CHAPTER TWELVE

1397 Words
THIRD PERSON: Tahimik lamang na kumakain si Althea, halos hindi naglalabas ng ingay ang kutsara’t tinidor niya. Ramdam niya ang bigat ng tingin ng kanyang ama, at nang mapansin nitong may sugat ang pisngi niya, agad siyang kinabahan. Baka tanungin siya… baka mas lalong humaba na naman ang sermon. Napatikhim si Don Ricardo, malamig ang tinig. “Mukhang mas lalo mong ina-upgrade ang pagiging matigas na ulo mo, Althea.” Napayuko siya, halos dumikit na ang noo sa pinggan. Ayaw niyang makipagtagpo ng tingin. “At gumawa ka pa talaga ng eksena. Nakipagbasag-ulerang babae ka pa.” patuloy na singhal ng kanyang ama, puno ng bigat at pagkadismaya. “Dad, hindi naman ako ’yong—” pilit niyang paliwanag, pero agad siyang pinutol ng malamig na boses ng ina. “Kaya Althea, buti na lang talaga naando’n si Silas.” singit ni Senyora Miriam, diretsong nakatingin sa kanya. Mas lalong napahigpit ang pagkakahawak niya sa kutsara, halos mabali ang hawakan nito. Ang inaasahan niyang pag-aalala, wala. Sa halip, tila ba ikinatuwa pa ng kanyang ina ang pagkakadikit ng pangalan niya kay Silas. “Naging usap-usapan na naman tuloy kayo ni Silas.” dagdag pa nito, may halong ngiti sa labi, na para bang natutuwa pa sa nangyari. Napakagat-labi si Althea, pigil na pigil ang emosyon. Imbes na damayan siya sa sugat na natamo, mas inipit pa siya ng kanyang mga magulang sa eksena nilang dalawa ni Silas—na ayaw na ayaw niyang mangyari. Ramdam niya ang pag-init ng tainga niya sa hiya at galit, pero pinilit niyang manahimik. Kahit gusto niyang sumigaw ng paliwanag, alam niyang wala itong saysay. Sa hapag-kainan na iyon, pakiramdam niya ay mas sugatan pa siya sa salita ng kanyang ama at ina kaysa sa pisngi niyang may hiwa. “Sobrang usap-usapan na kayo, hija,” ani ng kanyang ina, nakangiti pa habang sinasalinan ng sabaw ang sarili. “Mukhang kailangan niyo nang mag-set ng date. Mag-date kayong dalawa.” Nanlaki ang mga mata ni Althea, agad niyang nailapag nang padabog ang hawak na kutsara at tinidor. Umalingawngaw ang tunog sa hapag, dahilan para mapatingin sa kanya ang mga kasambahay na naroon. “Ano?! Hindi pwede!!!” halos pasigaw niyang bulalas, nanginginig ang tinig sa inis at pagkabigla. “Ayoko! Ni hindi ko nga siya gusto!” Napatikhim si Don Ricardo, malamig ang titig na nakabaon sa kanya. “Para namang may magagawa pa iyang pagmamatigas mo, Althea.” “Dahil sa mga kumakalat na balita.” dagdag pa ni Don Ricardo, mas mabigat ang boses. “’Yong nangyari sa hotel ni Silas… na kasama ka. At heto na naman, sa unibersidad pa mismo. Sabihin mo nga—may magagawa ka bang ipamukha sa publiko na wala kayong relasyon?” Napalunok si Althea, nanginginig ang mga kamay na nakahawak sa laylayan ng mesa. “Dad… hindi ko naman ginusto ang mga pangyayaring ’yon. Hindi ko kasalanan—” “Hindi mo kasalanan?” malamig na putol ng ama, nakakunot ang noo. “Althea, kahit anong paliwanag ang sabihin mo, ang nakikita ng mga tao ay ikaw at si Silas. At para sa kanila, iisa lang ang ibig sabihin niyon.” “Hindi ako papayag!” halos pasigaw niyang tugon, sabay tayo mula sa kinauupuan. “Wala kaming relasyon, Dad! At kahit pilitin niyo ako, hinding-hindi ko siya kayang mahalin.” Umalingawngaw ang malakas na paghinga ni Don Ricardo, at sa gilid naman ng mesa ay mapanuyang ngumiti si Donya Miriam, tila ba mas natutuwa pa sa inis ng anak. “Wala kang magagawa, hija,” mariing sabi ni Don Ricardo. “Habang lumalaki ang usap-usapan tungkol sa inyo, mas lalo mong pinapahamak ang pangalan ng pamilya natin.” “Kung ayaw mong masira ang lahat ng pinaghirapan ko,” dagdag niya, mabigat at mariin, “matuto kang sumunod. At kung ayaw mong ikaw mismo ang maging dahilan ng kahihiyan ng apelyido natin… itigil mo na ang pagtutol.” Halos mawalan ng hininga si Althea, nakatitig sa kanyang ama habang unti-unting gumuguhit ang luha sa kanyang pisngi. Hindi siya makasagot, hindi niya alam kung paano lalaban sa bigat ng mga salitang iyon—lalo na’t alam niyang sa bawat pagtutol niya, mas lalo lang siya nitong pinipigilan. Lalong namuo ang luha sa gilid ng mata niya, pero pilit niyang pinigilan na pumatak. