Pero pakiusap... huwag ka muna magmahal ng iba. Hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Van kanina. Naniwala ba siyang mahal ko na si Xander kaya niya nasabi 'yon? O hindi niya lang halata na may nararamdaman pa rin ako para sa kanya? Katangahan mo kasi, Chastine. "Ano ba ang nangyari at mukhang malalim ang iniisip mo?" sumandal si Samantha at humarap sa akin. Umayos ako ng tayo. Nandito kami ngayon sa balkonahe. Pagkatapos ng nangyari kanina, pakiramdam ko pagod na pagod ako at kailangan ko magpahinga. "Iniisip ko lang ang kalagayan ni Yna. Sana hindi mapabayaan 'yong dinadala niya," sagot ko. "Huwag mo nga ako lokohin. Alam kong si Viniel ang iniisip mo. Anong meron, Cha?" Humarap ako sa kanya. Malungkot akong napangiti. Hindi ko na alam kung paano ko pa tatakasan ang lahat ng ito.

