Chapter 2
Vince Castro alyas Boy Takbo
“Bibigyan kita ng livelihood project, Pogi! Sagot ko na pabahay mo!”
sabi ng baklang kawatan din pala.
“Hoy, Vin, patibong lang yan, huwag ka maniniwala diyan.’ Bulong ko sa sarili ko. Hindi nga siya maka-renta ng pang hotel, sa eskinita natambay para mambiktima, siguradong walang pangkabuhayan showcase yan, pabahay pa kaya. Hindi naman ako uto-uto. Minsan lang pero nag-iisip pa rin naman ako.
Sabi ng instinct ko ay Boy, takbo!
Tumakbo ako na parang hindi sumasayad ang mga paa sa lupa. Halos maunahan ko na ‘yung e-bike sa sobrang bilis ko. At sa kamalas-malasan nga ng gabi na ito ay hinabol ako ng aso. Kung saan-saan akong daan napadpad. Pati pader ay tinalon ko na para lang tantanan ako ng asong habol nang habol sa akin. Hingal na hingal ako matapos kong talunin ang kabilang bakod. Pag tingin ko sa pader ay nagulat ako. Paano ko nagawang makatalon sa ganito kataas na pader?
Tumingin ako sa paligid. Walang tao. Hindi ko alam kung nasaan na ako. Nasa isang yayamaning lowkey compound yata ako. Alam mo yun, yung mga second family ng mga high-profile sa lipunan na ayaw ilagay ang mga kabit nila at mga anak sa mga sikat na mamahaling village kaya sa mga patagong high class subdivision na ganito nila tinatago.
Mabuti na lang at nakapang delivery ako na uniporme sa loob kaya tinanggal ko ang jacket ko at kinabit ito sa aking bewang at lumabas ng subdivision na parang walang nangyari.
Pag-uwi ko sa bahay, sinalubong agad ako ni auntie. Nasa labas siya ng maliit naming barong-barong, nakasimangot at nakahalukipkip ng bisig. “Aga mo yata ah,” bungad niya sa akin.
Medyo nahihiya ako. Alam kasi niyang pagtapos kong maging errand boy sa bakeshop ay suma-sideline ako ng pag “pitik”, yan ang kalye term namin ng snatch. Kamot-ulo na lang ako dahil alam ko naman ang ibig niyang sabihin.
“Vin, tigilan mo na yan. Hindi ka ba nadadala sa uncle mo? May trabaho ka naman –”
Ipinatong ko ang kamay ko sa kanyang balikat. “Auntie, ikaw lang din naman ang inaalala ko. Ikaw lang ang nagmalasakit sa akin, gusto kitang iahon sa magulong lugar na ‘to–”
Hinawakan niya ang kamay ko na nakapatong sa kanyang balikat. “Vin, matanda na ako, hayaan mo na, sanay na ako sa ganitong buhay. Ikaw, bata ka pa, may pag-asang maayos ang buhay mo. Mag-aral ka–”
“Auntie…”
Napabuntong hininga na lang ako. Ang dami ko ng gustong sabihin pero pagod na ako. Saka tama naman siya.
Pumasok na lang ako sa loob ng bahay at humiga sa matigas na papag sa loob ng kwartong kurtina lang ang partition. Kahit pagod na ako ay hindi ako makatulog. Iniisip ko na talaga ang mag bagong buhay. Magpapa-alam siguro ako kay Ms. Via, ang amo ko sa bakeshop, na uutang muna ako sa kanya para pang tuition ko. Yun nga lang ang dami ko nang utang sa kanya, nahihiya na ako. Isa siyang single mom at manganganak pa kaya alam kong nag-iipon siya para sa panganganak niya at mga kakailanganin nilang mag-ina. Hay, bahala na.
Kinabukasan, gaya ng palagi, gumising ako ng alas syete para pumasok sa trabaho doon sa bakeshop. Gaya ng araw-araw, ang trabaho ko ay ang pagde-deliver. O kaya ay bili ng ulam ng amo kong buntis. O kaya uutusan niya ako ng kung ano-ano.
Hindi ko alam kung bakit sa lahat ng delivery ko, doon pa talaga sa sosyal na lowkey subdivision ako napadpad. Dun sa inakyatan kong mataas na pader.
Mainit ang tirik na araw. Pawis na pawis na ’ko, may hawak na paper bag ng milk tea at cake na hindi ko naman kayang bilhin para sa sarili ko. Errand boy sa umaga ng isang yummy gurang na may-ari ng bakeshop. Boy Takbo sa gabi. Ganito ang buhay ko, ilang taon na ang lumipas, nang una akong nakatapak sa Maynila. Galing akong probinsya pero dahil sa hirap ng buhay ay napilitang lumuwas dito, hindi ko naman akalain na mas mahirap pala ang buhay dito sa city. Habang nakikita ko ang mga naglalakihan at nag gagandahang mga bahay na dini-dileveran ko, may kirot sa puso ko na, bakit sila nakatira sa magandang bahay? Masipag din naman ako. Snatcher man ako pero napilitan lang. Bakit naman yung mga anak mayaman, mga pulitiko, bilyon-bilyon ang ninanakaw sa kaban ng bayan, bakit parang sila pa ang pinagpapala? Napaka unfair ng buhay.
