Her POV
Napalinga-linga lang ako sa buong paligid habang tinitignan ang madaming tao. Hindi talaga ako sanay sa mga ganitong party lalo na’t hindi naman talaga ako naka-experiece ng ganito. Isipin mo ang daming mga mayayaman na tao na nandito tapos heto ako na taong naghihingalo sa middle class, yung onting ihip na lang sa amin mawawala na kami sa middle class.
“Ayusin mo nga yung sarili mo Kim, ang ganda-ganda ng suot mo eh,” sambit sa akin ni Sam.
Napalunok lang ako habang nakahawak sa kaniyang bewang. “Hindi kasi ako sanay sorry, ang taas pa nung heels ko. Bawal ba mag sneakers na lang ako?” tanong ko sa kaniya. Napatawa naman siya nang mahina na para bang katawa-tawa yung sinasabi ko sa kaniya.
“Seryoso ka?” tanong niya. “Ang ganda-ganda ng dress mo mag-i-sneakers ka lang. Okay lang ‘yan. Masasanay ka din mamaya,” sambit niya. Napasinghal lang ako habang nanatiling nakahawak sa kaniya. Maya-maya ay bigla namang lumapit sa amin si Kris hawak-hawak ang isang bouquet ng bulaklak at binigay kay Sam.
“Wow naman, nag-abala ka pa talaga,” sambit ni Sam sa kaniya. “Himala ata kasama mo ito, buti napapayag mo?” natatawang sabi ni Kris sa akin. Napairap na lang ako habang nanatiling nakahawak kay Sam.
“Eh syempre kailangan nandito siya ang dami na kaya nito sa aking utang na celebration,” sambit ni Sam sa akin.
“You look good sa dress mo, ang galing may taste ka din pala sa fashion,” natatawa niyang sabi sa akin. Inirapan ko lang siya dahil sa kapilyuhan niya.
“Baliw, pinilit pa ‘yan ni Mom eh, ayaw pa nga buti na lang napapayag pa,” sambit ni Sam. “Sabi sa ‘yo ‘di ba bagay sa ‘yo,” nakangiti niyang sabi.
“Happy birthday Sam,” bat isa kaniya ng iba niyang kaibigan.
“Sige, puntahan ko lang yung ibang bisita ko, don’t worry babalikan ko kayong dalawa,” sambit ni Sam sa amin. Napangiti naman ako sa kaniya sabay napatango-tango. Agad namang inilahad ni Kris ang kamay niya upang alalayan ako dahil nakikita niya na hirap na hirap akong mag lakad.
“Doon na tayo sa inuupuan ko kanina,” sambit niya sa akin. Napakapit lang ako nang mahigpit kay Kris dahil nakakahiya naman kapag natumba pa ako dito tapos nakita ng mga tao ‘di ba.
“Alam mo, para kang tuod maglakad, ayusin mo nga yung lakad mo ang ganda-ganda ng ayos mo, hindi mo naman inaayon yung lakad mo sa suot mo,” seryoso niyang sabi sa akin.
“Wow, sorry ah, hindi naman kasi ako sanay na magsuot ng mga heels, hindi ko alam bakit kailangan pa akong pasuotin ni Tita. Kanina nga muntik na ako madulas nung naglalakad ako pababa sa hagdan nila eh tapos pinasuot pa din sa akin,” sambit ko sa kaniya. Hindi ko alam kung kaibigan ko ba itong lalaking ito dahil imbis na kaawaan ako, pinagtatawanan ako. “Wow ah, muntik na ako mabalian ng buto kanina o maumpog yung ulo ko pero tawa ka pa din nang tawa.”
“Malamang, sino ba naman hindi matatawa, yung pinilit ka na nga lang tapos gagawa ka pa ng katangahan.”
“Hindi kasi katangahan ‘yun, it’s just that hindi talaga ako sanay maglakad sa ganitong ayos.”
Nakarating na kami sa table niya kaya umupo na ako doon at pinahinga ang paa ko dahil sa sakit. Habang nakaupo kaming dalawa, napatingin ako sa dami ng tao. Makikita mo talaga na lahat sila alam yung pinupuntahan nila kasi makikita mo sa suot nila, sa ayos, at itsura alam mong alam na alam nila ang ginagawa nila.