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa mesa, parang doon siya kumukuha ng lakas para hindi tuluyang bumigay. “Dad…” halos pabulong pero mariin ang boses niya. “Bakit si Silas pa? Bakit laging siya ang gusto niyong ipilit sa buhay ko?” Tumigil sa pagsubo si Don Ricardo, at malamig na tumingin sa anak. “Dahil siya lang ang lalaking karapat-dapat sa ’yo. Siya lang ang kayang sumabay sa pangalan natin. At kung iniisip mong may saysay pa ang pagtutol mo—nagkakamali ka.” “Althea,” singit ulit ng kanyang ina, mahina pero puno ng bigat at diin. “Wala kang ibang gagawin kundi sundin ang desisyon namin. At kung ako sa ’yo, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo. Si Silas ang pinakamainam para sa ’yo—at para sa pamilya natin.” Napatayo si Althea, nanginginig ang mga kamay. “Tawag niyo bang pinakamainam ’yon para sa inyo? E ako? Wala ba kayong pakialam kung gaano ako nasasakal sa mga gusto niyo? Hindi ako manika na basta niyo na lang ilalagay sa tabi ng kung sinong lalaki dahil lang sa kapritso niyo!” Sandaling natahimik ang mesa. Tanging tik-tak ng orasan at mahinang tunog ng kubyertos ang naririnig. Mabigat ang hangin, para bang huminto ang paligid matapos ang mga salitang binitiwan ni Althea. Nanginginig pa ang kamay niya sa hawak na kutsara’t tinidor, habang mabilis ang t***k ng dibdib niya. Ngunit sa halip na makakita siya ng pag-unawa, mas lalo lang tumalim ang titig ng kanyang ama—parang matalim na kutsilyong nakabaon sa kanya. Ang kanyang ina naman, nanatiling nakaupo nang tuwid, nakakunot ang labi sa isang ngiti na hindi niya mabasa kung pabor ba o panunuya. At sa gitna ng kanilang malamig na mga titig, alam ni Althea… na kahit anong sigaw ng puso niya, wala talaga siyang kakampi sa sariling tahanan. ***** SILAS POV: Nalaman ko na magkakaroon ng auction sa unibersidad, at isa si Althea sa mga pintor na ilalahok. Alam kong kasama ang kanyang mga obra—at sa isip ko, wala nang dapat pang makabili kundi ako. Habang buhay ko, sa akin lang dapat mapunta ang bawat pintura niya. Kaya nang mabalitaan kong may auction, hindi ko na napigilan ang sarili ko; agad akong nagpunta sa unibersidad, mabilis at walang pag-aalinlangan. Pagdating ko, sinalubong ako ng direktor, si Robert, halata ang gulat sa biglaang pagbisita. “Gov… bakit po pala kayo napadalaw?” tanong niya, nagtataka habang pilit pinapakita ang respeto. Tumindig ako nang tuwid, iniayos ang barong ko, pilit na pinapakalma ang sarili kahit ramdam ko ang mabigat na t***k ng puso ko. Ang bawat hakbang ko, parang baon ng isang desisyon na hindi na mababali. “Nabalitaan ko,” sabi ko, mababa pero mariin ang tono, “na may gaganaping auction dito. At isa sa mga ilalahok ay si Althea. Tama ba ako?” Nagtagal ang tinginan namin. Si Robert, sandaling nag-isip, bago bahagyang ngumisi, parang alam niya na kung saan papunta ang usapan. “Opo, Gov,” sagot niya. Unti-unti akong ngumiti—hindi basta ngiti, kundi isang ngiting puno ng tiyak na kapangyarihan at lihim na pag-aangkin. “Gusto kong bilhin lahat ng painting niya,” mariin kong sabi. “Hindi ko na hihintayin pa ang mismong auction. Bago pa mailabas, akin na ang mga iyon. Gawin mong posible iyon, Robert.” Nanlaki ang mga mata ni Robert. Kita sa mukha niya ang halong gulat at kaba, pero mabilis din itong napalitan ng ngiting pilit na magaan. “Ah… Gov, medyo hindi po kasi basta-basta… pero—kung kayo ang magsasabi, gagawan natin ng paraan.” Tumikhim siya, saka bahagyang yumuko, parang nag-aalangan ngunit natutuwa na rin. “Malaking karangalan po para sa unibersidad na mapasama ang pangalan ninyo sa auction na ito.” Nanlamig ang paligid. Hindi ko na inalintana kung tama o mali ang gagawin ko. Wala akong pakialam kung labag iyon sa patakaran ng unibersidad—ang alam ko lang, hindi ko hahayaang may ibang tao na magmamay-ari ng kahit isang obra ni Althea. Ang mga iyon, tulad niya… sa akin lang dapat mapunta.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD