chapter 1

1561 Words
"Melaneeey!" Pabuntonghininga kong nilingon ang pamilyar na boses na tumawag sa pangalan ko. "Melanie," nakasimangot kong pagtatama sa kaibigan kong malapit ko nang itakwil dahil sa kaka-murder ng pangalan ko. "Eh, kesyo Melani o Melaney ay pareho lang iyan," balewala pa nitong katwiran na may kasama pang kumpas ng kamay. "Kaysa naman tawagin kitang Aning." Tukso sa'kin no'ng mga bata pa kami ang pangalang Aning dahil ang kilalang Aning dito sa'min ay iyong may problema sa pag-iisip na laging may hila-hilang mga lata at pasan-pasang sako. "Wala ka na talagang pag-asa, Constancia," buwelta ko at diniinan pa ang pangalan niya. "Tania nga," lukot ang mukhang pagtatama niya sa'kin. "Tan- ya." Binagalan niya pa ang pagkakabigkas na para bang sa aming dalawa ay ako iyong pilipit ang dila. "Cons-tan-cia..." taas-kilay kong ulit. Nanghahamon ang tinging binigay ko sa kanya. Kailangan niya munang ayusin ang pagkakabigkas sa pangalan ko bago ko siya tawaging Tan-ya. "May trabaho pa naman sana akong offer sa'yo," umirap niyang wika. Agad niyang nakuha ang atensiyon ko dahil dalawang linggo na akong naghahanap ng trabaho. Hirap akong makahanap ng bagong trabaho matapos akong umalis doon sa dati kong pinagtatrabahoan lalo na at hindi ako nakapagtapos ng college. Kailangan ko na talaga ng trabaho dahil tumataas na ang matrikula ng mga kapatid kong nag-aaral. Simula no'ng namatay ang ama namin ay ako na ang naging katuwang ni Nanay sa mga gastusin sa bahay. Sobrang hirap maging bread winner kaya nga siguro malapit na akong lumagpas sa kalendaryo pero hindi pa ako nagka-boyfriend. Pero iyong boyfriend - boyfriend na iyan ang pinakahuli sa kailangan kong isipin sa mga oras na ito... priority ko muna ang mga tambak na bayarin. College na ang tatlo kong mga kapatid, isa iyong graduating. Kailangan ko talagang mag-doble kayod lalo na at kulang na kulang ang kinikita ni Nanay sa maliit naming tindahan. "Anong trabaho naman iyan?" interesado kong tanong kay Tania. "Baka katulad iyan no'ng huli ha," nakapamaywang kong dugtong. Iyong huli kasi ay pinasok niya akong waitress sa bar. Okay naman sana iyong sahod at mabait iyong amo, kaso hindi ko kayang tiising makipag-usap sa mga lasing na customer. Wala akong pasensya lalo na at nagiging malikot na ang kamay no'ng iba dala nang kalasingan. "Naghahanap ng tutor iyong pinsan ng amo ko para sa anak niya," sagot sa'kin ni Tania. Nagtatrabaho si Tania bilang isang kasambahay sa siyudad at kasalukuyang nagbabakasyon ngayon dito sa probinsya namin. Balita ko ay malaki magpasahod ang amo nito at kumpleto pa sa mga benepisyo. Pareho kaming hindi nakapagtapos sa pag-aaral at masasabi kong maswerte ito sa naging trabaho dahil kitang-kita naman na umaasenso ang kalagayan ng pamilya nito. Sa ilang taon nitong pagtatrabaho ay naipaayos na ang bahay nila na talo pa nito ang nakapag-abroad. "Five years old iyong tuturuan mo—" "Uy, hindi yata ako qualified diyan," putol ko sa kanya. "Remember, hindi ako nakapagtapos," umikot ang mga mata kong paalala sa kanya. Pinakamagandang trabaho na napasukan ko ay ang pagiging production worker sa isang malaking electronic company. Iyon ang inalisan kong trabaho