Tashi survived the week. Nabayaran niya ang renta sa boarding house. Hindi na siya nangangambang ma-evict anytime. Nakakapaglakad na siya ngayon na hindi kabado na baka makasalubong ang landlady. Kung may natira man siyang pera, maingat niya iyong ginagasta. Just in time sa susunod na padala ni Tita Loida.
Kung kailan nito maisipan.
Saka na muna siya magwo-worry. Igugugol niya muna ang buong isip sa pag-aaral. Sa araw na ito, buong umaga siyang nag-attend ng klase. Ang hapon niya naman ay ginugol niya sa library. May quiz sila sa Differential Calculus. Sa lahat, ‘yon ang masasabi niyang pamatay na minor subject. Sa silid-aklatan na rin niya tinapos ang isa pang plate sa Architectural Design. Wednesday, nasa dorm ang tatlo niyang kasama at hindi maiwasang maging maingay ang buong silid. Kailangan niyang makapag-concentrate.
Saka niya naisip, cramming week ngayon, walang tulugan dahil papalapit na ang midterm. Ibig sabihin, bayaran na naman. Bago bumalik sa dorm, nakigamit muna siya ng computer sa library. Kabilin-bilinan nito na ito ang mauunang magmi-message pero tinapangan na niya ang loob. Pakapalan na ng mukha.
“Bahala na.”
Pinindot niya ang enter key aat mag-load ang message niya. Sinadya niya pang mag-extend ng tatlumpong minuto sa library pero walang reply na nakuha. Ni isang text, wala.
“Baka bukas.”
Dalawang araw na ang lumipas, ang tahimik pa rin ng messenger niya. May isang linggo pa naman hanggang sa mismong araw ng exams.
‘Sana lang, Tita Loida, magparamdam ka na.’
Pumasok siya sa AR 201 kinabukasan na ang tiyahin at ang tuition ang laman ng isip. Nagsimula ang klase. Instead na may gagawing lecture, dinala sila ng propesor sa Makati. Sa mismong business district kung saan nagkalat ang naglalakihang mga gusali.
“Umandar na naman ang topak ni Prof,” bulong ng katabi niya nang nagbibiyahe na sila sakay ng coaster ng eskwelahan.
“Kung kailan malapit na ang exam,” nakanguso namang sabad ng kaklase niyang si Thea.
Out of the box minsan kung magturo si Mr. Felomina. Pero aaminin niya, mas marami silang natututunan. Samaniego Towers is quite a good choice. Parang ang sarap aralin ng lahat ng aspeto ng gusaling ito.
“Welcome to Samaniego Towers, Arki students!” Ang secretary mismo ng may-ari ng gusali ang nag-welcome sa kanila. Kinamayan nito ang professor at nag-hi ito sa kanila. "I am sorry to inform you, but Sir Preston is out of town. He would have loved to give you a tour.”
Inutusan nito ang isa pang empleyado na ibigay sa kanila ang kanya-kanyang visitor’s pass.
“You have to wear this ID as you go around the building. But before we’ll start with the tour, I’d like to share an important trivia to you.” Nakangiti itong tumingin sa professor. “This building is designed by none other than your prof himself.”
“Oh, come on, don’t brag too much, Sandra. Baka matakot silang i-critique ang building na ito.”
“With that note, they need to be cautious.”
Nagkatawanan ang lahat pero ang ngiti niya ay dagli ring nawala nang matanaw ang lalaking kampanteng naglalakad sa lobby kasama ang isang babaeng nakasuot ng executive attire.
‘Sir Wade?’
He walked confidently like he owned the world in his casual business attire. Kakatwa lang na parang na-excite siyang bigla pagkakita sa lalaki mula sa malayo. Ewan. Basta nagsasalita ang guro nila pero hindi niya maalis-alis ang mga mata kay Sir Wade. One thing na na-notice niya, parang ang gaan ng pakikitungo nito sa ibang tao, kakaiba kapag nag-landing na sa kanya ang paningin nito. Kahit pa nga gwardiya ay nginitian nito. Parang nawala ‘yong pagiging masungit.
“Hoy, makinig ka nga.”
“H-ha?”
Kalabit ng katabing si Thea ang umagaw ng kamalayan. Iinginuso ang nagsasalitang propesor, kaya naman umayos siya.
“I will repeat the instructions. Work by pair and list as many criticisms as you’d like about the interior of this building. Focus just only on the design and aesthetics, but also on structure and engineering. That’s it! After an hour, you can all go home and when we see each other at the next meeting, I expect a good presentation.”