“Grabe ganito ba talaga kapag mayayaman ang nagce-celebrate, tignan mo ang lalaki ng chandelier tapos ang gaganda pa ng suot nila,” sambit ko sa kaniya.
“Formal theme kasi kaya ganito.”
“Eh bakit hindi sila naka-tuxedo, kung formal theme pala, bakit lalaki lang?” bigla naman niya akong binatukan na para bang meron akong maling sinabi.
“Aray ko naman, grabe ah sobra ka na ang sakit no’n,” sambit ko sa kaniya.
“Baliw ka eh, malamang ganiyan ang formal wear sa party. At tsaka ayaw mo iyon, maganda naman dito ah, tapos meron kang makikilala na bagong mga tao.” Napalibot muli ang paningin ko sabay napailing-iling.
“I don’t think so sa makakakilala, tignan mo naman sila alam mo na meron na silang sariling group at kapag pumasok ka sa group nila for sure makakatanggap ka ng mga judgement. Isa pa saling ket-ket lang naman ako dito, okay na din para kahit papaano ma-experience ko din yung ganitong bagay.”
Nagulat naman ako ng biglang may nag-abot sa amin ng red na inumin. Napakunot lang ang noo ko at tinignan iyon. “Ano ito?” tanong ko sa kaniya.
“Red wine ‘yan.”
“Eh bakit ganito agad? Hindi pa naman tayo kumakain,” sambit ko sa kaniya. Binaba ko lang ang wine at napalinga-linga sa paligid. Napatingin naman ako sa kabilang dako kung saan nakita ko ang nagkukumpulan na mga babae doon na hindi ko alam kung bakit nila ginagawa.
“Ano meron doon?” tanong ko sa kaniya.
“Ah, andito na kasi yung isa sa sikat na tao.”
“Ay may artista na kaibigan si Sam? Hindi ko alam ‘yun ah ang tagal na naming magkaibigan.” Napatawa lang naman siya sa akin na para bang biro ang sinasabi ko.
“Alam mo, you need to expose yourself more in this kind of gathering, nagiging clueless ka sa paligid mo.” Napakunot naman ang noo ko dahil sa kaniyang winika.
“Nagtatanong ako nang maayos eh, hindi mo ako sinasagot ng matino,” sambit ko sa kaniya.
“Hindi, kasi hindi naman siya totally artista, but kilala siya lalo na sa mga ganitong group kasi yung family nila owns the largest tech company here in Asia.” Napatingin naman ako ulit sa nagkukumpulan sabay napatango-tango. “Alam mo, naging ka school mate natin ‘yan nung high school tayo eh.” Napakunot muli ang aking noo dahil sa pagkalito sa sinabi niya. Hindi ko alam kung masyado ba talaga akong clueless sa mga bagay-bagay o sadyang wala lang talaga akong interest at naka-focus lang ako sa pag-aaral.
“Totoo ba? Eh yung school naman natin dati hindi naman ganon ka exclusive paano’ng mag-aaral ang isang sikat na sinasabi mo at hindi anak ng isang pamilya na nagmamay-ari ng tech company?” tanong ko sa kaniya.
“Hindi ko kasi siya masyadong nakakausap before eh pero alam ko hindi pa naman siya pinakilala that time na anak nila. Actually, that family is full of mystery like for real, pero hindi natin sila masisisi, ang yaman nila so talagang itatago nila ang identity nila.”
“Wait lang, paanong hindi pinapakilala?” tanong ko sa kaniya. Hindi ko alam na napaka-interesting din pala ng ganitong kwento sa akin ah.
“Basta alam ko, parang they considered him as a black ship of the family pero siya kasi yung tagapagmana eh so as a consequence or para matuto siya, hindi na siya pinasok sa exclusive school kasi masyado siyang chick boy, like chick magnet talaga siya, parang anytime iba-iba ng babae. Pupunta sa bar, then kinabukasan makikita ng parents niya especially his Mom, na as in walang damit kasama yung babae niya.” Napahawak na lang ako sa aking noo dahil sa mga revelation ng bwisit na lalaking ito.
“Grabe ah, tsismoso ka talaga ever since ah,” sambit ko. “Tindi mo pa sa akin kumuha ng tsismis.” Iling-iling na sabi ko.
