ANG BILIS ng panahon. Namalayan na lang ni Anika, isang buwan na pala mula nang una siyang tumapak sa maynila. Ang dami-dami nang nangyari na para bang isang taon na ang lumipas. Maayos na ang lagay ng Tatay niya. Nasa ospital pa rin ito kasi hindi pa naaalis ang brace ng binti nito pero mas malakas na raw ito kaysa dati. Sa susunod na linggo raw ay puwede na ito bumiyahe pabalik sa isla pero hindi pa nga lang pwede mangisda. Kaya nagpadala siya ng pera sa Nanay niya pagkasuweldong pagkasuweldo niya. Sa mga susunod na buwan, hangga’t hindi pa tuluyang malakas ang kanyang ama, siya muna ang bahala sa gastusin ng pamilya niya sa isla. Sa kabilang banda, hindi pa rin sila nakapag-usap ng Mama ni Trick. Katunayan ay hindi pa sila nagkikita uli mula nang umalis siya sa mansiyon ng

