Muli, niligtas siya ng lalaking ito sa isang hindi kanais-nais na sitwasyon. Right on time when she needed someone to stand for her the most, Sir Wade came and rescued her. The stranger suddenly got a name.
Wade.
“Keep it on my tab.”
A stranger with that raspy baritone. Naligtas na naman siya sa kompromiso gamit ang pera nito. Nakakahiya. Nakakapanliit ng self-esteem at the same time. Dapat, may sasabihin siya sa lalaki- magpasalamat at humingi ng dispensa. Kaya lang, kanina pa siya natutuod at hindi malaman kung ano ang gagawin o sasabihin. Namumuro na pati mga kamay niya sa kakakuskos sa mga ito.
“Including Chenny’s bill.”
Matapos ng komosyon kanina, sapilitang dinala ng dalawang tauhan ang babaeng natapunan niya ng drink sa labas ayon sa utos din ng lalaking ito. Halos nagwawala na ang Chenny na ‘yon pero hindi rin umobra sa lalaki.
“You wanna say something?”
Napakislot siya ng wala sa oras. Pabigla na lang kasi itong lumingon sa kanya. Napaka-intimidating pa ng boses nito. ‘Yon bang nakakataranta at nakakapanginig ng mga tuhod. Napapahiyang nagbaba siya ng paningin. Para lang kasing nakakahiyang titigan ito sa mga mata.
“Sorry po at salamat.”
Halos hindi na niya marinig ang boses niya. Kagat-labing napatungo siya. Hinagilap niya ang pasasalamat na kanina pa niya tinahi sa utak.
“Sir, thank you po ulit. Ang laki na po ng utang ko sa inyo. Hindi ko alam kung paano ko kayo mababayaran pero kahit ano pong iuutos ninyo, gagawin ko.”
Mas lalong naging pormal ang awra ng gwapong mukha nito. Lumipas ang ilang segundo na tinunghayan lang siya ng lalaki. Tumatagos na titig.
“Anything?”
Sunod-sunod na tango ang tugon niya. Pwede siyang utus-utusan nito. Pwede siyang gawing tagalinis kahit walang bayad. Gladly, ipagluluto niya ito, ipagpaplantsa, ipaglilinis at ipaglalaba ng libre.
“Anything, huh?”
Namaybay ang mga mata nito mula sa mukha niya, patungo sa kanyang kabuuan na pakiwari niya ay may kung anong kilabot na idinulot sa kanya. Naging conscious siya. Naiilang siya na ewan. Hindi niya alam kung paano niyang matatagalan ang paninitig nito. May kakaiba lang kasi sa mga titig nito. Given na maganda ang pares ng mga mata nito pero parang sinusukat naman ang kaluluwa niya.
Ang nakakainis pa, naging prominente ang malakas na pagbayo ng dibdib niya. Nagkaroon bigla ng kaguluhan sa buong sistema niya.
“Do me a favor. Go home.”
Napaawang ang bibig niya sa sinabi nito. Iba ang expectations niya.
“You don’t belong here.”
Walang anumang tumalikod ang lalaki at naglakad palayo. Both perplexed and in awe, nasundan niya na lang ng titig ang malapad na bulto ng katawan ni Sir Wade na ngayon ay dahan-dahan nang humalo sa karamihan. Saka pa lang nag-sink in ang sinabi nito. Naalarma siyang tumitig kay Ma’am Sheena.
“Ma’am Sheena, ‘di po ako maaaring umuwi-”
“Gawin mo na lang ang sinabi niya.”
‘Di man lang siya pinatapos ni Ma’am Sheena. Isang sobre ang inilapa nito sa counter at iniusog palapit sa kanya. Katulad ng nilalagyan ng sahod na natanggap niya noong unang dalawang beses niya rito. Nahihiwagaang napatitig siya roon.
“Para saan po ‘yan, Ma’am?”
Napairap ang manager. Ang tanga lang naman kasi ng tanong niya. “Tanggapin mo na lang.”
Iniwanan nito ang sobre sa counter at umalis. Kung ‘di lang talaga siya gipit, paiiralin niya sana ang pride. ‘Di na nagpadala sa hiya na tinanggap niya ang sobre nang hindi binilang kung magkano ang laman. Mabilis siyang nagtungo sa locker room. Hinubad niya ang waist apron at maingat na tinupi. Tali ng buhok ang isinunod niya. Parang nakahinga ang talukap niya mula sa malinis at mahigpit na pagkaka-bun ng kanyang buhok. Tamang suklay lang ang ginawa niya at tuluyan na ngang nilisan ang silid.
“Uwi ka na niyan?” takang tanong ng gwardiya sa staff exit na bumusisi sa laman ng bag niya.
“Napaaga ho, Kuya.”
“Baka masyado mong ginalingan.”
Ngiti na lang ang isinagot niya sa gwardiya. Masyado niya ngang ginalingan kaya maagang napauwi. Heto, nagsisimula pa lang mapuno ang parking space ng bar at mabuhay ang gabi ng mga parokyano, siya ay papaalis na.
Nagsimula siyang maglakad palabas ng staff exit na tila namimigat ang mga balikat. Nakailang hakbang na siya nang mahagip ng paningin niya ang isa sa mga sasakyang nakaparada sa parking lot. Hindi ang modelo ng magarang kotse ang lumamon ng buong atensyon niya kundi ang lalaking nakasandal sa hood niyon.
“Sir Wade?”