Pero anong magagawa ko? kundi ang magtrabaho, kundi ay mamamatay ako sa gutom. Balang-araw, titira rin ako sa malaking bahay, bibilhin ang lahat ng gusto ko. Balang-araw…
Habang naglalakad ako sa gilid ng kalsada, napansin ko ang isang babae na parang may sariling ring light. Kumikinang siya. Mahaba ang buhok, diretso ang lakad kahit na parang nagmamadali. Nakasuot ng simpleng damit pero alam mong hindi ’yan nabibili sa tiangge. Pero ang pinakamaganda sa kanya?
Yung suot siyang diamond necklace.
Narinig ko na lang ang mabilis na yabag mula sa likod niya.
Isang lalaking mukhang hindi taga-rito. Kilala ko ang mga galawan ng ganun. Isang iglap, hinablot nito ang kwintas.
“Heeeey!” sigaw ng babae.
Automatic ang katawan ko na tumakbo. Hindi na ako nag-isip.
Tumakbo ako. Panay na lang ang takbo ko. Kaya nga binansagang — Boy Takbo.
“Pre! Ibalik mo ’yan!” sigaw ko habang hinahabol ang damuho.
Lumiko siya sa kanto. Lumiko rin ako. Nadulas siya sa bagong dilig na damuhan. Nadulas din ako pero mas magaling ako mag balance, para akong action star. Saka nadaanan ko na rin ito kagabi kaya Tumalon ako sa bakod na halos kasing taas ng tinalunan ko kagabi. May aso na namang humahabol sa akin. Anak ng teteng talaga naman.
“Hoy balik mo ‘yan. Ang aga-aga pa, tirik ang araw. Aga mo!” sigaw ko sa kanya.
“Tumahimik ka!” hingal niyang sagot.
Sa huli, nasukol ko rin siya sa may gate na hindi niya alam ay dead end. Hinablot ko ang kwintas mula sa kamay niya.
“Sa kabilang barangay ka mang-hablot. Huwag dito,” bulong ko pagkatapos ay lumapit na ang dalawang security guard.
“Ikaw na naman?” sabi ng isang guard na tinutukoy yung lalaking nahuli ko at binitawan ko na ang lalaki.
“Bahala na po kayo, sir,” sabi ko sa mga gwardiya.
Iniwan ko na sila at bumalik sa kinaroroonan ng babae. Pagbalik ko, nandoon pa rin siya. Nakakunot ang noo. Hindi siya mukhang takot. Mukha siyang galit.
Inabot ko sa kanya ang kwintas. “Miss, sa inyo yata ’to.”
Hindi niya agad kinuha. Tinitigan niya muna ako mula ulo hanggang paa.
“Sino ka ba?” mataray niyang tanong. “Baka kasabwat ka lang niya.”
Napakunot din ang noo ko. “Hindi noh,” sagot ko.
“Kung kasabwat ako, edi sana tumakbo na ’ko dala ’to,” sagot ko, sabay simangot.
Kinuha niya ang kwintas, pero hindi pa rin natinag ang talim ng titig niya sa ’kin. “Alam mo ba kung magkano ’to?”
“Hindi. Pero alam kong hindi bagay sa kamay ng magnanakaw,” sagot ko.
Sandaling katahimikan.
“Freya Martin,” sabi niya.
“Martin? Kaano-ano mo si Mayor Romeo Martin?”
“He’s my dad,” sagot nito na nakataas ang kilay.
Nagbibiro lang sana ako eh. Pero sa itsura niya at ayos niya, pati pormahan, ang kutis, hindi makaka-ila na anak mayaman naman talaga siya.
Anak ng mayor.
Tumango lang ako. “Okay.”
“Okay?” Ulit niya, parang hindi sanay na hindi kilala o pinapansin.
“May delivery pa ’ko, Miss Martin. Ingat na lang next time.”
“Hindi ka naniniwala noh?” halos pasigaw niyang tanong.
“Naniniwala naman. Pero bakit kasi naglalakad ka sa katanghaliang araw? Wala ka bang sasakyan? Hindi ba nakakurakot si mayor for today?” pang-iinis ko. Sa totoo lang ang cute niya kasi, parang batang ang sarap asarin. At tama naman ang ginawa ko. Kuhang-kuha ko ang inis niya. Naka kunot ang noo niya at tinaasan ako ng kilay. Nag halukipkip ng bisig at parang batang nagta-tantrums.
Medyo bumaba ang kilay niya at napangiwi na lang.
‘Well. tumatakas kasi ako,” sabi niya na halos pabulong at medyo naka yuko ang ulo. Nahihiya siya.
“Tumatakas? Ninakaw mo siguro ‘yang kwitas na ‘yan
“Ok. Pasensya na mam. Galit na galit na yung nagpapa deliver. Yare na naman ako sa amo ko,” sabi ko sa kanya at sa aktong tatalikod na ako ay hinablot niya ang laylayan ng aking damit.
“Wait lang, may offer ako sa’yo. Pwedeng magpa bago ng buhay mo—”
Napahinto ako, parang narinig ko na ‘yan kagabi lang. Muli ko siyang hinarap para tanggihan.
“Pasensya na ate, pero babae ka ba talaga?” tanong ko.
Lumukot ang mukha niya. Galit na naman.
“What do you mean?” pagalit niyang tanong.
“Patingin nga baka mas malaki pa kargada mo sa’kin–”
“What!” Lalong nanggagalaiti siya sa inis.
“Joke lang. Anong offer ba ‘yan?” tanong ko.
Bigla siyang ngumiti na parang may kalokohang naiisip. “Gusto mo bang…”
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…