dahil nagbago kasi ang management, maraming tinanggal na benefits para sa mga manggagawa at nag-iba iyong patakaran. Umuwi na lang ako rito sa probinsya namin para magbakasakali na rito makahanap ng trabaho na malapit lang sa'min. Ang problema ay dalawang linggo na akong naghahanap kahit sa kabilang lungsod pero halos walang bakante ang mga in-apply-an kong resort na pangunahing negosyo rito sa lugar namin. "Hindi kasali sa qualification na binigay ni Sir Zaynn ang academic achievement nang papasok," sagot ni Tania. "Ang importante ay ang recommendation galing sa amo ko!" "Eh, hindi naman ako kilala ng amo mo," paingos kong wika. "Pero kilala kita," may pagmamalaki niyang sagot. "Ikaw ang pinakamatalino sa batch natin. Sayang lang at tumigil ka sa pag-aaral." "Ano naman ang koneksiyon nang pagkakilala mo sa'kin sa kakailanganin kong recommendation galing sa amo mo?" "Hello, ako lang naman ang inutusan ni Madam Mia na humanap nang mapagkatiwalaang tutor para sa pamangkin niyang si Zeus," nakangiti niyang sagot. "Talaga?" napakurap-kurap kong tanong. "Sa tingin mo ay pwede ako riyan?" May pagdadalawang-isip ako dahil hindi ko pa nasubukang maging tutor. Tanging tinuturuan ko noon ay iyong mga kapatid ko, pero hindi naman siguro iyon pwedeng ituring na experience. "Aba syempre! Pwedeng-pwede ka," puno ng kumpyansang sagot ni Tania. Sa kabila nang pinakita niyang tiwala sa kakayahan ko ay hindi pa rin ako gano'n ka-confident sa sarili ko. "Kasing yaman ba ng amo mo iyang magiging amo ko?" usisa ko. "Higit na mas mayaman si Sir Zaynn," namimilog ang mga matang sagot ni Tania. "Alam mo iyong Aldana Holdings? Isa siya sa mga may-ari niyon." tanong niya. Pakiramdam ko ay lalong lumabo ang posibilidad na matatanggap ako bilang tutor ng anak no'ng Sir Zaynn na tinutukoy niya. Paano bang hindi gayong ang mga Aldana ay ang isa sa pinakamayamang pamilya dito sa bansa. Halos lahat ng mga malalaking negosyo rito at sa labas ng bansa ay konektado sa mga Aldana. Ang Aldana Holdings ay isang malawak na korporasyon na binubuo ng iba't ibang malalaking kumpanya na nanamayagpag sa iba't ibang industriya. Kasama na rito ang mga larangan ng imprastruktura, medisina, teknolohiya, at transportasyon. "Bakit kaya hindi na lang sila kumuha ng tutor mula sa mga kilalang agency?" tanong ko kay Tania. Para sa katulad ng mga Aldana ay iyon ang pinakamagandang gawin at tiyak na makakasiguro silang qualified talaga ang makukuha nila. "Ginawa na ni Sir Zaynn iyan," balewalang sagot ni Tania. "Ayon, lahat ay hindi nagtagal kaya this time ay si Madam Mia na ang pipili nang magiging tutor ni Zeus." "Ilang taon na nga ulit iyong Zeus?" tanong ko. "Five years old, matalinong bata kaya hindi ka mahihirapang magturo," sagot niya. "Bakit parang siguradong-sigurado ka riyan?" naningkit ang mga mata kong tanong. "Kasi ako iyong nagtu-tutor kay Zeus nitong nakaraang wala siyang tutor," sagot niya. "Wala namang reklamo si Sir Zaynn sa trabaho ko at gusto nga sana niyang ako na lang iyong kukunin, pero hindi pumayag si Madam Mia. Ayaw ko namang iwanan si Madam dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya at mas kilala ko na ang ugali ng mga amo ko at katrabaho roon kumpara