Bago sinimulan ang assignment, napalingon pa siya sa labas. Wala na roon ang sasakyan ni Sir Wade.
‘Dito kaya ang workplace niya?
Imposibleng empleyado ito rito. Kita niyang bahagyang yumukod pa ang gwardiya rito.
Nag-focus siya sa task. Isang oras din ang ginugol nila ng partner niyang si Thea. Bago lumabas ng building, na-consolidate na nila ang kanya-kanyang output. Si Thea na ang bahalang magsulat niyon sa manila paper. Diretso na siyang uuwi sa dorm. May apat na plates pa siyang tatapusin na due this week.
Habang nag-aabang ng sasakyan, panay ang silip niya sa phone.
“Wala pa rin.”
Apektado na ang concentration niya pero hindi siya nagpatalo. Bago natulog, kinapalan na niya ang mukha at nakiusap sa boardmate na si Roxie.
“Rox, pwede ba akong makigamit ng PC mo? Imi-message ko lang ang tita ko.”
“Sure. Log out mo na lang ang sss ko.”
Magbabakasakali na naman siya. But then, ilang araw pa ang lumipas bago dumating ang hinihintay na sagot.
“Tashi, may message nga pala ang tita mo. Naka-log in ka pa pala sa computer ko. Promise, ‘di ko binasa. Akyatin mo na lang sa room natin. Open naman computer ko.”
Halos lundagin na niya ang hagdanan paakyat sa silid nila dahil sa sinabing iyon ni Roxie. Excited siyang hinarap ang computer at binuksan ang sss.
“Tashi, kumusta ka na? Sorry kung late kong nabasa ang message mo.”
Delayed man ang sagot ng Tita Loida, ang mahalaga, nag-reply ito. Abswelto na kaagad.
“Ganito kasi ‘yan, nagkakaproblema kami ng Tito Sancho mo dito sa Canada.”
Numipis ang pananabik niya, nabawasan ang lawak ng ngiti sa mukha. Parang may nagbabadyang disappointment sa paligid. Lately, lagi na lang may pa-intro na ganito ang mga reply ng tiyahin. Nevertheless, tinuloy niya ang pagbabasa.
“May recession ngayon dito just in time na ang daming bills. Nagkasakit ang nanay niya, tapos ga-graduate pa ngayong taon ang pamangkin niya. At ang lupa ng pamilya niya sa General Santos, kinailangan din naming tubusin.”
Ang haba ng rason. Sa haba, dumiretso na siya sa end part.
“I’m sorry, Tashi, pero baka hindi muna ako makapagpapadala sa’yo. Baka ang Tita Merriam mo, may maiabuno muna. Promise, babawi ako.”
Ano naman ang maiaabuno ng Tita Merriam kung halos masaid ang sahod nito nang tustusan ang hospitalization ng nanay niya? May mga kapatid pa siya na nasa pangangalaga nito. Kung may nakakaluwag man sa dalawa, ‘yon ang Tita Loida.
Binitiwan niya ang mouse na hawak at tila nanlupaypay ang mga balikat na napaupo sa edge ng deck niya. Nauunawaan niya naman. Unti-unting bumibitaw ang Tita Loida sa pangako nito sa tatay niya. Ibig lang sabihin lang, sarili niya lang ang maaasahan sa ngayon. Para nang mabibiyak ang ulo niya sa kaiisip kung saan kukuha ng pera. Sa lunes na ang exams. Kahit naman mag-promissory siya, kailangan niya pa rin ng partial payment.
Ang hirap ng ganito.
She was desperate, and in a moment of desperation, there was only one thing she could turn to. Mabilis niyang kinuha ang phone at tinipa ang numero ni Marie. Habang hinihintay ang sagot nito, panay naman sa pagkabog ang dibdib niya. She never thought she’d come this far.
Kailangan lang.
“Tash, napatawag ka?”
Maririnig sa background ang masayang kwentuhan ng pamilya ni Marie. Nanunuot sa tainga niya ang halakhak ni Aling Lorena. Na-miss niyang bigla ang nanay niya. Noong mamatay ito, bumitiw siya ng pangako na kahit anong mangyari, hinding-hindi siya hihinto sa pag-aaral.
Ang gagawin niya ngayon, parte lang ng pangako sa nanay niya.
“Tash?” untag ni Marie. “Nasusunog na ang niluluto ko babae ka.”
She swallowed the lump in her throat and uttered the words she never thought she'd say. Sa kabadong boses, nagawa niyang sabihin, “Marie, pwede mo ba akong i-book?”