Hindi naman sa pang-aano ha, pero ramdam ko talagang hindi ako welcome pagkarating ko sa bahay ng bago kong amo.
Hindi ko pinapansin kanina ang kalamigan ni Ate Geng na siyang kasamang katulong ni Zeus sa bahay ni Madam Mia kasi iniisip ko na baka nanibago lang ito sa'kin. Pero ngayong nakilala ko na iyong ibang makakasama ko rito sa bahay ay napagtanto kong ayaw nila sa'kin.
Hindi ako palangiti na tao pero sinubukan kong ngitian ang mga ito. Ang nakuha kong sagot ay tanging pormal na tango. Parang ayaw ngang tumingin sa'kin nang diretso ng mga ito. Na-deadma ang beauty ko at halatang iniiwasan ako ng mga ito.
Tsaka napansin ko pa iyong iba na nagbubulungan habang nakatingin sa direksiyon ko. Nang mapansing nakatingin ako ay tumigil agad ang mga ito kaya halatang ako ang paksa ng usapan. Ilang pailalim na tingin din ang nakuha ko roon sa ibang mas bata pa sa'kin.
Okay naman ang pakikitungo no'ng iba kay Tania. Sa'kin lang talaga sila medyo aloof na tila ba ay inaasahan nilang anytime ay gagawa ako ng hindi maganda. Mukha ba akong masamang tao? Pero sabagay, sa yaman ng mga De Aldana at ng ama mismo ni Zeus ay valid naman ang pagiging maingat ng mga taong nagtatrabaho sa kanila.
Pero sa rami ng mga security guard na nakabantay sa paligid nitong bahay ay wala naman sigurong makakalusot na masamang tao. Talagang masama lang ang ugali no'ng mga makakasama ko sa trabaho!
Mabuti na lang at hindi ko sila makakasama sa maids quarter at may sarili akong silid sa itaas nitong mansion, malapit sa kwarto ni Zeus.
Sa kabila ng malamig nilang pagtanggap sa'kin ay hindi ko pa rin napigilang mapatunganga sa laki nitong bahay ng bago kong amo. Mas malaki pa nga ito kumpara sa bahay ni Madam Mia. Kaya pala ang daming katulong dahil sobrang laki ng lilinisin.
Hindi ko na nga isa-isang natatandaan ang mga pangalan no'ng mga pinakilala sa'kin. Iyong mayordomang si Manang Barbara lang ang tumatak sa isip ko. Hindi man ito ngumingiti ay hindi ko naman naramdaman na ayaw nito sa'kin.
Mukha naman itong mabait dahil ito ang unang nilapitan at binati ni Zeus pagkarating na pagkarating namin. Ito lang din ang kumausap kay Zeus sa paraan kung paano kakausapin ang isang limang taong gulang na bata. Iyong ibang mga katulong ay halatang hindi na bata ang turing kay Zeus kundi ay amo nila, masyadong pormal na para bang malaking mama na ang kanilang kaharap.
Siguro kaya ayaw mag-full time tutor ni Tania kay Zeus dahil ang laki ng pinagkaiba ng magaan at masayang samahan ng mga katulong doon sa bahay ni Madam Mia kumpara rito na nakakatensiyon at parang kailangang mag-ingat sa bawat kilos.
"Ganito ba talaga rito?" hindi ko napigilang tanong kay Tania nang mapagsolo kaming dalawa sa nakatalagang silid para sa'kin. Habang nandito ay magkasama muna kaming mananatili sa silid na ito.
"Paanong ganito?" nagtatakang tanong ni Tania habang inaayos ang kanyang mga gamit sa loob ng closet.
Nakaupo sa gilid ng kama habang pinapanood ang ginagawa niya. Nauna ko nang ayusin iyong sa'kin. Konting gamit lang naman ang dala ko kaya mabilis kong na-organize.
Medyo may kalakihan ang kabuuan nitong silid at may sarili pa talagang malaking flat screen TV kaya pakiramdam ko tuloy ay hindi ako katulong at nasa isang mamahaling hotel room lang ako. Aircon ang buong silid at unang beses kong makakatulog sa malambot na kama. Maging ang banyo ay na-check ko kanina pagkapasok namin ni Tania at pwedeng-pwede itong tirhan dahil sa laki at linis.