doon sa kanila ni Sir Zaynn," mahaba niyang kwento. "Magkalayo ba ang bahay ng mga amo natin?" "Magkatabing subdivision lang naman," tugon ni Tania. "Pwede tayong magkita sa day off natin." Tahimik akong napatitig sa kaibigan ko habang nag-iisip. Gusto kong i-grab ang opportunity, pero meron pa rin akong agam-agam. "Malaki iyong sahod," pangungumbinsi pa ni Tania sa gitna nang pag-iisip ko. "Lagpas sa minimum na natatanggap ng mga karaniwang manggagawa. Para ka na ring nag-abroad tapos mababait pa iyong mga Aldana." "Iyong mga magiging amo ko ba ay mabait din?" seryoso kong tanong. "Uhm-oo!" Kumunot ang noo ko dahil medyo may mali sa sagot niya. Inosente niya akong nginitian kaya pakiramdam ko ay guni-guni ko lang iyong tila pagdadalawang-isip sa boses niya. "Isa lang ang magiging amo mo," mabilis niyang dugtong sa naunang sinabi. "Si Sir Zaynn lang dahil wala siyang asawa. Single dad siya." Pabulong niya pang sinabi ang huling pangungusap. "Naging tutor ka no'ng anak ni Sir Zaynn, so nakilala mo na ito?" "Minsan ko lang siya nakita, pero si Madam Mia ang kinausap niya," napaisip na sagot ni Tania. "Kay Madam Mia ko rin nalaman na gusto akong i-permanent tutor ni Sir Zaynn sa anak niya." "So, hindi mo talaga na-try makausap iyong Sir Zaynn, kahit minsan?" kunot-noo kong tanong. "Lagi iyong out of the country," sagot niya. "Sobrang busy at tanging si Madam Mia ang kinokontak tungkol kay Zeus. Kapag magiging stay-at-home tutor ka na ni Zeus ay baka ikaw na ang kakausapin nito tungkol sa bata." Parang wala pala itong oras sa anak. Kawawa naman pala iyong bata. Tama bang magkaroon ng mother instinct kahit na hindi pa nagka-jowa? "Ano ba ang requirements para makapag-apply?" maya-maya ay tanong ko kay Tania. Agad nagliwanag ang mukha nito at lumaki ang pagkakangiti. Kung makapag-react naman ito ay parang may porsyento sa sasahurin ko! Napapailing na lang ako habang masaya niyang inisa-isa ang mga kailangan kong dokumento. Meron na ako nang mga nabanggit niya kaya wala na akong poproblemahin. Ang kailangan ko na lang gawin ay ang magpaalam kay Nanay at sa mga kapatid ko. Ayon kasi kay Tania ay isasabay niya ako sa pagbabalik niya sa siyudad. Isa rin pala sa dahilan nitong bakasyon niya ay ang makahanap ng tutor. Hindi ko alam kung bakit parang rush iyong paghahanap. Marami pa akong gusto sanang usisahin pero nauna nang dumaldal si Tania tungkol sa kailangan kong gawin pagkarating namin sa siyudad. Unang-una roon ay ang gagawing interview sa'kin ng amo ni Tania. Wala raw sa bansa si Sir Zaynn kaya aasahan kong next week ko pa ito makikilala. Sa paraan nang pagsasalita ni Tania ay parang expected na niyang matatanggap ako sa trabaho. Hindi ko masabi kung malaki lang ba talaga ang tiwala niya sa'kin o sadyang kailangang-kailangan na talaga nila ng tutor para doon sa anak ni Sir Zaynn. Hindi ko pa man nakikilala itong magiging amo ko ay nabubuo na sa isip ko ang posible nitong hitsura. Dahil isa na itong ama at busy pa sa trabaho ay nakikinita ko ang isang medyo may katabaang mama na medyo kalbo. Sana lang ay totoong mabait ito dahil parang bagay sa mataba nitong pisngi ang magiging palangiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD