chapter 7

1567 Words
Sa pangalawang araw ko sa trabaho bilang tutor at temporary guardian ni Zeus ay gamay ko na agad ang trabaho. Malaking tulong si Tania at Attorney Aaron upang mabilis matutunan ang mga dapat kong gawin. Advantage rin na hindi mahirap pakisamahan si Zeus. Nawaglit sa isip ko ang tungkol sa ama nito na siyang amo ko. Sa susunod na linggo pa naman ang uwi nito ayon kay Attorney Aaron. Iyong mga katulong naman dito sa bahay ng amo ko ay medyo umayos-ayos na ang pakikitungo sa'kin matapos nila malamang kababata ako ni Tania. Kahit na ilag pa rin iyong iba at least hindi na kalaban ang tingin nila sa'kin. Tungkol naman sa ginagawa kong pagtuturo kay Zeus ay parang hindi naman talaga nito kailangan ng tutor. Matalinong bata ito kaya ako pa nga iyong nagugulat na kahit masyadong advance ang pinapasukan nitong preschool ay walang kahirap-hirap itong nakakasabay. Kakaiba talaga ang training para sa mga mayayaman at nakatakdang magmana ng isang malaking kompanya. Nakakapanlumo na parang hinire lang talaga ako para maghatid-sundo kay Zeus at tagapag-alala sa mga homework nito. Pero mukha namang nag-e-enjoy si Zeus sa pag-aaral nito kaya posible pa rin ang kagustuhan ni Madam Mia na magiging masaya ang childhood nito. Nabalik ako sa kasalukuyan nang matanaw ko si Zeus na papalapit sa kinaroroonan kong sasakyan. Agad akong bumaba upang salubungin ito. Malaki ang ngiting kumaway-kaway ako nang maagaw ko ang pansin nito. Parang may pumitlag sa puso ko nang makita ko kung paano nagliwanag ang buo nitong mukha pagkakita sa'kin. Kusang humakbang ang mga paa ko pasalubong sa kanya habang nagsimula na siyang tumakbo patungo sa direksiyon ko. "Tita Mel!" malaki ang pagkakangiti nitong bungad sa'kin nang nasa mismong harapan na niya ako. "Ilang stars nakuha mo ngayon?" nakangiti kong tanong sa kanya. Naupo pa ako upang matapatan ko siya. Kinuha ko na rin ang dala niyang bag. Tanging snack box lang naman ang laman nito at activity book kaya sobrang gaan. Karamihan sa mga gamit nila sa pag-aaral ay iniiwan nila sa classroom at tanging activity book kung nasaan ang homework ang pinapadala ng teacher pauwi. Kumpleto rin siya ng mga gamit sa bahay kaya hindi na niya kailangang magdala niyon sa kanyang bag. "Wow! Ang galing!" masigla kong puri sa kanya nang proud niyang pinakita sa'kin ang kamay na may limang stars. "I'm being good, so Teacher Fe gave me an extra star!" pagbabalita pa nito. Nakangiti kong ginulo ang buhok niya bago kinuha ang cellphone ko upang mag-selfie kami. Naging routine ko na ang kumuha ng larawan tuwing may achievement siya at pinapasa ko ito kay Madam Mia na naging chat mate ko na simula no'ng unang araw ko rito. Hindi man nito direktang hinihiling pero ramdam kong gusto nito ang lagi kong pagpapadala ng mga larawan ni Zeus bilang update. Kaka-send ko nga lang ay agad akong nakatanggap ng reply mula kay Madam Mia. Hindi pa ito nagkasya sa ni-reply na heart emoji at tumawag pa talaga ito. Agad ko namang sinagot ang tawah at ibinigay kay Zeus ang cellphone ko upang makausap ang tiyahin. "Wow, nakaka-proud naman ang baby naming iyan," malambing na kausap ni Madam Mia kay Zeus matapos itong batiin ng huli. "I got the most stars today!" pagbibida ng bata kay Madam Mia. Hawak ko ang isang kamay ni Zeus habang nasa kabilang kamay nito ang cellphone ko at kausap sa video call ang tiyahin. Naglalakad na kami palapit sa naghihintay na sasakyan habang nag-uusap ang dalawa. Maingat kong binuhat pasakay si Zeus at nahagip pa ng tingin ko si Madam Mia na kausap niya. "Hi, Melanie," mabilis nitong bati sa'kin. "Good afternoon po, Madam," magalang kong bati rito. "Pauwi na ba kayo?" tanong nito. "Opo," sagot ko habang inaayos ang pagkakaupo ni Zeus. Dalawang oras lang ang klase ni Zeus tuwing Wednesday kaya maaga kami ngayon. Sa ibang araw ay tatlong oras ang klase ng bata at pawang umaga ang schedule. Tuwing Wednesday lang hapon ang klase niya. Bumalik na sa pakikipag-usap kay Zeus si Madam Mia habang tahimik lang akong nakikinig. "Tumawag na ba ang daddy mo?" Bigla ay tila lumapad ang tainga ko nang marinig ang tanong ni Madam Mia kay Zeus. Gusto ko ring malaman ang sagot dahil hindi pa nataong kasama ko si Zeus at tumawag ang kanyang ama. "Yes, Tita 'My," bibong sagot ni Zeus. "He'll be coming soon," masaya pa nitong dugtong. Halatang gustong-gusto na ni Zeus na makauwi ang ama. Kahit pa sabihing nasa tuktok ng pedestal ang pamilya nila ay hindi pa rin iyon masasabing perpekto. Masyado nang unfair sa aming nasa baba kung gano'n sila kasuwerte, pero wala rin naman masama kung magkakaroon ng gano'ng pamilya itong si Zeus. Ewan ko