Nakatungo ito habang umiinom mula sa bote ng mineral water. Tila may kasunduan ang mga mata at paa nito na doon lang nakatingin. Nasa vicinity na nagkalat ang mga bar at nightclubs pero mineral water ang nilalagok ng mamang ito.
Dapat kasama na nito ang mga kaibigan sa VIP room.
May hinihintay kaya ito?
Sa hindi matukoy na dahilan, naaliw siyang titigan ito mula sa malayo. Para lang kasing nakakaengganyong panoorin ang bawat galaw nito. Kung paano nitong tunggain ang bote, kung paanong tititig sa mga paa at paraanan ng mga daliri ang buhok.
“Nasaan na nga pala si Wade? Tagal namang nakabalik.”
“Baka nakakita na naman ng ka-hook up.”
Naalala niya ang usapan sa VIP room. Sa hitsura ba naman ni Sir Wade at sa estado, madali lang itong makakahanap ng babae na papayag sa lahat ng gusto nito. Kaya siguro ang dami nitong ipong condom. ‘Yong Wade na may-ari ng condo unit at ang Wade na tinititigan niya ngayon, sigurado siyang iisa lang. Ngayon niya lang napagtanto, kaboses nito ang lalaking nasa loob ng unit.
Kasama ring dumaan sa isip niya ang kabuuan ng babaeng naratnan sa unit. Ang ganda ng babaeng ‘yon.
Sa hindi sinasadya, bigla siyang nakaramdam ng mistulang disgusto sa kaloob-looban. Para lang kasing ayaw niya sa naglalarong mga haka-haka sa isip.
‘Bakit naman?’
May sasakyang humarang sa harapan niya. May dalawang sumunod pa. Naharangan ang paningin niya. Nanlitid na nga ang ugat niya sa kasisilip sa kabilang dako pero tuluyan nang naglaho si Sir Wade sa mga mata niya. Binalak niya pa naman sanang magpasalamat.
Sa susunod na lang.
Nagpatuloy siya sa paghakbang hanggang sa narating ang sakayan ng jeep. Nakiisa siya sa pila ng mga pasaherong nag-aabang. Pagsayad ng pwet niya sa upuan, saka naman parang bumuhos ang lahat ng pagod niya, ganoon din ang biglang pagsalakay ng antok. Thankfully, nasa pinakadulong bahagi siya, may masasandalan ang ulo niya.
Sa dami ng mga nangyari sa nakalipas na isang oras, parang gusto niya na lang matulog. Ngunit kapipikit pa lang ng mga mata nang bigla namang nambulahaw ang phone. Pikit-mata niyang hinagilap iyon sa loob ng bag at sinagot.
“Hello.” Halos hindi na maliwanag ang sagot niya dahil sumabay ang paghihikab.
“Pauwi ka na niyan?”
“Oo, Marie. Nasa jeep na ako.”
Suspetsa niya, natimbrehan na ito ni Jay tungkol sa nangyari. “Okay ka lang naman ba? Hindi ka sinabon ni Ma’am Sheena?”
“Hindi naman.”
Paano siyang masasabon kung parang maamong kuting ang babae sa harapan ni Sir Wade.
“Hay, buti naman. Sige na at mukhang pagod ka. Tawagan na lang kita mamaya.”
“Okay,” humihikab na namang sagot niya.
Sa talagang inaantok siya. Kailangan niyang maghabol ng tulog dahil mamaya, ang natitirang plates na naman ang aatupagin. ‘Di pa man nagtagal, napadilat na naman siyang muli nang umalog ang jeep na sinasakyan niya. Parang nawala ang antok niya, lalo pa at ang lakas ng pagmumura ng katabi niyang babae.
“Manong, magdahan-dahan naman!”
Naalibadbaran siya sa bunganga nito. Ibinaling niya ang mukha patungo sa labas at nakahanda na sanang pumikit nang makita ang sasakyang nakasunod sa kanila.
Blue. Glossy. Magara. Pamilyar.
Ito ang sasakyang nakita niya kanina kung saan nakasandal si Sir Wade. Napatuwid siya ng upo. Tuluyan na ngang napako ang mga mata roon. Inaninag niya ang nagmamaneho pero hindi niya makita. Pero ‘yong pakiramdam na tila nakatitig sa kanya ang kung sinuman ang sakay niyon ay hindi mabura-bura. ‘Yong dibdib niya para nang nagdadabog. Bigla na lang sinalakay ng kaba.
‘Sinusundan ba niya ako?’
Napapailing na natatawa siya sa naiisip. Sa dami ng pinuproblema, naisip pa talaga niya ang ganung bagay.
‘Ewan ko sa’yo, Tashi. Para kang timang.’
Binawi niya ang paningin. Sumiksik siya sa sasakyan at pinigilan ang sariling sumilip sa likuran. Pero sadyang may katigasan ang bungo niya. Sa muling pagsilip, nakita niya na lang na lumiko ang kotse pakanan hanggang sa tuluyan na ngang lumiit at nawala sa paningin niya.
Palayo nang palayo ang jeep, nagkahugis naman ang tila kahungkagan at panghihinayang sa dibdib.
Makikita niya pa kaya ito?
Ang bar lang ang masasabing common place na maaaring pagsalubungan ng mga landas nila. Ngayon, ‘di siya sigurado kung pababalikin pa ba siya ni Miss Sheena. Mas lalong alanganin kung sa mga paglilinis na gagawin nila ni Marie ay matotoka pa rin sa Verdant Heights.
Ang weird ng mga iniisip niya.
Weirdo at kailangang maalog at maalis sa utak. Dahil baka mamaya, maging isang hindi kapani-paniwalang pantasya.