“Sorry ang kwento lang ang lumalapit sa akin,” natatawa niyang sabi.
“Pero ano’ng nangyari naging good son ba siya? Isa pa bakit siya lang ang tagapagmana wala ba siyang kapatid?” curious ko. “Kasi kung ako lang ha, nako ibibigay ko sa ibang kapatid niya ang mana if hindi naman niya iha-handle ng maayos yung business.”
“But you’re not his parents,” sambit niya sa akin. “Alam ko sa apat na kapatid, siya lang ang lalaki eh, pangalawa siya so meron pang dalawang bunso na babae siyang kasunod.”
“Oh, bakit hindi nila ibigay sa Ate niya?” tanong ko sa kaniya.
“Well, syempre siya ang lalaki, so siya ang may kakayahan na ipasa yung pangalan at lahi niya,” sambit niya sa akin. Napatawa naman ako dahil sa wala ka-kwenta-kwentang dahilan.
“Seryoso ba yung parents niya? Napaka old school naman no’n, parang dati pa iyon na paniniwala ah, kaya na kaya ng mga babae mag-lead at tsaka hello nasa Pilipinas sila,” sambit ko sa kaniya.
“But his not a full Filipino, alam ko ang Dad niya pure German eh,” sambit niya sa akin. Napaawang naman ang aking bibig sabay napatango-tango.
“Ah kaya, pero hindi din ba uso sa German ‘yun?” tanong ko sa kaniya.
“Well, syempre malaki na ang business nila, ang gusto ng Dad niya for sure apelyido pa din niya ang hahawak sa company niya. So hindi natin siya masisisi.” Napatango-tango na lang ako dahil sa sinabi niya. Well, meron naman talaga siyang point doon.
“So ano naging maayos na siya nung nag-aral siya sa school natin?” tanong ko.
“Puro ka kasi aral dati kaya hindi mo alam ang nangyayari, kilalang-kilala na nga siya sa school eh, ikaw lang hindi. Pero hindi, paano ba naman parang siya din ang nilalapitan ng mga babae so wala kung ano ang routine niya dati ganon din ang routine niya ngayon. Ito pa ah,” lumapit siya sa tenga ko at may binulong.
“Sabi meron daw siyang nabuntis nung 18 siya, ayaw nga bitawan nung babae kasi syempre maganda na yung lahi eh tapos mayaman, alam mo ang ginawa ng Nanay niya, ayon binayaran yung babae tapos syempre yung Nanay niya yung nagpasya na doon na ipalaglag ang bata, so parang kabayaran na din sa bata so dapat ipalaglag niya iyon.”
“Ano’ng ginawa ng babae, pinalaglag niya yung bata?” tanong ko sa kaniya.
“Hindi ko alam eh, pero ang dami na kasing kwento-kwento na lumabas na hindi daw pinalaglag tapos lumayo lang, meron naman sabi pinalaglag niya bago siya lumayo. So hindi na namin alam, tapos naglabas pa sila ng statement na hindi daw totoo na may anak siya so ayon.” Napatango-tango lang ako dahil sa kwento na sinasabi niya.
“Grabe ka, ang dami mong alam na issue sa kaniya ah,” sambit ko sa kaniya.
“Pati si Sam alam iyon, trust me ikaw lang ang hindi nakakaalam no’n,” wika niya sa akin. Napahinga lang ako nang malalim dahil sa sinabi niya. “Wait lang puntahan ko lang si Sam mukhang kanina pa nag-start eh tanong ka kasi nang tanong,” sambit niya sa akin.
“Ay wow ah, ikaw yung nagku-kwento eh,” sambit ko sa kaniya. Hindi na niya ako nilingon at nagmadali lang na tumungo kay Sam. Napatingin muli ako sa pwesto na iyon, madami pa ding nakakumpol doon, gusto ko nga makita yung mukha niya kasi napaka-interesting ang kaso madami kasing nakaharang.
“Sino ka ba?” tanong ko sa sarili ko. Napahawak ako bigla sa noo ko dahil sa tanong ko. “Tignan mo ‘tong si Kris ang haba ng kwento pero hindi man lang sinabi yung pangalan, walang kwentang tsismoso.”