ba, sa ilang araw kong pagkakilala sa batang ito ay naging malapit na agad ito sa puso ko. Ang bait kasi nito at sobrang gwapo pa. Ano kaya hitsura ng nanay nito? Nakarating na kami sa bahay at patuloy pa rin ang masayang pag-uusap nina Madam Mia at Zeus. Wala ngayon dito sa bansa ang huli dahil umalis ito kahapon. Malalaki na ang dalawang anak ni Madam Mia na parehong nag-aaral sa ibang bansa kaya kay Zeus nalipat ang buong atensiyon nito simula nang isilang ang bata. Hindi na nakapagtataka kung bakit may sariling playroom si Zeus sa bahay nito. Sa tingin ko rin ay mas on-hands pa siguro sa pag-aalaga ng pamangkin si Madam Mia kaysa mismong ama ng bata. Kahit walang ina ay higit na maswerte pa rin itong si Zeus kumpara sa ibang mga bata. Secured na ang future nito simula nang isilang ito. "Zeus, dahan-dahan lang," mabilis kong paalala nang pagkababa ng sasakyan ay mabilis na nagtatakbo papasok ng bahay si Zeus. Tiyak na excited na itong ipagyabang ang mga nakuhang stars sa mga kasama namin sa bahay. Iniwan na nga nito ang cellphone ko kung saan ay kasalukuyan pa ring on-going ang tawag nila ng tiyahin. "Sundan mo na iyon, Melanie," pumapalatak na utos sa'kin ni Madam Mia nang ako na ang humawak sa cellphone ko. "Tumawag ka sa'kin kapag magkaproblema," bilin pa nito. "Sige po, Madam," magalang kong tugon. Ito na ang hinayaan kong pumatay ng tawag bago ko kinuha ang bag ni Zeus at sumunod dito sa loob. Pagkapasok ko sa grand foyer ay agad akong napahinto nang mamataan ang ilang mga katulong na nakahelira at parehong nakaharap sa hindi ko kilalang babae na parang reynang nakatayo sa pinakagitna. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa mga katulong at sa babae habang inaanalisa ang sitwasyon nadatnan. Kapansin-pansin ang tila pagkabalisa ng mga kasambahay habang kaarogantihan naman ang pinapakita ng babaeng kaharap ng mga ito. "Come here, Zeus," utos ng babae kay Zeus. Agad tumuon ang tingin ko sa batang nasa tabi ng isa sa mga katulong. Matapos kausapin ng babae ang bata ay pasimpleng humakbang si Ate Geng upang iharang ang sarili sa pagitan ni Zeus at ng bisita. Hindi ko makita si Tania o ang mayordomang si Manang Barbara. Malinaw ang tensiyon sa pagitan ng babae at sa panig ng mga kasambahay. "Zeus, do you hear me?" muli ay mataray na untag ng babae kay Zeus nang hindi ito kumilos upang sumunod sa utos niya. Kababakasan nang pag-aalala si Ate Geng at ang tatlo pa nitong mga kasama. "Tita Chieanne, ayaw ko," nakangusong tugon ni Zeus. Umawang ang bibig ko dahil unang beses ko itong narinig na nagsalita ng hindi english. Kaya naman pala nito, akala ko ay nakakaintindi lang ito at hindi gaanong nakapagsalita. "Don't be rude, Zeus," matalim na saway no'ng tinawag na Chieanne ni Zeus. "Is that what these people taught you?" Nang-iinsulto ang tono nito maging ang tinging binigay sa mga kaharap. Ngayon ko lang nakita itong Chieanne na ito pero ayaw ko na agad sa ugali nito. Oo nga at maganda ito, parang artista at nakakasilaw ang kinis ng kutis pero halatang masama ang ugali. Sino kaya ito? Sa asta nitong parang may-ari ng bahay ay baka isa rin itong De Aldana. "You're the one who's being rude, Tita," sagot ni Zeus. "I’ll tell Zaynn about this," mapagbantang baling ni Chieanne sa mga katulong. "You’re a bad influence on his son!" Dumaan ang hindi komportableng ekspresyon sa mukha ng mga katulong. Parehong may pag-alala sa mukha ng mga ito habang nagkakatinginan. "Mawalang galang na po, Ma'am Chieanne, pero wala po kaming masamang tinuturo kay Zeus," mahinahong wika ni Ate Geng. "Wala nga ba?" mapang-uyam na tanong ni Chieanne. "Tingnan natin kung sino ang paniniwalaan ni Zaynn. Minamanipula ni'yo si Zeus para kayo iyong kakampihan." "Zeus, stay away from them," muli ay utos ni Chieanne kay Zeus. "Don't make me say it again, or I'll contact your father and have him dismiss these stupid maids!" mataas ang tono nitong dagdag. "Excuse me po," hindi ko na napigilang pakikisabat. "Huwag naman sana kayong magtaas ng boses lalo na sa harapan ng bata," malumanay kong dugtong. Tumuon sa'kin ang matalim na tingin ng babae. Pumasada sa'kin ang mapanlait nitong tingin. "Tita Mel..." tawag sa'kin ni Zeus. Agad itong tumakbo at lumapit sa'kin. Lalong tumalim ang tingin ni Chieanne sa nasaksihan. Kulang na lang ay maglabas ng apoy ang mga mata nito lalo na no'ng kusang humawak sa kamay ko si Zeus. "Sino iyan?" mahina kong tanong kay Zeus. "Daddy's friend," pabulong ding sagot sa'kin ng bata at may patakip-takip pa ng palad sa gilid ng bibig. Halata tuloy na may sinabi siyang ayaw iparinig sa iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD