Hinalikan ako sa labi! Punyetang lalaking 'to!
Sa sobrang gulat ko, ilang segundo pa ang nagdaan bago ko siya naitulak nang malakas tsaka kinwelyuhan!
"Punyeta kang kapre ka! Etong sa'yo!!!"
Sinuntok ko siya nang malakas sa kanang pisngi niya. Napalilibutan na kami ng mga chismosa naming schoolmates dahil sa ginawa kong 'yon.
"A-Aray! I-Ikaw kasi eh! Kahilig mong manapak!" reklamo niya habang nakasalampak sa sahig.
"Ako pa ang sisisihin mo! Gago!" sabay sipa sa kanya. "Kahit best friend kita, hindi ko hahayaang bastusin mo ako!" sabay sipa ulit.
Ilang sandali pa ay narinig naming lahat ang pito na kinatatakutan ng mga taong tulad ko.
Uh, oh...
"Kayong dalawa! Anong kaguluhan yan?!" tanong ng isang teacher na napadpad sa 'min.
No!!! Yari na naman ako nito kay Tatay!!!
Walang nagsasalita sa aming dalawa.
"Hayy, nako. Kayong mga bata kayo. Sumama kayo sa akin!" sabi nya nang umiiling iling.
Kahit na hirap na hirap gumalaw ay pinilit pa ring tumayo ni Mike at saka sumunod kami sa teacher na ito papunta sa desciplinary office.
Isa lang ang sigurado ko.
Lagot ako sa Tatay ko.
Bye-bye PSP.
Bye-bye Gadgets.
Pagkarating namin sa disciplinary office, naupo sa harap ng table ang teacher na nakahuli sa amin. Umupo na rin kami ni Mike sa upuan sa harap ng table nang magkaharap.
"Sinong nagsimula ng gulo na ito?" tanong ng teacher.
"Siya po," sabay naming sabi ni Mike habang tinuturo namin ang isa't-isa.
"Anong ako?! Ikaw nga itong nanuntok at nanipa sa akin eh!" sabi sa akin ni Mike.
"Ikaw naman talaga eh! Hinalikan mo kasi ako!"
"Eh kasi, sinasapak mo ako!"
"Eh ang bastos mo eh! Bakit kasi sinasabi mong flat-chested ako?! Gago ka pala eh!"
"Gago ka rin! Totoo naman ha?!"
"Enough!!!" sigaw ng teacher sa amin sabay palo sa table niya.
"Sumasakit ang ulo ko sa inyong dalawa. Mamaya, pagkatapos ng klase niyo, linisin nyo ang stock room. Maliwanag?!"
"Opo." mabait at nakayuko naming sabi pareho ni Mike.
Natapos ang klase at kinukulit ako ni Mike. Kanina pa siya sorry nang sorry pero hindi ko pa rin siya kinakausap.
Papunta na kami sa stock room ngayon at panay ang kalabit niya sa akin habang naglalakad kami. Sorry pa rin siya nang sorry.
Pigilan niyo ako! Masasapak ko na naman 'to!
Hanggang sa nakarating kami sa stock room, ganun pa rin siya! Ayaw akong lubayan. Hindi ko na lang pinansin lalo. Kunwari, may hangin lang na sumusunod sa akin.
Isa pa, nakaka-stress 'tong stock room na 'to. Napakaraming alikabok. Nagkalat ang mga papel. Jusko!
Habang pinupulot at inaayos ko ang mga nagkalat na test papers, research papers at kung anu-ano pa, umupo sa tabi ko si Mike.
"Sorry na kasi, mangkukulam. Kasi ikaw eh. Ang hilig mong manapak..."
Namumuro na sa akin 'to ha. Mamaya papaliparin ko na 'to sa langit nang lumubay!
"Totoo naman kasing flat-chested ka eh." dagdag pa niya.
Napapikit na ako sa inis dahil sa huli niyang sinabi.
"Mike!!! Isa na lang ha! Bi-Bingo ka na sa kin! Isa na lang talaga, at pupulutin ka na ng pamilya mo sa ospital kapag hindi ka pa lumubay!!!" sigaw ko sa kanya.
Lumayo na siya at naglinis na lang nang tahimik.
Napasinghap ako. Salamat naman at magiging payapa na ang kapaligiran ko.
Natapos na kaming maglinis at hindi kami nagpapansinan. Habang naglalakad sa hallway palabas ng school, nasa magkabilang gilid kami ng daan. Nasa kaliwa siya at ako naman ay nasa kanan. Pakiramdam ko kasi, oras na lumapit siya sa akin, sasabog kami at mabubugbog ko siya nang di-oras.
Hanggang sa makasakay na kami ng jeep. Nasa harap ko siya at nakatingin a akin habang nagpu-puppy eyes. Nakakadiri. Gusto kong sumuka sa harap niya.
Pagkababa namin ng jeep, mabilis akong naglakad papunta sa bahay namin.
"Good Afternoon, dude. What's up?"
