at pinaparentahan ang ibang parte niyon samantalang sa ilalim ay isang showroom ng mga kotse. Maaliwalas ang kanyang opisina na pinalibutan ng dingding na gawa sa salamin. Mula roon ay nakikita niya ang parking lot sa kaliwang banda, samantalang sa harap ay isang kongkretong sidewalk at ang malapad na kalsada. May nakikita siyang mga taong paroo’t parito sa hapong iyon. Nakakasilaw pa rin ang araw kahit sa mga sandaling ito kaya napaiwas siya ng tingin mula sa kanluran. Ipinihit niya ang kinauupuang swivel chair at tina