Pero hindi itong silid naman ang concern ko kundi ay ang mga taong makakasama ko habang nandito ako. Magkaiba man kami ng mga trabaho ay mas maigi pa rin iyong magkakasundo kami dahil nasa iisang bahay lang kami nakatira.
"Parang ang susungit ng mga katulong dito," pabulong kong sagot. Kami lang naman ang nandito pero hindi ako komportableng lakihan ang boses at baka ay may makarinig.
"Ay napansin mo rin pala," nakabungisngis niyang wika. "Istrikto kasi ang pamamalakad dito kumpara doon sa amo ko," balewala niyang dugtong.
"Pero, 'di ba sabi mo mabait naman si Sir Zaynn?" kunot-noo kong tugon.
Huminto sa kanyang ginagawa si Tania at humarap sa'kin.
"Ang sabi ko ay mabait ang mga De Aldana," malumanay niyang paglilinaw. "Wala akong maalalang sinabi ko na mabait si Sir Zaynn."
Kunot-noo kong binalikan ang pag-uusap namin bago pa ako nakapagdesisyong susubukan ang alok niyang trabaho. Natatandaan ko na tinanong ko siya kung mabait ba ang magiging amo ko. Ilang sandali muna akong nag-iisip bago maalala ang eksakto niyang sinagot... iyong oo na medyo hindi dahil sa kanyang tono.
"So, hindi katulad ni Madam Mia iyong pinsan niya?" bagsak ang balikat kong usal. "Hindi ito mabait," wala sa sarili kong usal na ang tinutukoy ay si Sir Zaynn.
"Okay naman si Sir Zaynn," pahayag ni Tania.
Sinamaan ko siya ng tingin.
"Ano ba talaga?" naiinis kong tanong. "Mabait o hindi?"
"Depende naman kasi sa pagkakilala natin sa tao iyong pagiging mabait at hindi," nakanguso niyang sagot. "Para sa'kin ay mabait naman talaga si Sir Zaynn..." Nilakihan niya pa ang mga mata na tila ba gusto akong kumbinsihing maniwala.
Parang lalong ayaw kong maniwala. Sisisihin ko talaga ang babaeng ito kapag maaga akong masisante dahil lumaban sa among masungit.
"Parang may naririnig akong 'pero' sa dulo..." matalim kong turan habang pinagdiinan ang salitang 'pero'.
"Pero medyo babaero nga lang," nakangiwi niyang usal. Binabaan niya ang tono na para bang isang malaking sekreto ang pinagtapat niya sa'kin.
"Babaero?" napakurap-kurap kong pag-uulit. Hindi ko ma-imagine ang isang matabang kalbo na babaero.
Pero hindi rin naman iyon imposible dahil sobrang yaman nito. Nakakapogi kaya iyong pera! Kahit naman ako kung papipiliin kung doon sa gwapo na walang pera o doon sa hindi kagwapuhang mapera, syempre practical ako. Pera ang pipiliin ko kaya magpapakakuba ako sa trabaho! Hindi naman kasi ako mahilig sa lalaki, pogi man o mapera! Tatay ko lang iyong matinong lalaki para sa'kin kaya nga hindi ako nagka-boyfriend kahit minsan.
Hindi naman ako man hater o may hindi magandang karanasan sa mga lalaki, ganito lang talaga ako.
"Sobraaaa..." namimilog ang mga matang pahayag ni Tania. Madrama pa ang pagkakasabi niya at medyo pahaba upang i- emphasize ang ibig niyang iparating. "Paanong hindi gayong iyong mga babae mismo ang naghahabol sa kanya."
Maang akong napatitig sa kaibigan ko habang nagkukwento siya. Hindi talaga sumakto sa nai-imagine kong hitsura ni Sir Zaynn ang pagiging babaero nito.
"Baka iyong pera ang habol no'ng mga babae," hindi ko napigilang tugon.
"Hindi rin siguro lahat," saad ni Tania. "Kasi karamihan sa mga babaeng iyon ay galing sa mayayamang pamilya. Hindi nga lang kasing-yaman ng mga De Aldana pero talagang mayayaman!" May pagkumpas-kumpas pa siya ng kamay habang nagsasalita.