"Watsap watsap ka dyan! Lubayan mo ako Gregorio, ha! Kapag ganitong mainit ang ulo ko!" sabi ko sabay balibag ng gamit ko sa sofa.
Nawala ang ngiti sa labi ni Kuya. Sumunod pala sa akin si Mike.
"Huy. Sorry na kasi," sabi niya. Nakaupo ako sa sofa at hinuhubad ang sapatos na suot ko.
"An'tawag d'yan? LQ?" singit ni Kuya.
Tiningnan ko siya nang masama.
"Kadiri!" sabi ko sabay irap dito.
"Sorry na kasi. Nainis lang naman ako kaya ginawa ko 'yun eh."
Tumayo ako at ibinato sa kanya 'yung medyas na kakahubad ko lang.
"Yuck!" rinig kong sabi ni Kuya bago humagalpak ng tawa nang makita ang ginawa ko.
"Ikaw din, Gregorio! Hanggang mamaya, bibingo ka na sa akin!" pagbabanta ko sa kan'ya habang itinuturo ko siya.
Naglakad na ako papunta sa kwarto ko at ang buntot kong si Mike ay hindi pa rin lumulubay.
"Sorry na kasi!"
Padabog ko siyang pinagsarhan ng pinto. Pagpasok ko, nahiga ako sa higaan ko at tinakpan ang mukha ko ng unan.
Pagkatapos kong gawin ang ginawa ko habang nakatakip ang unan sa mukha ko, nagbihis na ako ng usual kong suot. T-shirt na maluwag at short. Syempre. Hindi mawawala yung cap sa ulo ko. Kinuha ko ang bola sa ilalim ng higaan ko at lumabas ng kwarto.
"At saan ka pupunta, brad?" bati sa akin ni Tatay.
Hindi ako nakatingin sa kanya. Habang naglalakad ako, dini-dribble ko lang ang bola at hindi ko sila binibigyan ng pansin pero naiimagine ko na naka-pamewang si Tatay habang matalim ang tingin sa akin.
"Sa court, brad. Sama ka?" tanong ko.
"Hindi ka pwedeng lumabas. Gawin mo muna ang assignments mo at ibigay lahat sa akin ng gadgets mo." maawtoridad na sabi ng ama ko. Napatingin ako ng di-oras kay tatay.
Narinig ko ang malakas na hagalpak na tawa ni Kuya na para bang iyon ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Tiningnan ko siya nang masama bago nagpa-cute kay Tatay.
"Brad naman! Kala ko ba besprens por layp tayo? Wag ka namang ganyan!"
"Besprens por layp nga tayo, brad! Pero ang mga bespren, hindi hinahayaang gumawa ng kalokohan ang bespren nila! Lalo na kapag anak ng kaibigan ng bespren por layp mo ang naargrabyado." paliwanag ni tatay.
Ano daw? Gulo, ah? Inirapan ko na lang si tatay.
"Bakit mo na naman binugbog si Mike?" seryosong tanong ni Tatay.
"OA naman, brad. Binugbog agad? Wala namang black-eye eh! Hindi naman siya naging kamukha ni Vhong Navarro ha?" pamimilosopo ko.
"Gabriella Manlapaz!!!"
Kapag ganyang binanggit na ng ama ko ang buong pangalan ko, nako. Matakot ka.
"Psh. Oo na brad!" sabi ko at padabog na pumasok ulit ng bahay at kinuha lahat ng gadgets ko sa kwarto ko.
Mga mahal kong gadgets: PSP, PS3, MP3, Portable DVD player, gameboy, at kung ano ano pa, pangako maibabalik ko kayo sa akin sa lalong madaling panahon.
Nagmamahal, Gab.
Inilabas ko na ang mga gadgets ko at inilapag sa lamesa.
"Ayan na, brad! Sama maging masaya ka sa pagkuha ng kaligayahan ko!" pagdra-drama ko, kunwari. Kadiri.
"Kadiri ka, dude. Sawang-sawa na akong marinig lahat ng yan sa tuwing kukumpisin ni Brad yung gadgets mo. Manahimik ka na lang. Hindi na bebenta yan!" pangontra ni Kuya.
Inirapan ko na lang si Kuya sa sinabi niya. Ano ba 'yan, hindi na rin gumana 'yong kadramahan ko?
"Wag ka ngang madrama, brad. Tss. Maibabalik mo lang lahat sayo 'to kung magtitino ka na! Hindi mo bubugbugin si Mike, walang line of 7 sa card at higit sa lahat..."
"That's too much brad! May isa pa?! Ano na naman?"
"Uy, English. Bago yan ha?" sabi ni Tatay. Tiningnan ko naman siya ng masama. "Last, Makikipag-kaibigan ka sa mga kaklase mo."
"Ano?! Sa mga inutil na yon?! Wag na uy. Kadiri. Sa'yo na lahat ng gadgets ko! Di mo naman magagamit yan, brad. Sige." sabi ko at pumasok na ako sa kwarto ko at natulog na lang.