"Masyado sigurong mataas ang standard ni Sir Zaynn," usal ko. Sigurado akong maganda ang ina ng anak nito dahil gwapong bata si Zeus.
"Pwede ring wala na siyang balak magseryoso sa babae gayong priority niya si Zeus," turan ni Tania.
"Nasaan pala ang nanay ni Zeus?" bigla ay curious kong tanong.
"Ssshhh...." Mabilis na tinakpan ni Tania ang bibig ko upang patahimikin ako.
Medyo huli na ang reaksiyon niya dahil tapos na akong makapagtanong.
"Iyan ang huwag na huwag mong babanggitin sa pamamahay na ito," nandidilat na babala sa'kin ni Tania.
Lukot ang mukhang inalis ko ang kamay niyang nakatakip sa bibig ko upang makapagsalita ako.
"Iyong nanay ni Ze- aray!" Nauwi sa reklamo ang gusto ko sanang itanong dahil muli na naman niyang tinakpan ang bibig ko.
Inis ko tuloy tinampal ang kamay niya kaya agad din niyang inalis. Sinamaan ko siya ng tingin at pasimpleng pinunasan ang bibig ko. Pasmado ang kamay ng babaeng ito, masyadong pawisin kaya medyo basa ang palad na dumikit sa'kin.
"Wala namang makakarinig dito," nayayamot kong wika. "Takip ka nang takip sa bibig ko!" mataray kong reklamo.
Makahulugan ko pang inilibot sa silid ang tingin ko bago matalim na sinulyapan ang saradong pinto.
"Paano kung meron?" nandidilat niyang tanong matapos sumulyap sa direksiyon nang tinitingnan kong pintuan."Eh, dalawa pa tayong malalagot." Sinamaan niya ako ng tingin nang muling magtagpo ang mga mata namin.
"Bakit hindi pwedeng banggitin iyong- iyong gurl!" Mabilis kong binigyan ng code name ang nanay ni Zeus nang pandilatan ako ni Tania.
"Hindi ko rin alam," kibit-balikat niyang sagot. Ngali-ngali ko na talaga siyang pektusan.
Pinasabik niya lang ako sa tsismis tapos kulang pala sa impormasyon!
"Basta iyan iyong binilin sa'kin ni Madam Mia no'ng nagsimula akong maging temporary tutor ni baby Zeus," pahabol ni Tania sa walang kwenta niyang sagot sa tanong ko. "Parang taboo sa pamamahay na ito ang banggitin ang nanay ni baby Zeus. Kaya huwag na huwag mong gagawin iyon!" mariin niyang pang payo sa'kin.
Napilitan tuloy akong tumango kahit na marami pa sana akong gustong itanong. Seryosong-seryoso kasi ang ekspresyon ni Tania na para bang nakasalalay sa pagsunod ko sa sinabi niya ang kinabukasan ng sanlibutan.
"Pero bakit parang ayaw sa'kin no'ng mga katulong dito sa bahay?" maya-maya ay naisipan kong itanong.
"Siguro dahil iyon sa mga naunang tutor na pinalitan mo," napaisip na sagot ni Tania.
"Bakit? Anong ginawa ng mga iyon?" napakurap-kurap kong usisa.
"Lahat ng mga iyon ay hinangad na maging Mrs. De Aldana," seryosong sagot ni Tania. "At talagang umastang gano'n," dagdag niya pa.
Awang ang mga labing napatitig ako sa mukha ni Tania habang pinoproseso ang mga sinabi niya.
"Kasama ka ba roon?" tanong ko.
"Baliw!" malutong na mura ni Tania sabay hila ng dulo ng buhok ko. "Walang karapatan ang mga katulad natin na sumulyap kahit sa anino ng isang Zaynn De Aldana." Inirapan pa ako ng gaga.
Halata sa reaksiyon nito na wala itong romantic interest sa amo ko na minsan nitong naging amo. Mahilig sa gwapo itong si Tania kaya ang kawalan nito ng interes kay Sir Zaynn ay patunay lang na hindi kagwapuhan ang lalaki. Mapera lang talaga ito kaya habulin ng babae!